Tuesday, September 30, 2008

Dog Style

May isang asong tahimik na ang pangalan ay Mindo. Si Mindo ay naka-tali sa puno ng duhat sa gitna nang isang malawak na halamanan. Habang naka-tali, si Mindo ay kumakain ng kanyang masaganang tanghalian noong araw na iyon. Walang anu-ano ay dumating ang isang siga-sigang askal (asong kalye) na tawagin na lang nating Pitt King.

Tuso itong si Pitt King. Inggit na inggit siya kay Mindo. Laway na laway niya itong pinapanood habang kumakain. “Papaano kaya mapapasa-akin ang kanyang pagkain?”, tanong niya sa sarili. At bigla ay may na-isip siyang paraan. Ito ang kanyang ginawang estilo: Giniri-girian niya si Mindo at nilaro-laro habang ito ay naka-tali. Paikut-ikot siyang hinabol ni Mindo. Tumatakbo siya at tumatalon hanggang sa mapulupot ang tali ni Mindo sa puno ng santol at sa matatalim na dawag.

Dahil sa pagkaka-pulupot ay hindi na niya maabot ang kainan na ngayon ay naka-ngising nilalantakan ni Pitt King habang nauubos ang pagkaing para talaga sa kanya. Klik na klik ang kanyang dog style.

Ganyan po ang kasasapitan natin kapag pinayagan natin na mag-operate alinman sa mga dambuhalang korporasyong minero dito sa Occidental Mindoro. Sasapitin natin tiyak ang kapalaran ng asong si Mindo kung maniniwala tayo sa ating mga lider,- barangay man, bayan o lalawigan,at nasyunal- na ito ang magsasalba na pang-ekonomiyang mga problema natin. Huwag natin dagling paniwalaan na limpak-limpak na buwis ang papasok sa mga barangay at bayan dahil ditto. Hindi rin ito tunay na magbubukas ng malaking pa-trabaho sa mga Mindorenyo at kung meron man ito ay pansamantala lamang.

Ang pagsasaka na lang ang pagtutuunan natin nang pansin. Ang mga ilog, kabundukan at kapatagan natin ay mayaman at dito tayo kumukuha nang ating ikinabubuhay. Noon pa man ay pagsasaka na ang ating ikina-bubuhay ay dito rin nakilala ang ating lalawigan, bakit tayo susuong sa isang industriyang ‘di natin gagap at kabisado? Bakit hindi natin timbangin kung alin ang mas mahalaga, ang ekonomiya o ang kalikasan at ekolohiya?

Huwag tayong basta na lamang sasang-ayon sa ating mga lider na tila payag wasakin ang kalikasan basta ang mga LGU ay kumita lang at kabang yaman ng bayan lamang ang iniisip. Sana ay walang money involved sa pagpayag nilang ito. Walang pabor silang makukuha sa kanilang political patrons sa Maynila. Walang pressure sa kanila mula sa kanilang padrino. Sabi nga ni George Orwell : "Circus dogs jump when the trainer cracks his whip, but the really well-trained dog is the one that turns his somersault when there is no whip."

Thursday, September 25, 2008

Papayag Na Ako sa Pitkin

Papayag na ako sa eksplorasyon ng Pitkin at ng DoE sa Occidental Mindoro kung pagkatapos nito at makakakuha nga nang langis sa aking lalawigan ay ... :

• ... matitiyak na ang probinsiya at ang mga ordinaryong mamamayan ay magkakaroon ng sapat at patuloy na suplay ng krudo, gasolina o refined na produktong petrolyo na maipagbibili sa resonableng presyo.....

• ... matitiyak na ang kabuuang industriya ng petrolyo ay upang magsilbi para sa national interest at pang-ekonomiyang pangangailangan ng bansa ....

• ... matitiyak na ang aming mga magsasaka, mangingisda, traysikel drayber, o ang general public ay hindi lamang makabibili ng murang produkto ngunit hindi papayagan ng pamahalaang lokal at pambansa ang manipulasyon ng mga kumpanya sa presyo nito, ang ‘di-patas na kumpetisyon sa pagitan ng mga maliliit at dambuhalang oil players at iba pang pang-aabuso na kadalasang ginagawa ng mga higanteng korporasyon....

• ... ito ay magtataguyod ng puhunang Pinoy, teknolohiya at labor kapwa sa downstream at mainstream oil industry...

• ... ito ay magsusulong sa probisyon sa ating Saligang Batas na nagsasaad ng full control and supervision ng estado sa petroleum resources ng bansa sa ngalan ng pambansang interes at pahahangad ng pambansang industriyalisasyon, habang mina-maximize ang anumang biyaya na igagawad ng dayuhang ayudang teknikal at pinansiyal na hatid ng exploration, development, at paggamit ng krudo o anumang produktong petrolyo galing sa Occidental Mindoro....

Pero bago ang mga ito ay siyempre, kailangang ibasura muna ang mga pambansang batas, decree at atas na hindi consistent sa mga ito. Panawagan sa mga senador at kinatawan namin sa Kongreso...

Hanggang walang nagtitiyak na mangyayari ang inihanay natin sa itaas,.... tutulan muna natin ang DoE Service Contract No. 53 at ang Pitkin!

Tuesday, September 23, 2008

Pit(i)kin, Part 2

Magmistulang lagari man ang mga diskusyon hinggil sa kinalaman nang oil exploration ng Department of Energy (DoE) at Pitkin sa aming pulitikang lokal, ganito ko lamang sinusuri ang isyu sa pulitikal na espeho:

Una, sa yugto pa lamang ng oil exploration ay hindi maiiwasang magkaroon nang banggaan ng prinsipyo sa pagitan ng mga ordinaryong mamamayan sa mga barangay at mga halal na opisyal, lalung-lalo na ang mga kapitan. Ang gasgas na linya na "ang kanilang pag-iral ay para paglingkurang ang mas nakakarami" ngayon ay 'di na lamang 'ata gasgas kundi burado na. Sa totoo lang, sa aming palagay, sa kabila ng milyun-milyong pera na maaaring iakyat nito sa kaban ng pambansang pamahalaan, hindi ito maayos na makararating sa mga mahihirap dahil sa kaliwa’t kanang korupsyon na hanggang ngayon ay nalalasahan pa ng masang Pinoy ang pait at dalit. Kagaya na lamang ng fertilizer scam umano ni Jocjoc Bolante,at iba pang mga buhay na karanasan ng panunuhol at pandarambong ng mga naka-barong at naka-amerkanang tulisan...

Ikalawa, bagama't maka-tunggali sa pulitikang lokal ang mga paksyong pulitika,- ang grupo ni Governor Sato at ni Rep. Villarosa ay kapwa ka-alyado ni GMA (na alam nating hayagang nag-buyangyang ng likas na yaman ng bansa sa dayuhang kapital) simula nang siya ay maging pangulo (bago ko makalimutan,- i-si-share ko lang, ang mga pulitiko nga pala sa amin, kung sino ang mananalong pangulo ay iyon ang sinusuportahan!) Kung saka-sakaling matuloy ang proyektong ito, pareho silang babango kay GMA. Pareho silang makikinabang sa punto nang suportang pulitikal mula sa pambansang antas lalung-lalo na sa 2010.

Tahasan ang pagsuporta dito ni Gobernadora Sato at nang kanyang mga kaalyado, samantalang ang grupo naman ng mga Villarosa ay walang inilalabas na kongkretong posisyon ukol dito. Pero mapupuna natin na maraming kapitan rin na kaalyado ng mga Villarosa ang pumayag sa pagsasagawa ng MT Survey sa kani-kanilang mga barangay habang alam natin na direktang kinakatigan ito ng kasalukuyang pamahalaang pam-probinsiya. Mabuti kung sa pagpapasyang ito ay walang naka-impluwensiya sa mga kagawad at kapitang nabanggit. Wala nga ba?

Sa ganitong sitwasyon, maaaring sa pamamagitan ng oil exploration ay huhugos ang salapi at campaign fund na kapwa magagamit ng dalawang paksyong ito ng pulitika sa Occidental Mindoro. Sa pagbaha ng kuwarta sa halalan, posible na lalong lalaganap ang kaso ng election irregularities kagaya noong 2007. Mas magkakaroon sila ng dagdag na pondo halimbawa, para sa pagsampa ng mga kaso pagkatapos ng halalan laban sa kanilang mga naging kalaban na kahit matalo sa eleksyon ay mapapaboran naman ng hukuman sa bandang huli. At kapag nagtagumpay ang Service Contract No. 53 at makapag-operate, sabihin nating sa loob ng unang dalawampung taon, kapwa sila makikinabang sapagkat alam natin na sila ay magpapalit-palitan lamang ng posisyon bilang gobernador o kinatawan sa kongreso.

Samakatuwid, parang lagaring Hapon ang kabig ng ganansiya nila dito, p(m)’re,- may “kain” na patulak, may “kain” pa pahila!...

Thursday, September 18, 2008

Sundalo at Mangyan

Isang welcome development ito sa Month of Peace…

Muli na namang nagkaroon ng pagkakataon sa isang dayalogo o pagpupulong ang hanay ng Mangyan at sundalo kahapon, ika-17 ng Setyembre 2008. Ang pagpupulong ay naglalayong repasuhin ang naunang kasunduan ng dalawang panig tatlong taon na ang nakalilipas. Ito ay ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center (SILFC) sa San Jose, Kanlurang Mindoro at higit sa 50 lider-katutubo mula sa iba’t-ibang tribu at samahan ang dumalo dito.

Maliban sa mga Mangyan, ang mga sundalo ng Philippine Army (PA) ay pinangunahan ni Lt. Col. Arnulfo Burgos na siyang Battalion Commander ng 80th IB, PA na naka-talaga sa lalawigan. Kabilang sa mga opisyal ng sundalong naroroon ay sina Capt. Julio Cayandag at 1 Lt. Archie Labordo na siyang Operation Officer at Asst. Operation Officer ng tropa, ayon sa pagkakasunod.

Matatandaan na ang kasunduan sa pagitan ng mga opisyal Mangyan at sundalo ay nilagdaan at pinagtibay noong Setyembre 6, 2003 sa pamumuno ni Col. Fernando L. Mesa (na nag-retiro na ngayon) at dating Commanding Officer ng 204th BDE, PA. Sa ilalim ng pamumuno ni Col. Mario Chan bilang bagong pinaka-mataas na opisyal ng brigade ay walang pagpapanibagong naganap sa kasunduan. Bagkus, noong Hunyo 16, 2005, sa pamamagitan ng isang dayalogo ay nagkaisa na lamang na magka-tuwang na maglulunsad ng serye ng konsultasyon at cultural sensitivity seminar na padadaluyin ng mga Mangyan habang kalahok ang mga sundalo.

Noong Hunyo 24, 2005 unang inilunsad at serye ng pag-aaral sa Alpha Coy sa Cabacao, Abre de Ilog para sa tribung Iraya. Sinundan ito ng sa Tribong Alangan sa Sablayan Astrodome Hunyo 26, 2005 sa Bravo Coy. At Charlie Coy naman ang nakaharap ng mga katutubo mula sa Mangyan Buhid, Tao Buid at Hagura noong Hunyo 28, 2005. Si Lt. Col. Elmer Quiros noon ang Battalion Commander.

Sa pinaka-huling dayalogo kahapon sa pagitan ng mga opisyal ng Mangyan at sundalo, tiniyak ni Col. Burgos na handa siya at ang mga opisyales ng brigade na mas nakatataas sa kanya na lumagda sa isang kasunduan na pangunahing naglalaman ng mga probisyon kapareho nang naunang dokumento. Ayon kay Burgos, ang mga bagay na nasusulat dito ay pawang mga pagtitiyak ng batayang karapatang pantao ng mga mamamayan kung kaya’t marapat lamang na ito ay pagtibayin at itaguyod. Inaasahan sa hinaharap ay mapi-pinalisa ang ilang mga detalye sa lagdaan ng magkabilang panig. Iminungkahi pa ni Burgos na ito ay gawing bukas sa lahat lalung-lalo na sa media.

Kabilang sa mga iminungkahing dagdag sa kasunduan ay ang paglalagay ng mga tukoy na probisyon sa pangangalaga sa mga bata, kababaihan at mga nakatatanda sa panahon ng armed conflict sa mga pamayanang katutubo, kabilang din ang hindi pagrerekrut ng CAFGU sa hanay ng mga Mangyan.

Sa bahaging Open Forum, nang tanungin ng mga Mangyan hinggil sa papel na ginagampanan ng mga sundalo sa mga amba ng operasyon ng pagmimina sa lalawigan, tiniyak ni Burgos na wala sa kanilang mandato ang usaping ito. Hindi umano sila paggagamit sa mga minero sapagkat hindi sila ang tamang ahensiya ng gobyerno na tutugon dito. Counter insurgency umano ang dahilan ng kanilang pamamalagi sa lalawigan at hindi ito. Nauna rito ay ipinagmalaki ng opisyal ang kanilang mga ginagawang aksyong sibilyan sa mga pamayanan kagaya nang medical mission, mga socio-economic project at iba pa sa kaniyang tinatawag na “Operation Barangayan” na inilunsad sa ilang mga barangay sakop ng Sablayan at Calintaan. “Huwag kayong matakot sa sundalo”, pahayon pa niya sa mga lider-katutubo.

