Thursday, April 8, 2021

Ang Lolo ni Bokal

 


Ngayon, ika-9 ng Abril, ay ginugunita sa buong bansa ang Araw ng Kagitingan o Day of Valor at alam nyo ba na si Senior Board Member Aniceta Diana Apigo-Tayag ay may lolo na beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig?

Ang kanyang lolo ay tubong San Fernando, La Union ngunit napabilang sa 124th Philippine Constabulary (PC) Company na na-deploy dito sa Occidental Mindoro sa Mindoro Sugar Central ng Philipine Milling Company noon pang Peace Time (Pre-War) na kasamang lumaban sa mga tropang Hapones noong giyera. Sa tinatawag na Lubang Camp sa Central ang kampo ng 124th PC Company sa ilalim ni Lt. Filemon Reodica na isang graduate sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1938 at ng Executive Officer nila sa Central na si 2nd Lt. Pablo Carino.

Kahit noong matapos na ang digmaan, ang lolo ni Bokal Diana ay nagsilbi pa rin at nagpatuloy na maging konstableng kawal. Kasama ang mga dating sundalo noong digmaan na sina Federico Saulong at Crisologo Pineda, naging tagapagtanggol lalo laban sa mga lokal na bandido at kilabot na tulisan ang matandang Apigo. Ang isang tinaguriang si “Kilabot”ay napigilan nilang patuloy na maghasik ng lagim sa mga mamamayan noon ng Central at Pandurucan (lumang tawag sa bayan ng San Jose). 

Ayon sa aklat na Mindoro sa Panahon ng Digmaan 1941-1945 (pp. 221)  na isinulat ni Rodolfo Meim Acebes noong taong 2008, mga ilang taon din daw matapos ito ay nadestino si Apigo sa Siniloan, Laguna kung saan naging aide-de-camp siya ni PC Major Eliodoro Camandang na siyang patriyarka ng mga kilalang Camandang sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro.

Hindi lang iyon, noong pumutok ang digmaan sa Korea noong 1950, nagboluntaryong sumabak sa digmaan doon si Apigo sa ilalim ng 14th Battalion Combat Team ng  Philippine Expeditionary Force to Korea o PEFTOK ngunit noong sumahin ay sagad na pala ang taon niya sa serbisyo kaya force to good na siya ay nag-retire na.

Sa Calintaan na dating baryo lang noon ng Sablayan ay gumampan bilang Teniente Del Barrio si Apigo dahil siya ay nanirahan at nagsaka doon. Nang lumaon, ganap na itong tumira at namalagi sa San Jose at ang magiting na matandang sundalo ay namatay noong taong 1968 at naulila niya ang aming Lola Conching (Consolacion Gracelia) at anak na si Eduardo o Ed na nang lumaon ay napangasawa si Neneth Credo na naging mga magulang nga ni Bokal Aniceta Diana Apigo-Tayag. Si Lola Conching ay sumakabilang buhay noong Abril (13) 1994.

Ang pangalan ng beteranong sundalo ng Ikalawang Digmaan na lolo ni Bokal ay si Sgt. Aniceto Fontanilla Apigo (Alam nyo na siguro ngayon kung bakit may  "Aniceta" sa buong pangalan ni Bokal Diana).

Gunitain natin nang may pagmamalaki ang kabayanihan ng mga war veteran na hindi ko kayang isa-isahin sa lalawigang duyan din ng magigiting!

-------

(Photo: Philippine Information Agency)

No comments:

Post a Comment