Pustahan tayo. Oo, ikaw nga. Ikaw na kasalukuyang nagbabasa ng post na ito. May kakilala, kaibigan, kababaryo, o kamag-anak kang OFW ano? Tama ako ‘di ba? Ngayon, tingnan mo ang oras ngayon sa bahaging kanang ibaba ng iyong computer at kapag alam mo na kung anong oras na, hulaan mo kung ano ang ginagawa niya sa ibang bansa sa oras na ito.
Tama ka. Maaaring siya ay naglalampaso ng magarang ‘flat’ sa Kowloon, naghuhugas ng plato sa isang restoran sa Boston, o baka naman nanlilimahid sa grasa sa Riyahd.
Teka, matanong nga kita,... ano ba ang impresyon mo sa mga OFW? Mga meteryalistiko ba at mukhang pera (dolyar)? O mga biktima lamang ng labis na kahirapan ng buhay sa bansa? Alinman dito ang iyong palagay, tiyak ko na kung hindi ka nakikisimpatya ay naiinggit ka sa kanila. At kung naniniwala ka na sila ay ultra materyalistiko at mukhang dolyar, nasubukan mo na bang ugatin ang kanilang naging desisyon sa kanilang pang-kabuhayang kalagayan dito sa Pilipinas?
Sa maniwala ka o hindi, karamihan sa ating mga OFW ay hindi rin kampante sa ganoong buhay. Sagad sa hirap at malayo sa minamahal. Ngunit lahat sila ay umaasa na sana ay dumating ang panahon na magwawakas din ang eksodo ng mga migranteng manggagawa at sila ay maka-balik na sa lupang tinubuan. Kailan kaya darating iyon?
Naaalala ko tuloy ang mensahe sa isang poster na nabasa ko sa isang NGO office: “I dream of a society where families are not broken up by an urgent need for survival”. Maniwala ka, ganito rin ang mensaheng kipkip sa dibdib ng lahat nating kababayang OFW. Sa Madrid, sa Canada, sa China, etc.
Pero kahanga-hanga ang kuwento sa atin noon ng isa nating kakilalang medtek. Sa Amerika raw siya pinagta-trabaho ng kanyang Daddy. “Ano ang gagawin mo dito sa Mindoro, magiging taga-eksamin ka lang ng ihi ng Mangyan?” Bulyaw sa kanya ng matanda. “E,..Ano naman ang kaibahan ng ihi ng Amerikano sa ihi ng Mangyan?” tanong ng alibughang anak. Muntik na tuloy atakihin sa puso si Daddy!
At binabati ko kayong mga migranteng manggagawang Pilipino ngayong Mayo a-Uno na bumisita sa blog na ito ng isang makabuluhang Araw ng Paggawa!
Pero pustahan tayo ulit. Sigurado akong wala kang makikitang babaeng Intsik (na taga Hong Kong) na kasambahay o yaya ng sinumang mayamang pamilya sa Dona Consuelo Subdivision. Hindi ka makakasumpong ng kahit isang Koreanong piyon sa ginagawang tulay sa Concepcion, Calintaan ngayon. Wala kang maite-teybol na batam-batang Haponesa sa red light district sa Pag-Asa (o sa “Gitna”). Hindi ka rin makakakita ng Amerikanang nars na nag-aalaga ng pasyenteng magsasaka sa district hospital sa Murtha.
Piso mo tama barko. Hinding-hindi ka mananalo sa ating pustahan!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment