Anaki’y
sanggol pa lang tayong kilik-kilik ni Inang Bayan. Musmos pa ang Occidental
Mindoro kung ihahambing sa ibang munisipalidad sa bansa na naitatag noong
panahon pa ng Kastila at libong taon na mula nang opisyal na kilalanin. Sanggol pa lang tayo sa aspetong ito.
Noong
magsimula hanggang matapos ang Ikalawaang Digmaang Pandaigdig, hindi pa tayo ganap na
lalawigan. Sa taong ito, 68 anyos pa lang tayo at wala pa sa century mark, ‘ika
nga. Ang taunang pagdiriwang upang gunitain ang ating pagkaka-tatag ay
tinatawag na Arawatan Festival. Walo pa lang ang bayan noon sa lalawigan nang
ito ay likhain sa pamamagitan ng R.A. No. 505 na isinulong ni Congressman Raul
Leuterio noong 1950. Isandaan at apatnapu’t siyam na barangay na ang bumubuo dito sa kasalukuyan.
Wala
pa noong Magsaysay, Rizal at Calintaan. Ang mga bayan pa lang noon ay Abra de
Ilog, Looc, Lubang, Sta. Cruz, Mamburao, Paluan, San Jose at Sablayan. Batay
ang nasabing Batas Republika sa Panukalang Batas Blg. 640 ni Congressman Raul Leuterio.
Bago
ito, sa bisa ng Act No. 2964 noong Pebrero
20, 1921, itinalagang isang probinsya ang buong isla ng Mindoro kasama ang
Lubang hiwalay sa lalawigan ng Balayan (Borbon) na pinagtibay ng Pamahalaang
Espanya noong 1581, hanggang sa opisyal na inihiwalay ito sa dalawang lalawigan
noon ngang Hunyo 13, 1950 at dito isinilang ang probinsiya ng Occidental at
Oriental Mindoro. Nagkabisa ito noong Nobyembre 15 ng taon ding iyon.
Sampung
araw na selebrasyon para sa paggunita ang magaganap ngayong taon. Simula Nobyembre
8 hanggang 18, 2018, hitik sa kabiserang bayan ang mga aktibidad dahil
maliban sa ika-68 na taon nga ito ng pagkakatatag ng ating lalawigan, sa
Mamburao din gaganapin ang 4th MIMAROPA Festival na kakatampukan ng
search para sa Ginoo at Binibining MIMAROPA 2018, MIMAROPA Tourism Unity Night,
MIMAROPA Grand Street Dance, at kung anu-ano pa. Pinagsama, sa madaling sabi, ang
Arawatan Festival at MIMAROPA Festival na magtatampok sa kultura, sining at
kalakal ng iba pang mga lalawigan sa rehiyon. Magkasunod na masasaksihan ang
dalawang higanteng okasyon.
Matapos
opisyal na malikha na isang bagong lalawigan, itinalaga bilang una nitong
gobernador si Damaso Abeleda ng Paluan noong 1950 at noong 1952 naman ay
nahalal bilang kauna-unahang kongresista ng lalawigan si Jesus Abeleda.
Noong
Marso 10, 1952, sa makasaysayang unang talumpati ni Congressman Jesus Abeleda,
sinabi niya, “… (The) people (of
Occidental Mindoro are only) 70,000 few, but determined band of pioneering,
hardy and industrious men and women. They are carving homes… in the last
frontiers of civilization… they are there to stay, including by degree their
foothold upon a territory which is a wilderness today but will be towns and
cities of tomorrow.” Ganyan ka-optimistiko ang ating mga naunang lider sa punto
de vista ng progreso. Pero sa aspeto ng kamulatan bilang mga mamamayan,
pasulong ba tayo o paurong? Na-differentiate na ba natin ang Politics of Patronage
sa Politics of Service o hindi pa? Ang Politics of Vision sa Politics of Ambition?
Kung
noon ay 70,000 pa lang ang bilang ng mga mamamayan natin, ngayon, ayon sa 2015
census, matapos ang lampas anim na dekada ay umaabot na tayo sa 487,414 katao
na may density na 83 inhabitants per square kilometer or 210 inhabitants per
square mile. Sa pinaka-bagong datos, ang ating lalawigan ay ang may highest
magnitude of poor population sa buong MIMAROPA na may 208,435 katao. Sa buong
MIMAROPA, ang Occidental Mindoro ay ang may pinaka-mataas na poverty incidence
sa bilang sa 41.2%, kasunod ng Romblon na may 36.6%
Magkagayunman, malayo-layo na rin ang naabot ng lalawigan at hindi natin maipaparangal
ang kasalukuyang pagbabago at progreso sa iba’t-ibang larangan (gaano man
kabilis o ka-kupad ang mga ito) sa iisang pangkat lamang ng mga lokal na
pulitiko. Sa mga pagbabagong ating natatamasa ngayon, mas higit ang papel ng mga
ordinaryong mamamayan at pribadong sektor, kaysa sa mga halal na lider.
Humantong tayo ngayon sa magpi-pitong dekada ng pag-iral at maliban sa mga panandaliang
kasiyahan at palabas, sana ay maalala nating kilalanin ang mga tao na
nagsumikap upang marating natin ang kinalalagyan natin ngayon, hindi lamang yaong
mga kasalukuyang naka-upo sa pampulitikang poder.
Ang
susunod na taon ay taon ng halalan, muli ay lilikha na naman tayo ng kasaysayan,
maghahalal ng bagong tao at magbibigay ng bagong mandato sa mga nais umulit (o ng paulit-ulit!). Isang
pagkakataong muli ito ng pinaka-marubdob na pagkilos para sa ating paghayon
sa kasaysayan tungo sa isang maunlad na dako pa roon. Nagkakaiba-iba man tayo
sa maraming importanteng bagay ay alalahanin natin na nagsasalo tayo sa iisang
lalawigan, sa iisang pamayanan. Sama-sama nating sinisimsim ang mga biyayang
mula sa kanyang kanlungan, hininga at sinapupunan na parang mga sanggol.
Sa
diwa ng pagkaka-tatag ng lalawigan, sana ay maunawaan natin na ang serbisyo-publiko
kagaya ng pulitika ay entablado ng paglilingkod kaya sa ibabaw ng entabladong ito,
matatag tayong manindigan upang hindi tayo mahulog….
-----------
Larawan
kuha ni Arlo Macaraeg (+)
Mga
Reperensya:
Source:
House of Representatives, Congress of the Philippines, Congressional Record,
2nd Congress, 3rd Session (march 10, 1952), pp. 696-698.)
No comments:
Post a Comment