Sinabi naman ni Sr. Thea Bautista, FMM ng PAMANAKA na ang pinagmumulan ng takot na ito nang mga katutubo sa mga military ay hindi lamang lisyang impresyon kundi ang mga konkretong karanasan ng takot. Halimbawa ay ang serye ng mga naka-gigimbal na paglabag sa karapatang pantao ng mga Mangyan. Halimbawa dito ay ang Talayob Massacre na kung saan ay isang pamilyang Mangyan ang walang-awang pinatay ng mga sundalong noon ay naka-talaga sa lalawigan.

Sa kanyang huling mensahe, nakiusap si Msgr. Ruben Villanueva sa mga opisyal ng PA na maging pasensyoso sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan sa mga Mangyan sapagkat iba ang kanilang kultura kaysa sa atin, kaysa sa mga sundalo,- na sinang-ayunan naman ni Burgos.

Kinatawan ni Fr. Anthony Tria, SVD ang Mangyan Mission at Si Ric Fugoso naman bilang kalihim ang PASAKAMI.

Monday, September 15, 2008

Matatapang na "Alex"

Bilib ako sa tapang ng “Alex” na ito, p’re.

Okey na sa akin ‘yun,.. kahit ‘ala ring substantial na nangyari sa ginawang inquiry ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) Board of Directors (BOD) noong araw ng Biyernes, ika-12 ng Setyembre. Ang aksyong inisyatiba ni Director Asenio “Boy” Samson na naglalayong magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa lumabas na Open Letter na nagpaparatang nang umano’y kadena ng katiwalian ng General Manager at mga BOD Members ng kooperatiba. Open sa media ang pagdinig…

Imbes na ang kanilang “pigain” ay si GM, isa pang “Alex” ang kanilang pinagdiskitahan : si Alex Mina, ka-tukayo ni GM at kinatawan ng OMECO employees sa imbestigasyon. Sa dinami-dami ng mga empleyado ng OMECO, si Mina lang ang may tapang na hayagang lumiham sa BOD at humiling sa lupon na suriin ang katotohanan na ipinaparatang nang naunang Open Letter. Maging si Director Sonny Villar ay hinangaan si Alex Mina.

Pero sa kalakhan, imbes na tugunin ang kahilingan ni Mina at bigyan ng magandang arangkada ang kanilang “paghahanap ng liwanag” ay masahol pa “binugahan ng apoy” sa mukha ang ginawa nila sa kaawa-awang mama. Para bang ang mensahero na may bitbit na masamang balita ang kanilang kinastigo imbes na ang taong pinaghihinalaan. Bagama’t pabor ako noong una sa inisyatiba na ito ng BOD as a whole para sa imbestigasyon, mukhang may katwiran ang isang observer na nagpahayag kanina sa radyo. Sa impression na ibinahagi ni Engr. Omar Costibolo, sinabi nito na inaasahan na niya ang ganitong aktuwasyon ng BOD dahil sa implicated sila sa usapin. Kung tutuusin aniya, hindi dapat sila lang ang magsagawa ng pagsisiyasat. Idinagdag pa ni Costibolo na masyadong pernersonalize ng lupon ang Open Letter at hindi ang katotohanan sa likod nito ang kanilang hinanap kundi ang mga gumawa nito.

Kunsabagay, sa normal at natural na kapangyarihan ng BOD ay maaari na itong gawin kung kaya hindi na kailangan pang maging special investigating body sila for some period of time, katulad nito.

Balikan natin ang isa pang matapang na Alex,- si GM Alex Labrador. Dedma lang sa kanya ang inquiry. Hindi niya daw ito sasagutin dahil kailangan pa niya ang sapat na panahon para ito pag-aralan. Sa Setyembre 20 ay muling magkakaroon ng formal board inquiry kung kailan siya ay inaasahang magsasalita na.

Pati si Msgr. Ruben Villanueva, Vicar General ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose,- ay hindi rin natiis ang sitwasyon ni Mina at mariin niyang sabi: “Bakit naman kinakailangang subukin ang kredibilidad at sinseridad ng taong hindi naman nag-aakusa kundi nag-rerequest lang ng imbestigasyon?” Naniniwala si Fr. Jun na out of delicadeza, dapat ay pansamantalang umagwat muna sa posisyon si Labrador habang isinasagawa ang imbestigasyon at iba pang related actions. Pero naniniwala pa rin siya na magigising ang BOD at aaksyon para sa mga consumer-member….

Sabi naman ng isang regular naming tagapakinig sa “Pintig ng Bayan”: “Kung ang panukat nating gagamitin kung papaano pinamamahalaan ang OMECO ay ang insidenteng ito, dapat tayong lubos na mabahala!”

Mas bilib ako sa tapang ‘nung “Alex” ‘yun. Matapang ang ……!!!

Sunday, September 14, 2008

Alay Krus

Ngayong araw na ito ay isasagawa ang taunang Alay Lakad dito sa San Jose na may temang : “Kagalingan ng Kabataan, Responsibilidad ng Bayan”. Tabi-tabi po,.. pero kahit na sabihing ang layunin nito ay upang maka-pangalap ng pondo para sa mga “poor but deserving out-of-school youth”, sa akin ay pakitang-tao lamang ang simulang ito ni Ferdinand Marcos almost 30 years ago. Ginamit lang ito ng mga naunang pulitiko sa kanilang pagpapa-pogi na itinuloy naman ng mga sumunod sa kanila.

Mga tiwaling pulitiko na siyang pangunahing pasang krus ng sambayanang Pinoy….

Eniwey, mamaya ay babagtasin ng mga kalahok ang kahabaan ng mga pangunahing kalsada sa bayan hanggang sa San Jose Town Plaza para sa isang programa. Naiiba ang programa mamaya dahil may bisita tayong bigating tao. Siya ay pupunta dito sa atin hindi lamang para sa Alay Lakad kundi sa ilang bagay kaugnay ng disaster preparation. Opo, bisita natin mamaya si Senador Richard “Dick” Gordon na Chairman din ng Philippine National Red Cross.

Red Cross… speaking of Cross, ginugunita rin ng Simbahang Katoliko sa buong mundo ngayon,- September 14, ang “Triumph of the Cross”. Kung ating iisa-isahin ang mga panlipunang problema o krus ng Mindorenyo ay baka abutin ka nang kinabukasan sa pagbabasa ng blog na ito, kaya huwag na lang. Pero sa kabila ng pag-iral ng mga krus na ito sa ating kolektibong balikat bilang mamamayan ay sa krus pa rin tayo tumatakbo, tumatangis at naghahanap ng kaligtasan.

Ang panawagan pa rin ay hindi nagbabago: ang pagtataguyod sa krus ay pagtataguyod din sa pagsunod kay Hesus. Hindi yaong tinatawag na “dolorismo” o pagiging bulag sa mga negatibong panlipunang kaganapan sa ating paligid. Kagaya ng pagmamalabis ng mga pulitiko at iba pa. Ang krus na ito ay hindi kalooban ng Diyos para sa bayan. Ang krus na ito ay mapang-alipin at hindi sa ikaluluwalhati ng Diyos. Atin Siyang sundan at wika nga, “…let us carry our cross with courage, hanging upon it with constancy…”

Ang mga pulitikong tiwali, kabilang ang kanilang mga kampon, ang mga tumataguyod sa kanila ay mga panday ng krus. Sino ba naman ang magnanais na magpatuloy tayo sa paggawa ng krus na ang mga materyales ay kasakiman, poot at kriminalidad? Mga krus na nililikha natin para sa ating kapwa at para sa Kanya. Ang paglilingkod ng tapat, matuwid at wasto ng mga pulitiko ay nagwawasak ng krus ng sambayanan. Upang, sabi nga ni Leonardo Boff sa librong “Passion of Christ, Passion of the People, “… we can live a life founded in a life that no cross can crucify.”

Paalala lang po, ang pag-ahon sa kahirapan at hanap-buhay ay higit na mahalaga para sa aming maliliit na Mindorenyo kaysa sa awayang pulitika ng mga malalaki at malalakas na tao para sa mga proyektong tagos sa buto.

Na alam kong magiging bahagi ito ng Alay Lakad balang araw. Kapag naging matagumpay na ang adbokasiya ni Sen. Gordon para sa automated elections kahit beyond 2010....

Thursday, September 11, 2008

Salakab na Sana

Kumbaga sa bulig, matagal na sanang siyut sa salakab si Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO GM Alex Labrador kung hindi lamang sa tatlong dahilan. Dalawa dito ay pawang mga sabi-sabi habang ang isa ay dokumentado.

Ito ang dalawang hearsay (na walang nagpapatotoo pero wala din naman nag-papasinungaling): Una, inarbor siya ng isang lider pulitiko sa lalawigan na ayaw kong pangalanan (Pero alam kong sasabihin ninyo sa akin na, “Naisip ko na ‘yan!); at ikalawa, bagyo talaga itong si GM sa National Electrification Administration o NEA….

Ang ikatlo, na sabi ko nga ay dokumentado,- mismong ang Board of Directors (BOD) ng OMECO noong 2007 ang umabsuwelto sa kanya. Hindi na sana aabot sa ganito ka-tindi ang problema at usapin sa ating kooperatiba kung noon pa man ay inaksyunan na siya ng BOD. Kaya kung tutuusin, hindi lamang si GM ang dapat na maging tampulan ng kritisismo at pagpuna dito kundi pati tayong mga ordinaryong konsumidor (consumer). E ‘di kasi naman, tayo ang nagluklok sa mga tinamaan ng magaling na BOD Members na iyan, hindi ba? Balikan natin ang BOD…

Siya ay “inabsuwelto” sa pamamagitan ng OMECO Board Resolution No. 48 Series of 2007 na may pamagat na : “Resolution Expressing Confidence and Support of the OMECO Board of Directors to the Commitment Made by the General Manager During Roundtable Assessment.” Sa liham ni NEA Deputy Administrator for Electric Distribution and Utilities Services Pablo M. Pan III kay Mr. Joaquin Castronuevo, Executive Officer ng Mina de Oro Chamber of Commerce and Industry, Inc., noong ika-16 ng Agosto 2007 ay nakasaad na, “…the Board requested that GM Alex Labrador be given enough time to turn around the coop towards financial viability and operational inefficiency…”

Hindi man directly, parang inamin na rin ng BOD na may problema nga sa pamamahala ng kooperatiba si Labrador. Maging sa audit na isinagawa ng Odsinada, Rivera and Co. ay may ganitong conclusion: “… all this uncertainty may effect the cooperative’s financial statements and ultimately, its ability to remain on a “on-going concern” basis…”

Bagama’t inaayunan ko ang aksyon ni Director Arsenio “Boy” Samson ng Calintaan na lumilikha sa isang investigating committee sa BOD, sa aking palagay ay hindi ito sapat. Tama lamang na agad ay lumikha at magpatibay ang BOD ng isang resolution para sa preventive suspension ni GM for six months o higit pa. Maaari itong gawin habang ginagawa o pagkatapos ng NEA Audit na kasalukuyang on the way. Sana ay ma-realize ng mga BOD Member, lalung lalo na ang Chairman na si Jerry Villanada, na kung hindi gagawa ng aksyong pabor sa mga consumer ang BOD ay pwede silang sampahan ng kasong administratibo ng mga konsumidor, o kasong kriminal pa. Siyempre ito ay isasampa sa mga korte kung saan hindi na sila mapapayungan ng NEA.

Sa Institutional Advisory No. 3 ng NEA na inisyu noong ika-7 ng Disyembre 2005, sa No. 2 : Compliance to Legal Requirements ay ganito ang ating mababasa: “ The Board ensures that the organization complies with laws, its own charter and by-laws. In fact, under the most legal conditions, the Board – NOT the Manager – is directly held liable and subject to prosecution when the organization violates laws and trusts..”

Kung ayaw nilang maniwala ay bahala sila. Kasaysayan na lang ang huhusga sa inyo. O kaya naman, sa darating na Setyembre 22, 2008 ang NEA ay maglulunsad,- national ang scope nito ‘tol, ng Cooperative Management Course Seminar Series sa Toledo City, Cebu. At least makinig na lang kayong mabuti. Mag-aral nang mabuti at isabuhay sa inyong pagbabalik ang inyong mga natutuhan.

Sana bago matapos ang taon ay mayroon na tayong isang bagong OMECO na may mga responsable, tapat at may commitment na BOD Members…

Hindi kagaya ng mga bulig na nagsusumiksik sa burak…

Wednesday, September 10, 2008

Muling Pagdalaw sa OMNC


Hindi ko ito naranasan noong panahon ko bilang isang student activist. Malayong-malayo ito sa mga symposium at forum na aming inilulunsad noon. Panahon noon na si Cory Aquino pa ang presidente ng Pilipinas. Wala pa noon ang Mindoro Nickel Project (MNP) ng Intex Resources Corp. at Service Contract No. 53 ng Pitkin Petroleum Ltd at Department of Energy o DOE sa panlipunang mapa ng Kanlurang Mindoro.

Inuulit ko, malayung-malayo ito sa mga forum na inilulunsad naming mga tibak noon sa Occidental Mindoro National College o OMNC Main Campus,- ang aking Alma Mater. Medyo naging nostalgic tayo kahapon. Mamaya ay sasabihin ko sa inyo kung bakit….

Naging resource speakers kami kahapon ni Sr. Malou Baaco, DC sa isang Forum on Mining sa OMNC bilang pagtugon sa naunang imbitasyon ng Science and Technology Enthusiastic Club (STEC) sa pangunguna ng mga estudyanteng sina Joseph Antonio at Nick Angelo Naz. Ang kanilang adviser ay si Mrs. Marcosa Gabay na siya ring Chairperson ng Science Department ng OMNC.

