Tuesday, April 29, 2008

Pustahan Tayo

Pustahan tayo. Oo, ikaw nga. Ikaw na kasalukuyang nagbabasa ng post na ito. May kakilala, kaibigan, kababaryo, o kamag-anak kang OFW ano? Tama ako ‘di ba? Ngayon, tingnan mo ang oras ngayon sa bahaging kanang ibaba ng iyong computer at kapag alam mo na kung anong oras na, hulaan mo kung ano ang ginagawa niya sa ibang bansa sa oras na ito.

Tama ka. Maaaring siya ay naglalampaso ng magarang ‘flat’ sa Kowloon, naghuhugas ng plato sa isang restoran sa Boston, o baka naman nanlilimahid sa grasa sa Riyahd.

Teka, matanong nga kita,... ano ba ang impresyon mo sa mga OFW? Mga meteryalistiko ba at mukhang pera (dolyar)? O mga biktima lamang ng labis na kahirapan ng buhay sa bansa? Alinman dito ang iyong palagay, tiyak ko na kung hindi ka nakikisimpatya ay naiinggit ka sa kanila. At kung naniniwala ka na sila ay ultra materyalistiko at mukhang dolyar, nasubukan mo na bang ugatin ang kanilang naging desisyon sa kanilang pang-kabuhayang kalagayan dito sa Pilipinas?

Sa maniwala ka o hindi, karamihan sa ating mga OFW ay hindi rin kampante sa ganoong buhay. Sagad sa hirap at malayo sa minamahal. Ngunit lahat sila ay umaasa na sana ay dumating ang panahon na magwawakas din ang eksodo ng mga migranteng manggagawa at sila ay maka-balik na sa lupang tinubuan. Kailan kaya darating iyon?

Naaalala ko tuloy ang mensahe sa isang poster na nabasa ko sa isang NGO office: “I dream of a society where families are not broken up by an urgent need for survival”. Maniwala ka, ganito rin ang mensaheng kipkip sa dibdib ng lahat nating kababayang OFW. Sa Madrid, sa Canada, sa China, etc.

Pero kahanga-hanga ang kuwento sa atin noon ng isa nating kakilalang medtek. Sa Amerika raw siya pinagta-trabaho ng kanyang Daddy. “Ano ang gagawin mo dito sa Mindoro, magiging taga-eksamin ka lang ng ihi ng Mangyan?” Bulyaw sa kanya ng matanda. “E,..Ano naman ang kaibahan ng ihi ng Amerikano sa ihi ng Mangyan?” tanong ng alibughang anak. Muntik na tuloy atakihin sa puso si Daddy!

At binabati ko kayong mga migranteng manggagawang Pilipino ngayong Mayo a-Uno na bumisita sa blog na ito ng isang makabuluhang Araw ng Paggawa!

Pero pustahan tayo ulit. Sigurado akong wala kang makikitang babaeng Intsik (na taga Hong Kong) na kasambahay o yaya ng sinumang mayamang pamilya sa Dona Consuelo Subdivision. Hindi ka makakasumpong ng kahit isang Koreanong piyon sa ginagawang tulay sa Concepcion, Calintaan ngayon. Wala kang maite-teybol na batam-batang Haponesa sa red light district sa Pag-Asa (o sa “Gitna”). Hindi ka rin makakakita ng Amerikanang nars na nag-aalaga ng pasyenteng magsasaka sa district hospital sa Murtha.

Piso mo tama barko. Hinding-hindi ka mananalo sa ating pustahan!

Friday, April 25, 2008

Hayuma...Hubileyo...Hamon

Naghahayuma ang mga magingisda kapag masama ang panahon, matumal ang huli at iba pang pagkakataong nagbibigay sila ng panahon para sa panibagong paghahanda hindi lamang ng kanilang lambat kundi ng kanilang sarili. Kaya sa bawat punit sa lambat na kanilang hinahayuma ay pagsasariwa ng kanilang karanasan sa laot,.. sa panghuhuli ng isda,- maliit man o malalaki, matumal man o sagana. Ang bawat pagtatapos ng panahon ng paghahayuma ay isang panibagong hamon. Ganyan ko pinagnilayan at inilalarawan ang katatapos na Apostolic Vicariate of San Jose Pastoral Assembly 2008 na dinaluhan ng mga pari, lider-layko at mga madre ng Bikaryato.

