Sunday, June 15, 2008

Pandurucan Olympian


“Sino ang kaisa-isang atleta na ipinanganak sa Occidental Mindoro na nakapaglaro sa Olympics?” Tanong ko sa isang batang aking kahuntahan isang gabi habang pinag-uusapan namin ang ilang bagay tungkol sa nalalapit Beijing Olympics sa August 8, 2008. Maraming pangalan ang kanyang inihanay mula sa iba’t-ibang sporting event ngunit sablay lahat ng kanyang hula. “Sirit na...” may tamang duda niyang bulalas.

Unang nilaro ang basketball sa Summer Olympics noong taong 1936 matapos gawin itong demonstration sports noong 1904 at 1924. Siya ang tinaguriang greatest Filipino basketball player in history pero bihi-bihira sa atin ang nakaka-alam na kagaya ko, dito rin pala siya sa San Jose ipinanganak. Si Carlos “Caloy” Loyzaga ay isinilang noong ika-29 ng Agosto, 1930 here in my hometown kung saan siya unang natuto ng basketbol. At noong taong 1942, dose anyos pa lang siya noon, mula sa Mindoro ay lumuwas siya ng Maynila at napabilang sa koponang Sta. Mesa Aces. Noon pa man ay kinakitaan na siya ng kakaibang tangkad sa height na 6-foot-3 (na noon ay bihi-bihirang Pinoy ang ganito ka-taas) at pamatay na wika nga ay “sure ball”.

Dalawang ulit na nakapaglaro sa Olympics si Loyzaga,.. noong 1952 sa Helsinki at sa Melbourne noong 1956. Muntik nang maging tatlo ang kanyang Olympic appearance kung hindi lang sana siya nagkaroon ng wrist injury dahil sa paglalaro ng softball kung kaya hindi siya nakasama sa Rome Olympics noong 1960. Si Loyzaga ay kasalukuyang naka-base sa Australia at sakaling hindi n’yo pa alam, siya ang tatay nina Teresa at Bing (na mga showbiz personalities) Chito at Joey (mga ex-PBA players). Si Loyzaga,- kasal kay Vicky Cuerva ay dating naging konsehal ng lungsod ng Maynila at 77 years old na ngayon.

Hitik sa impormasyon ang mga naisulat na hinggil kay G. Caloy “The Big Diffrence” Loyzaga at sa kanyang basketball career at hindi ko na pupuntuhin ang mga iyon dito.
Pero subukan mong pumunta sa pinaka-populated na paaralan sa San Jose ngayon at tanungin mo ang mga estudyante kung kilala nila si Loyzaga at kung alam nila kung saan ito ipinanganak ay malamang “Hindi” ang isasagot nila sa iyo. Huwag na sa mga paaralan. Subukan mo rin sa mga taong naka-tambay sa mga barberya, paradahan ng traysikel, palengke at kahit na sa munisipyo. Imagine,.. isang sikat na athlete sa buong mundo, ‘ni hindi man lamang kilala sa kanyang sinilangang bayan!

Tanong ko lang : “Bakit wala man lamang siyang markang iniwan dito o inilaan sa kanya ng kanyang mga kababayan,- ang mga nagdaan (at kasalukuyang) political leaders natin. Wala man lang kahit na karatula (o tarpaulin kaya) sa bungad ng airport o sa piyer na may nakasulat na ganito: ’Welcome to San Jose, birthplace of Basketball Great Caloy Loyzaga'? O Basketball League o clinic man lang in his honor. O kahit na pormal na ikasa man lamang ang kanyang birthplace visit o iba pang event ..’”

Kunsabagay, wala ngang tunay at sustainable sports program dito ‘yan pa kayang mga ganitong proyekto na sa tingin nila marahil ay mga kabalbalan lang... Walang po kasing kahilig-hilig sa pagsasa-batas at pag-execute ng tunay at totohanang sports development program ang aming mga political leader..

Pero kagaya nang kung papaano may tagong pahina ang bawat kasaysayan, marami pa rin tayong hindi alam kung bakit tila sarado tayo sa interes at impormasyon hinggil sa first ever Olympian from Mindoro bilang kanyang mga kababayan.

Pahabol pa sa akin nung tinedyer: “Kinalimutan kaya ni Loyzaga ang San Jose,- o ang San Jose ang lumimot kay Loyzaga?”. “Valid question!”, ang bigla ko na lamang naibulalas bilang sportswriter sa kolehiyo dati at isang taxpayer ngayon....

Friday, June 13, 2008

Yapak ng mga Banal

Unang yumapak ang mga Kristiyanong misyunero sa baybayin ng Puerto Galera noon taong 1572 na ayon sa mga naunang talaan ng mga Kastila ay ang lugar na unang tinawag na “Mindoro” bago pa man ito maging pangalan ng buong isla.

Ayon sa pananaliksik ni G. Rudy A. Candelario, isang local historian na naka-base sa San Jose sa kanyang sulatin na may pamagat na “The History of Catholic Faith in Occidental Mindoro”, sa isang lumang mapa na masusugsog pa sa taong 1589, ang kinalalagyang lugar ngayon ng nasabing bayan ay may naka-sulat na “Minolo” habang ang isang mapa na dated 1734 ay “Minoro” naman ang naka-lagay. Samakatuwid, ang tunay na “Mindoro” pala ay ang bayan ng Puerto Galera. Ito ang unang mission area ng mga Recollect priests sa panig ngayon ng Oriental Mindoro hanggang sa noong taong 1575 ay umabot sa Baco ang impluwensiya ng mga paring dayuhan.

Taong 1580 naman nang dumating sa Occidental Mindoro,- sa tinawag na Calavite Settlement (Calavite Point ngayon) ang mga misyunero at pagkaraan ng 40 taon, noong 1620 ay tumawid ang misyon sa Lubang.

Pangunahing tauhan sa kasaysayan ng Kristiyanismo sa buong isla ng Mindoro ay isang pari na nagngangalang Diego Luis de Sanvitores na piniling mag-misyon sa bansa noong ika-10 ng Hulyo,1662. Si Padre Sanvitores ay lumibot lulan ng bangka at namuno sa mga sakramento, lalung-lalo na ang pagbibinyag, sa mga bayan ng Sablayan, Sta. Cruz at Mamburao hanggang sa dulong bahagi ng San Jose.

Kasama ng Pilipinong layko na si Pedro Calungsod, si Sanvitores pinatay sa Guam noong ika-1 ng Abril 1672 sa pamamagitan ng sibat at pamamalo sa ulo ng mga mamamayan ng doon dahil sa ginawa niyang pagbibinyag sa isang bata. Na-beatify siya noong October 6, 1986.

Alam natin na maliban kay Sanvitores, may isa pang santo na nag-iwan ng yapak sa Mindoro, si St. Ezekiel Moreno na inordenan bilang pari sa Maynila noong 1897 at ang kanyang unang naging parochial assigment ay sa bayan ng Calapan hanggang sa ang kanyang pagmimisyon ay naka-rating sa Mangarin (San Jose) at maging sa Palawan. Isama pa natin ang kauna-unahang obispo ng Mindoro na si Bp. William Finnemann, SVD na sa bisa ng Protocol No. 2290 ay kinukunsidera para maging santo ng Congregation for the Causes of Saints sa Roma. Si Bishop Finnemann ay idineklara noong ika-7 ng Disyembre 1999 bilang “Servant of God.”

At sa darating na July 1, 2008 ang Apostoliko Bikaryato ng San Jose ay magdiriwang na ng kanyang Silver Jubilee....

Papaano mo sasabihing hindi pinagpala ng Diyos ang mga mamamayan sa islang ito?

Friday, June 6, 2008

Tulay + Kalsada = Kalbaryo




Ang kasaysayan ng pagpapagawa ng mga pangunahing tulay at kalsada sa Occidental Mindoro ay mati-trace natin noong 1973 kung kailan ang buong isla ay isa sa mga naging pilot area sa infra projects sa panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa bisa ng Presidential Decree (PD)No.805 ay nilikha ni Marcos ang isang island-wide office na siyang magtitiyak sa malawakang pagpapatupad ng MIRDP o ang Mindoro Intergated Rural Development Program. Sinakop ng programa ang "pagbutas" sa 1,400 kilometrong haba ng kalsada sa lalawigan noon.

Matapos ang walong taong teknikal at legal na paghahanda, dalawang malalaking pagawain sa Occidental at Oriental Mindoro ang sinimulan. Una ay ang pagsasa-ayos ng daan mula San Jose hanggang Mamburao na umaabot sa 170.6 kms ang haba at ang Bulalacao to San Jose road na more or less 37 kms. Ang aking tinutukoy dito ay ang lumang ruta at hindi yung kasalukuyang ginagamit na via Brgy. Nicolas (Magsaysay). Sa unang nabanggit, umaabot sa 200 milyong piso ang inutang ng pamahalaang Marcos sa World Bank (WB) para sa proyekto.

Kung ganito na pala ito kalaon simula nang “butasin”, bakit hanggang ngayon ay tila walang malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada at tulay sa Kanlurang Mindoro? Ito ang sagot ng mga political and social scientists, lalung-lalo na si Volker Schult, sumulat ng aklat na “Mindoro: A Social History of a Philippine Island in the 20th Century” noong 1991: “..at the very onset, the entire project has deficiencies in all aspects: bad management, inadequate planning, corruption and over-bureaucratization.”

Idinagdag pa ni Schult na maliban dito ay maaari rin nating pagbuntuan ng sisi ang masamang panahon (mga bagyo, tag-ulan na nagreresulta ng mga pagbaha) at kahirapan sa pagta-transport ng mga materyales lalung-lalo na ang bakal at semento.

Tunay na mayroon na ring malaking pagbabago sa sitwasyon ng mga kalsada sa lalawigan pero nananatiling hindi ito sapat. Kung ikukumpara natin sa mga kalapit nating lalawigan, atrasado siguro nang hindi lang 30 years ang kalsada dito sa atin. Ang masaklap, maraming mga dyip ang over loaded sa tuwing magbibiyahe lalung-lalo ang mga biyaheng Manoot, Rizal (katulad ng larawan sa dulong itaas). Maraming tulay din ang 'sing tanda na yata nang humukay ng ilog ang edad pero hindi pa rin yari.

