Ang aking kakilalang si Rowena Festin at kaibigang si Allan Paul Catena na kapwa propesor sa kolehiyo ay sumulat ng mga aklat na sana ay sundan ng mga kabataan ng San San Jose (Pandurucan) at iba pang bayan sa Occidental Mindoro na nagnanais magsulat sa hinaharap.
Bagama’t ang kanilang mga akda ay hindi sa anyo ng kasaysayang pampook, ang mga ito ay pumpon ng mga kuwentong-bayan na inihain sa pamamagitan ng literatura. Ang sinumang lumaki, isinilang at nagkamalay sa dulong bayan na ito sa timog ng Kanlurang Mindoro at pinakamaunlad na bayan sa lalawigan noong 1960s at 70s hanggang 80s ay tiyak na makakakonek sa Si Mang Francing at ang mga Lagalag na Kaluluwa sa Siete Central ni Catena at Ang Buang ng Bayan: Mga Maikling Kuwento ni Festin.
Ang Si Mang Francing … ay inilathala ng Hinabing Salita Publishing House sa Tarlac noong 2020 samantalang ang Ang Buang … naman ay noong 2022 ng University of Philippines Press sa Diliman. Ang dalawang aklat ay smorgasbord na likha ng dalawang awtor na may kasing likot ng tandô-tándò na imahinasyon at diwang mapanghalukay tulad ng kurukutok.
Hindi taga-San Jose si Catena pero dito siya nakapag-asawa. Kababaryo ko sa Bubog ang kanyang biyenan na dating basketball coach sa amin noong bata pa ako. 1990s yata nang siya ay napadpad dito galing ng maraming lugar, sa Los Baños at kung saan-saan pa. Siya ngayon ang Director for External Affairs and Global Linkages sa Occidental Mindoro State College (OMSC). Isa ako sa napili ni Doc Allan na sumulat ng blurb ng Si Mang Francing … na ating mababasa ang ganito:
“Pinaglaruan ng pluma ni Allan Paul Catena ang ilang bahagi ng kasaysayan ng Occidental Mindoro sa gintong multiberso ng kababalaghan o paniwalaan-dili. Totoong tao sina Hiroo Onoda, Maria (Puting Kilay), Mang Francing at iba pang tauhan sa kuwento na nabuhay sa magkakaibang-panahon na malikhain niyang isinilid ang mga ito sa isang kapsula ng hiwaga na sinapnan din ng konting komedya.”
Samantala, si Festin naman ay taal na taga-San Jose (Pandurucan). Kabilang siya sa huling batch ng mga high school sa St. Joseph School bago ito nagsara noong 1982. Isinilang at lumaki siya sa San Roque 2. Kilalang alagad ng panitikan sa bansa, ang kanyang mga tula at maikling kuwento ay nagkamit ng Don Carlos Palanca Memorial Awards at Gawad Galian. Maraming mga akda niya ang tampok sa mga Pambansa at pandaigdigang dyornal at antolohiya. Ang kanyang aklat ng mga tula na Banayad ay nagwagi ng National Book Award. Propesor siya ngayon sa Unibersidad ng Pilipinas sa Pampanga.
Ang bayan at ng tao ay iisa at kapwa sila dapat na itampok dahil kung lalabnaw ang isa, lalabnaw sila pareho kaya mahalagang balansyadong mapanatili ang mga kaalamang-bayan na mayroon tayo simula noon hanggang ngayon. Ito marahil ay pakay at layon ng dalawang manunulat sa unang tipa pa lamang nila sa keyboard nang umpisahan nilang sulatin ang mga ito.
Hindi na napag-uukulan ng panahon ang pagsasariwa at pananatili ng mga kuwentong bayan sa panahon ng Tiktok at vlogging na iniluwal ng bagong teknolohiya, ang labis na pagkahumaling natin sa halalan kaysa sa panitikan. Kasama na ang pagiging murit natin sa mga tagisan ng itsura at pigura, kaysa sa tagisan ng diskurso at talino.
Naging bigo ang mga dapat sana’y mga tanod ng kasaysayang lokal sa aspetong ito. Hindi sila gumawa ng paraan upang yumabong ang literaturang batay sa lokal na kasaysayan sa atin. Kasabay na yatang tumanda ni Kuya Rudy (Candelario) ang layuning iyon at parang sumama na rin kay Ka Bise (Acebes) sa hukay.
Mabuti na lang ay may mga akdang ganito na kahit papaano ay magpapatuloy, magbibigay ng pagkilala sa mundo sa ating bayang sinilangan. Mga akdang nagbibigay halaga sa mga kuwentong-bayan sa layong magbigay ito ng katuturan at papel sa mayamang kultura at kasaysayan ng Pandurucan, maging ng Sablayan o alinmang bayan sa lalawigan.
Ang “Si Mang Francing …” at “Ang Buang …” ay mistulang kasing-bisa ng kinayod na niyog na inorasyonan ng batikang albularyong taga-Bubog at amba tulad ng bato sa marusing na kamay ni Narsing Buang na taga-San Roque 2, sa nanganganib na paglaho at paglimot natin sa kahalagahan at iral ng mga kuwentong-bayan kagaya ng mga nasa aklat nina Catena at Festin.
Datapwat itinuturing ng mga taga-Magsaysay na "bayan" ang San Jose, Magsaysay ang pinakadulong bayan sa Oksi.
ReplyDelete