Natapos kaninang tanghali ng halos limang araw na asembleya na ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center (SILFC) sa bayan ng San Jose. Nagsimula noong Lunes (Abril 21) ang makasaysayang pagtitipon na may temang, “Pagsasalo ng Pamilya sa Hapag ng Pananampalataya”.

Naging tampok dito ang muling pagtatalakay sa mga present concern katulad ng Pamayanang Kristiyano (PAKRIS)/Basic Ecclesial Communities o BEC, programang pastoral at mga usaping kaugnay ng rekurso o resources. Ang nasabing event ay inilunsad sa diwa ng ika-25 Taon o Silver Jubilee ng ating paglalakbay bilang isang lokal na Simbahan. Naging participants dito ang more or less 120 delegates mula sa labing pitong parokya, labing isang bayan at apat na Vicariate’s Forane (VF) sa Occidental Mindoro.

Kagaya nang aking binabanggit sa itaas, nalalapit na kami sa Hubileyo ng pagkakatatag ng aming Simbahan simula nang ito ay maihiwalay mula sa Bikaryato Apostoliko ng Calapan noong ika- 2 ng Hulyo, twenty five years ago.

Sa homiliya ng aming Vicar General na si Msgr. Ruben S. Villanueva (AKA “Fr. Jun”) sa Misang Pasasalamat kanina, sinabi niya na ang aming misyon ay hindi upang i-proclaim ang aming mga sarili kundi si Hesus. As usual, may diin at alingawngaw ang kanyang tinig: “..Huhulihin natin at lalambatin ang mga bagay na hindi natin nahuhuli at nalambat sa nagdaang dalawampu’t-limang taon!!...” at sa aking kinauupuan ay napabulong ako't napalunok, “.... so help us God.”

Wednesday, April 23, 2008

Vic, Dondon at Aida

Hindi pa rin nakakauwi dito sa Mindoro ang aking mga kaibigan at kasamang manggagawa sa Bikaryato Apostoliko ng San Jose na sina Vic Barrios at Norberto “Dondon” Eugenio, Jr. Sina Vic at Dondon ay mga program host ng dalawang kilalang entertainment (musical) program ng DZVT na may malawak na following sa buong MIMAROPA. Si Vic ang may hawak ng top rated “Dial 1369” at si Dondon naman ang ang anchor ng “Text and Request”, mga panghapong programa sa istasyon ng radyo na pinapangasiwaan ng Social Communication Apostolate ng Simbahang lokal.

Silang dalawa ay kabilang sa may tatlumpu’t-walong mga pasahero ng M/V Aida-I ng San Nicolas Shipping Lines na lumubog sa karagatang nasasakupan ng South China Sea noong araw Lunes (Abril 21, 2008) bandang alas-dose ng tanghali. Halos tumagal sila ng apat na oras na palutang-lutang sa karagatan hanggang sa mailigtas sila ng isang Australian cargo vessel na M/V Lowland na napadaan sa maalong karagatan. Ang Aida -I ay isang malaking pump boat na umano ay kargado ng kalakal at pasahero kaya ito lumubog. Ang mag-buddy ay galing sa coverage ng “Awitan sa Pamayanan” sa Brgy. Edupoy, Algeciras, Palawan na tinangkilik naman nang mga taga-roon at naging isang successful event prior to the incident. Pauwi na sila noon dito sa San Jose nang ito ay lumubog, wala pa silang limang oras na naglalayag paalis sa pantalan ng Edupoy.

Casualty sa sea tragedy ang isang Blandina Dangkal Dundun ng Manamoc, Concepcion, Palawan. Tatlo katao pa ang kasalukuyang nawawala habang 34 katao naman ang nailigtas na nagtamo lamang ng mga sugat, pasa at gasgas sa katawan. Kanina ay nagpasya silang sumakay muli sa isang pampasaherong pump boat at inaasahang darating bukas (sana naman ay wala nang aberya silang maranasan!).