Una ay ang Pinamanaan Bridge (larawan sa dulong ibaba) sa San Jose na halos bente anyos na yatang ginagawa ay hindi na natapus-tapos. Kaya nga tinawag din itong "Pinabayaan Bridge" o "Pinagkakitaan Bridge". Isama na rin natin ang Manoot Bridge (larawan sa gitna) sa bayan ng Rizal na dalawang taon nang naka-tiwangwang. Wala pa raw kasing pondo. Kapag panahon ng tag-ulan, lalo na kung panahon ng bagyo, isusumpa mo ang pagbiyahe sa mga lugar na ito. Isa itong kalbaryong totoo.

Balikan natin ang aklat ni Schult. Ganito ang analysis na mababasa natin : "... the project failed to materialize not only because of extreme corruption but of non-involvement and disregard of the common people...."

Sa kongkretong pagha-halimbawa,... wala man lang independent groups sa atin na nag-usisa kung magkano na ang nasayang na pera sa mga tulay ng Pinamanaan at Manoot!

Tuesday, June 3, 2008

Ang Yelo ni Judy Ann Santos at ni Mang Inggo

Kung nanonood ka ng telebisyon ay tiyak na napanood mo na ang infomercial (info ad rin yata ang isa pang tawag doon) ni Judy Ann Santos mula sa First Philippine Holdings, Inc. na sister company ng Manila Electric Company o MERALCO at ng ABS-CBN. Dito ay ikinukumpara ito ni Juday sa isang selopeyn ng yelo na binili mo sa tindahan sa labasan na kahit na buo ang binili mo ay matutunaw iyon pagdating sa inyo at hindi lahat ay iyong magagamit. Ganito rin daw ang system loss na nangyayari sa distribusyon ng kuryente o enerhiya.

Ang reaksyon naman ng GSIS sa infomercial ay ganito more or less: hindi makakatulong ang paggamit ng mga artista sa desperadong attempt nito na mapagtakpan ang mga kakulangan ng MERALCO. Pero huwag nating pag-usapan ngayon ang tungkol sa paggamit sa mga artista sa ganitong propaganda. Huwag 'yan. (Fan ako ni Juday e, he..he..he..)

Ang bigyang diin natin ay ang mga punto ng ad. Una, tila “pamukha” ito ng kumpanya sa mga mamamayan ng Metro-Manila na huwag nang magreklamo sapagkat hindi lamang sila ang sinisingil ng system loss. Pati ang mga taga-Davao o Cebu o anumang lugar sa bansa na may serbisyo ng kuryente ay hindi ligtas dito. At isa pa ay ang pahapyaw na paliwanag na itinatadhana sa batas kung ilang porsyento lamang ng system loss ang puwede nilang ipataw sa mga mamamayan. Sa aking tingin, ang infommercial na iyon ay isang “pamatay-sunog” sa nag-aapoy na usapin sa isyung Lopez vs. Garcia o MERALCO vs. GSIS, kundi man “pagbabangong-puri” sa kanilang kapalpakan. Kapag napanood mo ito at least ay ganito ang kaisipang gusto nilang manatili sa ating isipan: “Okey lang na patuloy tayong magbayad ng malaki at wala silang iba pang dapat gawin para malunasan ang pag-lobo ng ating mga bayarin sa system loss”.

Iyan ang kuwento sa likod ng yelo ni Juday....

Ano nga ba ang system loss? Hindi namin ito sa yelo inihahambing kundi sa isang motorsiklong may tagas ang karburador. Hindi lahat na gasolinang nawawala,- nagagamit man o natatapon,- ay nakatutulong sa inyo sa pagpapatakbo ng makina at upang makarating ka sa iyong pupuntahan. Meron diyang natatapon. At kung mahaba ang ating nilakbay, mas marami ang matatapong gasolina. At kung maikli,.. e di konti lang.. bago ang infomercial ni Judy Ann, ganyan layman’s explanation namin sa “Pintig ng Bayan” sa DZVT hinggil sa system loss.

Sabi ng mga taga-Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO, mayroong dalawang uri ng system loss: ang technical system loss,- na resulta ng transfer o delivery of power at ang non-technical na resulta naman ng pagnanakaw ng kuryente. Ang system loss charge na binabayaran ng bawat consumer ng OMECO ay nasa PhP 1.0861/kwh. Php0.9717 ang pass on sa NAPOCOR at PhP 0.1144 para sa EVAT sa BIR. Ito ay, katulad ng sinasabi ni Juday,- ayon sa batas at actually sa ruling ng Energy Regulatory Commission o ERC ruling na 14% na systems loss charge na babayaran nating mga consumer.

Ito naman ang kuwento ni Mang Inggo. Siya yung tindero ng yelo noon sa may palengke ng San Jose malapit sa paradahan ng dyip na biyaheng Magsaysay...

Malakas ang yeluhan niya dahil hindi pa uso noon ang ref dito sa amin. Suki ni Mang Inggo ang mga mangingisda, sari-sari store owners at naghahalu-halo sa mga malalayong baryo sa isla hanggang sa bayan ng Calintaan, Rizal at iba pang lugar. Idini-deliber niya ito sa mga paradahan ng sasakyan. Para sa kanyang mga suki, ang yelo ay isinisilid sa lumang sako at nilalagyan ng ipa para hindi kaagad matunaw at matiyak na pakikinabangan nang lubos ng kanyang mga kliyente, malayo man ang maging biyahe nito.

At kapag muli kang bibili sa kanya, puwede ka nang hindi pumunta ng bayan at ipadala na lamang ang iyong sako at ang perang pambili sa drayber o konduktor ng dyip na bumibiyahe sa inyong lugar. Isang impormal na ugnayan ngunit tigib ng pagtitiwala. Dahil sa ganitong pamamaraan ay maraming naging suki si Mang Inggo na lubos na nagagalak sa kanyang serbisyo. Isang serbisyong tiyak, mabilis at tumitingin sa kanilang kapakanan. Walang yelo na gaanong nasasayang o natatapon na hindi nila napapakinabangan. Kailan kaya magiging ganyan ang pananaw ng mga namumuno ng OMECO (o kahit na ng MERALCO) hinggil sa system loss?

Pero ang system loss ay hindi lamang resulta ng kawalan ng direktang solusyon dito ng OMECO. In fairness sa kanila, ang pagnanakaw ng kuryente ay isa sa mga dahilan ng system loss at ito ay may kaakibat na parusa ayon sa RA 7832. Binuo ang OMECO Special Task Force Group upang hulihin ang mga kawatan. Mula Enero 2007 hanggang Marso 2008 ang STG ay naka-huli nang may humigit-kumulang sa 116 na magnanakaw sa buong Oksi.

Wala na ba talagang ibang paraan upang mabawasan man lang ang ating system loss charge? Hanggang kailan tayo magbabayad ng malaki sa mga produktong hindi naman natin pinakinabangan? Ang masaklap, uulitin ko, tila hindi sila intresadong lunasan ito!

Monday, June 2, 2008

Ginawa Nila Ito Noon


Tiyak na kilala ninyo ang mga personalidad dito sa larawang ito. Kuha ito ilang araw bago ang halalan noong isang taon. Nanumpa sila na magiging tapat, malinis at mapayapa sa panahon ng kampanya. Pasensiya na kayo at hindi man nararapat ay napasama ako sa kanila (Ako yung naka green ng polo na naka-talikod!). Hindi ko man nais ay naging facilitator tayo sa kanilang panunumpa sa watawat noon. Sa bayan ng San Jose ito ginanap na ikinasa ng PNP at Comelec provincial offices at PPCRV-Occidental Mindoro na kinatawan ng inyong lingkod.

Huwag na ninyo akong tanungin kung tinupad ba nilang lahat ang kanilang pangako. Ang alam ko lang, malapit na naman ang 2010!

Thursday, May 29, 2008

Isyung OMECO Uli Tayo...

Mag-dadalawang taon na ang nakakalipas. At kung hindi ako nagkakamali ay isang serye ng pagtatalakay simula Agosto 11 hanggang 17, 2006 ang ginawa noon ng himpilang DZVT (dito sa San Jose) hinggil sa 3 buwan (Abril hanggang Hunyo) na Financial and Statistical Report ng Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO.

Sa loob ng isang linggo ay malinaw na inihanay ang limang malalaking usapin na patungkol sa ilang isyung dapat pag-usapan nang bukas sa lahat hinggil sa OMECO upang mas lalong mabigyan ng kaalaman ang mga taga-Kanlurang Mindoro. Una: General Information tungkol sa OMECO; Ikalawa: Ang Buwanang Pagkalugi ng OMECO; Ikatlo: Systems Loss; Ikaapat: Ang Utang ng OMECO dahil sa Power Generation; Ikalima: Ang Consumer Deposit at ang Pangkabuuang Larawan ng Pananalapi ng OMECO. Ano na kaya ang lagay nang mga aspetong ito ngayon pagkalipas ng halos dalawang taon na...

Malinaw na sa kabuuang operasyon ng OMECO, base sa nakuhang dokumento ng Social Services Commission (SSC) noon, ang OMECO ay nalulugi ng mahigit na limang milyon kada buwan. O katumbas na PhP 166,000 araw-araw. Maaring may katotohanan ang buwelta ng kooperatiba na limitado ang basehan noon ng DZVT sa isyung inilabas ng istasyon. Ngunit sa kabilang banda, hindi rin maipag-kakailang hindi lamang mga figures ang nilalaman ng mga FINANCIAL AND STATISTICAL REPORT ng OMECO, nilalaman din nito ang operasyon at mismong buhay ng isang organisasyon.

Tandang-tanda ko pa na sa nasabing serye ng talakayan ay binuksan ang ere para sa pagbibigay reaksiyon at opinyon ng mga mamamayan. Higit naming inasahan na maglalaan din ng oras ang mga key person ng kooperatiba pero wala kaming narinig sa kanila. Hindi sila sumagot o nagpaliwanag tungkol sa aming analysis. Natatandaan ko rin ang ginawa naming pagtawag sa ilang Board of Directors para hingin ang kanilang panig hinggil sa usaping ito subalit walang nagpaunlak. Maliban sa isang miyembro ng MCEC na si G. Rodolfo Plopinio ng Mamburao.

Sinagot sa ibang himpilan ang diumano’y tugon ng pamunuan ng OMECO sa kanilang ginanap na Board Meeting . Walang pinabulaanan sa mga datos na aming inilabas, bagkus ay binigyan lang nila ito ng pagpapaliwanag.

