Pagkatapos ng EDSA
Sa panahon ng EDSA People
Power Revolution noong 1986, itinalaga ni dating Pangulong Corazon C. Aquino si
Godofredo Mintu na isang negosyante bilang pansamantalang alkalde ng Sablayan,
Occidental Mindoro sa gitna ng deklarasyon ng revolutionary government ni Gng. Aquino. Ang pagpili kay Mayor
Mintu ang bunga ng kanyang pagiging kasapi ng United Democratic Opposition o
UNIDO na opisyal na partido pulitikal noon ni Aquino. Rekomendado si Mintu ni
Peter O. Medalla Jr na mataas ang katungkulan noon sa UNIDO dahil malapit ito
sa naging ka-tandem ng kapuwa niya
Batangenyong si Vice-President Salvador “Doy” Laurel.
Nang humupa na ang
pampulitikang tensyon sa buong bansa at nakapagbalangkas na ng bagong Saligang
Batas, kailangan nang magdaos ng regular na eleksyon sa bawat lokalidad at
sinuspinde na ng Malakanyang ang lahat ng mga itinalaga nitong OIC sa
iba’t-ibang antas ng pamahalaang lokal.
Matapos na magpasya si OIC
Mayor Godofredo B. Mintu na tumakbo sa regular na halalan bilang alkalde ng
Sablayan, Occidental Mindoro sa gaganaping eleksyon noong ika-19 ng Enero 1988,
itinalaga ni Kalihim Luis T. Santos ng Department of Local Government bilang
OIC Mayor si Lorenzo “Lory” Ordenes na noon ay administrative officer ng
Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakatalaga sa
Sablayan. Bago kasi pumasok si Ordenes sa DENR ay nasubukan na rin niyang
maging appointed councilor ng
Sablayan nang ideklara ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Martial Law noong
1972.
Maliban dito, si Lory Ordenes
ay naging municipal administrator din
sa panahon ni Mayor Pedro Gonzales at dahil sa karanasang iyon kaya
siya marahil ay napiling maging alkalde ng bayan that time. Pero hindi niya iyong tinanggap dahil kung tatanggapin
niya ang pagiging OIC Mayor, kailangan niyang mag-resign sa DENR na ayon sa kanya ay hindi niya ginawa.
Lumabas ang kautusan ng Department
of Local Government noong ika-1 ng Disyembre 1987 at ang lokal na halalan naman
ay sa ika-18 ng Enero 1988 na mahigit na dalawang buwan lang ang pagitan. Dahil sa
praktikal na kadahilanan at sariling pagpapasya, hindi naging alkalde ng
Sablayan si Lorenzo “Lory” Ordenes, anak ng yumaong Mayor Leoncio Ordenes na
nagsilbi simula 1960 hanggang 1963.
Itinalaga din noon ni
Kalihim Luis T. Santos bilang OIC Vice-Mayor Mr. Nicolas “Nick” Alfaro na
tumanggap naman sa nabanggit na pansamantalang posisyon na kanyang makakasama
sa paggampan ng gawain ang kauna-unahang babaeng pansamantalang alkalde ng bayan.
Unang Babae
Dito nagsimula ang pag-assume
ni Gng. Milagros Legaspi Gonzales-Cipriano na maging kauna-unahang babae at
ika-16 ng alkalde ng Sablayan. Sa bisa ng Republic Act No. 6636 na nag-a-amend
sa EO 270 ni Gng. Aquino. Sabi sa Section 1 ng RA 6636 in part, “All local officials, whether elected,
acting or officer-in-charge who file or have filed their certificates of
candidacy shall be deemed automatically resigned from their positions effective
December 1, 1987, any provision of the law to the contrary notwithstanding. If
the governor or the city or municipal mayor or the officer-in-charge of that
office is a candidate and unless the Secretary of Local Government designates
another person, the following local officials shall act as officer-in-charge of
the position vacated in a concurrent capacity in the order herein below
provided:
“a) Chief, Senior and Local Government Officers for provinces, cities
and municipalities, respectively;
“b) Provincial/City/Municipality Administrator;
“c) Provincial/City/Municipal Health Officer. “
At sa kaso ng Sablayan
noon, ang umaktong maging OIC mayor ay si Gng. Milagros Cipriano nga na siya
noong Acting Local Government Officer (LGO)-III ng Sablayan. Sa matuling
salita, alisunod dito, ang lahat ng mga lokal na opisyal noon, maging, halal,
pansamantala o itinalagang manunumpang pinuno ay automatic resign sa kanilang katungkulan sa panahon ng kanilang
paghahain ng Certificate of Candidacy para sa whatever local position in the government noon na hindi lalampas sa 45 days bago ang January
18, 1988 elections.