Inulan ng iba’t-ibang mga mensahe mula sa kanilang mga tagahanga (listener) ang text line ng DZVT mula pa noong Lunes hanggang kahapon na nagpapahayag ng mga mensahe at panalangin para sa dalawang nilalang na bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sa kabila ng karanasang ito, alam ko na sina Vic at Dondon ay hindi titigil sa pagsusumikap na marating at makapiling ang kanilang mga tagahanga at tagapakinig sa mga “tawid-dagat” na lugar na naaabot ng DZVT. Mas naipakita nila ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa inyo hindi lamang sa pagbibigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagbati at biruan, sa pagpapatugtog ng mga paborito ninyong awitin, mga request at dedication at iba pa sa himpapawid. Ipinakita nila ito through testing the waters, wika nga,.. sa pagsuong sa malakas na amihan (sakay ng bulok na pampasaherong bangka!). Mas lalo silang hahangaan ngayon ng kanilang mga tagapakinig at kaiinggitan ng katulad nilang mga entertainment DJs and hosts sa lalawigan na 'di pa naranasang maka-hulagpos sa kanilang comfort zones. Kagaya ng isang seasoned warrior na mas hinahangaan sa actual combat,…. kung papaano niya nagapi ang kanilang mga kalaban,….kaysa sa panahong tinatanggap niya ang kanyang medalya at tropeo at iba pang cosmetic na parangal.

Tayong mga social communicators ay hindi dapat nadadala. Dahil kapag tayo ay nadala, nakakahiya sa Diyos na humirang sa atin sa gawain (trabaho) at bokasyong ito. Baka isipin Niya na hindi tayo nagtitiwala sa kanya. Pagtitiwalang may pagsunod sa Kanyang kalooban.

Friday, April 18, 2008

Dadalaw sa Amin si GMA

Opisyal na tiniyak kanina ni Governor Josephine Ramirez-Sato sa programang “Pintig ng Bayan” sa DZVT na bibisita sa Kanlurang Mindoro si Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo sa Miyerkules (April 23) pero malabo pa kung saang barangay sakop ng San Jose isasagawa ang pakikipag-pulong sa ating mga ka-lalawigan. Layunin umano ng pagdalaw na alamin ang sitwasyon ng produksyon ng palay sa probinsya kaalinsabay nang paglalaan at pagbibigay ng ayudang pang-agrikultura sa tinaguriang food basket ng MIMAROPA, alinsunod sa FIELDS Initiative ng Department of Agriculture o DA.

FIELDS stands for Fertilizer, Irrigation, Education and trainings for farmers and fisherfolks, Loans and Dryers and other post-harvest facilities, and Seeds of the high-yielding, hybrid varieties. Isa itong P43.7 billion package na tinawag nilang intervention measures para umano iangat ang farm productivity to achieve food security and self-sufficiency sa buong bansa.

Pero tanong ng isang listener namin kanina, “Hindi kaya matalakay sa GMA visit ang isyu ng pagmimina?”. May katwiran ang aming texter. Ano nga naman ang silbi ng pagpapa-unlad ng agrikultura kung pinahihintulutan naman ang Mindoro Nickel Project (MNP) na isinusulong ng Intex Resources na aktibo ngayong kumikilos sa lalawigan?

Ang MNP ay inaasahang magbubungkal sa may 9,730 ektaryang bulu-bundukin at patag na lupaing sakop ng Brgy. Pag-Asa sa Sablayan at Brgy. Villa Cerveza sa Victoria, Oriental Mindoro. Bahagi lamang ito ng kabuuang 442,664 ektaryang saklaw ng lahat ng aplikasyon. Ang buong Occidental Mindoro ay may sukat na 587,000 ektarya lamang! Sa bahagi pa lamang ng eksplorasyon ay ilang libong puno na kaya ang kanilang maitutumba? Ano ang magiging epekto nito sa tatlong pangunahing watershed ng Isla ng Mindoro, ang Ibulo, Aglubang at Buraboy? Papaano sasabihing walang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda kung ang mine tailings ay sa dagat nila itatapon? Papaano sasabihing hindi ito makakaapekto sa ating pagsasaka kung ang tubig na gagamitin sa paghuhugas ng lasong kemikal ay aabot sa 1.15 million liters kada oras? May problema na nga tayo sa irigasyon, madadagdagan pa ang ating kakumpitensya sa paggamit ng tubig para sa ating mga sakahan. Remember, ilang aspetong pang-agrikultura pa lang ang ating tiningnan. Sampol pa lang ‘yan. Marami pang moral at legal na dahilan kung bakit natin ito tinututulan.

