May isang kaibigan na nagpaalala sa akin na ika-33 anibersaryo
raw ng DZVT sa Miyerkules, Marso 6, 2024, kaya sinubukan kong magnilay at
magbalik-tanaw. Sa kanya ko lang nalaman na nag-eere na pala itong muli. Kamakailan
ko lang ito nalaman.
Limitado ang sulating ito sa mga panahong naroroon lamang ako,
ayon lamang sa aking naaalala at nais na isiwalat.
Ngayon ko lang napagtanto, and it’s the irony of all ironies,
una palang napakinggan sa ere ang DZVT sa loob na observance ng Fire Prevention
Month at ngayong taon ay nasa loob rin ng Kuwaresma.
Pero hindi maikakaila na malayo at masalimuot ang sinuong ng
himpilan ng radyo. Mula sa kanyang mga abo, kumbaga, kagaya ng mito ng ibong phoenix, muling nabuhay
at suma-himpapawid ang radyo totoo. Sa Lumang Tipan, ang abo ay isang panlabas na
pagpapahayag ng ating pangangailangang magsisi at magsimulang muli.
Ang Salita ay Naging Tinig, Alingawngaw
Nang maitalaga bilang kauna-unahang Obispo ng Kanlurang
Mindoro si Lubhang Kagalang-galang Vicente Credo-Manuel, SVD, DD na ipinanganak
at lumaki sa nasabi ring lalawigan sa bagong likha ring Simbahang Lokal, layon
na niyang magtatag ng isang himpilan ng radyo upang maisabuhay ang pananaw nito
na maging, “Isang Pamayanang Kristiyano na Sama-samang Sumasamba, Naglilingkod
at Nagpapatotoo kay Kristo.” Ang Pamayanang Kristiyano sa pinaikling katawagan
ay PAKRIS.
Sa pamamagitan ni Papa Juan Pablo II, nilikha sa pagiging
Bikaryato Apostoliko ng San Jose ang dating Parokya ni San Jose, ang
Manggagawa, noong ika-27 ng Enero, 1983. Makalipas lamang ang pitong taon,
isinilang ang kauna-unahang Katolikong himpilan ng radyo sa buong isla ng
Mindoro at pangalawa lamang sa lalawigan. Ika-6 ng Marso, 1991 nang basbasan at
pinasinayaan ng Arsobispo ng Cebu, Lkgg. Ricardo Cardinal Vidal, DD, at
nagsimula itong mag-broadcast sa Labangan Poblacion, San Jose, Occidental Mindoro.
Ang DZVT ay tinawag na “Tinig ng Pamayanang Kristiyano sa Occidental Mindoro.”
Ang mga letrang “VT” sa call sign ng DZVT ay mula sa motto ng
Obispo na sa wikang Latin na “In Verbo Tuo” (Sa Iyong Salita). Nang lumaon,
naging kasapi ng Catholic Media Network (CMN) ang himpilan.
Propetikong Misyon
Sa pangunguna ni Obispo Manuel at ng mga naunang namahala
nito, sa panig ng pagpu-programa gayundin sa teknikal na aspeto,
nagsa-himpapawid sila ng mga programang nagtatampok ng mga Programang Pastoral
ng Bikaryato tulad ng sa mga katekista, mga katutubo, mga lay minister, human
development, kilusang kabuhayan, mga Pamayanang Kristiyano (BEC) at iba pa.
Una sa lahat, direkta sa Katedral ni San Jose,
nagsasahimpapawid din ito ng pagdiriwang ng Banal na Misa tuwing araw ng Linggo
lalo na sa umaga, at mga live broadcasts sa mga espesyal na okasyong
pan-Simbahan kabilang ang mga vicarial assemblies at iba pa, lalung-lalo na
kung may mga bisitang puno ng Partikular na Simbahan.
Para sa akin, isinabuhay ng Obispo na ang panlipunang
pakikisangkot ay isang propetikong misyon ng Simbahan.
