Ipalagay na eksena ito sa party headquarters ng isang pulitiko at kausap niya ang isang lider-Mangyan. Panahon ito BAGO ang eleksyon...
Pulitiko : “Hay, salamat,… sa wakas ay umabot rin tayo sa gusto kong mangyari...”
Mangyan : “Pauuwiin mo na ba ako sa amin?”
Pulitiko : “Wala… W-wala sa isip ko ‘yan...”
Mangyan : “May maasahan pa ba kami sa iyo?”
Pulitiko : “Naturalmente! Palagi at patuloy…”
Mangyan : “Hindi ba niloloko mo lang kami…?”
Pulitiko : “Hindi! Nagtatanong ka pa, e….”
Mangyan : “Paglilingkuran mo ba kami nang tapat?”
Pulitiko : “All the time…”
Mangyan : “Ikaw ba ay magiging sakit ng ulo namin?”
Pulitiko : “’Tangna,..Hindi!! Are you crazy???”
Mangyan : “Mapagkakatiwalaan ka ba?”
Pulitiko : “Yes…”
Mangyan : “O, Kaibigan ng aming tribo….”
Para malaman kung ano naman ang pag-uusap PAGKATAPOS ng eleksyon at NANALO na si Pol Pulitiko. Basahin lang simula sa IBABA PATAAS.
Seriously, ang nagtulak sa aking i-post ito ay ang binanggit minsan ni Bapa Sute Montales, isang lider-tribo ng mga Hanunuo sa bayan ng Magsaysay sa isa naming pakikipag-dayalogo sa kanila noong isang taon. Sabi niya : “Iyang mga pulitiko kapag malapit na ang eleksyon, may pahagod-hagod pa sa Mangyan at patapik-tapik sa likod. Pero kapag nanalo na, kapag kakausapin mo ay bigla na lang silang tatalikod…!!!”
Bilang lokal na media ay sumugod kami doon nang magsagawa ng pagkilos ang samahang HAGURA (Nanunuo, Gubatnon at Ratagnon) sa nasabing munisipyo para ipakita ang kanilang pagtutol sa isasagawang Magneto-Telluric Survey kaugnay ng Oil Exploration ng Department of Energy (DOE) sa Sitio Magarang na sakop ng kanilang Lupaing Ninuno. Inimbitahan noon ng Sangguniang Bayan (SB) ng Magsaysay sa pangunguna ni Vice-Mayor Ramon G. Quilit ang mga lider-katutubo para ipahayag ang kanilang panig sa inquiry ng SB. Pero hindi ang mina ang gusto kong tumbukin dito…
Tanging DZVT lamang ang istasyon sa Mindoro na malalimang tumatalakay sa ganitong usapin ng mga Mangyan. Mula sa isyung may kinalaman sa armadong tunggalian na inosenteng Mangyan ang kadalasang biktima; hanggang sa paggamit sa kanila ng mga pulitiko tuwing halalan kagaya nang nangyari sa Paluan noong nakaraang eleksyon. Magka-ugnay ang Mangyan Mission at DZVT,- ang Social Communication Apostolate ng Bikaryato, sa pagsugsog kung saang kampo ng pulis o sundalo dinala halimbawa ang isang inarestong Mangyan; hanggang sa kanilang paninindigan kontra sa mina at oil exploration partikular ng Intex at ng Pitkin. Tanong tuloy ng isa kong kakilala, “Trabaho pa ba ng media ‘yan? Hindi ba ang trabaho n’yo lang ay magbalita ng tama at patas, ng ayon sa mga tunay na pangyayari? Kapag kasama ninyo ang mga Mangyan sa kanilang mga layunin, halimbawa kontra-mina,.. kinakampihan na ninyo sila,.. may kinikilingan na kayo…”
Ang sagot sa mga tanong na ito ay naka-kawing (pasensya sa salitang ginamit ko!) sa isang mas malaking tanong : “Ano ba ang papel ng Mass Media sa lipunan?” O sa konteksto : “Ano ba ang katangian ng mga istasyon ng radyo sa Occidental Mindoro?” Gusto ko mang suriin ito ay hindi ko gagawin. Tulungan ninyo akong sumuri. Marami kasing magagalit sa akin kung sasabihin ko na may dalawang istasyon ng radyo dito na ginamit o ginagamit sa layuning pulitikal ng mga may-ari o namamahala nito. Baka putaktihin na naman ako ng hindi obhetibo at personal na mga argumento mula kay “Alipin ng Langit”. Pagbibintangan na naman ako. Kesyo ako naman daw ay hindi Mass Communication o baka lektyuran uli ako ng Journalism at saka kung anu-ano pa…
Isa sa mga Mass Communication Theories na binabanggit ni Franz-Josef Eilers, SVD sa p.67 ng kanyang aklat na “Communicating in the Community” (An Introduction to Social Communication), ay ang Agenda Setting Theory na nagsasabing ang isa sa main functions ng Mass Media ay ang mag-set ng adyenda at pumili ng mga paksang dapat lamang pag-usapan, depende sa gusto nating ilabas, depende sa ating mga personal o pulitikal na adyenda. Kagaya ng paliwanag ni MS na nai-post ko na minsan.
May mga propagandista ng lokal na pulitiko na aasta o magmamalaking wala silang mga adyendang pulitikal sa kanilang talakayin at mga pag-babalita, pero sana ay maunawaan nila ito: Sa pagsasalita natin sa radyo, iniisip ng tao ang mga sinasabi natin pero hindi nila ito ginagawa. Gayundin, hindi rin nila ginagawa ang mga sinasabi nating dapat nilang isipin. Kaya kailangang madama tayo ng ating mga taga-pakinig hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga tinig sa radyo. At wala nang paraang mas madadama tayo kaysa sa pagsama sa kanila sa kanilang bawat karanasan sa pagkakamit ng adhikain sa lipunan …
Kung susumahin natin ang mukha ng Mass Media sa atin, maaaring i-cite ang n. 416 ng Compendium of the Social Doctrine of the Church na ipinalabas noong Hunyo 2004 ng Pontifical Council for Justice and Peace sa Vatican na nagsasabing: “In the world of the media the intrinsic difficulties of communications are often exacerbated by ideology, the desire for profit and political control, rivalry and conflicts between groups and other social evils.”
….At para sa amin, hindi nga lang pala ito trabaho kundi pagsasabuhay din ng pananampalataya!
(P.S.- Salamat din kay Sandi V. ng Wackwits sa konsepto sa itaas na halatang pilit ‘ata ang aking pagkaka-gamit..)