Sulyapan natin ang ilang epekto nito sa mga Mangyan bilang mga magsasaka at sa Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA. Ang 9,700 hectare-mining area ay nasa loob ng ancestral domain claim ng mga tribong Alangan at Tadyawan. Kapag pinakialaman ito ng mga minero, maitataboy muli ang mga Mangyan mula sa kanilang economic base.

Magiging walang saysay ang FIELDS Initiative ng DA kung ang mga opisyal ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region IV ng DENR ay daig pa ang mga spokesperson ng mining company kapag nagpapaliwanag tungkol sa MNP. Asahan mo pa,.. e, binigyan nila ito ng ng exploration permit noong March 14, 1997 (Mindex Resources Development, Inc. pa noon ang ngayon ay Intex Resources) kaya siguro nila ito idinidepensa. Anumang tulong sa mga magsasaka at sa industriya ng agrikultura ay magiging ampaw sa matatalim na pangil ng kumpanyang minero. Matatapon lang ang anumang farm productivity measure na tulad nito at kasamang aanurin ng mine tailings kapag nagkataon.

Maisip sana ito ng ating pangulo at ng ating gobernador sa pagbisita sa atin ni PGMA sa April 23. Earth Day commemoration nga pala sa Martes.

Thursday, April 10, 2008

Asin-dero

Sabi ni Phytagoras na isang Greek thinker na ipinanganak around 570 BC,- “Salt is born of the purest of parents: the sun and the sea...” at gusto kong idagdag ngayong 2008 AD, “..nourished by calloused hands of a salt farm worker.”

Malapit sa akin ang usapin ng pag-aasin sapagkat labor union leader noon ang aking tatay sa Salt Industry of the Philippines, Inc. Isa ito sa pinakamalaking pabrika ng iodized salt sa bansa na pag-aari ng Tabacalera Philippines na matatagpuan sa Brgy. Bubog dito sa San Jose. Ang “Salt” ay itinatag noong April 27, 1955 at nagsara hanggang sa maisalin sa Aquafil noong 1980s na nang lumaon ay ipinailalim sa CARP after EDSA 1 ang malawak na lupaing sakop nito.

Bagama’t wala nang ganoon kalaking pabrika ng asin dito, tatlong bayan sa Occidental Mindoro ang kilala sa nasabing industriya. Ang mga bayan ng San Jose at Magsaysay sa mainland at ang Looc sa Isla ng Lubang. Hindi ba’t sabi ng mga halal na opisyal namin ay 40% ng table salt sa bansa ay galing dito?

Taong 1970 nang magsimula ang industriya ng asin sa Looc. Ang produksyon nito ay naunang isinuplay sa mga bayang sakop ng mainland Mindoro nung wala pang mga asinan sa San Jose at Magsaysay. Malakas ang produksyon sa buwan ng Enero hanggang Mayo ng bawat taon. Sa kasalukuyan, mas malalaki nang ‘di hamak ang mga asinan sa San Jose at Magsaysay kumpara sa Looc. Tinatayang 64,800 bags ng asin sa 45 kg./bag ang inaani kada taon sa nasabing bayan mula sa humigi’t-kumulang na 66 na ektaryang asinan dito.

Sa Magsaysay naman, sa panahon ng tag-araw, simula Enero hanggang Mayo (lalo na kapag ganito katindi ang sikat ng araw) hindi bababa sa 753,600 bags ang nalilikha mula sa tinatayang 333 ektaryang asinan. Ang bentahan ng asin ay mula P 1.00 hanggang P 2.50 kada sako na siyang farm price nito.

Mas malawak naman ang asinan sa San Jose na may kabuuang sukat na 435 na ektarya na tinataya namang umaani ng humigi’t-kumulang sa 730,000 bags sa nasabing mga buwan. Sa San Jose ay mayroong 13,469 salt beds na karamihang may sukat na 18’x 20’.

Sinasabi na ang mga bigating Chinese buyer sa atin ay kinabibilangan nina Joseph Yao, Piao Hiao at Richard Lim. Sila ang nagdidikta ng presyo na inaabot lamang ng P 30.00 kada sako (kung minsan ay mas mababa pa!) kapag panahon ng “tagkiriwi” (lean months) mula Agosto hanggang Setyembre kada taon. May ilang negosyante rin na nagdadala ng produkto sa isla ng Panay at sa mga lalawigan sa Luzon.