Sa ganitong mga pangyayari, ang aming mga tanong ay hindi natugunan ng wasto. Aksyon ito mula sa kanilang panig na hindi nagbunga ng pagkalinaw sa isyu. Mga hakbang noon na lalong nakapag-dulot ng pagdududa o kalituhan noon sa mga miyembro (sige "konsumidor" na nga!) ng OMECO.

Noon at maging ngayon, ang pagiging mausisa naming mga kung tawagin ninyo ay “konsumidor” ay hindi isang usaping personal. Hindi ito tunggalian ng mga personalidad o pulitikahan. Sa usaping ito ang sangkot ay ang lahat ng mga mamamayang hindi lamang direktang gumagamit ng serbisyo ng kuryente, kundi ang usaping pagkakamit naming o nating mga mamamayan ng sapat at tamang serbisyo ng kuryente. Ito ang batayan nang aming mga pagdududa. Ito ang batayan ng aming paghahanap ng pagtatamasa sa aming karapatan sa impormasyon. Sapagkat kung hindi tayo makikisangkot at magre-resolba bilang mga miyembro ng OMECO, ano ang iba pang mas makabuluhang maiaambag natin liban sa pagbabayad ng tama sa ating mga electric bill?

Noon man o ngayon at magpasa-walang hanggan....

Wednesday, May 28, 2008

Mangyan Name Game

Akala ko noon ay sa Isla ng Mindoro lang mayroong Mangyan. Bagama’t wala pang malalim at lubusang tanggap na anthropological evidence, may Mangyan din pala sa Sibuyan, Romblon. Mangyan-Taga-Bukid ang tawag sa kanila.

Una ko itong nalaman mula kay Juanito Lumawig, ang kasalukuyang Chairman ng PASAKAMI o Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro, habang kami ay sakay ng barko at naglalayag mula Batangas pauwi ng San Jose noong nakaraang Miyerkules (Mayo 21). Kagagaling lang namin noon sa Regional Rural Congress for Southern Tagalog and Bicol Regions na ginanap sa Lipa City. Ang pagkakatuklas sa mga Mangyan ng Sibuyan ay naitala sa isang sulatin ni Juan Calabio, isang paring Espanyol noong 1895.

Alam n’yo ba na ang salitang “Mangyan” ay walang kahulugan o non-existent sa anumang diyalekto nang alinmang tribong hindi pa “nababahiran” o “nauugnayan” ng sibilisasyon? Ipalagay natin na pumunta ka sa pinaka-liblib na pamayanan ng mga Bangon sa Bansud sa Oriental at Tau-Buhid sa Calintaan sa Occidental na ang mga tao doon ay hindi pa nai-impluwensiyahan ng kabihasnan, direkta man o hindi,- hindi nila alam na sa kanila ipinantutukoy ang salitang “Mangyan”. Sa totoo lang, and katagang “Mangyan” ay terminong patag o termino lamang ng pamahalaan (noon at ngayon) patungkol sa kanila. Nagsimula ang katawagang ito noong sinaunang panahon pa ng mga Kastila hanggang sa kanila na itong tanggapin lalung-lalo na nang pormal at opisyal na silang pumaloob sa gobyerno o pamahalaan sa kapatagan. Katulad natin, sila man noon ay naiinsulto kapag tinawag mong “Mangyan”. Pero ngayon ay hindi na. At katulad ng mga kabataang taal na Mindorenyo, proud na rin silang tawaging “Mangyan” lalung-lalo yaong mga kahit papaano ay may kaugnayan na sa makabagong sibilisasyon.

Gayundin pala ang salitang “Tamaraw”. Kung may diksyunaryo lang ang mga tribu, tiyak na wala kang matatagpuang katagang “Tamaraw” doon. Wala ring kahulugan sa kanila ang salitang ito. Para sa mga Tau-Buid, “Uhwang” o “Todo” (big animal) ang tawag nila sa Tamaraw.

Palibhasa salitang Mangyan na rin lang ang ating paksa ngayon, gusto ko ring ibahagi na pinanatili natin ang pangalan ng mga pangunahing bundok na salitang Mangyan ang pinagmulan. Hindi lang pala bundok kundi pati mga pangunahing ilog at ilan dito ang ating pag-uusapan.

Unahin natin ang “Pandurucan”. Ito ay nagmula sa salitang “Durok” na para sa mga Hanunuo at Buhid ay isang proseso ng paglilinis ng kaingin. Kaya ang ibig sabihin ng “Pandurukan” ay “lugar ng kaingin”. Ito ang lumang pangalan ng San Jose. Ang isunod naman natin ay ang “Labangan”. Nagmula ito sa salitang “Labang” na para sa mga Hanunuo ang kahulugan ay “(masamang) espiritu”. Kaya ang ibig sabihin ng “Labangan” ay “place of the bad spirits” sa wikang English. Ang Labangan River ay ang unang ilog mong madadaanan papuntang Magsaysay kapag galing ka ng Norte.

Sa Calintaan naman, ang Ilog ng Anahawin ay nagmula sa salitang Tau-Buid na “Anawan”. Ang ibig sabihin ng “Anaw” ay sebo. Dito umano kadalasang hinuhugasan ang sinalab na hayop,- Baboy Damo man o Tamaraw,- kaya natatapunan ito ng mantika at tinawag nga itong “Anawan”. “Lumintaw” naman ang tawag sa malalaki at makakating gabi na marami raw noon sa ilog na ito na sakop ng Rizal.

Kung may mga pinanatili tayong pangalan ng ilog ay mayroon din naman tayong sagarang binago. Hindi ko alam kung bakit. Eto ang ilan bilang sampol: Ang Mangyan name ng “Mompong” sa Sablayan ay “Bangluan” na isang ritwal ng pag-papausok para itaboy umano ang mga kamalasan. Ewan kung bakit ito pinalitan. Pero anu’t-ano pa man, suwerte ang bayang ito sa likas na yaman.

Ito ang pinakamalupit. “Rayusan” ang tawag noon ng mga Tau-Buid sa ilog na ito. At palibhasa mataas at napaka-tarik (o "tirik") ng bundok na aakyatin mo paglampas ng ilog, tinawag itong “Pa-tirik” ng mga biyahero at residente. And later nang maipluwensiyahan marahil ng burgis na pagpapangalan, ang “Pa-tirik” ay bigla na lang naging westernized na “Patrick”!

Monday, May 26, 2008

OMECO G.A.: "Kinapos" o "Kinapon"?

Isinagawa kahapon sa bayan ng Sablayan ang 29th Annual General Assembly Meeting ng Occidental Mindoro Electric Cooperative o OMECO na ginanap sa Colegio de San Sebastian College (CDSS) Gymnasium matapos ang ang dalawang taong hindi ito isinagawa. Ang huling GA ay ginanap sa Abra de Ilog noon pang May 28, 2006 sa kadahilanang hindi naman maayos na naipaliwanag. Ang OMECO ay isa sa 120 electric cooperatives sa buong bansa.

As usual, kakaunti ang bilang ng mga dumalo,- halos wala pa yatang 300 participants,- kasama na ang mga manggagawa ng OMECO na full mobilization yata kumpara sa kabuuang bilang na 45,750 consumers province-wide (na na-determine naman later na nasa korum ito). Kung intresado kayo, narito ang consumer’s breakdown: 90% dito ay residential; 6% ay commercial establishments; 2% ang public building at ang natitirang 2% ay street lights including industrial and large load consumers.

Naging tampok dito ang oath-taking ng mga pinaka-bagong member ng Board of Directors na sina Arsenio “Boy” C. Samson ng Calintaan at Myrna Galindo-Magno ng Magsaysay at ang naging taga-panumpa ay si Vice-Mayor Eduardo Gadiano ng nasabing bayan. Nawa ay maka-iwan sila ng marka para sa general welfare ng mga consumer at hindi nang iilang opisyal lang nito. Sana ...

Medyo “pinitik” ni Mayor Godofredo Mintu, bilang Guest Speaker, ang OMECO sa brown-out na malimit daw nararanasan ng kanilang bayan. Idinagdag pa nito na naka-pipigil sa kaunlaran ng alinmang lugar ang ganitong sitwasyon dahil hindi ito makaka-akit ng dayuhang investor. Ginanyak niya ang mga dumalong kasapi na magtanong, mag-usisa at humingi ng paglilinaw hinggil sa mga related issue sa malawakang operasyon ng OMECO sa Occidental Mindoro. Halata din sa patutsada ng alkalde, bagama’t hindi tuwiran, ang kanyang disgusto sa exclusivity contract sa pagitan ng OMECO at ng “isang independent power producer” na hindi man direkta ay tiyak na ang Island Power Corporation o IPC ang kanyang tinutukoy. Matapos ang kanyang speech, umalis na rin kaagad si Mayor Mintu kasama si Vice Mayor Gadiano.

At imbes na substantial na mag-report ng statement of financial condition at technical accomplishment at projections si OMECO General Manager Alex C. Labrador, sa aking palagay,- ay naging reactionary remarks lang ito sa naunang talumpati. Sa ilalim ng statement of financial condition at technical accomplishments, bilang miyembro ay inaasahan kong mapalalim ang pagtatalakay sa Barangay Electrification Management Program o BEMP at ang napipintong MSEAC o Multi-Sectoral Electrification Advisory Council; ang tungkol sa Exclusivity Contract sa IPC, to name a few ... wika nga.

Kung susuriin, ang General Manager’s Report (kung report nga itong matatawag) ay mababahagi lamang sa tatlo: maikling kasaysayan ng pagkakatatag ng OMECO; ang technical explanations sa systems loss at causes of brown-outs; at ang pagbibigay diin na ang OMECO ay service oriented kaya hindi umano dapat asahang hindi ito malugi o kumita.

Pero kaya din namang ipaliwanag nang isang department manager ng OMECO (o baka kahit na ng kanilang trainee) ang tungkol sa kasaysayan ng OMECO nang ganoon din kaikli. Kahit na ang isang ordinaryong lineman ay kayang ipaliwanag ang system loss at ang brown out causes kagaya (o baka mas mahusay at kredibol pa) sa pagpapaliwanag dito ni GM. O kaya ay sa isa niyang engineers. Yung tungkol naman sa pagiging service oriented, sanay na ang mga taga-MSD na ipaliwanag ito sa kanilang mga radio program at kahit saang venue and forum.

