
Sa isang panayam sa isang local FM radio station sa lalawigan kaninang tanghali (na kanyang pag-aari), ang aming kinatawan sa Kongreso ay tahasang naninindigan na siya ay sumusuporta sa isang panukalang batas sa Senado na inisponsor ni Senador Aquilino “Nene” Pimentel ang Senate Bill No. 2150 at sa Kongreso naman ay ang House Bill No. 3306 na isinusulong ni Rep. Monico Puentevella. Ito ay ang palasak na tinatawag ngayong “Right of Reply Bill”. Kagaya ng inaasahan, palung-palo ang Station Manager ng himpilan sa panukalang batas, imbes na sa pagsusulong at pagtataguyod sa batayang karapatang pantao at sa kalayaan sa pamamahayag. Tsk..tsk..
Personally ay kontra ako dito. Uulitin ko, personal kong opinyon ito at walang kinalaman dito ang tindig ng organisasyong aking kinabibilangan o ng DZVT na istasyon ng radyo kung saan ako nag-a-announce. Hindi ko alam kung ano ang opisyal na posisyon dito ng aking mga bossing. Ang layunin ng mga panukalang batas na nag-aatas sa lahat ng media organization na mag-publish o magsa-himpapawid ng mga tugon ng umano’y aggrieved parties ay imposibleng maipatupad. Ang takot ng ilan na maging biktima ng hindi patas na media coverage o interview ay matagal nang tinutugunan ng iba’t-ibang mga mekanismo ng self-regulation kagaya ng ipinatutupad ng Philippine Press Council (PPC), kabilang ang Ethics Body halimbawa ng Philippine Press Insitute (PPI). Maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) ay mayroon na rin 'atang ganitong mekanismo noon pa man at may mga kaakibat itong kaparusahan.
Imbes na lumikha ng mga batas kung papaano kumilos o mag-function ang media, ang pinag-ukulan na lang sana ng pansin ng ating mga mambabatas ay kung papaano i-regularisa ng media ang kani-kanilang mga sarili upang maka-likha ng kapaligirang kaaya-aya tungo sa epektibong pagganap o pagsasakatuparan sa nasabing propesyon. Isa pa sana ay kung papaano ma-reregularisa ang mga lokal o pambansang media institution na direktang pag-aari o impluwensiyado ng mga pulitiko na ginagamit upang wasakin sa ere ang kani-kanilang mga katunggali.
Tunay na lahat ng tao,- pulitiko man o karaniwang mamamayan, ay dapat bigyan ng karapatang sumagot sa mga inaakusa sa kanya o sa kanila. Ang akin lang ay hindi kayang maglaan ng patas na panahon o espasyo para sa mga ganitong pag-reply o kasagutan sapagkat lalabas na ang midya ay maaaring magamit sa iba pa nilang layuning pulitikal, lalo na kapag panahon ng eleksyon. O sa propaganda kaya.
Naniniwala ako na ang bagay na ito ay hindi na kailangan pang isa-batas. May kakayahan ang alinmang midya dito sa Kanlurang Mindoro na hindi pag-aari at direktang impluwensiyado ng mga pulitiko na mag-self regulate. Ang DZVT, Spirit-FM, DZYM at Radyo Natin halimbawa ay kayang i-regulate ang kani-kanilang mga sarili. Kalokohan lang ang panukalang batas na ito sa ganang akin.
Sinasagkaan ng Senate Bill No. 2150 at House Bill No. 3306 mga batayang kalayaan na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas,- ang freedom of the press and freedom of expression. May mga isinasaad pa nga palang multa sa mga hindi tutupad dito.
Ang dalawang panukala ay nagsasaad ng ganito: “all persons…who are accused directly or indirectly of committing, having committed or intending to commit any crime or offense defined by law, or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to charges or criticisms published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic devices.”
Itinatakda rin na ang mga sagot o reply ay dapat, “published or broadcast in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication, or aired over the same program on radio, television, website or through any electronic device.”
Ganito naman ang pananaw ni Prof. Danilo Arao ng UP College of Mass Communication : “The danger in the right of reply bill is that it would legislate what the media OUGHT to publish or air, while casting a chilling effect that could dissuade the more timorous from publishing or airing what they SHOULD.” Idinagdag pa ng batikang mamamahayag sa kanyang blog na: “The bills would free public officials, especially the corrupt – and they are legion – of accountability and give them carte blanche to force their lies on the suffering public.”
Hindi naman ako ay nag-mamalinis bilang isang local media practitioner. Mayroon din akong malaking pagkukulang marahil sa usaping ito. Naiintindihan ko ang sitwasyon ng mga "kaawa-awang" pulitikong basta na lamang binibira't inaakusahan nang hindi pinasasagot. Sa Kanlurang Mindoro ay ganito ang kalakaran lalung-lalo na sa mga istasyon ng radyong pag-aari o direktang impluwensiyado ng mga pulitiko. Pero ang kasalanan ng ilan ay huwag naman sanang gawing sangkalan sa pakyawang panunupil sa sagradong kalayaan sa pamamahayag at freedom of expression. Kapag nangyari ito, lalong magtatagumpay ang lisyang pamamahala at maling pamumulitika hindi lamang sa ating lalawigan kundi sa buong bansa. At lalong patay tayo diyan kaya...
...Ibasura ang House Bill No. 3306 at Senate Bill No. 2150!!!
---------
(DZVT File Photo. Sen Loren Legarda with Vice-Gov. Mario Gene J. Mendiola in one of her visit to Occidental Mindoro last 2007)