Nagtampok din ito ng mga tugtugin at awiting sekular na ayon
sa mga doktrinang Katoliko at hindi salungat pero ayon sa mga katuruan nito
maging pagbabasa ng mga teksto mula sa bibliya at mga pagninilay. Kabilang na
ang mga kalalabas ng Palibot-Liham ng mga nakatataas, lalung-lalo na mula sa
Kapulungan ng mga Obispo sa Pilipinas (CBCP) at iba pang mga dokumento at
sulatin mula sa Simbahan. Kinagiliwan ng mga tagapakinig ang patimpalak na
tinawag na “Awitan sa Pamayanan”. Ito ay umabot na isinagawa maging sa kalapit na bayan ng Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro at maging sa Coron at Concepcion sa Palawan. Ngunit mayor na inilulunsad ito sa mga Pamayanang Kristiyano
sa ibang mga barangay sa lalawigan na sila mismo ang nagtataguyod at mula sa kanila ang sumasaling
kalahok at rekurso.
Sa mga unang taon ng Radio Ministry ng AVSJ, tunay na naging
mouthpiece (o tinig) ng mga mananampalaya, lalung-lalo na ng mga batayang
sektor ang DZVT. Naging daluyan ito ng mga impormasyon at kaalaman, katekismo,
pa-anunsiyong pastoral ng mga BEC at ng mga Pastoral Offices mismo. Naging
alingawngaw ang marubdob na pagtututol nito sa mga panlipunang isyu noong
1990’s kagaya nang pagtuligsa nito sa talamak na jueteng, illegal logging,
korupsyon, mga paglabag sa karapatang tao kapwa ng mga sundalo at rebelde, at
pagtataguyod ng pantribu at kultural na kagalingan ng mga Mangyan.
Sa panahon ni Bishop Manuel, nakita, nadama at naging saksi
ang mga Pamayanang Kristiyano kung papaano ginampanan ng DZVT ang propetikong
papel ng Simbahan.
Naging daluyan din ito, hindi lamang sa mga espiritwal na
pangangailangan ng mga mananampalataya, kundi maging ng mga aktibo ngunit hindi
marahas na kilos-bayan laban sa mga tinatawag na social evils na nabanggit sa
itaas. Katulad ng kilos-masa laban sa pagtatayo ng Petron Bulk Plant sa Aroma
Beach sa San Jose, na magdudulot ng pang-kalikasang kasiraan at peligro sa makasaysayan at
pamosong baybayin ng bayan.
Mga naging tagapamahala ng himpilan ang mga layko na sina
Perry Fernandez, Rudy Candelario, at Perlito Villador at mga diyosisang pari na
sina Padre Ruben Villanueva, Ronilo Omanio at Giovanni Gatdula.
Ang mga naging anchor ng Pintig ng Bayan bago kami nina Daisy Del Valle Leano at Rey San Jose ay sina Rod Agas at Fr. Jun Villanueva.
Sa
aking pagkakabatid, lahat ng mga istasyong kasapi ng Catholic Media Network (CMN) ay
batid na sa bawat Katolikong brodkaster, and lahat ng mga pangayayari sa
araw-araw, wika nga, ay God’s agenda for action. Hindi lamang sa salita nakikilala
ang tunay propeta (basahin: saksi) kundi sa kanyang aksyon o pagkilos.
Sa
pahina ng 307 ng kanyang aklat na “Communicating in Community: An Introduction
to Social Communication” tumapakang isinulat na Fr.Franz-Josef Ailers, SVD :
“Prophetic communication serves truth and challenge falsehood. Prophetic
communication stimulates critical awareness of the reality constructed by the
media and helps people to distinguish truth from falsehood, discern the
subjectivity of the journalist, and disassociate that which is ephemeral and
trivial from that which is lasting and valuable. Often it is necessary to
develop alternative communication so that prophetic words and deeds can be
realized.”
Hanggang Kalaliman
Taong 2000 nang bumaba sa katungkulan si Obispo Manuel.
Hinalilihan siya bilang Apostolikong Tagapangasiwa ni Obispo Antonio
Pepito-Palang, SVD, DD. Noong ika-26 ng Hunyo, 2000 hanggang sa tuluyan na
siyang ordenan at italaga bilang ikalawang Punong Pastol ng Bikaryato noong
Mayo 31, 2002.
Sinubaybayan at ibinalita ng DZVT ang kaso ng walang awang
panggagahasa at pagpatay sa isang second year highschool student na si
Elizabeth Albacino, 16, sa Sitio B-1, Barangay Central, San Jose, Occidental
Mindoro. Ang mga suspek ay pinalalaya umanong mga bilanggo sa Magbay Provincial
Jail. Naganap ang krimen noong Agosto 14, 2003.