Nakasalig
sa RA 6636, kaagad na lumusong sa katungkulan si Gng. Cipriano na may basbas ng kanyang
mga opisyal sa pang-rehiyon nilang tanggapan at kaagad siyang nagpalabas ng
liham sirkular sa mga department heads ng munisipyo, mga nakatagalang pulis at
sundalo sa bayan, sa COMELEC at practically sa lahat ng mga government offices doon. Sa paglagda
sa circular letter ng mga opisyal, pormal na kinilala si Cipriano na siyang OIC Mayor at
agad na nga itong gumampan sa tungkulin upang magpatuloy ang daloy ng serbisyo
ng pamahalaang lokal at sa ugnayan nito sa pamahalaang pambansa at hindi maipit
ang bayan at mga residente sa bangayan ng mga nagbabangaang mga kakandidato at
mga pulitiko noon at sa gitna ng umiigting na digmaan sa pagitan ng mga alagad
ng batas, mga rebeldeng NPA at mga criminal element.
Sa Resolusyon Blg.
2012-GGM077 na iniakda noon ni Kgg. Roberto G. Dimayacyac noong ika-10 ng
Setyembre 2012 na pinangalawahan ni SB Manuel P. Tadeo, binigyang diin sa
kalatas na “Ang pagkakaroon ng
itinalagang manunuparang pinuno sa Tanggapan ng Punong Bayan sa katauhan ni
Gng. Milagros Cipriano ng (sic)
panahong iyon ay pinalagay na sadyang mahalaga para maiwasan ang pagkakaantala
ng mahahalagang gawain at tungkulin ng nasabing tanggapan.” Sa pamamagitan ng isang liham sirkular,
inihayag ni OIC Mayor Cipriano na sinimulan na niya ang paggampan sa
tungkulin noong ika-17 ng Nobyembre 1987.
Panahon ng Krimen at Dahas
Ano naman ang mga signposts ng panunungkulan ni OIC Mayor
Cipriano sa loob ng maikling panahon?
Tiniyak ni OIC Mayor
Cipriano na magiging tahimik at hindi magulo ang darating na halalan sa
pamamagitan ng tahasan at lubusang pagsunod sa noon ay mga umiiral na
pambansang batas at mga kautusan. Inaatasan niya si P/SGT Beato T. Punzalan na
noon ay Station Commander ng Integrated National Police Command dito sa
Sablayan at nakipag-ugnayan nang maigting kay Election Registrar Norma V. Ordenes
ng COMELEC-Sablayan, lalong-lalo na sa mga atas tungkol sa Firearms Ban at Use
of Body Guards ng mga politiko. Inatasan niya si Station Commander Beato Punzalan
na maigting na makipag-ugnayan noon sa Philippine Constabulary.
Mariin din ang naging atas
ni OIC Mayor Cipriano sa INP na ipatigil ang mga illegal na sugal na naglipana
noon sa Municipal Plaza lalo na ang larong roleta na talamak noon dito. Upang
hindi maipit sa crossfire ang mga dayuhang manininda noon sa plaza dahil
sa kinakabahang muling pagsalakay ng NPA, pinakiusapan niya ang mga dayuhang
negosyanteng ito na kaagad na umalis sa tulong ni PFC Alfonso Paz at binigyan niya ang mga ito ng kaukulang
halaga na mula sa kanyang sariling bulsa para hindi na madamay ang mga ito sa
engkwentro kung saka-sakali. Hindi nga nagkabula ang hula ni Cipriano dahil
ilang araw lang ay nilusob na nga ng mga NPA ang detachment ng
Philippine Constabulary sa downtown Sablayan (na ngayon ay ang lugar na malapit sa kinaroroonan ng Land Bank of the Philippines).
Nagpakita siya ng kakaibang
tapang sa gitna ng mga karahasan at kaguluhan na noon ay namamayani sa bayang
ito. Ipinakita niya na kahit siya ay babae, kaya niyang manindigan laban sa mga
masasamang elemento na gumagawa ng mga labag sa batas.
Bago pa man naitalagang OIC mayor si Cipriano ay nagkaroon ng isang labanan sa pagitan ng mga rebeldeng New
People’s Army (NPA) at mga kapulisan ng Sablayan. Noong ika-16 ng Setyembre,
1987 bandang alas dos ng hapon ng pinagtangkaang pasukin ng humigit-kumulang sa
30 mga NPA ang istasyon ng pulisya at gusaling pambayan na pinamumunuan ng isang “Ka Dexter”.