Humigit-kumulang sa 250 participants ang dumalo na pawang first year college students ng mga kursong Bachelor in Secondary Education (BSED), Bachelor of Science in Business Administration (BSBA) at Bachelor in Elementary Education (BEED). Isa lamang ang Mining Forum sa serye ng mga aktibidad para sa Science Month Celebration ngayong Setyembre na may temang ganito: “Making Science Work for You”.

Sa simula pa lamang ay dama na namin na kalakhan sa mga kabataang aming kaharap kahapon ay hindi pamilyar at hindi batid ang mga naka-ambang pagmimina sa lalawigan. Kahapon lang daw nila nalaman ang mga ito. At matapos ang forum ay ibinukas nila, lalung-lalo na ang mga opisyales ng STEC sa mga susunod pang pagkilos at patuloy na pagpapamalay sa mga estudyante sa aming Alma Mater.

Binigyang diin ni Sr. Malou ang paksa hinggil sa mga pamamaraan at proseso ng pagmimina. Hanggang sa tumungo siya ito sa pagtatalakay nang tungkol sa Pitkin,- mga dahilan kung bakit dapat itong tutulan nating mga Mindorenyo at ang mga buhay at bagong karanasan sa mga pagkilos nila at ng mga samahang Mangyan hinggil dito. Sa aking bahagi ay sa Intex naman ang aking binigyang-diin at lahat ng mga pangunahing bagay kaugnay ng Mindoro Nickel Projet o MNP.

Sa parting statement o challenge ni Sr. Malou, muling umalingawngaw sa bulwagan ang ganitong immortal words ni Macling Dulag : “Papaano mo aariin ang lupa na mas mahaba pa ang buhay kaysa sa iyo? Ikaw ang aariin ng lupa sa iyong kamatayan!” At s’yempre hindi ako nagpatalo, ito naman ang akin: “Ang siyensiya at ang pananampalataya ay hindi magkahiwalay. Ang siyensiya, kagaya ng pulitika, negosyo at iba pa, ay naririto upang pataasin ang antas ng buhay moral at pisikal o dignidad ng tao. Sa ganito, tayo ay nagiging siyentistang ka-manlilikha ng Diyos..."

Siyanga pala,… noong estudyante pa lang ako, walang permit ang mga inilulunsad naming forum noon sa OMNC. Mahirap “patagusin” sa kampus ang mga social issue na ganito.

Inaabot kami ng gutom sa mga sit-in discussions, at iba pa.
Pero kahapon, pinakain kami ng pancit at hamburger. Sabi ko nga sa sarili,… iba na talaga ngayon,- libre propa ka na, binusog ka pa!

Hindi tulad noon….

Sunday, September 7, 2008

Bagong Drama

Parang radio drama material talaga 'to 'p('m)re...

Mag-iisang linggo na ngayong nagtatago sa batas sina Bokal Randolph “Randy” Ignacio ng Unang Distrito ng Kanlurang Mindoro at dating bokal at ngayon ay Assistant Provincial Agriculturist Peter Alfaro matapos silang isyuhan ng Warrant of Arrest hinggil sa kaso ng Serious Illegal Detention na isinampa sa kanila kamakailan. Si Romulo de Jesus, Jr., guro sa isang paaralan sa Mamburao ang naghain ng demanda laban sa kanila.

Maliban kina Ignacio at Alfaro, kasama rin sa warrant ang isang Atty. Judy Lorenzo, Gaspar Bandong at ilang John Does. Ang Mandamyento de Aresto ay ipinalabas ni Judge Ulysses Delgado ng Regional Trial Court (RTC)- Branch 44 sa Mamburao at nauna rito ay sa bisa ng rekomendasyon ni Provincial Fiscal Levitico Salcedo.

Ang pinag-ugatan, kung tutuusin ng kasong ito ay ang umano’y ballot switching incident na nangyari sa Mamburao Central School noong nakaraang halalan noong 2007 dito sa amin, na noon nga ay kandidato itong si Ignacio habang Provincial Campaign Manager naman ng Dream Team (taguri sa political group ni Gov. Josephine Y. Ramirez-Sato) noon si Alfaro.

Hindi na natin tatalakayin ang merito ng election fraud case laban kay de Jesus dahil nasa korte na ito. Pero ganito umano ang istorya: huli sa akto ng mga nagbabantay na supporters at poll watchers na pinalitan umano nitong si de Jesus ang mga orihinal na balota noong mga panahong iyon. Kaya lang, siya ay “nasakote” nga ng mga taga-Dream Team na naroroon sa Precinct No. 0003-A sa Mamburao Central School. Pamilyar kami sa kasong ito dahil ang Simbahang Lokal noon bilang kinatawan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ( PPCRV) sa probinsiya ay naging katuwang noon ni Atty. Margarita Tamunda ng Legal Network for Truthful Elections o LENTE na isang NGO sa Mamburao sa pag-tugaygay nito.

Mula sa kanyang presinto, may tatlong araw yata na hindi pinahintulutang lumabas si de Jesus sa Munisipyo hanggang sa ito ay magkasakit. Kinasuhan si de Jesus na noon ay BEI Chairman sanhi ng paratang na pandaraya ngunit siya ay nawala (o tumakas?) mula o pagka-galing sa ospital kung saan siya na-confine. Matapos siyang ma-isyuhan noon ng kaukulang search warrant. Sari-saring bulung-bulungan mula sa magkabilang kampo ang lumutang. Kapwa may bahid ng paratang. Totoo man o hindi, may balita na may mga pulitikong direktang nakipag-ugnayan noon kay de Jesus bago at pagka-tapos ng election (Sino? Siyempre alam kong naisip n’yo na yan!). Sa katotohanan itong si de Jesus, noon pa man ay may pending warrant of arrest din kagaya ngayon nina Ignacio at Alfaro, et al. Pare-pareho silang at large o nagtatago sa batas. Bagama’t ang kaso laban kay de Jesus ay may bail recommended habang ang Serious Illegal Detention laban kina Bokal Ignacio at iba pa ay 'di pwedeng piyansahan.

Dito sila tagilid, dito sila dehado. Kung sakaling madarakip, malaki ang tsansa nilang maghihimas nang malamig na rehas habang dinidinig ang kaso sa hukuman. Ito naman ay kung hindi magkakaroon nang mahusay na istratehiya at remedyong legal silang gagawin. Sa kasalukuyan ay may mga hakbangin ang ginagawa ang kampo nina Ignacio at Alfaro kabilang ang pag-“katok” sa Department of Justice at iba pa sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa hudikatura. Sa panig naman ng Sangguniang Panlalawigan o SP, todo suporta sila sa kanilang kasama na si Ignacio at dating kasamang si Alfaro.

Speaking of support from the SP, last Monday (September 1, 2008) ay tahasang binigyang babala ni Bokal Roderick Q. Agas ng Ikalawang Distrito ang lahat kung papaanong maaring gamitin ang hustisya laban sa mga taong naghahanap ng katotohanan. Balita ko rin, naroroon ang alkalde ng capital town ng lalawigan nang mag- privilege speech si Agas. Si Agas ay kaalayado ng political rival nina Ignacio at Alfaro last local elections.... Noon marahil yun. Ngayon ay lalong may mas malaking tsansang si Bokal Rod ay “sumakabilang-bakod” na.... At naisip na nila ‘yan!

Lalabas kaya at haharapin kaya nina Alfaro at Ignacio ang batas at linisin ang kanilang mga sarili? Hanggang saan kaya silang ipagtanggol ng kanilang mga kaalyado sa pulitika? Hanggang kailan sila magtatago?... Huwag bibitiw sa kuwentong ito na bahagi na ng buhay ng bawat Mindorenyo....!!!

Para talagang dramang pang-radyo ang pamumulitika dito sa amin: makulay pero nakakainis na rin kung minsan dahil re-cycle na ang mga eksena at nakakasawa na ang mga talent at higit sa lahat, masyado nang predictable ang istorya. Nakaka-uta na rin. Pero mas mainam pa nga ang mga drama sa radyo at kadalasan ay may redeeming values na iniiwan sa mga listeners samantalang ang pamumulitikang ganito ay nagpapamana ng value crisis sa mga mamamayan....

Saturday, September 6, 2008

Peace Ambahan

Ang inyong mababasa ay isang “ambahan” (tula ng mga Mangyan) na isang poetikong ekspresyon ng mga Hanunuo na sumasalamin sa saloobin ng mga (tunay na ) Mindorenyo hinggil sa kapayapaan o peace:

“Kawo no mangambungan
Dag ambon yami day-an
Pangambon yami adngan
Halaw nakan magduyan
Halaw palyo yi maan
Labangan talayiban
Balas lawud Anuhan…”

(“If you are angry with me
Don’t be mad behind my back!
Face me and we can agree
You know why I tell you this?
That I could go home in peace
To Labangan with the reeds,
Where the Anuhan flood meets…”)

-------------
(Ganyan sila ka-peace loving at kung war freak tayo at back stabber, wala tayong karapatang patawag na “Mangyan” kahit sa Mindoro pa tayo ipinanganak!)

Wednesday, September 3, 2008

Langisan sa Pulitika

Pabulaga na naging bisita sa ilang barangay sa San Jose, Occidental Mindoro kahapon ang isang team ng mga foreign geologist at ilang Pinoy mula sa consortium groups na SEASTEMS Inc. at Phoenix Geophysics upang umpisahan na ang naka-iskedyul na Magneto-telluric (MT) Survey. Kung ating matatandaan, ang MT Survey ay isa sa mga gawain sa ilalim ng Oil Exploration (Service Contract 53) ng Department of Energy (DoE) at Pitkin Petroleum Ltd. o Pitkin. Noon pa mang Oktubre 2006 ay may permiso na mula kay Governor Josephine Y. Ramirez-Sato ang nasabing oil exploration proposal.

Bitbit ang kanilang mga kagamitan, kinapulong nila ang ilang opisyales ng Brgy. Camburay sa pangunguna nina Kapitan Ernesto Juan at Kagawad Froilan Dalalo. Ito ay ang ikalawang ulit na ng mga taga-SEASTEMS, Inc sa Camburay at unang silang pumaroon noong ika-7 ng Agosto ng kasalukuyang taon, kung kailan sila nagsagawa ng Information, Education Campaign o IEC hinggil sa proyekto bilang bahagi nga nang ginagawa nilang social preparation. More or less 50 residents lang ang dumalo sa naunang pagtitipon samantalang ang total registered voter ng barangay ay umaabot sa bilang na 702. lumalabas na 7% lang ng mga mamamayan ang kanilang nakausap noong isang buwan. Ayon kay Juan, wala siyang iginawad na anumang opisyal na tugon dito ngunit ayon kay Dalalo, pumayag ang nakararaming dumalo sa pagpasok ng oil exploration sa Camburay. Ang Camburay ay kinaroroonan din ng Municipal Dump Site ng San Jose. Si Juan ay isang mahigpit na kasangga sa pulitika ni Sato.

Nauna rito, kahapon ay tahasang tinutulan ng mga opisyales ng Brgy. Magbay, sa pangunguna ni Kapitan Val Lumogda at mga lider ng Pamayanang Kristiyano (Pakris) ang ganap na pagsisimula ng survey ng Phoenix Geophysics sa kanilang lugar. Ito ay dahil hindi pa umano sila nakapag-lulunsad ng isang Barangay General Assembly ukol sa proyekto. Sa harap ng Barangay Hall ng Magbay ay makikita ang mga anti-oil exploration streamers. Kaya bagsak ang balikat na tumuloy sa Camburay ang grupo ng Pitkin.

Pero hindi naging “suwabe” ang kanilang pagpasok kahapon sa Camburay. Inulan ang pagpupulong nang mga pagtatanong at diskusyon mula sa Services Committee members ng Pamayanang Kristiyano ng Camburay na pinangungunahan ni Gng. Ester Supetran at Gng. Patria Gaudiel na mula sa Parokya ni San Jose (Katedral). Kinuwestiyon ni Dalalo ang presensiya ng mga taga-bayan at pinanindigan niya na pumayag na ang mga tao sa proyekto batay sa naunang pulong. Hindi na ituloy kaagad kahapon ang survey dahil sa pangyayari hanggang sa mapagpasyahan na lamang na muling magkaroon ng pulong sa Biyernes upang ma-pinalisa ang pagpayag o pagtutol dito ng mga opisyales ng barangay. Abangan na lang muna natin…..

Pero ito ang siste, sabi ni Gng. Teresita Agravante ng SEASTEMS Inc., pinayagan sila ni Mayor Romulo “Muloy” Festin ng San Jose para sa gawain ng MT Survey ngunit inamin nito na berbal lang ito at walang opisyalidad. Tiyak naman daw sila na pinapayagan ni Meyor Muloy ang lahat ng kanilang aksyon. Pero sa interview sa kanya kanina ni Helen de Guzman sa “Pintig ng Bayan” over DZVT, pinabulaanan ng alkalde na may “go signal” o “basbas” niya ang pagpasok ng mga taong ito kaugnay ng Petroleum Service Contract No. 53 sa kanyang hurisdiksyon. Wala daw silang pormal na napagkasunduan. Nag-courtesy call lang daw ang mga ito. Sino kaya sa kanila,… sabi nga ng mga Bisaya, “…. ang matuod kag ang butigon?”