Sa panahon ni Obispo Palang, tumuon at naging malalim ang
panlipunang pakikisangkot ng DZVT lalo na sa mahipit na pakikipag-ugnayan nito
sa Commission on Elections (COMELEC), PPCRV, NAMFREL at iba pa tuwing panahon
ng halalan sa mga aktibidad gaya ng voters’ and political education, media
quick-count at candidates’ fora.
Teka, naalala ko rin nga pala, sa pagtalakay namin ng walang
humpay sa tungkol sa problema noon sa kuryente at gusot sa loob ng OMECO, ako
kabilang ang dalawa kong co-hosts sa Pintig ng Bayan ay inireklamo sa Kapisanan
ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) noong November 7, 2008. Pero wala rin
kinahinatnan ang reklamo dahil alam namin na hindi naman kami lumalampas
etiketa ng pamamahayag sa pagbabalita namin ng katotohanan.
Naging tampok din ang mga diyalogo sa pagitan ng mga opisyal
ng sundalo at Mangyan sa usapin ng kapayapaan at kaunlaran. Matapos ang
karumal-dumal na pagpatay sa isang pamilyang Mangyan ng mga sundalo sa tinawag
noong “Talayob Massacre” sa bayan ng Magsaysay, sa pakikipag-ugnayan sa Parokya
ng Mabuting Pastol, Mangyan Mission ng AVSJ, at ng Pantribung Samahan sa
Kanlurang Mindoro o PASAKAMI, naisa-madla ang pangyayari hanggang sa umabot ito
sa mga kinauukulang tanggapan ng pambansang pamahalaan at nalagdaan at
mapinalisa ng ng Kasunduan ng Kasundaluhan at mga Mangyan para sa kapayapaan.
Ang malagim na pangyayari ay naganap noong Hulyo 21, 2003 sa
Sitio Talayob, sa Barangay Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro. Pinapurihan
ng Sulong Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International
Humanitarian Law or Sulong (CARHRIHL) Network ang DZVT sa naging papel nito sa paglulunsad
at pagpapatibay ng nasabing Peace Covenant.
Patuloy na naging tambuli ng pananampalataya ang DZVT sa mga
pagkilos laban sa pagmimina. Mismong si Obispo Palang, kasama ang kanyang mga
pari, mga madre at lider ng PARKIS ang nanguna sa halos 5,000 kalahok sa rally
laban sa Mindoro Nickel Project noong Mayo 27, 2009 na lumundo sa pamamagitan
ng mga edukasyong mulat-malay na ini-ere halos araw-araw noon sa DZVT na hindi
ko na maalala.
Ang motto naman ni Obispo Palang ay “Duc in Altum” o “Ihulog
sa Kalaliman.” Sa kanyang panunungkulan, ipinailalim sa Diocesan Human
Development Commission/Social Action Center (DHDC-SAC) ang DZVT hanggang mula
sa Seminary Compound ay inilipat sa AVSJLM Warehouse Compound sa Labangan ang
broadcast studio nito mula sa Chancery Building sa Seminary Compound.
Maliban sa patok na Dial 1369 ni Vic Barrios, isang song and live dedication program, may mga family oriented din at magazine type programs na kinagisnan namin noon.
Ang dati nitong tagline na “Ang Tinig ng Pamayanang Kristiyano
sa Occidental Mindoro” ay naging “Radyo Totoo sa Kanlurang Mindoro”.
Misteryosong Apoy
Oktubre 26, 2011 nang ang pagsasa-himpapawid ng pahintuin ng
isang misteryosong sunog. Maliban sa sunog sa himpilan at transmitter ng radyo,
may sunog ding naganap sa Records Section sa Chancery Building sa Seminaryo,
mga tatlong kilometro ang layo sa isa’t-isa.
Nunit bago ito, noong Oktubre 21 nang nasabi ring taon ay
pinagtangkaan nang sunugin pero naapula ng mga kapit-bahayan ang apoy. Kaaagad
na ipinaalam sa mga kinauukulan ang pagtatangka ngunit walang naging desisyon
dito ang mga nabanggit.