Sa madaling salita, ang mga isyung pinalutang ay hindi pang GM Report. At lalo nang hindi pang-GA! Sa GA dapat ay major policies and structure-related ang higit na pinagtutuunang-pansin at hindi ang mga mumunting bagay na ito na maaari namang talakayin sa mas mababang antas. Sa aking pagdalo kahapon kumpara sa minutes ng May 28, 2006 GA Meeting na ipinamahagi nila, walang malaking pagbabago ang isinagawa sa proseso at maging nilalaman ng mga ito. Wala man lamang progression ang mga usapin. Halimbawa,- ang pamumutol ng kuryente kung wala ang may-ari ng bahay; ang problema sa hindi gumaganang kuntador; ang sistema ng pilahan sa mga magbabayad na consumer; at ilang petty problems na kaya namang tugunan individually at case-to-case bases ng mga akmang departamento at empelyado ng kooperatiba.

Speaking of kooperatiba,... kahit hindi implied, dama ko na wala nang balak ang pamunuan ng OMECO na ipa-rehistro ito sa Cooperative Development Authority o CDA para maging isang tunay at lehitimong kooperatiba. Kesyo nabubuhay lamang ito financially sa pamamagitan ng subsidy ng NEA o National Electrification Administration. Batay sa Annual Report 2007 ng OMECO, 13 Rehab/System Upgrading Accomplishments nito ay subsidized pa ng NEA. Pero ang masaklap, kahit yata panaginip na maging tunay na kooperatiba tayo sa susunod na pitong siglo ay wala tayo. Kaya ba hindi isinama ito sa GA target?

As of December 2007 ang OMECO ay may pagkakautang na PhP 164,972,427 at nalugi ng PhP 49,014,100. Pasensiya na kayo pero ‘yan lang talaga ang naunawaan ko sa ipinamahagi nilang 2007 Annual Report. Para bang gustong ipamukha sa atin na dapat lang malugi ang OMECO dahil nga “service oriented” naman ito at huwag nang pag-isipan pa kung mabaon man ito sa utang sa NEA at sa NAPOCOR. At huwag na tayong makialam kung hindi na nito pag-iibayuhin ang kanilang serbisyo o kung lisya na ang kanilang pamamahala sa ating kooperatiba.

Pahabol lang,... bigyan naman sana ng sapat na oras at panahon ang talakayan at gawing dialogical ang atmosphere sa bawat GA. Hindi yung GA na mas marami pa ang naging intresado sa Raffle Draw kaysa sa pagtitiyak ng patuloy na serbisyo ng kuryente dito sa atin. Sabi nga ni Kuya Rey, hindi “kinapos” sa panahon ang GA kundi sinadyang “kinapon” sa panahon!

Thursday, May 15, 2008

NRC-II sa Occidental Mindoro

Pormal na pinagtibay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamamagitan ng isang Pastoral na Pahayag na nilagdaan ng pangulo nito na si (Jaro) Archbishop Angel N. Lagdameo, D.D. noong Enero 28, 2007 na may titulong “The Dignity of the Rural Poor – A Gospel Concern” ang makasaysayang National Rural Congress-II o NRC-II. Abala ngayon ang buong Simbahang Katoliko kabilang ang kalakhan sa mga diyosesis sa bansa para sa NRC-II na gaganapin sa mga susunod na buwan. Sayang nga lamang at walang pang antas- Parokya at PAKRIS (Pamayanang Kristiyano) na gawaing inilunsad kaugnay ng NRC-II ang aming Simbahang Lokal gayong krusyal din namang usapin ang Repormang Agraryo o CARP dito sa Kanlurang Mindoro. Masasabi kong isa ang usapin sa lupa sa mga ugat ng pampulitikang kaguluhan dito sa amin.

Kuwarenta anyos na ang nakalilipas simula nang ilunsad ang National Rural Congress – I noong 1967 na nagbigay mandato sa atin bilang isang Simbahang naglalakbay na “tumungo sa mga kanayunan” o sa mga lugar na pinabayaan noon (hanggang ngayon ba?) ng pamahalaan sa usapin ng programang pang-kaunlaran pati sa kalingang pastoral ng Simbahan. Kagaya nang nabanggit ko na, ang pinaka-tutok o central focus ngayon ng NRC-II ay ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, maliban sa iba pang isyu kagaya ng extra judicial killings at pagmimina. Ang CARP ay anak ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) o R.A 6657.

Sa isang buwan ay bente anyos na ang CARP ngunit wala pa ring substansyal na pagbabago sa buhay ng ating mga magsasaka. Marami ang nagsasabi na bigo ang CARP at hindi kumpleto. Hati ang tingin ng iba’t-ibang grupo ng mamamayan sa programa. Ang iba ay ibig itong ipatigil at naglalatag ng panibangong programang umano’y tunay na repormang agraryo habang ang ilang naman ay nagmumungkahing ito ay i-extend ngunit kailangang dumaan sa malalimang reporma.

Naging usad-suso (‘snail’po ang tinutukoy ko!) ang implementasyon nito sa buong bansa. Sa Land Acquisition and Distribution o LAD ang accomplishment lamang ng DAR ay 65% noong 1998 kung kailan sana ay na-terminate na ang programa ayon sa batas.

Sa talaan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Occidental Mindoro, sa usapin ng Land Tenure Improvement (LTI), nakapag-distribute na umano sila ng 35,752 ektarya as of March 2008 sa 11 municipalities nito equivalent to 95.93% accomplishment. Ang pinakamalaking distribusyon ay ang Sablayan na umaabot sa 11,231 na sinundan ng San Jose na 8,417 has. Ang pinaka-maliit ay ang pinagsamang Looc at Lubang na umabot lamang sa 266 has. Pero hindi kaya naging pabago-bago ang kanilang target for LTI kagaya sa sitwasyon sa bansa na inisyal na tumarget ng 10.3 milyong ektrya na ibinaba sa 8.1 at sumisid sa 8.06 million has. noong 1994?

More or less 32,559 beneficiaries o ARBs in the province ang umano’y nakinabang dito. Pero hindi malinaw sa talaan ang klasipikasyon kung ilan sa ipinamahagi ang pribadong pag-aari ng mayayamang maylupa (na kadalasang hindi dito sa lalawigan naninirahan) at ilan ang lupang pag-aari ng gobyerno. Hindi kaya na-tameme sila sa mga local landlord (o landed elite) kaya nagkasya na lang sa distribution of public lands?

Sana ay magkaroon tayo ng pagkakataong marinig at mapulsuhan ang mga magsasaka,- o ma-verify man lang ang mga datos na ito mula mismo sa ating mga pamayanan sa sityo at kanayunan. Sa mismong mga “nabiyayaan” o “nabiktima” ng CARP,... ang epekto nito sa mga katutubong Mangyan na pawang mga magsasaka rin,... at iba pang kaugnay na usaping nayon.

Simula’t-sapul, mayroon nang anim na batas na may kinalaman sa repormang agraryo sa bansa ngunit pawang bigo ito upang wakasan ang monopolyo sa lupa ng mga elitista na kadalasan ay mga pulitiko rin. Mga usapin ng katarungan, kapayapaan at katotohanan kung kaya tayo dapat makisangkot sa isyung ito. Pero, dito sa Mindoro,- hindi kaya dahil maselan at kontrobersyal ang isyung ito ay mas gusto nating manahimik na lang?

Tuesday, May 13, 2008

Salamat, Sir..

Ang malaman mo pa lang na binabasa ni Didaskalos ang blog mo ay malaking karangalan na, e,.. ano pa kaya kung binahaginan ka niya at iyong readers ng kanyang insights at komento mula sa aking posting na “Ina Ko” (5/11/08) dito sa “Pamatok”. Basahin natin si Didaskalos:

“sa aking pagkaunawa, ginoong pamatok, mukhang walang teolohikal na batayan ang pagsasabing sumandig ang mga alagad -- sa panahon ng kanilang pagkakaduwag -- kay Maria. kasi sa mga mahihirap na araw kaugnay sa misteryo paskuwal ng panginoong hesus, ang larawan ni Maria ay lohikal na isiping kagaya rin nang matapos nilang makita muli ang batang si hesus sa templo kausap ang mga pantas tungkol sa batas ni moises. nagugulumihanan si maria, at itinago na lamang ang lahat-lahat sa kaniyang puso..ang paliwanag ng tanyag na dominikanong teologo -- si Schilleebeckx -- sa kung paano nakatawid ang mga apostol sa ganitong panahon sa kanilang buhay (at pananampalataya) ay PNEUMATOLOGICAL. (note: hindi MARIOLOGICAL.)deboto rin ako ni maria, pero dapat lamang na intindihin ang kaniyang naging papel sa tama ngunit makabuluhang perspektibo, nang isinasaalang-alang ang kaniya ring limitasyon.keep on, g. pamatok.”

Gusto ko lang idagdag ang bahagi ng kaisipan mula mismo kay Edward Schillebeeckx tungkol sa tinatawag niyang ‘pneumatological mariology’ (mula sa p. 61 ng aklat na “I am a Happy Theologian, Conversations with Francesco Strazzari” na inilimbag noong 1993 ng Crossroads Publishing Company and SCM Press):

“From immediately after the (Second Vatican) Council, over the last 30 years, there has been a kind of moratorium in mariology, and there has not been much talk about Mary. Now research is being resumed from other perspectives, putting on the emphasis on the relationship between Mary and the Holy Spirit. This is the Mary of the Gospel, of the infancy narratives. There we find the foundations of mariology, not to forget St John, where we find the relationship between Mary and the Holy Spirit.....” “... The Council did not want to consecrate the invocation ‘mother of the church’; it said only that some call Mary ‘mother of the church’. I think that we need to work out a pneumatological mariology.”

Salamat, Sir Didaskalos!

Sunday, May 11, 2008

Ina Ko!

Natatandaan n’yo pa ba si Karyo? Oo, ‘yung hoodlum sa amin na nag-pi-pinitensiya tuwing Mahal na Araw. May naaalala pa pala akong tungkol sa kanya na sumagi sa isip ko kani-kanina lang. Mother’s Day kasi ngayon. Pero alam n’yo si Karyo ay mayroong isang malaking tattoo sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib. Larawan iyon ng isang babae at sa ibaba nito ay may-nakasulat (“caption” din ba ang tawag doon?) na: “Ina Ko!”. Tiyak ko na hindi iyon larawan ng kanyang ng biological mother kasi, kung titingnan mo nang maigi ay may ‘halo’ ang babae sa drowing ....