Tumagal ng halos trenta
minutos ang palitan ng putok ngunit hindi nagawang pasukin ng mga rebelde ang
gusali dahil sa kabayanihang ipinakita ng tatlong magigiting na mga pulis na
hanggang sa huling sandali ay ipinagtanggol ang kanilang hanay. Sila ay sina
PFC Bienvenido Pacifico, Patrolman Revadilo Dapito at Patrolman Avelino
Tendido. Tarantang umatras ang mga armadong komunista na hindi natuloy ang
balak na pasukin ang istasyon at ang munisipyo.
Noong ika-24 ng Disyembre
1987, sumulat si OIC Mayor Mila Cipriano kay Col. Evaristo G. CariƱo, Regional Commander ng Regional Command
ng Philippine Constabulary (PC) na naka-base sa Camp Guillermo Nakar sa Lucena
City upang irekomenda ang promosyon ng tatlong mga magigiting na alagad ng
batas para ma-promote. Sabi ni
Cipriano sa kanyang liham, “It is my deep
honor and great pride therefore, to strongly recommend PFC Beinvenido D.
Pacifico, Patrolmen Revadilo P. Dapito and Avelino G. Tendido for a spot and/or
meritorious promotions to the next higher grade for a job well done.”
Sa panahon ng panunungkulan ni Cipriano bilang
alkalde dinukot ang ingat-yaman ng Sablayan na si Lito Atienza na noon ay tatakbong mayor at lima
pa niyang mga kasama. Ginimbal din ng marahas na pagsalakay ng mga
pinaghihinalaang mga NPA ang Philippine Constabulary detachment kasabay ang patuloy na mga insidente ng patayan sa mga
barangay, may kinalaman man o wala sa lumalakas na pagkilos noon ng mga rebelde
o ng mga masasamang-loob.
Bago pa man ma-assign sa Sablayan si Cipriano ay magulo na noon ang bayan. Noon ay pinatay ang barangay captain ng Burgos na si Eusebio Lampa ng mga kalalakihang de-baril. Kuwento pa ni Cipriano, may mga panahong sa harapan ng munisipyo ay nakalatag ang mga taong nasawi sa enkuwentro sa pagitan ng mga armadong grupo at mga sundalo ng pamahalaan.
Upang maging handa ang mga
pamayanan sa anumang krisis, gawa man ng tao o ng kalikasan, na tatama noon sa
bayan ng Sablayan na madalas maranasan noon, naisipan OIC Mayor Capistrano na
itatag noong ika-11 ng Enero 1988 ang isang Crisis Consultative Committee na
binubuo nina Judge Gaspar T. Bercasio, OIC Vice-Mayor Mr.
Nicolas Alfaro, Mrs. Florazel Frogoso, Mrs. Mila Villena, Mrs. Norma V.
Ordenes, Father Luis Halasz, SVD, Mr. Jose Abeleda Jr., Rev. Daniel Bandong,
Capt. Teodoro Azucena, Sgt. Beato Punzalan at Mr. Delfin Tria Jr. Si RTC Judge
Gaspar Bercasio ang itinalaga niyang chairman ng Crisis Consultative Committee
na tutugon sa mga panahon ng, ayon sa kanyang atas, “emergency or unforeseen event that may lead in a crisis of serious
enough proportions to require group deliberation and decision.” Hindi naman kaila sa atin na noon, ang
Sablayan ang sentro ng mga patayan at iba pang madudugong kaganapan sa
lalawigan kaya nilikha ni Mayor Cipriano ang komiteng ito na talaga namang
tumulong sa kanya para tugunan ang lumalalang problemang ito sa peace and order. Hindi pa kasama dito ang mga kalamidad tulad ng bagyo at mga pagbaha na madalas ding maganap doon.
Hindi natinag si Mila Cipriano
sa sitwasyong ito at noong ngang ika-7 ng Pebrero ng sumunod na taon, isinalin
ni Cipriano kay Mayor Mintu bilang bagong halal na alkade ang kapangyarihan at
simula noon ay ganap nang pumailanlang sa kanyang bagong karera si Mayor Mintu
at matapos ang ilang buwan ay umalis na rin si Cipriano sa Sablayan.
Limitado man ang kapangyarihang iginagawad ng batas sa mga lokal na opisyal na officers in-charge o OIC, hindi maitatatwa na dapat ay mapahalagahan at maisama rin sa kasaysayan ng bayang ito at makilala ang mga ginawa nito sa bayan at sa mga mamamayan noon. Ngunit may mga talaan na hindi siya isinama sa listahan ng mga nagdaang alkalde sa hindi malamang mga kadahilanan. Hindi naman dahil marahil sa kanilang pagiging OIC "lang" o pagiging babae "lang".
