Kuwarenta
anyos na ngayon EDSA People Power Revolution. Medyo may katagalan na.
Sa
Bibliya, ang bilang na apatnapu ay karaniwang sumasagisag sa panahon ng
pagsubok, paghahanda, paglilinis, at paglipat sa bagong yugto ng buhay. Sa
Genesis, umulan nang apatnapung araw at gabi sa panahon ni Noah bilang
paglilinis ng daigdig. Sa karanasan ni Moses, nanatili siya sa bundok nang
apatnapung araw upang tumanggap ng kautusan ng Diyos. Si Elijah ay naglakbay
nang apatnapung araw patungo sa Horeb bilang bahagi ng kanyang espirituwal na
pagpapanibago. Sa Bagong Tipan, ayon kay Mateo, si Hesus ay nag-ayuno nang
apatnapung araw bago simulan ang Kanyang ministeryo.
Noong
1986 sa EDSA, milyong Pilipino ang humugos sa kalsada para magdasal pero bakit
hanggang ngayon ay lugmok pa rin sa kahirapan ang ating bayan dahil sa sanga-sangang
kurapsyon, mala-kultong pulitika, historical revisionism at maling impormasyon?
Bakit wala pa ring direksyon ang ating buhay-lipunan? Hindi ba dininig ang mga
panalanging iyon?
Isa
ako sa mga sumugod sa EDSA noon pero hindi ako nagdasal. Hindi ako marunong
magdasal noon. Basta ang alam ko, nagtatakda ako ng isang komplementaryong
ugnayan sa isang kung ano na nakakaalam ng lahat ng bagay sa bawat pagtaas ko
ng kamao at pagsigaw ng mga islogan. Napatalsik na ng mga mamamayan si Marcos
Sr. nang matuto akong magdasal at habang kunsumido ako sa kapalpakan ng sumunod
na administrasyon ni Cory, napagtanto ko na ang
panalangin ay hindi lamang ginagawa upang makamtan ang ninanais at makamit ang
resulta ng bawat kahilingan. May mas higit pa itong esensya kaysa roon. Susi
din ito ng paghiling, pagsamba at pasasalamat. Naging mala-impyerno man ang
Pilipinas matapos ang EDSA, ang samabayanang Pilipino ay patuloy pa ring tayong
humihiling, sumasamba at nagpapasalamat sa Diyos.
Pero
ang pagdarasal ay hindi lamang pakikipag-usap o pakikipagtalastasan. Ito rin ay
panawagan sa isang pansariling pagbabago. Tayo ay nananalangin upang tayo ay
maging isang bagong tao, naiibang tao at isang hindi basta-bastang tao. Isang
alagad na kumikilala at umuunawa sa Kanyang mga plano at kapasyahan, pagbigyan
man niya tayo o hindi sa ating mga kahilingan sa ating bawat panalangin. Kung
ang pagdarasal ay para sa pagbabago ng ating pagkatao, mula sa mga pansariling
kahilingan ay dapat na umiigpaw ito sa lipunan. Ito ang mahalagang aral na natutunan
ko sa EDSA noong aking kabataan.
Sapagkat
ang isang hindi basta-bastang tao ay nananalangin at kumikilos hindi lamang
para sa pansariling kaligtasan kundi maging sa kaligtasan ng kapwa at ng
lipunang kanyang ginagalawan. Kumbaga sa anyong tubig, kung ang mga personal at
pampamayanang mga panalangin ay mga ilog at lawa o may pakinabang na tulad ng
mga ilog at lawa, dapat ang lahat ng mga ito ay mauuwi sa dagat,- dagat na
nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at dagat na nagtatatag ng Kanyang kaharian.
Kung ang diwa ng EDSA sa isang panig ay isa lamang pabalat-bungang pagbabago na
ginawang tuntungan ng ilan sa pagsasamantala sa pulitika, ito rin sa hinaharap
ay inaasahang maging diwa na magtutulak sa atin sa pagtatatag ng isang lipunang
mapayapa at makatarungan, madasalin at palaban.
Tayo
rin ay patuloy na nananalangin upang maging isang bagong bansa, naiibang bansa
at hindi basta-bastang bansa bagama't hindi perpekto. Tumutugon ang Diyos sa
ating dasal hindi lamang sa paraang kagyat, radikal, mapaghimala o dramatiko,-
sa mga penomenal paraan kundi tahimik na katulad ng isang dalisay na panalangin,
sa unti-unti, dahan-dahan, simple at madalas na hindi napapansing mga hakbang.
Saan o kailan man ito ginawa sa bahagi ng kasaysayan na kung saan tayo
kabilang.
Hindi
tayo dapat mawalan ng pag-asa, sapagkat tulad noong EDSA 1986, naniniwala tayo
sa diwa ng Pilipino. Naniniwala rin tayo na ang Diyos ay nananatiling kasama
natin. Kung paanong pinangunahan ng Espiritu si Kristo sa ilang at ginabayan
Siya sa Kanyang misyon, gayundin ay ginabayan tayo ng Diyos patungo sa tunay na
EDSA. At patuloy na kasama natin ang Diyos sa ating paglalakbay habang
itinatayo natin ang ating bansa batay sa nagpapatuloy na pamana at diwa ng
EDSA.
Ito
ang aking naging pagninilay sa sulating “Faith Beyond Doubt,” na ipinalabas at
binasa sa mga pulpito noong Linggo. Ang liham ay panawagan ng Catholic Bishops’
Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Pilipino na alalahanin, magsisi, at
kumilos nang may tapang at pagmamahal para sa patuloy na pag-unlad ng bansa.
Tandaan
natin, ang bilang na apatnapu sa Bibliya ay larawan ng isang panahong hinuhubog
ng Diyos ang tao bago Niya dalhin sa mas mataas na layunin o bagong simula.
Harinawa.
++++
(Larawan:
Philstarlife.com)