Bihibihirang ipinapakita sa sining at literatura si Maria bilang isang babaeng matapang, matatag at palaban. Kadalasan ay may limitasyon ang larawang ipininta sa atin ng mga naunang taong Simbahan sa nabanggit na mga larangan. Kung si Maria ay mula sa mahirap na pamayanang magsasaka sa kanyang panahon, tiyak na may pagkakapareho rin sila,.. ng adhikain sa buhay, ng ilang konsepto ng pagiging babae at iba pa.... nang sinumang mahirap na babaeng kakilala mo.

Tiyak akong katulad ng ina mo at ina ko,- siya ay matapang, matatag at palaban. Kung wala sa kanya ang mga katangiang ito, papaano niya nakayanan ang maintriga, masalimuot at mapanganib niyang buhay sa lupa kaakibat ng kanyang pagiging Ina ng Diyos?

Aside from Mother’s Day ay Pentecost Sunday rin nga pala ngayon. Hindi ba’t hindi malayong isipin na nang maduwag ang mga apostol,.. matapos ang pangyayari sa Kalbaryo, ay sa katatagan at katapangan ni Maria sila lubusang sumandal at umasa? Hanggang sa dumating na nga ang gabing ang Espiritu Santo ay suma-kanila at sila ay biglang naging matapang na ipalaganap ang Mabuting Balita hanggang sa maitatag na nga ang Simbahan na sinundan ng mga pag-mimisyon.

Kamukha ng nanay ko at nanay ninyo,... simpleng mamamayan lang rin si Maria. Hindi siya kagaya nang kanyang contemporaries na ubod ng ga-ganda at tatalino (at least sa pamatayang maka-lupa, ha...) kagaya ng mga asawa ng Cesar at mga konsorte ng Jewish High Priests, ang poltically important na asawa ni Herodes at ng sweet lady ni Pilato. Wala silang panama lahat kay Mary of Nazareth na naging Perfect Mother. S’yempre kagaya rin ng ating mga nanay na nagluwal sa atin na hindi natin pwedeng ipagpalit kahit kina Hillary Clinton at Britney Spears gaano man sila ka-yaman o ka-sikat.

Masarap pa sanang magsulat ng tungkol sa mga ina natin, lalo na tungkol kay Maria, pero sadyang ganoon yata. Ang mga kataga at salitang patungkol sa ating Nanay ay hindi magiging ganap kailanman. Kaya ang ating sulatin o mga pagsusumikap ay mananatiling hindi maaaring ipagmalaki. Hindi kumpleto. Hindi sapat. Hindi karapat-dapat. Kung ating itatapat,ihahambing at ikukumpara sa kanilang pagmamahal.

Si Maria ay nabuhay dalawang libong taon na ang nakalilipas pero libong paraan din siyang nabuhay kasama natin. Nabubuhay siya sa katauhan ng ating mga ina. At kung ikaw ay babae, mabubuhay siya sa iyo kung magiging mabuti kang Nanay.

Intex Lang ang Walang Ganti!

The Municipality of Sablayan is pushing for General Ordinance N. 2007-GO03B seeking for the imposition of a 25-year large scale mining operation in Sablayan where there are no permit or instrument whatsoever will be issued or granted by any agency or instrumentality of said municipality.

Pero hanggang ngayon ay wala pinal na pag-aaproba dito ang Sangguniang Panlalawigan dahil marami pang binubusisi (committee hearings here and there...) para hindi daw sila ma-“teknikal”.

Yung ibang grupong pulitikal naman na pumupustura ring kontra-mina, imbes na banatan ang Intex at maglunsad ng sarili nilang pagkilos kontra-mina ay puro lip service lang. May resources pa naman sana silang magagamit para sa mga anti-mining moves tulad ng political mass base at mass media na kontrolado nila, pero hanggang daldal lang sila.

Isinusulong ni GMA ang pagpasok ng industriya ng mina sa bansa at parehong “ka-partido” ni GMA ang dalawang malalaking grupong pulitikal sa lalawigan bagama’t mortal silang magkaaway sa pulitika. Kunwari anti-mining sila pareho pero ang tunay nilang objective ay wasakin lamang ang credibility ng isa’t-isa. Saan lulugar ang kalikasan at tayong mamamayan?

Ang mga sundalo baka kaya nandito ay hindi lamang para lipulin ang mga NPA kundi para protektahan din ang kumpanya ng mina. Ang CPP-NPA-NDF naman ay baka ginagamit lang ang isyu ng mina para makapangulekta ng revolutionary tax sa mining company. Malay n’yo!

Habang ganito’t hindi pa ito natutuldukan ng Pamahalaang Panlalawigan, ang mga organisador ng Intex Resources Corporation ay kumikilos na sa upland/Mangyan communities. Bumubuntot-buntot sa mga lokal na opisyal, namimigay ng pinansiyal at materyal na tulong (sa katotohanan ay suhol!) sa anyo ng pagpu-pondo ng mga proyekto at pagawain, pamimigay ng cash gift sa mga opisyal ng barangay, pa-uniporme sa basketbol, kabilang ang pagdu-donate ng t-shirt noong Earth Day activity 2008 sa mga empleyado ng lokal na opisina ng DENR.

Ang Intex Resources, kagaya nang nabanggit ko na sa mga nagdaan kong post,- ay ang dating Mindex Resources Development. Inc. na siyang pangunahing kumpanyang minero mula sa Norway na magmimina sa may 9,700 na ektaryang lupain ng isla ng Mindoro sa ilalim ng Mindoro Nickel Project. Maliban sa mining, balak din nito sa original concept na magtayo ng ore processing plant sa Brgy. Pili, Pinamalayan, Oriental Mindoro. Nag-project ang Intex na makakakuha ang proyekto nang may 40,000 tons of nickel at 30,000 tonelada ng cobalt kada taon at 130,000 metric tons of ammonium sulfate na by-product ng nickel.

We, Mindorenyos should realize that we steps we take in favor of our environment are themselves steps toward peace and development that we aspire for. Kumilos na ang mga taga-Oriental, tayong taga-Occidental, parang wala lang.

May gantimpala sa seryosong pagpapalakas ng agrikultura, ekoturismo, pagsupil sa lokal na kurapsiyon, sustenableng industriya at iba pa. Intex lang ang walang ganti(ng mapapala)!

Thursday, May 8, 2008

Mikroponong Tao

Kung hindi mo kilala si Fr. Lino E. Nicasio, SVD malamang na hindi ka tubong Pandurucan (dating pangalan ng San Jose). O kung taal ka man naming “ka-tribo”, malamang ay hindi ka pa tao o sanggol ka pa lang noong huling quarter ng Dekada ’60 hanggang mid-’70s. Kung hindi man ay baka hindi ka Katoliko at kung Katoliko ka man ay hindi ka gaanong pala-simba noong bata ka. Bihirang estudyante mula sa St. Joseph School at Divine Word College, at may mangilan-ngilan ding taga-San Jose National Highschool (SJNHS) na tulad ko,- ang hindi siya kilala. Kilala ko si Fr. Nicasio pero hindi niya ako kilala.

Siya ay sikat na propesor, manunulat at champion sa larangan ng Homeletics hindi lamang sa SVD communities kundi sa buong bansa (baka sa buong mundo pa nga,..e!) at may PhD. Degree sa Speech na nakuha niya sa Indiana University, hindi ko alam kung kailan. Siya ang unang pari na nagbigay ng bagong dimensiyon, anyo, hugis at kulay sa salitang “sermon” sa tenga at puso ng aking mga kababayan. Dangan kasi naman, daig mo pa ang nasa sinehan na ang palabas ay pinaghalong komedi, aksyon at drama kapag siya ang nagho-homiliya.

Pero hindi lang si Fr. Nicasio ang ating ibibida ngayon. Higit sa lahat ay ang tinagurian ng prestihiyosong Time Magazine sa issue nito noong Disyembre 1979 na, “The Microphone of God”. Ang taong aking tinutumbok ay tampok sa isang sulatin ni Fr. Nicasio (lumabas sa babasahing “Diwa : Studies in Philosophy and Theology” na jointly published ng Graduate School of Divine Word Seminary sa Tagaytay and Christ the King Seminary sa QC sa edisyon noong Nobyembre 1992) na may pamagat na FULTON J. SHEEN: A Mighty Preacher of God”. Birthday niya ngayon dahil May 8 taong 1895 nang siya (si Archbishop Sheen po, hindi si Fr. Nicasio!) ay isilang sa El Paso, Illinois., US of A.

May mga pagkakataong inaabangan ko nga ngayon sa telebisyon,- sa Eternal World Television Network o EWTN, ang re-run (na black and white pa) ng kanyang pumatok na show na “Life is Worth Living” na ilang dekada ang inilagi sa ere. Ang “Life is Worth Living” ay humatak noon ng audience share na 30 million viewers per week. Pinataob ng naiibang religious program na ito ang karibal niyang mga sikat na TV personality na sina Frank Sinatra at Milton “Mr. Television” Berle. Noong 1952, na-kopo ni Archbishop Sheen ang Emmy Award dahil sa “Life is Worth Living”. Pumanaw si Archbishop Sheen dahil sa sakit sa puso noong December 9, 1979 matapos niyang bigyan ng bagong dimensiyon, anyo, hugis at kulay ang salitang “preaching” sa mamamayan ng daigdig. Katulad din ni Fr. Lino E. Nicasion, SVD, na bihira nang bumibisita dito sa amin sa San Jose.

Monday, May 5, 2008

Mga Kasabihan (Bow!)

Naging hobby na ng anak kong si Anawim (o Tutay), trese anyos, ang mag-lista ng mga kasabihan (na kanyang nabasa, kinopya o gawa-gawaan lang n'ya) na sa palagay niya ay katawa-tawa o naiiba sa unang sulyap, ngunit kung iyong pagninilayan ay nuggets of wisdom pala. Hiniram ko kaninang umaga ang kanyang listahan at ibinigay naman niya. At sinubukan kong ilapat sa political realities ng Kanlurang Mindoro ngayon and here they are:

“Kung puro palpak ang pagpipilian, ang hindi pagpili ay karangalan”
(Kung wala nga naman alternatibong pulitiko tuwing eleksyon, kagaya dito sa atin na dalawang paksyon lang,- mas tama pa nga ‘ata kung minsan ang ganitong katwiran.)