Maging sa Sablayan Museum ay walang larawang makikitang kumikilala sa dalawang babaeng naging OIC mayor ng bayan na si Gng. Milagros Cipriano at Dr. Susana Mangahas Diaz na number one councilor na naitalaga ring OIC mayor ng Sablayan noong 1998 dahil nag-file din noon ang kanyang certificate of candidacy si Mayor Mintu para sa posisyong vice-governor ng lalawigan kaya nabakante ang mayoralty position noon. Nanalo at naging vice-governor si Mayor Mintu noong taong iyon.
Noon at Ngayon
Bago naging kawani ng
Department of Local Government and Community Development o DLGCD na nang lumaon
ay naging Department of Local Government (DLG) na ngayon ay Department of the
Interior and Local Government (DILG), taong 1970 nang siya ay nagturo sa San
Jose National High School (SJNHS) na ngayon ay Occidental Mindoro State College
na o OMSC. Nagsimula siyang magtrabaho sa DLGCD noong Oktubre 1974 at nagretiro
sa edad ng 65 noong ika-28 ng Pebrero, 2014, na kanyang kaarawan. Naging
Barangay Development Coordinator siya ng DLGCD sa San Jose, Occidental Mindoro,
na-assign sa iba’t-ibang bayan ng Kanlurang Mindoro hanggang siya ay
maging MLGOO ng bayan ng Magsaysay nailipat siya sa panlalawigang tanggapan sa
Mamburao hanggang siya ay magretiro noong ngang 2014.
Tatlumpu’t-siyam na taong
siyang nagtrabaho sa nasabing kagawaran.
Si Mila Cipriano na 72
anyos na ngayon ay ipinanganak sa Tibiao, Antique at nagtapos ng Bachelor of
Science in Mathematics Major in English sa Central Philippine University (CPU)
College of Social Science sa Iloilo City with 21 units in Education.
Nabalo siya sa edad na 25 ngunit naitaguyod niya nang maayos ang dalawa niyang
anak na lalake na ngayon ay may sari-sarili ng pamilya.
Sa kasalukuyan, siya ang dating
pangulo ng Senior Citizens Association of Bagong Sikat (San Jose, Occidental
Mindoro) at Federation Treasurer ng Senior Citizens Association. Aktibo din
siyang Rotary Club- San Jose Tamaraw at siyang immediate past president
nito sa panahon ni District Governor Liza Vicencio- Elorde.
Ngayon, bahagi ng kanyang
adbokasiya ay ang pagpapalaganap ng mga katuruan ni John Calub na awtor ng
aklat na The Abundance Factor at founder ng John Calub Training International
(isang training and executive coaching company) and Success Mall (isang blockchain-powered
e-commerce website para sa personal development).
Mataas
na Pagkilala
Ika-22
ng Marso, 2021 kasabay ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan ay
ginawaran ng Sablayan si Gng. Milagros Cipriano ng Highest Legislative
Leadership Award na iniakda ni Vice-Mayor Walter “Bong” B. Marquez ng Bayan ng
Sablayan na inisponsor ng mga konsehal na sina Salve U. de Vera, Mark Anthony
O. Legaspi at Roberto C. Lim. Ang parangal ay pumaloob sa ika-84 na regular na
sesyon ng Sangguniang Bayan. Ginanap ito sa Batasang Pambayan (Legislative
Building) sa Barangay Buenavista, Sablayan.
Sa
kanyang paunang salita, ibinahagi ni VM Bong ang mga mahahalagang pangyayari sa
Sablayan noong termino ni Mayor Cipriano. Sa kanyang acceptance message,
pinasalamatan niya ang buong Sanggunian at sinabing matatalino ang mga
taga-Sablayan at maraming mga mamamayan ang tumulong sa kanya noon kaya
niya naitawid nang maayos at matahimik ang kanyang pansamantalalang tungkulin
bilang pansamantala ring alkalde sa bayang kanyang minahal at pinaglingkuran
bilang meyor at bilang local government
officer.
Maliban
sa plake, tumanggap din ng bouquet at
token of appreciation si Milagros
Legaspi Gonzales-Cipriano, ang kauna-unahang babae at ika-16 na alkalde ng bayan
ng Sablayan.
Naniniwala ang awtor at mga isponsor nito at ang buong Sangguniang Bayan na kahit pansamantala lang at sa limitadong kapasidad lang gumampan ng pagiging officers in charge ang mga babaeng alkalde na nabanggit, dapat na isama rin sila at kilalanin at matampok sa lokal na kasaysayan ng bayan na kahit papaano ay kanila rin namang napagsilbihan.