May tatlong major players sa industriya ng asin: ang mga kapitalista o buyer, ang may-ari ng asinan at ang mga mag-aasin. Nagpapautang ang mga kapitalista ng pera sa mga may-ari ng asinan na ginagamit sa pre and post operation (pagpapalinis ng banigan, pag-aayos ng kanal, pagpapatubig, at iba pa) nito. Nakikinabang dito nang higit ang buyer o kapitalista dahil hindi na tataas pa ang presyo ng produkto habang hindi bayad sa kanyang utang ang may-ari ng asinan. Ang mga tinawag nating “Asin-dero”,.. ang mag-aasin na siyang kumakayod, naghahakot at nagmi-maintain ng banigan ang dehado dahil sa hindi makatarungang partihan (70/30) pabor sa may-ari ng asinan!

Sa kabila nang pagmamalaki natin sa dami ng produksyon ng table salt sa bansa, nananatiling pobre ang ating maliliit na “Asin-dero”. At sa pagitan ng “the sun and the sea” na sinasabi ni Phytagoras, naroroon sila at ang kanilang pamilya na nagtitiis sa hirap!

Tuesday, April 8, 2008

Labas-Magbay

Wala pa ring malinaw na balita hinggil sa insidente ng pag-puga ng tatlong inmates sa Magbay Provincial Jail sa San Jose, Occidental Mindoro noong ika-1 ng Abril, 2008 na nakilalang sina Junjun Talamisan na may kasong murder, kasama ang sina Jeffrey Servano at Edmund Estuesta. Oo,.. April Fools Day noon nang sila ay “maloko” ng mga bilanggo. Hay,..buhay!

Si Talamisan ay napatay ng mga tauhan ng BJMP at local police matapos umanong mang-hostage ng isang bata nang siya ay abutan ng mga awtoridad sa Brgy. Bayotbot sa nasabi ring munisipalidad. Ayon sa report ng pulisya, tinutukan ng kutsilyo ni Talamisan ang hostage nang siya ay barilin ng isang pulis pero nag-jam ang baril nito hanggang sa mag-agawan sila sa patalim at habang sila ay nag-papambuno, nasaksak ng pulis sa dibdib ang nasukol na pugante na siyang ikinamatay nito.

Kung paniniwalaan ang news report na lumabas sa Pilipino Star Ngayon noong Abril 3, taong kasalukuyan, ang mga bilanggo ay umakyat umano sa perimeter fence kaya naka-takas bandang alas dos y medya ng hapon that day.

Si Servano ay itinuring na Public Enemy No. 1 sa kalapit na Bayan ng Magsaysay na ang notoriety ay bukambibig hanggang sa karatig na Barangay ng Mapaya. Maliban sa ilang reklamo ng pagnanakaw, may kaso pa ito ng rape bagama’t hindi humantong sa korte. Pangalawang ulit na niya itong pagtakas mula sa kamay ng batas. Mga pulis ng Magsaysay ang sumakote kay Servano kaya ito muling naibalik sa kulungan hanggang sa ito ay tumakas sa Magbay Jail noong nakaraang Huwebes. As of this posting, on going pa rin ang ginagawang investigation at manhunt operation ng San Jose Police Station ukol sa pagtakas.

Sana sa huli ay maging malinaw sa madla kung sila ay tumakas mula sa jail o mula sa ibang lugar. Bakit ‘kanyo? Simula kasi nang ang kulungang ito ay ilipat mula sa Bonifacio St. sa Brgy. Poblacion III ng San Jose patungong Brgy. Magbay noong late 70s, hindi lamang may mahaba itong listahan ng mga insidente ng pagtakas, may ulat din na may mga pagkakataong nagpapalabas ng mga inmate dito para sa ilang pagawaing (pagtatanim ng palay, paggagapas, pagtatayo ng antenna,.. at iba pa) pang-gobyerno at pribado nang walang Court Order.