“Ang kasalanang ayaw aminin ay mas matindi pa sa pagsisinungaling”
(Ano na kaya ang nangyari sa report at mga kaso ng umano’y malawakang dayaan at bilihan ng boto noong 2007 Local Elections dito sa lalawigan natin?)

“Walang halaga ang laki ng mata ng kuwago kung naka-pikit ito”
(Yung isang opisyal na kakilala ko, harap-harapan na ang bentahan ng “bato” sa barangay niya pero daig pa niya ang bulag!)

“Hindi aampat ang sakit ng pigsa kahit diligan mo ng isang baldeng luha”
(Puro band-aid solution lamang ang lunas ng aming mga pulitiko sa problema ng hospital and urgent medical services para sa mga agaw-buhay na pasyete. Puro awa na lang at konting limos pero walang long- lasting solution ukol dito.)

“Hindi sa iyo magkakasya ang mahabang kamiseta, pumatong ka man sa lamesa”
(Umisip naman sana kayo ng bago at mas epektibong istilo ng pamumuno at pamamahala. Palpak na nga ‘yung sinundan, gagayahin pa!)

“Ang taong mabuti sa iyo pero masama sa iba o kahit na sa kakampi mo, ay hindi mabuting tao”
(Ang siraan daw ng mga magkakampi sa pulitika ay tipikal na ugat ng pagkaka-watak-watak at “pagbaliktad” ng mga partymates imbes na ang kaibhan ng prinsipyo at pagkamulat sa katotohanan.)

“Sa damdamin ng iba, maging pagong humusga at kidlat umunawa”
(Dito nga sa amin, kahit 'yung walang muwang na batang anak ng political opponent niya ay idinadamay at idinadawit. Umunawa sa damdamin? Walang ganyan sa pulitika,‘no!)

“Hindi ka aakyat ng puno para mamingwit ng isda”
(Wala na tayong maaakyat na puno kapag natuloy ang Mindoro Nickel Project at ganito tayo ka-tanga kapag pinayagan natin ito!)

“Nakababasa ang ampyas pero hindi nakakabingi ang kulog”
(Kahit utay-utay lang, tiyak naman na may epekto sa masa. Hindi kagaya nung isang proyekto ng isang Mayor na puro lang propaganda at pa-pogi pero wala namang sustenableng resulta.)

“Walang prutas ang nahuhulog nang malayo sa kanyang puno”
(Kung bulok ang Tatay na pulitiko, chances are ganoon din ang gumigiri-giring (ka-)anak!)

“Hindi mo malulunok nang minsanan ang bagay na mas malaki sa iyong lalamunan”
(May pulitikong ganyan ka-ganid at ka-takaw dito sa amin. Tiyak sa inyo rin.)

“Kapag nag-aaway ang mga aso sa tumana, kuyapit ang kanilang mga garapata”
(‘Yung mga propagandista ng pulitiko sa gitna ng pampulitikong batikusan sa media ng kani-kanilang mga amo ay parang mga garapatang ganito.)

“Ang bubwit na hinulog sa lungga ng mga daga ay hindi magiging pusa.”
(May number of political young bloods tayo ngayon pero palibhasa ka-“lahi” o kapartido sila ng mga trapo ay nagiging trapo na rin yata.)

“Kapag pinakawalan mo ang bayawak sa manukan, hindi ka na makakakita ng itlog”
(Ganyan ang nangyari sa atin!! Palibhasa bumoto tayo ng mga “bayawak”, walang progreso ang ating bayan. Hindi na tayo maka-kain ng itlog. Mabuti pa ang lamok..(?))

At ang aking paborito: "Ang tubig sa inidoro ay swimming pool sa guyam"
(Iba-iba tayo ng pananaw. Ganito ang tingin ko sa sitwasyon ng pulitika sa Kanlurang Mindoro, e.. anong magagawa n’yo?)

Tuesday, April 29, 2008

Pustahan Tayo

Pustahan tayo. Oo, ikaw nga. Ikaw na kasalukuyang nagbabasa ng post na ito. May kakilala, kaibigan, kababaryo, o kamag-anak kang OFW ano? Tama ako ‘di ba? Ngayon, tingnan mo ang oras ngayon sa bahaging kanang ibaba ng iyong computer at kapag alam mo na kung anong oras na, hulaan mo kung ano ang ginagawa niya sa ibang bansa sa oras na ito.

Tama ka. Maaaring siya ay naglalampaso ng magarang ‘flat’ sa Kowloon, naghuhugas ng plato sa isang restoran sa Boston, o baka naman nanlilimahid sa grasa sa Riyahd.

Teka, matanong nga kita,... ano ba ang impresyon mo sa mga OFW? Mga meteryalistiko ba at mukhang pera (dolyar)? O mga biktima lamang ng labis na kahirapan ng buhay sa bansa? Alinman dito ang iyong palagay, tiyak ko na kung hindi ka nakikisimpatya ay naiinggit ka sa kanila. At kung naniniwala ka na sila ay ultra materyalistiko at mukhang dolyar, nasubukan mo na bang ugatin ang kanilang naging desisyon sa kanilang pang-kabuhayang kalagayan dito sa Pilipinas?

Sa maniwala ka o hindi, karamihan sa ating mga OFW ay hindi rin kampante sa ganoong buhay. Sagad sa hirap at malayo sa minamahal. Ngunit lahat sila ay umaasa na sana ay dumating ang panahon na magwawakas din ang eksodo ng mga migranteng manggagawa at sila ay maka-balik na sa lupang tinubuan. Kailan kaya darating iyon?

Naaalala ko tuloy ang mensahe sa isang poster na nabasa ko sa isang NGO office: “I dream of a society where families are not broken up by an urgent need for survival”. Maniwala ka, ganito rin ang mensaheng kipkip sa dibdib ng lahat nating kababayang OFW. Sa Madrid, sa Canada, sa China, etc.

Pero kahanga-hanga ang kuwento sa atin noon ng isa nating kakilalang medtek. Sa Amerika raw siya pinagta-trabaho ng kanyang Daddy. “Ano ang gagawin mo dito sa Mindoro, magiging taga-eksamin ka lang ng ihi ng Mangyan?” Bulyaw sa kanya ng matanda. “E,..Ano naman ang kaibahan ng ihi ng Amerikano sa ihi ng Mangyan?” tanong ng alibughang anak. Muntik na tuloy atakihin sa puso si Daddy!

At binabati ko kayong mga migranteng manggagawang Pilipino ngayong Mayo a-Uno na bumisita sa blog na ito ng isang makabuluhang Araw ng Paggawa!

Pero pustahan tayo ulit. Sigurado akong wala kang makikitang babaeng Intsik (na taga Hong Kong) na kasambahay o yaya ng sinumang mayamang pamilya sa Dona Consuelo Subdivision. Hindi ka makakasumpong ng kahit isang Koreanong piyon sa ginagawang tulay sa Concepcion, Calintaan ngayon. Wala kang maite-teybol na batam-batang Haponesa sa red light district sa Pag-Asa (o sa “Gitna”). Hindi ka rin makakakita ng Amerikanang nars na nag-aalaga ng pasyenteng magsasaka sa district hospital sa Murtha.

Piso mo tama barko. Hinding-hindi ka mananalo sa ating pustahan!

Friday, April 25, 2008

Hayuma...Hubileyo...Hamon

Naghahayuma ang mga magingisda kapag masama ang panahon, matumal ang huli at iba pang pagkakataong nagbibigay sila ng panahon para sa panibagong paghahanda hindi lamang ng kanilang lambat kundi ng kanilang sarili. Kaya sa bawat punit sa lambat na kanilang hinahayuma ay pagsasariwa ng kanilang karanasan sa laot,.. sa panghuhuli ng isda,- maliit man o malalaki, matumal man o sagana. Ang bawat pagtatapos ng panahon ng paghahayuma ay isang panibagong hamon. Ganyan ko pinagnilayan at inilalarawan ang katatapos na Apostolic Vicariate of San Jose Pastoral Assembly 2008 na dinaluhan ng mga pari, lider-layko at mga madre ng Bikaryato.

Natapos kaninang tanghali ng halos limang araw na asembleya na ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center (SILFC) sa bayan ng San Jose. Nagsimula noong Lunes (Abril 21) ang makasaysayang pagtitipon na may temang, “Pagsasalo ng Pamilya sa Hapag ng Pananampalataya”.

Naging tampok dito ang muling pagtatalakay sa mga present concern katulad ng Pamayanang Kristiyano (PAKRIS)/Basic Ecclesial Communities o BEC, programang pastoral at mga usaping kaugnay ng rekurso o resources. Ang nasabing event ay inilunsad sa diwa ng ika-25 Taon o Silver Jubilee ng ating paglalakbay bilang isang lokal na Simbahan. Naging participants dito ang more or less 120 delegates mula sa labing pitong parokya, labing isang bayan at apat na Vicariate’s Forane (VF) sa Occidental Mindoro.

Kagaya nang aking binabanggit sa itaas, nalalapit na kami sa Hubileyo ng pagkakatatag ng aming Simbahan simula nang ito ay maihiwalay mula sa Bikaryato Apostoliko ng Calapan noong ika- 2 ng Hulyo, twenty five years ago.

Sa homiliya ng aming Vicar General na si Msgr. Ruben S. Villanueva (AKA “Fr. Jun”) sa Misang Pasasalamat kanina, sinabi niya na ang aming misyon ay hindi upang i-proclaim ang aming mga sarili kundi si Hesus. As usual, may diin at alingawngaw ang kanyang tinig: “..Huhulihin natin at lalambatin ang mga bagay na hindi natin nahuhuli at nalambat sa nagdaang dalawampu’t-limang taon!!...” at sa aking kinauupuan ay napabulong ako't napalunok, “.... so help us God.”

Wednesday, April 23, 2008

Vic, Dondon at Aida

Hindi pa rin nakakauwi dito sa Mindoro ang aking mga kaibigan at kasamang manggagawa sa Bikaryato Apostoliko ng San Jose na sina Vic Barrios at Norberto “Dondon” Eugenio, Jr. Sina Vic at Dondon ay mga program host ng dalawang kilalang entertainment (musical) program ng DZVT na may malawak na following sa buong MIMAROPA. Si Vic ang may hawak ng top rated “Dial 1369” at si Dondon naman ang ang anchor ng “Text and Request”, mga panghapong programa sa istasyon ng radyo na pinapangasiwaan ng Social Communication Apostolate ng Simbahang lokal.

