Kaalinsabay
ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa bawat paaralan sa bansa ay
pumipili din ng Lakan at Lakambini ng Wika. Ang puntong layon sana ng buong
buwan na pagdiriwang taun-taon ay upang mapaigting pa ang paggamit ng wikang
Filipino para lubos na maipaunawa sa nakararami na wala nang mas hihigit pa sa
sariling wika kung ito ay gagamitin sa matuwid at mabisang pagpapahayag o komunikasyon,
lalo na sa saliksik, na siyang pokus ng tema ngayong 2018.
Subalit
sa labis na pagka-humaling ng mga Pinoy sa mga patimpalak-pagandahan, sa
pa-bonggahan ng mga kasuotan ng mga kalahok dahil sa magneto ng masmidya, lumalabnaw
ang marka nito sa layon ng pagdiriwang na dapat ay hulmado sa ating kultura at
wika. Sa palagay ko, mas marami pang adik sa beauty contest na mga kabataan
kaysa sa droga. Bakit nga ba hindi, kahit sa observance ng Science Fair,
Valentine’s Day, Nutrition Month ay may beauty pageant at kung saan-saan pa,
simula Day Care hanggang sa kolehiyo.
Palibhasa
nga parang naka-pagkit na sa kalendaryo ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang
mga patimpalak paggandahan (o pa-pogian), hindi gaanong nabibigyan ng timbang
at wala ang interes ng maraming mag-aaral sa iba pang larangan o aktibidad pang-akademiko
tulad ng Pagkukwento ng Likhang Pabula, Pagtatalumpati, Pagsasabuhay ng mga
Karakter sa Maikling Kwento at Pagbuo ng Awit, at iba pa.
Sa
kanilang Kapasyahan Blg. 18-24, pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng
KWF na ang tema ng Buwan ng Wika para sa ngayong 2018 ay "Filipino: Wika ng
Saliksik." Sa pagitan ng beauty contest at research, walang dudang mas
intresado ang maraming estudyante (at ilang guro) sa una kaysa sa huli. Kahit
sabihin pa na sa pagpili ng Lakan at Binibini ng Wika ay sinasala sa mga
pamatayang ganito: Pilipinong Anyo, Kaakmaan ng Kilos at Gawi, Tindig at Tikas,
Pagdadala ng Kasuotan at Pagdadala ng Sarili.
Laksang
mga batang babae (at may mga “pusong babae”) ang ginaganyak ng kanilang mga
magulang na sumali sa mga patimpalak-pagandahan kaysa sa magsulat, manaliksik,
sabihin na natin halimbawa, ng mga kuntil-butil ng kasaysayan ng kanyang
pamayanan. Siyanga pala, kapuri-puri ang isinasagawang hakbangin na
pinangungunahan ng lokal na historyador na si G. Rudy A. Candelario na muling bisitahin,
rebisahin at isulat ang may 20 taon na niyang naipalimbag na Kasaysayan ng
Kanlurang Mindoro at mga Bayan.
Sa
palagay ko nga, darating ang panahon na wala nang mananaliksik na kabataan at
mas kukupas pa ang mga letra sa pahina ng libro kaysa sa kolorete sa mukha ng
lipunan. Sa lipunang ito na mas pinahahalagahan ang pagpapaganda kaysa sa pagbabasa
(mas mabili ngayon ang mga beauty products kaysa mga aklat).
Pansinin
natin na ang patimpalak-pagandahan sa bansa ay tagos-tagusan sa lipunan. Wala
itong kinikilalang uri. Kasama ang LGBTcommunities, mga senior citizen, mga
estudyante mula Day Care hanggang Grade 12, at iba pa. Kahit ang mga OFW ay
nagsasagawa ng kani-kanilang mga sariling patimpalak sa ibayong dagat. May mga
buting layon din marahil ang pagsali sa mga beauty contest, dahil kung wala,
hindi bababad ang kamalayang Pinoy larangang ito. May mga magandang bunga na walang
duda ang mga komersiyalisadong beauty contests sa portamoneda ng masa pero lalo
na sa kaha-de-yero ng kapitalista. Pero ang punto ko lang, sa layong diwa ng
Buwan ng Wikang Pambansa, lalo na sa tema ngayong taon, mas dapat na higit
nating palawakin ang ating pag-iisip at pagsusuri at paglapat ng interpretasyon
sa mga kaisipan sa paggamit ng wika sa pagpapayaman ng kaisipan tungo sa pangkalahatang
layon ng bawat saliksik.
Marapat
na gawing salalayan ang wika sa pagpapalawak ng karanasan, pagkalap ng mahahalagang
datos, pagbabasa, pag-galugad sa mga kaugnay na literatura. Kung ang saliksik
ay naglilinang ng tiwala sa sarili ng mananaliksik, may mas katiwa-tiwala pa ba
sa kanya at sa kanyang kinakapanayam kaysa sa kanilang sariling wika?
-------
(Photo:
KWF)
No comments:
Post a Comment