Sino ang makakalimot sa kaso ni Elizabeth Albacino na naganap noong ika-14 ng Agosto, 2003, maglilimang taon na ngayon ang nakalilipas? Si Elizabeth na noon ay disi-sais anyos na high school student ay ginahasa at pinatay sa Sitio Upper B1, Brgy. Central, San Jose. Pinatay siya sa pamamagitan ng pagpalo ng malaking tipak ng bato sa ulo. Ang itinuturong salarin dito ay grupo ng mga pinalalabas na bilanggo sa nasabing jail upang mag-trabaho sa pribadong palayan o bukid.

Hanggang ngayon, katulad ng pagtakas ng mga bilanggo noong isang linggo, wala pa ring linaw ang kaso ng kaawa-awang si Elizabeth. Yung mga tao at grupong dati’y mainit sa pagsuporta sa kaso (ni Elizabeth) ay naging ningas cogon lang,.. na huwag naman sanang kahantungan ng imbestigasyon sa pagkakatakas ng mga bilanggo noong nakaraang Martes.

Dagdag na detalye,- in case hindi ninyo alam, katulad ng ibang panlalawigang bilangguan sa bansa, ang Magbay Provincial Jail ay under ng Provincial Governor.

For the record , sa kaso ni Albacino, ang governor noon ay si JTV habang ngayon sa pagtakas nina Servano, et al, ay si Gov. Nene Sato.

Friday, April 4, 2008

STL v. OVC

Natatandaan ko pa kung kailan ko siya unang nakita nang personal at nakausap. Ito ay noong ika-27 ng Mayo 2006 nang maglunsad kami ng isang symposium kaugnay sa Small Town Lottery o STL. Tampok na naging panauhing tagapagsalita dito ang Church leader na tawagin muna nating “OVC”.

Umabot sa 210 participants na kinabibilangan ng religious at civic leaders ng Kanlurang Mindoro ang dumalo dito. Ito ay ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center o SILFC sa Labangan Poblacion sa bayan ng San Jose. Symposium na naging hudyat para sa Simbahan na suriin, pagnilayan, manindigan at kumilos kontra STL.

Natatandaan ko rin na bago ito ay lumagda sa isang Nagkakaisang Pahayag hinggil sa STL sina Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD at Punong Panlalawigan Josephine Y. Ramirez-Sato noong ika-19 ng Mayo, 2006. Ito ay binasa sa mga pulpito nang sumunod na pang-Linggong Misa sa lahat ng Parokya matapos itong mapagtibay noon. Sa buod ng pahayag, kapwa tinawagan ng pansin ng Obispo at ng Gobernador ang Sangguniang Panlalawigan (SP) na bawiin nito ang naunang pinagtibay na Resolution No. 163; S. 2005 ukol sa pagpasok ng STL sa probinsya. Pero halos hindi ko na marinig ngayon na nagsasalita si Governor Nene hinggil sa STL.

Noon pa man ay parang nahulaan ko na ang mangyayari sapul nang unang isalang sa hapag ng junta provincial ang nasabing usapin. Simula nang pag-usapan ang ilang mga teknikalidad hinggil dito. Halimbawa ay kung may awtoridad ba ang SP na mag-suspindi ng operasyon. Tanong nga ng isa sa kanila noon: “Kung saka-sakaling manindigan tayo na ipatigil ang operasyon, kanino at saan ito ipapatungkol o ihahain? Sa Punong Lalawigan ba, sa ating Kinatawan sa Kongreso, sa PCSO, sa PNP, sa Royal Viva o kay GMA?” Para sa akin kasi, sa mga lehislasyon kadalasan,- ang ultra-teknikal na pagbusisi ay maituturing na ring tahasang pagpanig kaya ito'y isang tandisang pag-babalatkayo!

Sa sesyon ng SP noong Hunyo 19, 2006, nagsumite ang Royal Viva Research Corporation,- ang korporasyong pinahintulutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na siyang awtorisadong magpatakbo ng STL sa lalawigan, ng isang liham pahayag para sa rekonsiderasyon sa panukalang suspensyon ng operasyon ng STL.

Ayon pa sa Royal Viva, may signipikanteng ambag ang STL sa kita ng mga LGU maliban sa lumikha ito ng trabaho sa ating mga kalalawigan. Sa nasabi ring liham na naka-address kay Bise Gobernador Mario Gene Mendiola at sa buong SP, ipinagunita ng korporasyon na ang inisyatiba ng pagpasok nila sa Kanlurang Mindoro ay mula rin sa partikular na august body sa bisa ng isang resolusyon ng SP noong taong iyon. Ito umano ang nagtulak kay PCSO Chairman Sergio Osmena Valencia na buksan sa lalawigan ang operasyon. Ipinagdiinan pa sa liham na ang STL ay legal sa bisa ng RA 1169 at PD No. 1157 at PCSO Board Resolution No. 118, S. 1987.