Tama ba na mas sundin ng mga opisyales ng bayan, barangay at lalawigan ang kumpas ng kanilang mga padrino at patron sa pulitika kaysa sa pagtatanggol at pangangalaga ng kalikasan? Mas matimbang kasi sa kanila ang political affiliation kaysa sa kalikasan at kapakanan ng buong barangay. Ano ito, pulitikal na “langisan” o pulitikal na “paglalangis”?

Sa pagtatapos,…. ibig kong ibahagi ang isang text message na natanggap ko kanina: “Magandang pagkakataon ang isyu o usapin sa (Pitkin) oil exploration para ma-check natin kung papaano tumayo ang ating mga elected official (sa barangay, bayan at lalawigan) for common good. Sa karanasang ito ay makikita rin natin ang mukha at larawan ng ating mga pamahalaang lokal…” Isama na natin ang iba pang social forces dito sa atin.

Umpisa pa lang ito ng serye ng "pag-lalangis"...

Monday, September 1, 2008

Peace Month... Peace, Man!


Unang araw ngayon ng Setyembre at ang buwang ito ay idineklarang Month of Peace ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong ika- 20 ng Enero, 2004 sa bisa ng Proclamation No. 675.

Minsan ay may nagtanong sa akin habang ako ay nasa Maynila at nag-babakasyon, “Kumusta na sa Mindoro, tahimik na ba? Wala na bang mga karahasan? Hindi na ba nag-babakbakan ang NPA at militar? Peaceful na ba ang situation sa ‘tin?” Hindi ko kaagad nasagot ang rapido niyang mga tanong. Ayon kasi kay Johan Galtung, isang Norwegian sociologist at peace scholar,- may dalawang kondisyon o sitwasyon ng kapayapaan: ang negative peace at positive peace.

Ang “pagkakakilala” kasi natin malimit sa kapayapaan ay kung tayo ay walang inaalalang panganib halimbawa sa ating pagbibiyahe simula San Jose hanggang Abra de Ilog. Kung tayo ay nakakatulog nang mahimbing sa kubo sa gitna ng ating sakahan kahit gabi. Kapag tayo ay maayos na nakapamamasada ng traysikel at napagkakasya natin ang ating kinikita. At kapag ang mga anak natin ay nakakapasok sa paaralan na walang kinatatakutan baka sila maipit sa barilan ng mga sundalo at rebelde. Ito ang sitwasyong tinatawag ni Galtung na negative peace. Isang kondisyon na walang tuwiran, direkta o pisikal na pananakit (o ika-papahamak) ng indibidwal man, grupo ng tao o bansa. Ito ang kapayapaang sinasabi ng mga law enforcer na kanilang pinangangalagaan kaya nila nilalabanan ang mga kriminal o mga masasamang loob, kabilang na ang mga NPA.

Pero magkakaroon lamang nang komprehesibong kapayapaan kung paghahaluin ang positive peace sa negative peace. Ayon pa rin kay Galtung, ang positive peace ay pagkakaroon ng katarungan (hustisya), pagkilala at paggalang sa karapatang pantao at kaunlaran ng mga tao sa lipunan. Sagot lang ba ito ng mga namumuno sa gobyerno at hindi ng mga pulis at sundalo?

Halimbawa, sa iyong pagbiyahe (sakay ng isang pampasaherong bus) mula San Jose hanggang Abra de Ilog ay naaantala ang iyong karapatan sa paglalakbay nang panatag dahil sa lubak-lubak na daan at "over-staying" check point. Nakakatulog ka nga sa iyong kubo ngunit halos wala ka nang kitain sa iyong pagsasaka dahil sa baba ng presyo ng palay at taas ng presyo ng abono at pestisidyo (mag-organic ka na kasi!) at mabibiktima ka pa ng discount coupon na pakana ng DA at mga ganid na negosyante sa agrikultura. Kung nakakapamasada ka nga pero kulang pa rin dahil sa E-VAT at marami pang pinansiyal na pasanin. Kung ang mga anak natin ay tinitipid na natin ang mga pangunahing pangangailangan sa eskuwela para ipambili ng makakain o ipila sa bigas ng NFA. Ang kapayapaang ganito ay ‘di ganap….

Tama po kayo, ang positibong kapayapaan ay makakamit sa pamamagitan nang tunay at malawakang reporma, halimbawa mga tunay na repormang pang-agraryo at likas-kayang pagsasaka, makatarungang sahod para sa mga mananalok/manggagawa, maayos na pabahay, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan, malawakan at makabuluhang edukasyon para sa lahat, pantay na oportunidad sa tao sa kabila ng pagkakaiba-iba, malaya, tapat at malinis na halalan at iba pa…

Magiging mapayapa ang Kanlurang Mindoro, hayaan ninyong ulitin ko ang teorya ni Galtung,- kung sa ating probinsiya ay mayroong ganap na katarungan (hustisya), pagkilala at paggalang sa karapatang pantao, lalung-lalo ang mga Mangyan at kaunlaran ng mga tao sa ating lalawigan.

Sunday, August 24, 2008

Mabini to Manuel?

Ipinananukala noon ni Sangguniang Bayan (SB) Member Senen M. Zapanta, Jr. ng San Jose ang pagpapalit ng pangalan ng Mabini Street na isa sa mga prominenteng lansangan sa nasabing bayan. Sa nasabing panukala, ang Mabini St. ay gagawing Bishop Vicente C. Manuel Street bilang paggunita sa yumaong lider ng Simbahan sa lalawigan. Si Zapanta ay isang Lay Minister at dating Pangulo ng Parish Pastoral Council (PPC) ng Parokya ni San Jose, ang Manggagawa (Katedral).

Ang SB ay nagtakda ng isang Public Hearing noong ika-22 ng Agosto na ipinatawag nina Hon. Edgardo S. Abeleda, Chairman ng Committee on Local Government at Hon. William F. Almogela, Chairman naman ng Committee on Housing ang Land Utilization batay sa Committee Referral No. 2008-071. Pero matapos na dumalo ang mga inimbitahan, hindi nagka-intindihan ang mga tukoy na SB Members sapagkat hindi nila matiyak kung ang ganitong mga pagpapalit ng pangalan ng isang lansangan ay kailangan pang idaan sa isang Public Hearing o hindi na.

Sa orihinal na panukala ni Zapanta ang tatawagin lamang na Bishop Vicente Manuel Street (o Avenue) ay simula sa tulay galing ng Seminaryo hanggang sa dating tinatawag na C. Liboro St. (na noong maliliit pa kami ay Gen. Dunckel St.) May dagdag na nagmungkahi noon na “itagos” na ito hanggang Saint Joseph College Seminary hanggang tabing dagat sa Tandang Sora St. (Pasensya na po para doon sa mga hindi kabisado ang mga daan dito sa amin...) Hanggang ngayon ay hindi pa rin na-se-settle kung hanggang saan ba ito. Saan ito magsisimula at saan matatapos.

Sa nasabing naunsiyaming Public Hearing ay sinabi ni (Pag-Asa) Brgy. Captain Ulyssess Javier na sa mga ganitong pagpapalit ng pangalan ay hindi na kailangan ang Public Hearing kundi isang resolusyon ng SB na i-re-refer sa National Historical Commission (NHC) kung ito ay legally maaari o hindi. Ito ay upang tiyakin na walang batas o anumang legal na hadlang sa pagpapangalan mula sa isang national hero (Apolinario Mabini) tungo sa isang local hero na si Bishop Manuel nga.

Sa panig naman ng local historian at opisyal ng Occidental Mindoro Historical Society na si G. Rudy A. Candelario, naniniwala siya na ang panukala ay kakatigan ng NHC sapagkat nanghihikayat umano noon pa ang national government na bigyang parangal ang mga local hero ng isang lalawigan o lugar. “Maliban dito, ilang daang kalye na ba sa Pilipinas ang naka-pangalan kay Mabini?”, tanong pa ni Candelario. Ang gagawin ngayon ng SB ay susulat ng resolusyon o liham ukol dito at isusumite sa NHC para sa final approval para tuluyan na ngang mapalitan ang pangalan ng nasabing daan. Kasama rin sa gagawa ng kani-kanilang mga resolusyon ay ang mga barangay na maaaring sumakop dito tulad ng Labangan Poblacion; Poblacion 6,7 and 8; at Pag-Asa. Plenaryo na ang mag-aaproba nito.

Tanong naman sa mga SB ni Ma’am Norma Malilay, isa sa mga inanyayahan, “Bakit nung pinalitan ninyo ang C. Liboro St. at ginawang Felix Y. Manalo St. ay wala kayong ginawang Public Hearing?”. Sabi naman nung kaibigan ko hinggil sa isyung ito, “Sana naman ay seryoso silang nagpaparangal sa mga ito at wala kahit na bahid na motibong pulitikal...”

Kung ang Mabini St. ay magiging Bishop Vicente Manuel St. na, tiyak na may makikita at mababasa tayong ganito: Royal Viva Research Corporation, Small Town Lottery (STL) Franchise Holder, Bishop Vicente C. Manuel St., San Jose, Occidental Mindoro. Sa Mabini St. kasi matatagpuan ang opisina at bolahan ng STL sa lalawigan....

Akin lang ito ha... pero kung masisiyahan ang ating yumaong Obispo na may kalsadang ipinangalan tayo sa kanya, ayaw niyang mai-ugnay ang kanyang pangalan sa STL o sa anumang bagay tungkol sa sugal. Dahil noong siya ay nabubuhay pa, paulit-ulit niyang habilin sa atin na, “... ang pagsusugal ay kasing tindi ng pagnanakaw!”

Thursday, August 21, 2008

Pit(i)kin!

Naglunsad ng dalawang community consultations ang mga tauhan ng SEASTEMS Inc. na siyang nag-aasikaso ng social preparation para sa panukalang oil exploration ng Pitkin Petroleum Ltd. noong araw ng Sabado at Linggo,- Agosto 16 at 17, 2008, sa Brgy. Burgos sa Sablayan at Brgy. Purnaga sa Magsaysay. Sina Ms. Taresita Agravante kasama ang kanyang kabiyak na si Mr. Joseph Agravante ang siyang tumatayong team leaders sa konsultasyon. Kasama ako sa ilang uninvited outsiders na nag-observe sa ginawa nilang consultation cum IEC.

Ganito more or less and laman ng kanilang in-put: Ang Magneto-telluric (MT) survey na gagawin sa 23 barangay sa Oriental at Occidental Mindoro ay may habang 78 kilometro. Ito ay isang pamamaraan, katulad nang ginagawa sa ilang bahagi ng Pilipinas para maghanap ng mapagkukunan ng enerhiya katulad ng langis, bio-fuel, geothermal at iba pa. Ang magsasagawa ng MT survey dito sa atin, kagaya nang aking binaggit sa nakaraan kong post, ay ang Pitkin Petroleum Limited (PPL) at Phoenix Geophysics.

Maraming mga “DAW” at “RAW” na sinasabi ang DOE regarding MT survey: ito ay pamamaraang ligtas, di-mapanira at epektibong pamamaraan (kuno) ito para tuklasin ang mga likas-yaman na nasa kaila-ilaliman ng lupa. Makikita sa pamamagitan ng prosesong ito, halimbawa kung may langis sa mga lugar na sinurvey.

Sa pagsasagawa ng MT survey ay gagamit ng tinatawag na Magneto-telluric Acquisition System na binubuo ng Digital Acquisition Unit na siyang magre-rekord ng mga datos na makakalap mula sa iba pang mga instrumento; electric lines or cables na gagamitin bilang antenna o dipoles para sukatin ang electric fields mula sa ilalim ng lupa; batteries para magkaroon ito ng kuryente; at coils na mga alambreng nagsusukat naman ng magnetic fields mula sa ilalim ng lupa. Ang datos na hinggil sa natural electromagnetic waves ng lupa ay pag-aaralan ng mga eksperto para alamin ang naka-imbak na likas-yaman sa ilalim ng lupa.

Ang panukalang SC 53 MT survey dito sa atin ay naglalayong maka-kalap ng additional geophysical information sa mga nauna nang isinagawang eksplorasyon dito noong Dekada ’80. Remember PNOC and Delta Exploration? Maraming mga isyu at tanong ang hindi tuwirang nalinawan na ibinato ng mga lider-barangay, lider-katutubo at mga mamamayang dumalo. Nagbahagi rin ng ilang karanasan at agam-agam si Sr. Malou Baaco, DC ukol sa proyekto. Halimbawa ay ang pagtitiyak na walang epekto sa tao at kalikasan ang mga susunod pang phase nito,- kagaya ng seismic survey na inamin na gagamit sila ng “low grade” dynamite, at ang drilling and rigging phase gayung ibang kumpanya o kontrata naman ang gagawa nito.

Sa konsultasyon sa Burgos ay binasa ni Peping Poyngon, lider ng Fakasadean Mangaguyang Tao-Buid Daga, Inc. o FAMATODI ang kanilang position paper hinggil sa isyu na noon pang ika-8 ng Oktubre, 2007 pinagtibay ng kanilang tribu. Ayon sa kalatas, “Malalapastangan ng anumang pagmimina ang aming mga sagradong lugar sa loob ng lupaing ninuno. Magdudulot ito ng walang kapanatagan ng loob ng mga tao at ito ay sagka sa Indigenous Peoples Rights Act o IPRA...”

Noon pa man ay may basbas na ni Gov. Josephine Ramirez-Sato ang Onshore South Mindoro Field Survey. Sa kanyang sulat kay Mr. Ismael U. Ocampo, Hepe ng Petroleum Resources Development Division ng DOE noong October 17, 2006, ay binigyan ng permiso ang gawain. Noong hindi pa Pitkin ang may hawak sa proyekto, ang LAXMI Organic Industries ang gagawa nito.

