Friday, July 21, 2023

Kuryenteng Abot-Kaya

Ipinabatid ni NEA Administrator Antonio Almeda noong ika-13 ng Hulyo, 2023 sa Board of Director ng OMECO na ayon umano kay ERC Chairperson Atty. Monalisa Dimalanta na hindi nito mabibigyan ang SAMARICA PSA ng Provisional Authority to Operate (PAO) dahil sa hindi pa umano nakukumpleto ng OMCPC ang dalawa sa tatlong component ng PSA, ang Diesel at Solar. Pabor na pabor ito sa OMCPC na sa kasalukuyan ay wala pang linaw kung kailan makukumpleto ang mga natitirang component ng kasunduan.

Kung walang PAO, brown out na naman ang aabutin ng mga bayan ng San Jose, Calintaan, Magsaysay at Rizal. Para maiwasan ang kawalan na naman ng kuryente sa mga nabanggit, iniutos ni Almeda sa OMECO BOD na hugutin ang naunang aplikasyon para dito at umpisahan nang makapasok sa EPSA o Emergency Power Supply Agreement (EPSA) ang OMECO. Tumalima naman agad sa atas ng pinuno ng NEA ang OMECO, siyempre dahil ito ang “mother agency” nila.  Noong ika-18 ng Hulyo, 2023, nagpalabas ang BOD ng isang Resolusyon nag-wi-withdraw sa aplikasyon ng PSA sa SAMARICA na nakahain sa ERC.

Papaano kaya tatanggapin ng mga lokal na lider natin ang hakbang na ito ni Administrator Almeda? Ganito ba talaga ang ibig nilang mangyari?

Ang tanging tumutol sa Resolusyon ay si BOD President Dr. Eleanor Sy- Costibolo sa paniniwalang hindi makatwiran na ipasa ito sa mga konsumidor at maging dagdag na pasakit-pinansiyal ito sa mga mamamayan sa mga nabanggit na bayan.

Sa kakapalabas na dissenting opinion sa kanyang objection sa pagpasok sa EPSA sa OMCPC, iginiit ni Sy-Costibolo na malinaw na paglabag ito sa sariling polisiya ng Energy Regulatory Board (ERC) na "One Plant, One Power Supply Contract". Papaano nga naman nagkaroon ng dalawang kasunduan sa ilalim ng iisang power plant? 

Ayon pa rin sa kanya, hindi makatarungan para sa mga konsumidor ang magbayad ng True Cost Generation Rate (TCRG) na walang competition, transparency at malinaw na accountability ng mga regulatory officials. Sasagka pa umano ito sa pagkamit ng ating pinakalalayon na mababang presyo at sustinableng serbisyo ng kuryente.

 Malinaw at tiyak na sa oras na tayo ay pumailalim sa EPSA, matapos ang mga dadaanang proseso, ang babayaran na natin ay TCGR. Meaning, ipapasa na sa ating mga konsumidor ang pabigat na patong na hindi bababa sa P5 kada kilowatt ng kuryenteng ating makukunsumo. Ito ay dahil sa ilalim ng EPSA, hindi na entitled ito sa subsidy mula sa gobyerno at hindi na rin mamumroblema gaano ang OMCPC sa pagsingil sa usapin ng subsidiya.

Nasa kritikal na tagpo tayo ngayon sa gitna ng dalawang nag-uumpugang bato. May isang paksyon sa ating lipunan na nagsasabing, “Hindi baleng mahal, basta walang brown out.” Sa isang panig ay may nagsasabing ang halagang ito ay hindi makatwiran at dagdag na pahirap sa mamamayan.

Nasa gitna tayo ng nag-uumpugang “Murang Dilim” at “Mahal na Liwanag”.

Saang panig kayo dito?

Noong nakaraang AGMA sa San Jose noong Mayo 28, na malaking porsyento ng mga dumalo ay taga-Sablayan, isinulong at pinagtibay, maliban sa ibang bagay, ang pagkakaroon ng espesyal na AGMA sa usapin ng EPSA at mga kaugnay na bagay upang kasapian ang magpasya.

Aming ipinamamanhik na sana, bago tuluyang pumasok sa EPSA, marinig muna ang hinaing at pagsang-ayon dito ng kasapian. Kung kaya, panawagan po na ilunsad kagyat ang espesyal na AGMA sa lalong madaling panahon, at tutulan ang anumang hakbang na lalong magpapahirap sa mga mamamayan. Kasihan nawa tayo ng BOD sa layong ito.

Noon ko pa sinasabi, mga 2002 pa, na ang puno at dulo ng ating nararanasan ngayon sa off grid system ay ang maka-korporasyong Electric Power Industry Reform Act o EPIRA. Noon pa man, ipinagmamalaki ng mga nagsusulong ng EPIRA na sa ilalim umano nito ay magkakaroon na ng ganap sa solusyon sa kawalan ng kuryente at ang mataas na halaga nito. Pabababain daw umano nito ang presyo ng kuryente. Ngayon, 20 percent lang ang demand ng off grid sa more or less 20,000MW sa buong bansa. Mumo lang ang natatanggap ng 38 off grid provinces tulad natin kasi nga ay 20 percent lang ang contribution natin. 

Kaya tama lang na isilong ang malawakang pagbusisi sa EPIRA at amyendahan kung kinakailangan kung hindi man tuwirang ibasura na!

Kaya hanggang ngayon ay nasa kumunoy pa rin tayo ng batayang mga probema ng suplay at mataas na bayarin. Habang sa ibang mga bansa sa Asya tumutugon na sa teknolohikal na pagpapataas ng antas at pagpapataas ng kalidad ng serbisyo, naka-bagak pa rin tayo dito sa Pilipinas sa usapin ng presyo at kawalang katiyakan sa power situation natin.

Muli, walang sawa na maglunsad tayo ng mga talakayan at kilos-bayan para sa pagsusuri sa usapin. Kung krisis ang dulot ng brown out, krisis din ang dulot ng pagkakaroon nito sa ‘di makatarungang halaga.

Sa mga katulad namin, hindi lang kuryente ang mahalaga, kundi liwanag na abot-kaya.

Hindi namin alam sa inyo…

------

(OMECO IEC)

1 comment:

  1. Epira kasi ang imbolb po e. Epira talaga ang magsasabi kung ano ang dapat!

    ReplyDelete