Nilamon ng apoy ang radio transmitter na donasyon dati pa ng
Archdiocese of San Francisco at ilan pa ng donor. Nasa labas nang lalawigan
noon ang mga kaparian para sa iba’t-ibang mga aktibidad nang mangyari ang
sunog.
Hanggang sa kasalukuyan ay misteryong maituturing ang naganap
na sunog.
Naging mitsa din ito ng hidwaan at hindi pagkakaunawaan hindi lamang
sa hanay ng mga pari kundi maging sa mga Pamayananang Kristiyano noon. Aminin
man nila o hindi.
Sa aking pagninilay ay nasagi ito sa aking isipan: Ang
ministeryo ng mga pari na pinasimulan ni Kristo mismo ay tunay na dinalisay ng
apoy, apoy ng pananampalataya at hindi ang apoy ng pamiminsala. Ang una ay apoy
ng pagka-dalisay habang ang huli ay apoy ng pagkawasak, apoy na misteryosong
umahon mula sa Impyerno. Ang apoy na gumupo sa istasyon ay ang huli.
Naganap na
Ilang taon din ako noong naging co-anchor ng maka-Kristiyano
at sumusunod sa diwa ng social communication principles na public affairs
program na “Pintig ng Bayan”.
Iyan ang mukha ng apostoladong pang-radyo na aking natatandaan
ngayon. Sa loob nang 25 taon na inilagi ko sa Bikaryato bilang Social Advocacy
Program Coordinator ng DHDC/SAC, at sa pagiging personalidad ng radyo ang
nagturo sa akin sa doktrinang panlipunan ng Simbahang Katolika lalo na ang
malasakit sa buong sambayanan, lalo na para sa mahihina't mahihirap, at
paggalang sa layĂ ng tao, kasama rito ang karapatan sa pribadong pag-aari.
Pinuna ang mga tiwali, tinutulan ang mga mali at hindi makatao, makabayan,
maka-kalikasan at maka-Diyos na patakaran at kalalagayan. Marami ang natigatig,
mga pulitiko at negosyante, kabilang na ang ilang pari.
Tunay na matatag ang Simbahan laban sa banta mula sa labas
nang kanyang bakuran ngunit mahina ito laban sa banta mula mismo sa kanyang
sinapupunan.Nang magisnan ko na lamang ang aking sarili na nasa ibang
gawain sa labas ng programang pastoral nito ay saka ko napagtantong tama ako.
Naganap na ang dapat maganap, masakit sa loob kong iniwan ang
aking nakagisnang gawain na itinuring kong bokasyon, hanggang sa mapadpad ako
sa laot ng serbisyo publiko at patuloy na naglalayag bilang lingkod-bayan
hanggang ngayon.
Muling Nabuhay
Nabigla na lang ako kamakailan sa isang kaibigan na nagsabing isang
araw nang muling nabuhay sa talapihitan ng aming radyo ang DZVT. Hindi ko na
matandaan marahil ay dahil iba na ito ngayon. O dahil wala na ako doon. Baka naman nalimutan (o kinalimutan) ko na lang.
Itinuro sa amin noon na ang tunay layon ng anomang istasyon
ng radyo, maging ito ay sekular o hindi, ay upang ipamandila ang katotohanan.
Kapag tayo ay inaaliw lang at napapako sa mga tribyal na bagay
at umiiwas sa mga panlipunang isyung kinasasangkutan ng pamayanan at mga
mananampalataya. Hangga’t hindi tayo tumutugon sa mga panaghoy, hinaing at
pitig ng bayan, wala pa tayong sapat na dahilan upang magdiwang sa ating
pag-iral.
Ipanalangin natin na ang DZVT ay patuloy na sumulong at maging
tagapagsalita ng Simbahan sa pagpapahayag at pagkilos para sa pagbabandilyo sa
mga kagyat na problema tungo sa kalutasan nito, at mga isyung panlipunan at
pampulitika na naka-ayon sa Kanyang Salita at kalaliman ng ating
pananampalataya. At maging Tinig ng Pamayanang Kristiyano na kapanalig nila
laban sa mga kasamaan sa lipunang nagpapahirap sa kanila.
Sa diwang ito ay magpapatuloy bilang mahalagang dimensyon ng ang DZVT ng Simbahang Naglalakbay.
Pagbati sa lahat at sa mga kasalukuyang namumuno nito!