Kapwa tinutulan ng mga opisyales ng dalawang barangay ang balak na eksplorasyon. Baka umano sila na naman ang sisihin ng taumbayan sa pinsalang maidudulot nito sa kalikasan at sa pamayanan. Sinabi ni Bgry. Kagawad Julio Suyat ng Burgos na kagaya ng isang cell site na itinayo sa isang bundok sa kanilang lugar na nag-resulta ng pagbaha at landslide, hindi tinupad ng kumpanya ang pangakong tulong sa barangay.

In the final analysis, ibinulong sa akin ng aking katabing matanda sa Purnaga: “Sa kaliwa’t-kanang kurapsiyon ngayon sa itaas (national government), kung papaanong pinag-kakaperahan ng mga taong gobyerno ang mga maliliit at malalaking proyekto, habang ang mga mahihirap ay pumipila sa bigas, anumang proyekto,- mabuti man o masama, mula sa pambansang pamahalaan ay kina-dadalaan na kaya tinututulan naming mga taga-bukid ...” “May tiwala kami kahit konti sa ating mga lokal na pulitiko,... sa national leadership lang ‘alang-‘ala!”, dagdag pa niya.

By the way, ‘ala pa ring opisyal na tindig dito ang Simbahang lokal.....

Wednesday, August 20, 2008

Mga Linyang Immortal


May mga pelikulang Pinoy na napanood natin noon halimbawa sa Levi Rama at Golden Gate Theatre, na kahit na lumipas ang panahon ay may mga linya o dialogue na hindi natin malilimutan at naaalala natin bigla ang pamagat ng pelikula. Mga linya na pwede ring maging linya ng mga Mindorenyo sa bawat panlipunan nating buhay. Ilang halimbawa lang:

“Para kang karinderyang bukas sa lahat nang gustong kumain.”
Vilma Santos. “Palimos ng Pag-Ibig”
(...na pwede ring sabihin sa mga pulitikong walang sariling prinsipyo at palipat-lipat ng mga kaalyado!)

“Ayoko ng masikip! Ayoko ng mabaho! Ayoko ng putik!”
Maricel Soriano. “Kaya Kong Abutin ang Langit”
(...na pwede ring isigaw ng mga regular na namamalengke sa San Jose Public Market!)

“Ikaw pala. Ikaw pala ang sinasabi ng asawa ko na asawa mo na asawa ng bayan!”
Laurice Guillen. “Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi”
(...na pwede ring tunghayaw ng misis ng isang babaerong Meyor sa kerida ng mister niya)

“Baka nakalimutan mo, sampid ka lang dito!”
Maricel Soriano. “Pinulot ka Lang sa Lupa”
(...na pwede ring sabihin sa dayong naghahari-harian dito sa atin!)

“Trabaho lang ito, walang personalan.”
Rudy Fernandez. “Markang Bungo 1”
(...na gusto kong sabihin sa mga pulitikong pulpol!)

Tuesday, August 19, 2008

May Naka-Palanca Na Pala Akong Kababayan

“Magkano ba
ang giniling na laman
at isang kilong hita?”
“Papisil nga
kung sariwa pa.
May bawas ba
pag lamas na?”

“Puwede bang igisa?
O kilawin kaya?
Masarap ba?
Baka nakakasuya.
Nakakadighay ba?
Hindi nakakabitin.
Makatas ba?
Baka naman panat na.”

Aba, mamang ano
wala kayo sa palengke.
Babae ang kausap ninyo.

---------
(Opisyal na kulminasyon ng Linggo ng Wika ngayong araw, Agosto 19. Sa San Jose rin ipinanganak at lumaki ang sumulat ng tula sa itaas. Ang kanyang entry na may pamagat na “Ulahing” ay nanalo ng parangal sa 1989 Palanca Awards for Literature. Ang tulang itinampok natin sa post na ito ay may pamagat na “Ang Lalakeng Akala Niya ay Nasa Palengke Siya”. Siya ay si Rowena Peñaflor-Festin na nagtapos ng hayskul sa Saint Joseph School noong 1982. Natisod ko lang ang impormasyong ito sa http://dwcsjom.googlepages.com -NAN )

Thursday, August 14, 2008

Ala-ala ni Elizabeth

Limang taon na ang nakalilipas ngayon. Noon ay ika-14 rin ng Agosto, 2003 nang walang-awang ginahasa at pinaslang ng tatlong kalalakihan ang noo’y labing-anim na taong gulang at second year high school student na si Elizabeth Albacino sa Sitio B-1, Barangay Central, San Jose, Occidental Mindoro. Ang mga suspek ay bilanggo sa Magbay Provincial Jail sa nasabi ring lugar. Papaano 'kanyo nakagagawa pa ng krimen ang isang bilanggo?

Hindi man kasi ninyo naitatanong, dito kasi sa amin, ang mga bilanggo noon (hanggang ngayon ba?) ay nakalalabas ng karsel o selda para magtrabaho nang walang upa sa pribadong sakahan o bukid ng ilang “matataas na tao” sa lalawigan.

Kayang palabasin ng kanilang impluwensiya ang mga bilanggo kahit walang court order. Kung hindi man sa mga pribadong pa-trabaho, ginagamit din ang mga kaawa-awang bilanggo sa mga pa-trabaho ng pamahalaang panlalawigan (regardless kung sino ang governor!) kagaya ng pagtatayo ng tore at antenna ng radyo ng ilang tanggapang-bayan. At palibhasa mga halang ang kaluluwa at mga habitual offender na, ang mga pinalalabas na inmate o detainees ay nakakagawa pa uli ng krimen. Lalung-lalo halimbawa ang brutal na panggagahasa at pagpatay kay Elizabeth Albacino noong 2003. Pinatay siya sa pamamagitan ng malalakas na pukpok ng isang mabigat na bagay sa ulo (na pinaghihinalaang isang malaking tipak ng bato), ayon sa autopsy report noon.

Ang Albacino Rape-Murder Case ay ang aking naging buhay na halimbawa hanggang ngayon kung gaano ka-palpak magtrabaho noon sa crime scene at investigation ang aming local PNP. Kumusta kaya ngayon?

Ngayon ay tila limot na ng panahon ang pangyayari. Ang mga organisasyon at samahang noon ay mainit na nakikibaka para sa katarungan sa kanyang pagka-matay ay nanamlay na. Hanggang sa kasalukuyan ay nabibinbin pa rin sa hukuman ang kaso... Halos hindi na umaasa ang mga kaanak ni Elizabeth na makakamit nila ang hustisya. Ibiniyahe na sa Muntinlupa ang bilanggo na siyang pangunahing suspek sa krimen.

May ilang bulong-bulungan, bagama’t walang pruweba, pero totoo kaya na ang nakagawiang pagpapalabas ng mga bilanggo sa Magbay Provincial Jail ay practice pa hanggang ngayon? Kabilang nga ba ang ilang convicted o suspected rapist at murderer?

Ang isa pang naka-lulungkot, hindi napanagot ang mga “matataas na tao” nag-utos para palabasin ng jail ang mga bilanggong iyon exactly 5 years ago today. Isa lamang ang tiyak ko,- may mantsa rin ng dugo ni Elizabeth Albacino ang kanilang mga kamay... at ito ang magiging pangunahing ebidensiya ng Dakilang Hukom laban sa kanila balang-araw kapag sila ay hinatulan Niya....

Wednesday, August 13, 2008

Petrolyo sa Mindoro


Sumulat sa Office of the Mayor ng Sablayan noong ika-15 ng Hulyo (at marahil sa lahat ng mga alkalde ng ilang tukoy na bayan sa Oksi) sina OIC Director Alicia N. Reyes at Assistant Director Ismael U. Ocampo ng Energy Resources Development Bureau ng Department of Energy (DOE) hinggil sa on-going Information, Education and Communication (IEC) campaign sa ilulunsad na particular survey towards a petroleum exploration project sa Kanlurang Mindoro. Kaya sirit sila ngayon sa pagpunta sa mga baryo para sa EIC at ilang pang community activities.

Ayon sa sulat, “... the DOE has awarded the Petroleum Service Contract No. (SC) 53 to Pitkin Petroleum Ltd. (Pitkin) after approval of the Farm-in Agreement on 11 June 2008. SC 53 covers and area of 645,000 hectares in on-shore .... “. Target ng Pitkin na kaagad na maglunsad ng tinatawag na magneto-telluric (MT) survey para kumalap ng mga siyentipikong datos (o seismic data) at ilan pang dagdag na impormasyon hinggil sa area.

Ang mga tatamaan ng MT survey sa Occidental Mindoro ay kinabibilangan ng Sablayan (Sta. Lucia, San Nicolas, Gen. Emilio Aguinaldo, Ligaya at Burgos); Calintaan (Malpalon, Poypoy at Tanyag); Rizal (Limlim (Rizal), Manoot, Sto Nino at Aguas): San Jose (Central, Camburay, Mabini, at Magbay); Magsaysay (Paclolo at Gapasan). Ayon sa Pilkin, tinatayang matatapos ang MT survey sa 23 barangay sa loob lamang daw ng 60 days. Tinatayang 78 kilometro ang ang haba ng lugar na sakop ng pag-aaral. Maliban sa Pitkin at sa DOE, tampok rin sa proyektong ito ang mga kumpanyang SEASTEMS Inc. at Phoenix Geophysics na siyang gagawa ng survey.

Kung ating paniniwalaan ang mga departamento at kumpanyang ito, malaking tulong ang proyekto sa nararanasang krisis sa langis ngayon ng bansa. Sa pamamagitan nito (kuno) ay mababawasan ang aangkating petrolyo ng Pilipinas mula sa ibang bansa. Hayagang ipinagmamalaki sa publiko ni Gov. Josephine Ramirez-Sato ang pagsuporta dito ng kanyang pamahalaan. Sa kabila ito ng pag-aaproba ng Pamahalaang Panlalawigan sa 25 year large scale mining moratorium sa mga bayan ng Sablayan at Abra de Ilog.

Inamin ng Pitkin na siyang Service Contractor ng proyekto na may ilang identified impact ang mga gawain kagaya ng soil disturbance, disturbance to vegetation, including dust, waste and noise generation. Ang MT survey in general ay may ganitong mga activity: burying of coils and pots; transfer/movement from one survey station to another; among others. In short, suri-aral tayo kabayan...

Ang reaksyon dito ng ilang organisadong grupo sa lalawigan? Ano ang MT survey? Papaano ito ginagawa? Ano ang tayo dito ng Simbahang Lokal?... All that and more when we return (Parang "Fantasy Hoop" 'no?) ....!!!

Saturday, August 9, 2008

Mindoro QuizTion Part 1


Tanong:

1. Sino ang dating gobernador na sumusuporta sa pagmimina partikular sa Intex Resources at sa Mindoro Nickel Project?
a.Jose T. Villarosa
b.Pedro O. Medalla, Jr.
c.Pareho sila

2. Totoo bang nagsama na sina Gov. Josephine Ramirez-Sato at si Bokal Rod Agas ng District 2?
a. Oo
b. Hindi
c. Alanganin (pa sila sa isa’t-isa)

3. Sinong Mindoro radio personality turned politician ang nag-report noon sa himpapawid nang: “...isang bangkay ang natagpuang patay...”?
a.Bokal Nathan Cruz
b.Vice President Noli de Castro
c.Wala

4. Maliban sa bayan ng Sablayan, aling bayan pa sa Occidental Mindoro ang nagpapatupad ng 25-year large scale mining moratorium sa pamamagitan ng isang ordinansa?
a.San Jose
b.Mamburao
c.Abra de Ilog

---------
(Sagot: 1. (b) Pedro Medalla, Jr. Isa siya sa mga resource speakers ng Intex sa isang forum na pinamagatang “Mindoro Nickel, Gateway to Mindoro’s Future” na ginanap sa Hollywood Palm Beach sa Puerto Galera, Oriental Mindoro noong May 15-16, 2008; 2. (Oo). Nagsama sina Sato (bilang interviewee) at Agas (bilang program host) sa re-broadcast ng “Tinig ng Lalawigan” noong July 26, mula 7:00 – 8:00 AM na sabayang inere sa DZVT at DWDO; 3. (c). Wala ... wala akong patunay na nangyari o totoo nga ang kuwentong ito! 4. (c) Abra de Ilog. Ito ay ang Ordinance No. 106-2008 na pinagtibay ni Mayor Eric A. Constantino at ni Acting Presiding Officer/SB Member Iluminado E. Ricalde noong June 2, 2008 dahil may karamdaman noon si Vice Mayor Floro A. Castillo.)

Thursday, August 7, 2008

Trivia de Konsumi(dor)


Dapat na malaman ng mga consumer ng OMECO (Occidental Mindoro Electric Cooperative) na .....

...... ang accumulated losses nito noong 2007 ay umabot sa P 215,966,663 kumpara sa 162,301,558 noong 2006.

..... ang current liability nito base noong isang taon ay P 187, 739,886 kumpara sa 156,849,699 noong taong 2006.

..... kung mag-papatuloy ang katulad na laki ng pagkalugi tulad noong 2007 na P 42M, sa susunod na taong 2009 ay magkakaroon na ng negative na capital contribution dahil ang natitira na net nito ay P 24M.