Silang dalawa ay kabilang sa may tatlumpu’t-walong mga pasahero ng M/V Aida-I ng San Nicolas Shipping Lines na lumubog sa karagatang nasasakupan ng South China Sea noong araw Lunes (Abril 21, 2008) bandang alas-dose ng tanghali. Halos tumagal sila ng apat na oras na palutang-lutang sa karagatan hanggang sa mailigtas sila ng isang Australian cargo vessel na M/V Lowland na napadaan sa maalong karagatan. Ang Aida -I ay isang malaking pump boat na umano ay kargado ng kalakal at pasahero kaya ito lumubog. Ang mag-buddy ay galing sa coverage ng “Awitan sa Pamayanan” sa Brgy. Edupoy, Algeciras, Palawan na tinangkilik naman nang mga taga-roon at naging isang successful event prior to the incident. Pauwi na sila noon dito sa San Jose nang ito ay lumubog, wala pa silang limang oras na naglalayag paalis sa pantalan ng Edupoy.

Casualty sa sea tragedy ang isang Blandina Dangkal Dundun ng Manamoc, Concepcion, Palawan. Tatlo katao pa ang kasalukuyang nawawala habang 34 katao naman ang nailigtas na nagtamo lamang ng mga sugat, pasa at gasgas sa katawan. Kanina ay nagpasya silang sumakay muli sa isang pampasaherong pump boat at inaasahang darating bukas (sana naman ay wala nang aberya silang maranasan!).

Inulan ng iba’t-ibang mga mensahe mula sa kanilang mga tagahanga (listener) ang text line ng DZVT mula pa noong Lunes hanggang kahapon na nagpapahayag ng mga mensahe at panalangin para sa dalawang nilalang na bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay.

Sa kabila ng karanasang ito, alam ko na sina Vic at Dondon ay hindi titigil sa pagsusumikap na marating at makapiling ang kanilang mga tagahanga at tagapakinig sa mga “tawid-dagat” na lugar na naaabot ng DZVT. Mas naipakita nila ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa inyo hindi lamang sa pagbibigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng pagbati at biruan, sa pagpapatugtog ng mga paborito ninyong awitin, mga request at dedication at iba pa sa himpapawid. Ipinakita nila ito through testing the waters, wika nga,.. sa pagsuong sa malakas na amihan (sakay ng bulok na pampasaherong bangka!). Mas lalo silang hahangaan ngayon ng kanilang mga tagapakinig at kaiinggitan ng katulad nilang mga entertainment DJs and hosts sa lalawigan na 'di pa naranasang maka-hulagpos sa kanilang comfort zones. Kagaya ng isang seasoned warrior na mas hinahangaan sa actual combat,…. kung papaano niya nagapi ang kanilang mga kalaban,….kaysa sa panahong tinatanggap niya ang kanyang medalya at tropeo at iba pang cosmetic na parangal.

Tayong mga social communicators ay hindi dapat nadadala. Dahil kapag tayo ay nadala, nakakahiya sa Diyos na humirang sa atin sa gawain (trabaho) at bokasyong ito. Baka isipin Niya na hindi tayo nagtitiwala sa kanya. Pagtitiwalang may pagsunod sa Kanyang kalooban.

Friday, April 18, 2008

Dadalaw sa Amin si GMA

Opisyal na tiniyak kanina ni Governor Josephine Ramirez-Sato sa programang “Pintig ng Bayan” sa DZVT na bibisita sa Kanlurang Mindoro si Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo sa Miyerkules (April 23) pero malabo pa kung saang barangay sakop ng San Jose isasagawa ang pakikipag-pulong sa ating mga ka-lalawigan. Layunin umano ng pagdalaw na alamin ang sitwasyon ng produksyon ng palay sa probinsya kaalinsabay nang paglalaan at pagbibigay ng ayudang pang-agrikultura sa tinaguriang food basket ng MIMAROPA, alinsunod sa FIELDS Initiative ng Department of Agriculture o DA.

FIELDS stands for Fertilizer, Irrigation, Education and trainings for farmers and fisherfolks, Loans and Dryers and other post-harvest facilities, and Seeds of the high-yielding, hybrid varieties. Isa itong P43.7 billion package na tinawag nilang intervention measures para umano iangat ang farm productivity to achieve food security and self-sufficiency sa buong bansa.

Pero tanong ng isang listener namin kanina, “Hindi kaya matalakay sa GMA visit ang isyu ng pagmimina?”. May katwiran ang aming texter. Ano nga naman ang silbi ng pagpapa-unlad ng agrikultura kung pinahihintulutan naman ang Mindoro Nickel Project (MNP) na isinusulong ng Intex Resources na aktibo ngayong kumikilos sa lalawigan?

Ang MNP ay inaasahang magbubungkal sa may 9,730 ektaryang bulu-bundukin at patag na lupaing sakop ng Brgy. Pag-Asa sa Sablayan at Brgy. Villa Cerveza sa Victoria, Oriental Mindoro. Bahagi lamang ito ng kabuuang 442,664 ektaryang saklaw ng lahat ng aplikasyon. Ang buong Occidental Mindoro ay may sukat na 587,000 ektarya lamang! Sa bahagi pa lamang ng eksplorasyon ay ilang libong puno na kaya ang kanilang maitutumba? Ano ang magiging epekto nito sa tatlong pangunahing watershed ng Isla ng Mindoro, ang Ibulo, Aglubang at Buraboy? Papaano sasabihing walang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda kung ang mine tailings ay sa dagat nila itatapon? Papaano sasabihing hindi ito makakaapekto sa ating pagsasaka kung ang tubig na gagamitin sa paghuhugas ng lasong kemikal ay aabot sa 1.15 million liters kada oras? May problema na nga tayo sa irigasyon, madadagdagan pa ang ating kakumpitensya sa paggamit ng tubig para sa ating mga sakahan. Remember, ilang aspetong pang-agrikultura pa lang ang ating tiningnan. Sampol pa lang ‘yan. Marami pang moral at legal na dahilan kung bakit natin ito tinututulan.

Sulyapan natin ang ilang epekto nito sa mga Mangyan bilang mga magsasaka at sa Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA. Ang 9,700 hectare-mining area ay nasa loob ng ancestral domain claim ng mga tribong Alangan at Tadyawan. Kapag pinakialaman ito ng mga minero, maitataboy muli ang mga Mangyan mula sa kanilang economic base.

Magiging walang saysay ang FIELDS Initiative ng DA kung ang mga opisyal ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region IV ng DENR ay daig pa ang mga spokesperson ng mining company kapag nagpapaliwanag tungkol sa MNP. Asahan mo pa,.. e, binigyan nila ito ng ng exploration permit noong March 14, 1997 (Mindex Resources Development, Inc. pa noon ang ngayon ay Intex Resources) kaya siguro nila ito idinidepensa. Anumang tulong sa mga magsasaka at sa industriya ng agrikultura ay magiging ampaw sa matatalim na pangil ng kumpanyang minero. Matatapon lang ang anumang farm productivity measure na tulad nito at kasamang aanurin ng mine tailings kapag nagkataon.

Maisip sana ito ng ating pangulo at ng ating gobernador sa pagbisita sa atin ni PGMA sa April 23. Earth Day commemoration nga pala sa Martes.

Thursday, April 10, 2008

Asin-dero

Sabi ni Phytagoras na isang Greek thinker na ipinanganak around 570 BC,- “Salt is born of the purest of parents: the sun and the sea...” at gusto kong idagdag ngayong 2008 AD, “..nourished by calloused hands of a salt farm worker.”

Malapit sa akin ang usapin ng pag-aasin sapagkat labor union leader noon ang aking tatay sa Salt Industry of the Philippines, Inc. Isa ito sa pinakamalaking pabrika ng iodized salt sa bansa na pag-aari ng Tabacalera Philippines na matatagpuan sa Brgy. Bubog dito sa San Jose. Ang “Salt” ay itinatag noong April 27, 1955 at nagsara hanggang sa maisalin sa Aquafil noong 1980s na nang lumaon ay ipinailalim sa CARP after EDSA 1 ang malawak na lupaing sakop nito.

Bagama’t wala nang ganoon kalaking pabrika ng asin dito, tatlong bayan sa Occidental Mindoro ang kilala sa nasabing industriya. Ang mga bayan ng San Jose at Magsaysay sa mainland at ang Looc sa Isla ng Lubang. Hindi ba’t sabi ng mga halal na opisyal namin ay 40% ng table salt sa bansa ay galing dito?

Taong 1970 nang magsimula ang industriya ng asin sa Looc. Ang produksyon nito ay naunang isinuplay sa mga bayang sakop ng mainland Mindoro nung wala pang mga asinan sa San Jose at Magsaysay. Malakas ang produksyon sa buwan ng Enero hanggang Mayo ng bawat taon. Sa kasalukuyan, mas malalaki nang ‘di hamak ang mga asinan sa San Jose at Magsaysay kumpara sa Looc. Tinatayang 64,800 bags ng asin sa 45 kg./bag ang inaani kada taon sa nasabing bayan mula sa humigi’t-kumulang na 66 na ektaryang asinan dito.

Sa Magsaysay naman, sa panahon ng tag-araw, simula Enero hanggang Mayo (lalo na kapag ganito katindi ang sikat ng araw) hindi bababa sa 753,600 bags ang nalilikha mula sa tinatayang 333 ektaryang asinan. Ang bentahan ng asin ay mula P 1.00 hanggang P 2.50 kada sako na siyang farm price nito.

Mas malawak naman ang asinan sa San Jose na may kabuuang sukat na 435 na ektarya na tinataya namang umaani ng humigi’t-kumulang sa 730,000 bags sa nasabing mga buwan. Sa San Jose ay mayroong 13,469 salt beds na karamihang may sukat na 18’x 20’.

Sinasabi na ang mga bigating Chinese buyer sa atin ay kinabibilangan nina Joseph Yao, Piao Hiao at Richard Lim. Sila ang nagdidikta ng presyo na inaabot lamang ng P 30.00 kada sako (kung minsan ay mas mababa pa!) kapag panahon ng “tagkiriwi” (lean months) mula Agosto hanggang Setyembre kada taon. May ilang negosyante rin na nagdadala ng produkto sa isla ng Panay at sa mga lalawigan sa Luzon.

