Trusted and powered by sensible and thinking people who mind Occidental Mindoro (and beyond). Est. 2008.
Friday, August 19, 2011
Unlad Wika (Para sa Buwan ng Wika)
Sabi ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang State of the Nationa Address o SONA kamakailan, pasalamatan daw natin ang ating mga naging guro. Komo ngayon ay Agosto at Buwan ng Wika, sa pamamagitan ng sulating ito ay aking pinasasalamatan ang aking mga nagging guro sa sekundarya at sa kolehiyo sa asignaturang Filipino na sina Gng. Teresita Adarlo, Resyjane Tabangcura, Nelia Alfor at Bb. Soledad Poblete. Sila ang aking mga pinagpipitaganang guro na nagbukas sa aking kamalayan sa ating Pambansang Wika. Kaarawan nga pala ngayon ng isa ring Pangulo na tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa, si dating Pang. Manuel L. Quezon.
Noong ako ay nasa kolehiyo pa lang sa Occidental Mindoro National College o OMNC na kumukuha ng Batsilyer ng Edukasyon (BSE), ang hindi ko makakalimutang kurso sa asignaturang ito ay ang Filipino 4 na may titulong “Sining ng Pagsasaling-wika”. Si Bb. Poblete ang guro ko noon. Sa nasabing asignatura ay malaking bagay ang mga kaalamang napulot ko sa aking kasalukuyang Gawain bilang isang tagapag-padaloy sa mga pagsasanay na inilulunsad sa mga pamayanan. Lalo na ang paghahanda ng mga modyul na gagamitin at ang pagsasalin ng mga ito mula sa wikang Englis tungo sa Filipino. Pero hindi ako sumali noon sa anumang samahang pang-mag-aaral lalo na ang SAMFIKO o ang Samahan ng mga Mag-aaral sa Filipino na itinatag noong 1987 yata ng mga guro sa Filipino at ang naging tagapayo nila ay si Gng. Tabangcura. Sa isang organisasyon lamang ako napabilang at ito ay ang Patnugutan ng The Image, ang aming pahayagang pang-paaralan.
Ang wika ay isang kasangkapan sa katotohanang sa wika naipapahayag ng tao ang kanyang kaisipan at saloobin. Bilang susog sa aking patotoo sa itaas na malaki ang naitulong ng kaunting kasanayan ko sa pagsasaling-wika, nabatid ko na sa wika ang tao ay nagkakaroon ng pagkakataong makipag-interaksyon sa kanyang kapwa, sa lipunan at sa pamayanang humuhubog ng ating kamalayan. Wika din ang nagpapalaya sa ating damdaming sinisikil o sinisiil sa ating kalooban. At kung maniniwala tayo kay P-Noy, marahil ay wika din ang pinaka-mabisang sandata upang isuplong at itakwil ang mga “wang-wang” upang tayo at ang bansa ay bumagtas sa sinasabi niyang “tuwid na landas”.
Pilipino tayo at Filipino ang wika natin. Noong nasa elementarya pa tayo, ang tawag sa tao ay “Filipino” at “Pilipino” naman ang sa wika imbes na “Tagalog”. “Pilipino” noon ang tawag dahil nga idineklara ng Kagawaran ng Edukasyon noong ika-13 ng Agosto 1959 na “Pilipino” ang ating Pambansang Wika. Pero nang lumaon sa lumabas ang mga purista sa wika. Gusto nilang gawing literal ang pagsasaling-wika. Halimabawa dito ay ang “eroplano” na ginawang “salipawpaw”; ang “silya” ay “salumpuwit” at iba pa. Isipin na lang natin kung papaano magiging katawa-tawa ang pagsasalin kung puristang pamamaraan ang ating gagamitin. Ang “bra” ay isasalin ba na “salung-suso”? O ang “karsunsilyo” o “brief” bilang “salong-bola” o “salong-gonisa”?
Ayon sa ating bagong Saligang Batas, sa Artikulo XIV; Sek. 6, “Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay kinakailangang payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.” Samakatuwid, sa wikang Filipino, maaaring maging bahagi nito ang mga likhang salita na sa atin lamang nagmula at walang pinag-halawan. Kagaya ng “ermat”, "erpat” o mga gay lingo kagaya ng “chaka”, “tsugi”, “chuvachenes” at iba pa. Maging ang jejemon sa aking palagay, kung magtatagal at hindi malulusaw sa ating kultura ay maari ring maging bahagi nito. Sa hinaharap ay inaasahan din na lalawak ang bikabularyong Filipino. Nadagdagan na rin an gating alfabeto bagama’t hindi pa natin gagap nang gaano ang paggamit nito. Sa akin, English man o Filipino, kung saan mas madali akong maintindihan at mas madali para sa akin ay doon ako. Ang mahalaga, anumang wika ang gamitin ay gamitin na ito nang maayos hangga't maaari
Dinamiko ang ating wika. Walang nakatutukoy kung saang punto ng ating kasaysayan ito lumago. Ngunit sa dalawang pamamaraan laman matutukoy na ito ay umusbong, yumabong at namukadkad : Una, sa hindi inaasahang pakikipag-ugnayan natin sa isa’t-isa, at ikalawa, sa planadong pamamaraan sa pamamagitan ng mga pormal na surian at linangan ng wika.
Para din lang palang UNLAD Mindoro Face group ang wikang Filipino. Mula sa hindi inaasahang tatagal na ugnayan ay nagkaroon ito kagyat ng mga plano upang magpatuloy…
-------
(Photo from Edith Escalante's file)
No comments:
Post a Comment