..... habang paliit nang paliit ang natitirang capital contribution ay palaki naman ng palaki ang percentage ng current liabilities sa kabuuang assets na noong 2005 ay 28%, 50% noong 2006 at sa taong 2007 ay naging 60% na.

..... hindi nakatutulong ang OMECO sa gutom na dinaranas ngayon ng mga Mindorenyong api na sa lipunan ay ganitong mga istatistika pa ang itatambad mo sa kanila! (Tsk ...tsk... ‘pag hindi ka naman nakunsumi, oo..)

..... mababasa natin sa Isaias 58:10 ang ganito: “... Kung nagmamalasakit ka para sa nagugutom at bibigyang-ginhawa ang mga api, ang liwanag mo’y magniningning sa karimlan, ang iyong gabi ay matutulad sa katanghaliang-tapat”.

--------
(Sorry po. Wala yatang kinalaman yung trivia 'dun sa Biblical passage.-NAN)

Tuesday, August 5, 2008

Recall at Sangkalan


Last week pa ay may umiikot na umanong pinapipirmahan sa ilang tukoy na barangay sa San Jose para i-recall si Mayor Romulo “Muloy” Festin ng aking bayang sinilangan. Ayon sa mga bulung-bulungan na, ewan ko kung totoo,- ang nag-initiate 'di umano sa recall process ay ang kampo ni dating kongresista, dating gobernador, dating in-mate at ngayon ay (Bubog) Brgy. Chairman Jose T. Villarosa o JTV. Ngunit ang sabi naman ng iba, ang tunay na pasimuno nito ay ilang lokal na cause oriented groups na hindi pa naman napa-pangalanan hanggang sa isinusulat ito. Ngunit matatandaan na matapos siyang maabsuwelto sa Quintos Double Murder Case, si JTV ay nagpahayag na (uli) ng kanyang hangaring maging alkalde ng San Jose.

Ang recall ayon sa Local Government Code (RA 7160)ay isang “method of removal of an elective official for loss of confidence...” Wala raw improvement ang San Jose. May lagay daw mula sa STL si Mayor Muloy na 700 thousand pesos every month at ilang pang paratang ng graft and corruption. (Halaw mula sa mga ikinakalat na polyetos ngayon kaugnay ng recall ng grupong tinatawag na Recall Muloy Movement).

Ang Section 29 ng RA 7160 ay nagbibigay ng garantiya sa paglulunsad ng isang recall process kung kailan ang mga rehistradong botante ng isang Local Government Unit o LGU ay makapag-e-exercise ng power of recall para sa “loss of confidence over a local elected official”. Ang initiation of recall process ay maaring padaanin sa dalawa: Una, sa pamamagitan ng Local Preparatory Assembly (LPA) at adoption of Resolution by majority of the LPA. Ikalawa, (na malamang na tinahak ng kaso kontra kay Mayor Muloy) ay ang written petition by at least 25% of the total number of registered voters of the LGU (municipality)...” Ang bahaging ito ang kasalukuyang ipinu-proseso ng mga pasimuno ng recall. Walang panahong itinatakda dito ang batas, huwag lamang lumampas sa huling taon ng termino ng taong subject of recall na hindi rin maaring mag-resign habang in progress ang recall process.

Matapos ito, ang Written Petition ay isa-submit sa Commission on Elections (COMELEC) at sa partikular na kasong ito ay sa opisina ni Municipal Election Officer Rogelio Balayan para i-post ito sa loob ng 10 hanggang 20 araw at i-verify ang mga nakalap na signature. Matapos ang verification, ia-announce ng COMELEC ang pagtanggap ng mga kandidato at kasama sa mga kandidato ang taong subject of recall. Matapos ito ay itatakda ng COMELEC ang petsa ng Recall Elections na hindi dapat lumampas sa 30 days at 45 days naman kung sa probinsiya. Matatapos lamang ang proseso ng recall matapos ang eleksiyon at mai-proklama ang mga nanalo... Ganyan ka-haba, at komo mahaba ay magastos ang prosesong ito...

Bagama’t tumanggi kahapon sa isang panayam sa DZVT si Mr. Balayan, inamin naman nito na ito ay isang mahabang proseso. Sari-sari ang lumabas na opinyon dito ng mga taga San Jose, lalung-lalo na ang kani-kanilang mga kabig sa pulitika... Hintayin na lang daw ang 2010. Sabi naman ng iba, dapat nang palitan si Mayor Muloy dahil lubog na ang bayan... Sabi ng kampo ni Mayor Muloy, itulong na lang sa mga mahihirap ang gagastusin dito. Sagot naman ng kabilang kampo, e ‘di yung halaga sa over pricing na lang ang itulong sa mga mahihirap... Gamit ang kani-kanilang mga kaalyado at/o pag-aaring istasyon ng radyo, batuhan na naman sila ngayon ng akusasyon. Para pamagat ng isang pelikula ni Eddie Romero,-“Ganito sila noon, ganito pa rin sila ngayon”!

Pero anu’t-ano man, sa pampulitikang prosesong ito ay gagawin na namang sangkalan ang mga mamamayan ng Pandurucan.

Monday, August 4, 2008

Kuwentuhang Pari


Ngayon ay Feast Day ni St. John Mary Vianney na Patron ng mga Diocesan Priest at ang buwan ng Agosto ay ideneklara bilang “Buwan ng mga Pari” dito sa Bikaryato ng San Jose (lang ba?). Announcement ito sa aming mga lay worker noong Biyernes sa aming first Friday Mass, challenging us na ihanay ang diwa ng temang ito sa aming pang-araw-araw na gawain at least for this month....

Nabasa ko minsan (hindi ko na matandaan kung saan) na may pangunahing pagkakaiba raw ang papel ng mga pari noong panahon ng Matandang Tipan kumpara sa Bagong Tipan. Sa New Testament, hindi lamang daw natatali ang pari sa mga kung tawagin ay ‘sacrificial sphere’ o iba pang gawain na wika nga ay ginagawa lamang sa “harap ng altar”. At through the ages ay sumunod sa linyang ito ang Vatican II na nag-deklarang: "Priests by sacred ordination and mission which they receive from the bishops are promoted to the service of Christ the Teacher, Priest and King."
At sabi nga ng isang writer ng EzineArticles na si Antony Innocent kaugnay ng sinasabi ng Konseho, “This threefold mission of Christ can be and is realized in a variety of ways. In this call is to be realized the roles of a servant, leader, manager, counselor, missionary, minister of the word, dispenser of the sacraments, teacher of faith, a social activist, a reformer, conscience of the society and much more. Besides all these, he is the Vicar of Christ and ordained representative of the world's largest institution - 'The One Holy Apostolic Catholic Church'. All these indicate that a priest unlike a lone tree that swings and sways to make no observable difference in its surroundings, is a crucial figure in the society. He has a specific and tremendous responsibility to fulfill in the society he lives in. His thoughts, words and deeds have very serious global effects”.

Pero papaano kaya ‘yung mga paring lumabas na sa pagka-pari? Halimbawa, yung mga dating pari na ngayon ay kabig na ng mga “mababait” na pulitiko? O ‘yung mga dating “Father” na ngayon ay mouth piece at instrumento na nang panggo-goyo ng mga minero? At iba pang taliwas sa inihanay sa itaas ni Innocent. Abswelto na ba sila?

Isa lang ang malinaw, ang epekto ng anumang kamaliang magagawa ng isang pari ay hindi lamang sumasalamin sa buo niyang buhay kundi mayroon rin itong epekto, gaano man kaliit o ka-gaan,- sa buhay ng mga tao at pamayanang “nahaplos” ng kanyang ministeryo o pagka-pari.

By the way, Si St. John Mary Vianney na ipinanganak noong May 8, 1786 ay na-canonized noong 1925 ni Pope Pius XI at ang AKA niya ay “Cure’of Ars” na tinagurian ng isang modern writer na, "..a man on a journey with a goal before him at all times..."

Friday, August 1, 2008

Istak-Ap



Ganitoangsitwasyonnglipunansaamin:

Walangpatlangbuongtaonanggimikngmgapulitikoatkabignilanglihim.
Hindimapatidnapagsisinungalingngmgamineroparasapuhunangkimkim
Walangtamangespasyoparasabatasatpagigingtaimtim
Habangkamiaylalongibinubulidngmganamumunosaamin...

Kailangannaminangtunaynaliderkundimanteknisiyangnag-aral
Sapagkatkamiaymistulangisangcomputernanag-istak-apangspacebar!

Thursday, July 31, 2008

Pundido Na


Hindi notaryado kaya sarkastiko ang pagkaka-banat ng dalawang dokumento na may isang linggo na umanong ikinalat sa buong lalawigan. Pero okey lang. Nag-litanya ang mga ito ng umano’y anomalya sa loob ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at ng General Manager (GM) nito mismo. Dalawa ang ipinamudmod na liham sa media, mga bahay, tanggapan at indibidwal,- isang English at isang Tagalog. At kahapon ko lang ito nabasa.

Patuya kundi man satiric ang estilo ng sumulat at isa lang ang tiyak ko: marami itong nalalaman sa loob ng nasabing tanggapan. Detalyado ang kanyang figures at legitimate din naman ang kanyang (kanilang?) concerns. Balita ko ay hindi pinag-ukulan ng pansin ng Board of Directors (BOD) ng OMECO ang nilalaman (o ang mga akusasyon) ng liham dahil sa “hearsay” lang ito,... kasi wala nga naman itong lagda at wala ring legal bearing. (“moral” meron tiyak!) Nangangahulugan rin ba na walang katotohanan ang mga bintang na ito dahil anonymous ang gumawa? Tama ba ang katwiran na hindi ito p’wedeng imbestigahan ng BOD dahil sa hindi nagpakilala ang nag-aakusa?

Maraming paratang,..may opisyal, may personal. Kumbaga sa putahe ay Chop Suey na. Sige, subukan nating ilagay sa kapsula ang laman ng “palibot-liham” na ihahanay ko nang patanong:

More or less 2 M pesos na nga ba ang kabuuuang utang ng OMECO sa National Power Corporation o Napocor ngayon? Lumobo na nga ba sa 1 Million Pesos ang hindi na-liquidate na cash advance ni GM Alex C. Labrador? Umaaabot nga ba sa P 30,000 ang halaga ng foodstuff na buwan-buwang isinusuhol ng GM sa mga Napocor at National Electrification Administration (NEA) officials sa Maynila? Nag-hire nga ba sila ng isang System Loss Consultant na P50,000 ang sweldo kada buwan? May kutsabahan nga ba si GM at ang kanyang Finance Manager? Hindi nga ba transparent ang inyong Monthly Financial Report? Totoo bang gumastos ang OMECO Board sa kanilang recent travel sa Lubang ng halagang P200,000 simula June 23 hanggang July 1, 2008?

Sampol pa lang ‘yan at hindi ko isinagad. Hindi ko na isinama ang mga sa tingin ko ay masyadong personal o kaya naman ay walang direktang kinalaman sa mga OMECO Member-Consumer na katulad ko....

Noon ko pa sinasabi na mapupundi at mapupundi rin ang mga Mindorenyo at parang kidlat nilang ibubuga ang kanilang mga hinaing at galit. Mga pagkilos na hindi na kailangan pang ipa-notaryo sa abugado!

Tuesday, July 29, 2008

Sa Bahay Lang...


“Ilan ang anak mo?”, tanong ko sa ka-kuwentuhan kong Barangay Tanod. “Lima,. sampung taon ang pinaka-matanda.”

“May trabaho ba ang misis mo?” “Wala,.. sa bahay lang.”

“Anong ginagawa niya sa araw-araw?” “Madaling-araw siya kung gumising, nag-iigib ng tubig, nagwawalis ng bakuran, nagluluto ng almusal. Sa bandang pa-tanghali, maglalaba at pagkatapos ay pupunta sa tumana at mangunguha ng gulay. Pagkatapos ay magluluto, mag-papaligo ng mga bata at magpapa-suso ng aming bunso at pangalawa sa bunso.”

“Umuuwi ka ba tuwing tanghali?” “Hindi na.. malayo, e. Nagpapa-hatid na lang ako ng baon sa kanya.- mga tatlong kilometro ang layo ng Barangay Hall namin...”

“At ‘pag uwi niya?”, “E,‘di patutulugin niya ang mga bata o aalagaan. Bago magluto ng hapunan ay magpapakain siya ng baboy at magpapatuka ng manok. Maghahanda siya ng hapunan para sa pag-uwi ko ay kakain na kami.”

“Nahihiga ba siya kaagad pagka-tapos ng hapunan?” “Mas nauuna akong natutulog. Marami pa siyang ginagawa bago matulog. Naghuhugas ng plato, tumutulong gumawa ng assignment ng mga bata, nanunulsi at namamalantsa. Alas diyes na ng gabi kung siya ay mahiga. Kapag may ronda kami, hihintayin niya akong umuwi at sabay kaming maghahapunan.”

“Sabi mo walang trabaho ang misis mo?” “Wala nga,... sa bahay lang siya!”

--------------
(Kadalasan, ang pananaw nating mga kalalakihan sa salitang “trabaho” ay yaon lamang may sweldo at ginagawa sa ‘workplaces’ at hindi sa bahay. Wala bang gender sensitivity awareness program ang mga barangay official dito sa Kanlurang Mindoro o related topic man lang kaya sa mga seminar?)

Patabaing Biik



“Intex Resources has also undertaken nursery development activities,
producing over 27,000 seedlings for fruit-bearing trees and industrial crops such as abaca, rattan and bamboo, thereby reducing “slash-and-burn” or “kaingin” practices....”

“Another 100,000 seedlings are also raised in separate nurseries for the eventual
reforestation programs within and surrounding the exploration area. Eventually this will contribute to the protection and preservation of Mindoro’s watershed – a key aspect of responsible mining.....”

(From Intex Resources Press Statement; May 16, 2007)

--------
A,... ang Occidental Mindoro pala (ang kalikasan o ang watersheds dito)ay parang biik na palalakihin muna, patatabain at saka kakatayin?

Friday, July 25, 2008

Iligtas ang Calawagan at Calavite


Upang siguro ay lubusang ma-protektahan ang ganda at yaman ng kalikasan sa bayan ng Paluan, lalung-lalo na ang pamosong Bundok Calavite at Calawagan River (na makikita sa larawan sa gawing kanan),- ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan (SB) nito ang Resolution No. 16; Series of 2008. Pinagtibay ito sa pamamagitan ng SB session noong Mayo 19, 2008. Matingkad na binabanggit dito ang “vehement objection ..... to any large scale operations...” na maaaring i-propose (o buksan) sa kanilang munisipalidad. Ang resolusyon ay isinulong ni Hon. Michael O. Diaz na unanimously approved naman ng SB. Attested ito ni Municipal Vice-Mayor at Presiding Officer Edgar P. Barrientos at inaprobahan ni Mayor Abelardo S. Pangilinan ng nasabing bayan.

Bagama’t ito ay isang resolution lang (as we all know and isang reso ay temporary lamang), maganda na rin itong take-off sa mga anti-mining moves doon. Kumbaga, may ulo na ng pakong pupukpukin. Mayroon nang uumpisahan sa pag-uusap. Sabi nga sa isang bahagi ng dokumento: ”...large-scale mining operations would endanger the environmental integrity of the whole municipality to the detriment of the present and future generations of Palueños...”

Maliban kina Diaz, Barrientos at Pangilinan, lumagda din sa resolusyon sina Hon. Demosthenes R. Viaña, Antonio L. Tinaliga, Willard F. Sanchez, Joemarie T. Velandria, Melvin T. Tagumpay at ABC President Lynette C. Torreliza.

HV Kuwarenta


Narinig ko sa DZVT kani-kanina lang ang mensahe ni Occidental Mindoro Bishop Antonio P. Palang tungkol sa 40th Anniversary ng “Humanae Vitae”. At ang pananaw niya sa kabanalan ng buhay sa diwa ng sulatin.

Eksaktong 40 anyos na ngayong araw na ito ang “Humanae Vitae”. Ang Encyclical Letter na isinulat ni Pope Paul VI dahil ika-25 rin noon ng Hulyo taong 1968 nang ito ay isa-publiko. Sa kanyang sampung taong panunungkulan, wala nang sumunod pa ditong encyclical si Pope Paul VI.

Pero ganito ko lang ka-simpleng naunawaan ang (mensahe ng) “Humanae Vitae”: “Kayong mga mag-asawa, maging responsable kayo. Magsama at magtuwang kayo hindi lamang sa sarap kundi PATI sa hirap. Huwag lamang PAG-PAPASARAP ang inyong isipin at gawin. Ang pagpapahalaga sa karapatan at responsibilidad ay ang UNANG HAKBANG sa pagpapabanal ng buhay mo at ng iba.”

Ang pandaigdigang sitwasyong mag-asawa simula noong 1968 hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy at lalong lumalala kaya nananatiling napapanahon pa rin ang mga panawagan at hamon ng Simbahan na naka-ukit sa “Humanae Vitae”. Ang kontrasepsyon ayon sa ilang datos ng Simbahan ay naging daan sa penomenal na pagtaas ng antas ng mga kaso ng adultery at out-of-wedlock births.

Kabi-kabilang batikos din ngayon ang inabot ng mga lider Katoliko partikular si Arsobispo Jesus A. Dosado, CM ng Ozamiz. Ito ay dahil sa kautusan nitong huwag bigyan ng komunyon ang mga pulitikong sumusuporta sa umano’y anti-life bills.

Sabi naman ng iba, huwag lang ilimita ang communion ban sa mga pulitiko. Isama pati ang mga PARI! Ipagbawal din ang pagpapa-komunyon ng mga paring Katoliko na sexual molesters and offenders (lalung-lalo na yung mga pedophile!), nagpapa-gamit ng kontraseptibo o nagpa-abort ng/sa kani-kanilang sekswal partners, at yung mga hayagan o patagong sumusuporta sa mga pulitikong nag-susulong ng anti-life bills kapalit ng limpak-limpak na donasyon para sa pondo ng parokya....(?)Ewan...

Change topic. Paalala pa nga ng isang pari na si Fr. Paul Marx, “When you sow contraception, you reap abortion..” At ang mensaheng iyan ay para sa lahat: pagano, binyagan, pari at layko. Oo, para sa lahat. Katulad ng “Humanae Vitae” na itinampok kanina ng Obispo sa radyo.

Wednesday, July 23, 2008

Kung Bahay Lang ....


Puwedeng larawan ito ng Kanlurang Mindoro. Mga mamamayang doble kayod,- nagpapa-renta ng bahay, naglalako ng samu’t-saring paninda kabilang ang litsong manok at baboy,- at kung anu-ano pang pagkaka-kitaan. Sa kabila ng pagsusumikap ay hindi pa rin tayo umaasenso. Hindi na tayo tuma-“tahan” sa ating tahanan. Luging tindahan na ang ating bahay. Niluma na nang panahon ang pamamaraan at estilo ng pamumuno ng ating mga lider-pulitiko habang ang mga kapit-bahay (kapit-lalawigan) natin ay magagara nang mansyon at ang pangarap nating maging katulad nila ay tila isa na lamang ilusyon.

Kung hindi tayo magigising sa katotohanan.......

Kung ang Kanlurang Mindoro ay BAHAY at hindi LALAWIGAN!

--------
(Larawang kuha ni Bb. Teresita D. Tacderan sa Rizal St. Brgy. 4, Mamburao, Occidental Mindoro noong ika-19 ng Hulyo 2008-NAN)

Monday, July 21, 2008

Isang Paggunita sa Talayob Massacre


Eksaktong limang taon na ngayon ang nakalilipas mula nang maganap ang tinawag naming Talayob Massacre....

Isang araw bago ang insidente,- noong ika- 20 ng Hulyo, 2003 , bandang alas-kuwatro ng hapon, pumunta si Lenlen Baticulin, isang dalagitang Mangyan, sa bahay ng kanyang mga kaanak sa Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro. Bahay ng mag-asawang Roger at Olivia Blanco (kapatid ni Lenlen si Olivia. Si Olivia noon ay walong buwang buntis) at mga pamangkin na sina John-john Kevin, 3 taon; at Dexter, 1 ½ taon, upang yayain na manalukan sa Brgy. Nicolas, sakop din ng nasabing bayan. Nang hapon ding iyon ay nagdesisyon sii Lenlen na doon na magpalipas nang gabi.

Si Lenlen na noon ay disais anyos pa lamang ay nasa unang taon sa sekondarya at mag-aaral ng Paaralang Mangyan na Angkop sa Kulturang Inaalagaan o PAMANAKA, isang Mangyan alternative school na pinangangasiwaan ng Mangyan Mission ng Bikaryato ng San Jose.

Isa lamang sana itong karaniwang umaga sa isang matahimik na pamayanan. Ika-21 noon ng Hulyo, taong 2003 bandang alas-5 ng umaga, Habang abala ang lahat sa paghahanda para sa kanilang pagpunta sa baryo, nag-aayos ng zipper ng bag si Lenlen, naghuhugas ng kalderong paglulutuan ng baon si Olivia, naghahanda ng mga damit si Roger, samantalang ang dalawang maliliit na pamangkin ay masayang naglalaro sa ibabaw ng mesa sa labas ng kanilang bahay.

Binasag ang katahimikan ng sunod-sunod na mga putok ng baril. Agad bumagsak mula sa mesa si Dexter, duguan at tadtad ng punglo ang katawan. Narinig ni Lenlen ang sigaw ng kanyang bayaw na si Roger, “Si Toto...may tama!!”. Matapos ang unang sigwa ng mga putok ay tinakbo ni Olivia si Roger na noo’y kalung-kalong ang wala nang buhay na si Dexter. Kitang-kita rin ni Lenlen ang pamangking si John-john na lumundag sa mesa upang pumunta sa mga magulang, subalit sunod-sunod na putok muli ang umalingawngaw, bago pa man nakalapit sa mga magulang si John-john ay tinamaan na rin ito ng mga bala sa likod.

Dinapaan ni Roger ang kanyang buong pamilya sa pag-aakalang maililigtas pa niya ang mga ito sa putok ng mga baril Sumisigaw sa panaghoy noon si Olivia, “Bakit ninyo kami ginaganito? Wala kaming kasalanan sa inyo!”

Subalit nilunod na lamang ng mga putok ng baril ang mga sigaw at panaghoy ng pamilya. Agad na binawian nang buhay ang mag-asawang Roger at Olivia. Pagkatapos pa nang ilang mga putok ay wala nang natirang buhay sa buong pamilya Blanco,- isang pamilyang Mangyan.

Nang inaakala ni Lenlen na tapos na ang putukan ay sinubukan niyang lumabas nang bahay upang magtago sa halamanan. Ngunit sunod-sunod na putok ang kanyang narinig na mukhang sa direksiyon niya patungo. Agad siyang gumapang palabas at humingi nang saklolo sa kanilang mga kapit-bahay. Nilapitan naman siya nang isang babaeng kapit-bahay at sinabing pasasamahan siya sa asawa’t anak nito kung saan man siya magpapahatid.

Kinaumagahan, kaagad nagsagawa nang sariling imbestigasyon at dokumentasyon ang Social Services Commission (SSC) at Mangyan Mission kaugnay sa naganap na insidente. Pagkatapos makakalap nang mahahalagang datos at ebidensiya ay agad itong nagsampa nang kasong kriminal laban sa ilang matataas na opisyal ng 16th Infantry Batallion ng Philippine Army (PA) sa Fiscal’s Office sa San Jose, Occidental Mindoro ng kasong multiple murder. Bago pa man ang mauwi sa hukuman ang kaso, ang mga sundalong direktang sangkot sa pagpatay ay inilipat na nang destino.

Sumulat noon sina Rev. Fr. Rodrigo Salazar, Coordinator, Mangyan Mission; Rev. Fr. Mario Ronquillo, Chancellor kay Secretary Eduardo Ermita na noon ay Chief Presidential Adviser on the Peace Process upang humingi ng ayuda.

Hiniling nila na sa pamamagitan ng OPAPP ay makahingi ito nang tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga institusyong nagbibigay ng suportang legal upang mapabilis ang paglilitis ng kaso at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng buong pamilya Blanco. Nangangamba rin sila na baka magkaroon ng white wash sa kaso at matulad sa iba pang kaso na sangkot ang militar at mabasura lamang ito. Ipinadala ang sulat noong ika-walo ng Agosto, 2003.

Hindi dito natapos ang paghingi nang tulong ng SSC at Mangyan Missiom, umapela din ito maging ang mga lokal na lider ng pamahalaan upang matutukan ang pagresolba sa nasabing kaso.

Maigting ang naging pagtatalo sa husgado kung saan dapat litisin ang kaso. Sa Maynila ba o dito sa Mindoro? Sa korte ba ng sibilyan o ng militar? Sa mismong Regional Trial Court dito sa San Jose pinagtibay na ang pamamaslang umano ay ginawa habang ang mga militar ay nasa tour of duty kung kaya sa korte ng militar sila dapat na litisin. Ito nga ang pinagtibay at hanggang ngayon ang kaso ng mga Blanco ay eksaktong limang taon nang nabibinbin sa (mga) hukuman.

Sa isang panayam kay Col. Fernando L. Mesa (na ngayon ay heneral na), sinabi nitong walang katotohanan ang paratang sa kanila na sinadya nila ang pamamaril. Naipit lamang daw ang mga ito sa bakbakan ng militar at New Peoples Army (NPA). Ito umano ay isang legitimate encounter.

Sa isang dayalogo sa pagitan ng PASAKAMI at ng mga militar, nagbigay ng umano’y tulong na salapi ang 16th IB na nagkakahalaga ng apat na libong piso. Sa mga Mangyan, walang katumbas na halaga ang buhay ng tao.

Kung nabubuhay lamang sila ngayon ay apat na taon na sana ang batang ipinagbubutis ni Olivia, walong taon na si John-john,- samantalang anim na taon na si Dexter.

Kung sila ay nabubuhay lamang, suguro ay abala na naman sila ngayon sa paghahanda para sa talukan para meron silang maitustos sa pangangailangan ng kanilang lumalaking pamilya. Sana katulad nang dati payapa at tahimik silang namumuhay....nangangarap ......para sa magandang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Limang taong singkad na pala ang mabilis na lumipas subalit ang hustisyang nais makamit nang mga biktima at pamilya nito ay lubhang napakailap sa kanilang lahat.

Saturday, July 19, 2008

"Communion Ban" sa Oksi?


May balita akong isa ang kongresista ng Occidental Mindoro na si Deputy Speaker Ma. Amelita C. Villarosa sa mga co-author ni Rep. Edcel Lagman ng Albay ng House Bill No. 17 (A.K.A “Reproductive Health Care Bill”) na may titulong: “An Act Providing for a National Policy on Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population Development and for other Purposes”. Ang panukalang batas ay ipinasa noon pang taong 2007.