Iniulat din na ang korporasyon ay nakapag-remit na ng hindi kukulangin sa total na P 1,558,647.12 sa mga tukoy na munisipyo at Pamahalaang Lalawigan sa unang dalawang buwan (Abril at Mayo 2006) pa lang ng operasyon nito. Sinong pulitiko nga naman ang makakatanggi dito? Hindi lang ‘yan, ang pinag-kagastusan sa mga ito ay hindi malinaw kung dokumentado o inu-audit. Kabilang kung magkano talaga ang napupunta sa kabang yaman (e,.. yung sa bulsa?) ng mga LGU at kung papaano ito ginagasta.

Isa pa, kung talagang test run for one year lang ang STL, bakit yata kumbaga sa immigrant ay mukhang overstaying na ito (bagama’t legal at hindi nagti-TNT!). Noong Abril 2007 pa sana natapos ang operasyon nito. Pero balita ko, mismong PCSO ang muling nag-isyu ng kasalukuyang permit nito.

Nakikinabang ba dito ang mga mahihirap na mamamayan sa anyo ng serbisyong panlipunan? O baka naman ang isyu ng kawalan ng political will ng incumbent officials ay ginagamit lamang ng kanilang political rivals for political propaganda against their enemies? Sa ganito, pakitang-tao lang ang katulad na action and pronouncements KUNG HINDI ito tulak ng “pagpapalit-puso”, personal discernment and renewal o kanyang moral conviction.

Tunay nga ba na ang STL ay kawanggawa o gatasang baka lang ng mga sugarol ding opisyal? (o pareho?). Mga tanong na hindi pa rin nasasagot hanggang ngayon. Kahit iba na ang komposisyon o kaya ay may bagong mandato na naman ang ating mga lider pulitiko. Maliban pa sa katotohanang ang sugal ay isang bisyo at ang bisyo ay hindi maaaring ikarangal ninuman. Ang moralidad ay mas pangunahin kaysa sa pulitika. Ang pagiging morally upright ay ang first and foremost na dapat na taglay ng isang tao,.. lalung-lalo na ng isang lider ng lalawigan.

Tanong pa : Sa bagong permit ba ng STL mula sa PCSO ay malinaw na nakalagay kung ilang bola ang maari nilang gawin sa loob ng isang araw? Kung isa isang araw lang ang pinahihintulutan, malinaw na ang ikalawang bola ay illegal!

Hanggang ngayon, kung gaano ang pananabik ko nung bago ilunsad ang STL symposium na makita si “OVC”, ay sabik na rin akong makitang kumikilos ang pamahalaang lokal na mawala ang STL dito. Gayundin ang political figures na wala ngayon sa spotlight. Pero parang mabibigo ‘ata ako. O bibiguin yata nila ako. Pero sabi nga noong ka-klase ko sa hayskul na parating nababasted ng kanyang bawat babaeng niligawan, “... ang pagka-dala ng mga bigo ay mas nakamamatay kaysa sa kanilang kabiguan.” Tuloy ang laban ng mga broken hearted na tulad namin!

Naku,... muntik ko nang makalimutan, si “OVC” nga pala ay si Archbishop Oscar V. Cruz, DD, ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan na isang kilalang anti-gambling advocate, kritiko ng pamahalaang GMA, eksperto sa Canon Law at dating CBCP President. Pero human as he is,.. mayroon din siyang ilang mga actions and pronouncements (lalung-lalo na yaong tungkol sa GMA administration) na hindi katanggap-tanggap sa ilan o karamihan sa atin.

Dagdag pa, si OVC nga rin pala, sa pamamagitan ng kanyang itinatag na samahang tinawag na Krusadang Bayan Laban sa Jueteng, ay ginawaran ng mataas na “Parangal Para sa Manananggal” si JTV during his term as governor,- kasama ang ilang alkalde na kaalyado ng dating gobernador, dahil sa pag-papatigil sa jueteng sa Occidental Mindoro ilang taon na ang nakalilipas.