Anumang tanggi nang mga mambabatas, sa pananaw ng Simbahang Katoliko, ito ay hindi katanggap-tanggap. Medyo umaagwat na nga sa usapin at isyung ito ang Malakanyang. Kabilang ang ilang co-authors nito. Ayon sa mga sumusuporta dito, ang HB No. 17 ay hindi pro-abortion o kaya naman ay ukol sa sexual promiscuity kundi para sa adbokasiya para sa reproductive health na isa umano sa mga batayang karapatan ng mga mamamayan. Sabi naman ng iba, bina-black mail lang ng Simbahan ang pamahalaan.

Sabi naman ni Fr. Melvin Castro, Executive Secretary CBCP Episcopal Commission on Family and life, ".... any artificial means to control human body especially in its fertility is contrary to the Gospel. This is not just invented by the Church."

Si Rep. Janette Loreto-Garin (1st District of Iloilo) bilang doktor by profession ay ang pinaka-vocal na supporter nito. Si Madam Girlie ay hindi ko pa ni minsang narinig na nagsalita tungkol sa “Reproductive Health Care Bill" sa local media. Ewan ko sa national media. Hindi ba isa si Madam Girlie sa mga co-author nito?

Sa pagdidiin sa paninindigan ng Simbahang Katoliko kontra sa aborsiyon, opisyal na inihayag ni Ozamiz Archbishop Jesus A. Dosado, CM na ang mga pulitikong Katoliko ay hindi dapat bigyan ng komunyon hanggang sila ay hindi nakapagtitika sa kanilang umano’y (panlipunang)kasalanan. Sa Ozamiz ay opisyal na nag-impose kamakailan si Archbishop Dosado ng communion ban sa mga umano’y sa pananaw ng Simbahan ay “nagtataguyod ng aborsiyon” bagama’t hindi naman tahasan o direktang tinutukoy sa mga lumagda sa HB No. 17 o sa Senate Bill No. 43 na siyang bersyon nito sa Senado.

Hindi natin tatalakayin at palalawakin pa dito ang debate. Bahala na diyan ang mga eksperto. Hindi naman ako pari at lalong hindi ako pulitiko. May mas credible sa atin sa isyung ‘yan para tumalakay.

Iwan muna natin ang HB No. 17. Pangkalahatan muna nating tingnan ang issue ng communion ban...

Mayroon lang akong tanong: “Papaano kung maaprobahan ang panukala na i-adopt sa buong bansa ang ginawa ni Archbishop Dosado? Kung ipatupad ito dito sa ating Bikaryato?” Ewan ko.... hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Tiyak na lalong pag-iinitan ng mga lokal na pulitiko ang ilan nating pari at mga taong-Simbahan na kina-aasaran nila.

Pero bago ko ito tapusin, siyempre gusto kong i-quote si Archbishop Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan at isang world acclaimed Cannonist hinggil sa usapin (may kaugnayan man ito o wala sa ating pinag-uusapan): “It is the priest’s duty to act against public sinners. If a priest or a bishop does not punish a public sinner, it is the priest or the bishop who will err.”

Sinabi niya ‘yan. Nabasa ko iyan sa CBCP News On-line kahapon. Maniwala man kayo o hindi, - sa akin o sa kanya!

Friday, July 18, 2008

May Isa Pa ....


Hindi lang Mindoro Nickel Project (MNP) ng Intex Resources ang kasalukuyang gumigiri-giri sa lalawigan para mag-mina. Isa rin itong malaking mining project pero hindi nga lang korporasyong dayuhan. Pinoy na Pinoy daw ito ‘pre. Ito ay ang Agusan Petroleum and Mineral Corporation o APMC. Sulyapan lang muna natin ang ilang mga importanteng datos hinggil sa kumpanyang ito:

Rehistrado ito sa Securities and Exchange Commission o SEC noong July 24, 1995 with SEC Registration No. AS095-007434. layunin ng APMC (“Agusan” na lang ang itawag natin para maalala natin na ito ang “aagusan” ng lahat ng kikitain nila!) na maka-kuha ng permit sa pamahalaan para mag-explore at umano ay mag-develop ng mga lugar para sa potential na pagkakaroon ng gold, silver, copper, iron at iba pang metallic na mineral as well as non-metallic mineral. At may target na initial exploration cost na Four Million Five Hundred Thousand Pesos (4,500,000.00).

Noong February 26, 1996 ay nag-file na ang Agusan ng aplikasyon nito para sa FTAA (AFTA-IV-B005) sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Regional Office na sumasakop sa mga bayan ng San Teodoro at Baco sa Oriental Mindoro at sa bayan ng Abra de Ilog dito sa Oksi. Bubungkalin ng Agusan ang may 46,050.6483 ektarya sa kabuuan. Sa Abra de Ilog at tatamaan ang mga barangay ng Tibag, Lumang Bayan, Maalisis, Balao, Tuay, Wawa, Tara, Pulo at Tugan.

Kagaya ng MNP ay mayroon din silang “promises” (that are made to be....?): “(1) pursue sound and systematic exploration program...; (2) maintain a cost effective operation to make certain the viability and sustainability of the project; and, (3) ensure that an environmentally- friendly or benign (parang tumor/cyst‘huh?-NAN) mining operation can be put in place....” (from Agusan’s Environmental Work Program)

Kung sa MNP ay pagdududa ang anti-mining groups sa Free and Prior Informed Consent o FPIC process sa National Commission on the Indigenous Peoples o NCIP-Occidental Mindoro. Kaya bantay sarado rin dito ang mga samahang katutubo hindi lamang sa Oksi kundi maging sa Oriental. Salamat na lamang at matibay pa ring naninindigan ang pamahalaang Bayan ng Abra de Ilog sa kanilang 25-year Large Scale Mining Moratorium. Palaban pa rin si Mayor Eric Abalos Constantino, Vice-Mayor Floro Castillo at kanilang Sangguniang Bayan o SB. Kunsabagay, kung hindi nila gagawin ito at masisira ang kalikasan, papaanong “aarya” ang Abra?

Pero sino ba ang may-ari ng Agusan?

Ang kumpanya raw na ito ayon sa ilang bali-balita ay pag-aari nang kilalang negosyante na si Ramon Ang. Pangulo at Chief Operating Officer ng San Miguel Corporation (SMC). May tsismis din: Hindi kaya dummy lang si Ang nang umano’y kroni ni Marcos noon na si Eduardo “Danding” Cojuanco?

Ang FTAA nga pala sa normal na daloy nito ay ang pagpapatibay ng kasunduan para sa tulong pinansiyal at teknikal sa pagitan ng gobyerno at ng kumpanyang minero. Sa ilalim ng FTAA, ang kumpanyang minero ay magkakaroon ng full control sa industriya ng mina sa bansa habang sa iba naman ay ang kumpanya ay mabibigyan lamang ng mineral production sharing agreement ng pamahalaan.

Kapit kabayan sa isa pang laban....

Wednesday, July 16, 2008

Giyera sa Aguas


Taong 2006 pa umano nang simulang maghasik ng lagim sa Brgy. Aguas at Pitogo sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro ang mga armadong kalalakihang ito. Tinatakot nila ang mga karaniwang magsasaka kung kaya ang mga ito ay hindi na makapagsaka sa kasalukuyan. Noong unang linggo ng Hulyo ay napasabak sa bakbakan ang mga itinalaga doong civilian volunteers na ikinasugat ng isa sa kanila. Kaagad namang naglunsad ng operasyon ang PNP-Rizal ngunit hindi na nila inabutan ang mga bandido sa pangunguna nang isang Meno Andres, 24 anyos na mamamayan din ng nasabing lugar.

Noong ika-3 ng Hulyo, 2008, personal na dumalaw si Gov. Josephine Ramirez-Sato sa lugar kasama ang ilang matataas na lider ng probinsiya kabilang ang mga opisyales ng Philippine Army at PNP. Nagbigay siya ng apat na araw na palugit para sumuko si Andres at ang kanyang mga kasamahan ngunit makalipas ang takdang palugit ay hindi pa rin tumugon ang mga armadong grupo. May bali-balita rin, batay sa text messages sa kanilang mga kaanak na hindi umano sila susuko. Inatasan ng gobernador ang Philippine Army na tuldukan na ang mga karahasang ito sa loob ng 15 araw.

Sa isang munting pagpupulong sa pamayanan, ipinahayag ng mga mamamayan doon ang kanilang takot at iba pang dulot nito. Higit sa 20 pamilya sa Sitio Surong ay nagsilikas dahil sa matinding pangamba. Naatala din ang pag-aaral sa Hacienda Yap Barangay High School. Dito rin napag-alaman ng mga awtoridad na ang gang ay mayroong mga matataas na kalibre ng baril,- kagaya ng M-14 at Galil, maliban pa sa ilang mababang kalibre kagaya ng Carbine at Shotgun. Simula noong 2006, anim na tao na ang naitatalang napapatay ng gang na binubuo nang may hindi bababa sa lima katao. Dito rin inihayag ng gobernador ang halagang P 200,000. pabuya sa ulo ni Andres at sa makapagtuturo ng kanilang kinaroroonan.

Taktika daw nitong si Andres, ayon sa mga taga-roon na bitbitin ang kanyang mga anak at asawa sa tuwing siya ay tutugisin ng mga pulis at ginagawa niyang human shield ang mga ito. At sa bawat pagkakataong mayroon itong naitutumba, ito ay lumalabas ng lalawigan para magpalamig at kapag hindi na siya mainit ay muling magbabalik sa lugar.

Kaya noong Martes (ika-8 ng Hulyo) ay naglunsad ng opensiba ang militar para madakip, buhay man o patay, ang tinatawag na “Andres Gang”. Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 407th Police Provincial Mobile Group (PPMG) at ang Elite Platoon ng 80th IB ng Philippine Army. Pero ang kakatwa, sa proseso ng kanilang pagsuyod para masilo ang “Andres Gang” ay encampment ng New People’s Army (NPA) na malapit sa lugar ang bumulaga sa kanila. Ang grupong bumubuo sa 40 katao, ayon sa pulisya ay pinamumunuan ni Jovito Marquez o “Ka Basay” na siyang lider ng Platoon Guerilla (PlaGuer) na siyang combatant mobile group ng NPA sa buong isla ng Mindoro.

Kinumpirma ni Police Supt. Cecilio Ison na nagkaroon nga nang engkuwentro noong araw na iyon,- NPA laban sa mga sundalo - na tumagal ng halos tatlong oras sa isang pook sa Brgy. Aguas na tinatawag na Hacienda Yap. Ibinunyag ito sa DZVT ng opisyal noong ika-14 ng Hulyo, taong kasalukuyan. Inamin ng militar na sila ay gumamit ng helikopter, V-150 at Simba vehicle sa nasabing operasyon kabilang ang mga rocket at 50-caliber machine gun.

Sa panayam kay PNP Provincial Director Audie Encina-Arroyo noong araw ding iyon, sinabi niya na sila ay naka-samsam nang mga claymore mine, mga granada at mga subersibong dokumento sa lugar na pinagkampuhan.

May lumalabas ngunit hindi kumpirmadong ulat na kaya naroroon ang mga NPA ay misyon din nilang likidahin ang gang dahil sa kabi-kabilang reklamo sa kanila ng mga mamamayan. Kapwa target ng Army at ng NPA ang “Andres Gang” at dahil nga ang mga sundalo at rebeldeng Komunista ang nagka-bulagaan,- parang mailap na labuyo itong naka-takas sa kanila. Ngunit ang ulat na ito ay pinabulaanan ni Lt. Col. Arnulfo Burgos, Battalion Commander ng 80th Infantry Batallion ng PA. Ayon kay Burgos, ang operasyon ng LaGuer ay walang kaugnayan kay Andres at sa kanyang mga gawaing kriminal.

Walang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan ngunit isa ang namatay sa panig ng NPA na umano ay medical officer ng grupo. (Ewan ko kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito pinapangalanan ng militar) Walang sibilyan na nadamay sa enkuwentro taliwas sa lumabas sa mga national tabloid. Tumakas ang mga NPA sa may bulu-bunduking bahagi ng Monte Claro at Batasan. Lalong lumaganap ang takot ng mga mamamayan sapagkat hindi na lamang na-concentrate ang operation sa bayan bahagi ng Aguas at Pitogo kundi tumawid pa ito sa dalawa pang barangay ng Batasan at Monte Claro. Naniniwala ang militar na may mga sugatang rebelde na dapat mabigyan nang lunas kaya nanawagan silang magbibigay ng tulong sa ganitong sitwasyon.

Huling nagkaroon nang enkuwentro sa pagitan ng NPA at ng militar noong nakaraang buwan ng Pebrero...

Sa panayam sa “Pintig ng Bayan” kahapon, inamin ni Burgos at ni Capt. Julio Cayandag, Operations Officer ng 80th IB na itong si Andres ay dating asset ng militar na hindi maayos na na-handle. Nagkaroon umano ito ng kaugnayan sa isang opisyal ng noon ng 16th IB na hinalinhinan ng 80th IB sa Mindoro dalawang taon na ang nakalilipas. Kapwa nila tiniyak na back to normal na ang sitwasyon sa naturang mga lugar kahit hindi pa nila nakikita kahit anino ni Andres...

------------------

Whew! Naulit lang ang ganitong istorya sa Kanlurang Mindoro. Naaalala ko tuloy ang kuwento noong late 80s ni Noel "Rex" Verdadero at ang kanyang gang of bandits... Hay,- buhay!