May tatlong major players sa industriya ng asin: ang mga kapitalista o buyer, ang may-ari ng asinan at ang mga mag-aasin. Nagpapautang ang mga kapitalista ng pera sa mga may-ari ng asinan na ginagamit sa pre and post operation (pagpapalinis ng banigan, pag-aayos ng kanal, pagpapatubig, at iba pa) nito. Nakikinabang dito nang higit ang buyer o kapitalista dahil hindi na tataas pa ang presyo ng produkto habang hindi bayad sa kanyang utang ang may-ari ng asinan. Ang mga tinawag nating “Asin-dero”,.. ang mag-aasin na siyang kumakayod, naghahakot at nagmi-maintain ng banigan ang dehado dahil sa hindi makatarungang partihan (70/30) pabor sa may-ari ng asinan!

Sa kabila nang pagmamalaki natin sa dami ng produksyon ng table salt sa bansa, nananatiling pobre ang ating maliliit na “Asin-dero”. At sa pagitan ng “the sun and the sea” na sinasabi ni Phytagoras, naroroon sila at ang kanilang pamilya na nagtitiis sa hirap!

Tuesday, April 8, 2008

Labas-Magbay

Wala pa ring malinaw na balita hinggil sa insidente ng pag-puga ng tatlong inmates sa Magbay Provincial Jail sa San Jose, Occidental Mindoro noong ika-1 ng Abril, 2008 na nakilalang sina Junjun Talamisan na may kasong murder, kasama ang sina Jeffrey Servano at Edmund Estuesta. Oo,.. April Fools Day noon nang sila ay “maloko” ng mga bilanggo. Hay,..buhay!

Si Talamisan ay napatay ng mga tauhan ng BJMP at local police matapos umanong mang-hostage ng isang bata nang siya ay abutan ng mga awtoridad sa Brgy. Bayotbot sa nasabi ring munisipalidad. Ayon sa report ng pulisya, tinutukan ng kutsilyo ni Talamisan ang hostage nang siya ay barilin ng isang pulis pero nag-jam ang baril nito hanggang sa mag-agawan sila sa patalim at habang sila ay nag-papambuno, nasaksak ng pulis sa dibdib ang nasukol na pugante na siyang ikinamatay nito.

Kung paniniwalaan ang news report na lumabas sa Pilipino Star Ngayon noong Abril 3, taong kasalukuyan, ang mga bilanggo ay umakyat umano sa perimeter fence kaya naka-takas bandang alas dos y medya ng hapon that day.

Si Servano ay itinuring na Public Enemy No. 1 sa kalapit na Bayan ng Magsaysay na ang notoriety ay bukambibig hanggang sa karatig na Barangay ng Mapaya. Maliban sa ilang reklamo ng pagnanakaw, may kaso pa ito ng rape bagama’t hindi humantong sa korte. Pangalawang ulit na niya itong pagtakas mula sa kamay ng batas. Mga pulis ng Magsaysay ang sumakote kay Servano kaya ito muling naibalik sa kulungan hanggang sa ito ay tumakas sa Magbay Jail noong nakaraang Huwebes. As of this posting, on going pa rin ang ginagawang investigation at manhunt operation ng San Jose Police Station ukol sa pagtakas.

Sana sa huli ay maging malinaw sa madla kung sila ay tumakas mula sa jail o mula sa ibang lugar. Bakit ‘kanyo? Simula kasi nang ang kulungang ito ay ilipat mula sa Bonifacio St. sa Brgy. Poblacion III ng San Jose patungong Brgy. Magbay noong late 70s, hindi lamang may mahaba itong listahan ng mga insidente ng pagtakas, may ulat din na may mga pagkakataong nagpapalabas ng mga inmate dito para sa ilang pagawaing (pagtatanim ng palay, paggagapas, pagtatayo ng antenna,.. at iba pa) pang-gobyerno at pribado nang walang Court Order.

Sino ang makakalimot sa kaso ni Elizabeth Albacino na naganap noong ika-14 ng Agosto, 2003, maglilimang taon na ngayon ang nakalilipas? Si Elizabeth na noon ay disi-sais anyos na high school student ay ginahasa at pinatay sa Sitio Upper B1, Brgy. Central, San Jose. Pinatay siya sa pamamagitan ng pagpalo ng malaking tipak ng bato sa ulo. Ang itinuturong salarin dito ay grupo ng mga pinalalabas na bilanggo sa nasabing jail upang mag-trabaho sa pribadong palayan o bukid.

Hanggang ngayon, katulad ng pagtakas ng mga bilanggo noong isang linggo, wala pa ring linaw ang kaso ng kaawa-awang si Elizabeth. Yung mga tao at grupong dati’y mainit sa pagsuporta sa kaso (ni Elizabeth) ay naging ningas cogon lang,.. na huwag naman sanang kahantungan ng imbestigasyon sa pagkakatakas ng mga bilanggo noong nakaraang Martes.

Dagdag na detalye,- in case hindi ninyo alam, katulad ng ibang panlalawigang bilangguan sa bansa, ang Magbay Provincial Jail ay under ng Provincial Governor.

For the record , sa kaso ni Albacino, ang governor noon ay si JTV habang ngayon sa pagtakas nina Servano, et al, ay si Gov. Nene Sato.

Friday, April 4, 2008

STL v. OVC

Natatandaan ko pa kung kailan ko siya unang nakita nang personal at nakausap. Ito ay noong ika-27 ng Mayo 2006 nang maglunsad kami ng isang symposium kaugnay sa Small Town Lottery o STL. Tampok na naging panauhing tagapagsalita dito ang Church leader na tawagin muna nating “OVC”.

Umabot sa 210 participants na kinabibilangan ng religious at civic leaders ng Kanlurang Mindoro ang dumalo dito. Ito ay ginanap sa San Isidro Labrador Formation Center o SILFC sa Labangan Poblacion sa bayan ng San Jose. Symposium na naging hudyat para sa Simbahan na suriin, pagnilayan, manindigan at kumilos kontra STL.

Natatandaan ko rin na bago ito ay lumagda sa isang Nagkakaisang Pahayag hinggil sa STL sina Obispo Antonio P. Palang, SVD, DD at Punong Panlalawigan Josephine Y. Ramirez-Sato noong ika-19 ng Mayo, 2006. Ito ay binasa sa mga pulpito nang sumunod na pang-Linggong Misa sa lahat ng Parokya matapos itong mapagtibay noon. Sa buod ng pahayag, kapwa tinawagan ng pansin ng Obispo at ng Gobernador ang Sangguniang Panlalawigan (SP) na bawiin nito ang naunang pinagtibay na Resolution No. 163; S. 2005 ukol sa pagpasok ng STL sa probinsya. Pero halos hindi ko na marinig ngayon na nagsasalita si Governor Nene hinggil sa STL.

Noon pa man ay parang nahulaan ko na ang mangyayari sapul nang unang isalang sa hapag ng junta provincial ang nasabing usapin. Simula nang pag-usapan ang ilang mga teknikalidad hinggil dito. Halimbawa ay kung may awtoridad ba ang SP na mag-suspindi ng operasyon. Tanong nga ng isa sa kanila noon: “Kung saka-sakaling manindigan tayo na ipatigil ang operasyon, kanino at saan ito ipapatungkol o ihahain? Sa Punong Lalawigan ba, sa ating Kinatawan sa Kongreso, sa PCSO, sa PNP, sa Royal Viva o kay GMA?” Para sa akin kasi, sa mga lehislasyon kadalasan,- ang ultra-teknikal na pagbusisi ay maituturing na ring tahasang pagpanig kaya ito'y isang tandisang pag-babalatkayo!

Sa sesyon ng SP noong Hunyo 19, 2006, nagsumite ang Royal Viva Research Corporation,- ang korporasyong pinahintulutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na siyang awtorisadong magpatakbo ng STL sa lalawigan, ng isang liham pahayag para sa rekonsiderasyon sa panukalang suspensyon ng operasyon ng STL.

Ayon pa sa Royal Viva, may signipikanteng ambag ang STL sa kita ng mga LGU maliban sa lumikha ito ng trabaho sa ating mga kalalawigan. Sa nasabi ring liham na naka-address kay Bise Gobernador Mario Gene Mendiola at sa buong SP, ipinagunita ng korporasyon na ang inisyatiba ng pagpasok nila sa Kanlurang Mindoro ay mula rin sa partikular na august body sa bisa ng isang resolusyon ng SP noong taong iyon. Ito umano ang nagtulak kay PCSO Chairman Sergio Osmena Valencia na buksan sa lalawigan ang operasyon. Ipinagdiinan pa sa liham na ang STL ay legal sa bisa ng RA 1169 at PD No. 1157 at PCSO Board Resolution No. 118, S. 1987.

Iniulat din na ang korporasyon ay nakapag-remit na ng hindi kukulangin sa total na P 1,558,647.12 sa mga tukoy na munisipyo at Pamahalaang Lalawigan sa unang dalawang buwan (Abril at Mayo 2006) pa lang ng operasyon nito. Sinong pulitiko nga naman ang makakatanggi dito? Hindi lang ‘yan, ang pinag-kagastusan sa mga ito ay hindi malinaw kung dokumentado o inu-audit. Kabilang kung magkano talaga ang napupunta sa kabang yaman (e,.. yung sa bulsa?) ng mga LGU at kung papaano ito ginagasta.

Isa pa, kung talagang test run for one year lang ang STL, bakit yata kumbaga sa immigrant ay mukhang overstaying na ito (bagama’t legal at hindi nagti-TNT!). Noong Abril 2007 pa sana natapos ang operasyon nito. Pero balita ko, mismong PCSO ang muling nag-isyu ng kasalukuyang permit nito.

Nakikinabang ba dito ang mga mahihirap na mamamayan sa anyo ng serbisyong panlipunan? O baka naman ang isyu ng kawalan ng political will ng incumbent officials ay ginagamit lamang ng kanilang political rivals for political propaganda against their enemies? Sa ganito, pakitang-tao lang ang katulad na action and pronouncements KUNG HINDI ito tulak ng “pagpapalit-puso”, personal discernment and renewal o kanyang moral conviction.

Tunay nga ba na ang STL ay kawanggawa o gatasang baka lang ng mga sugarol ding opisyal? (o pareho?). Mga tanong na hindi pa rin nasasagot hanggang ngayon. Kahit iba na ang komposisyon o kaya ay may bagong mandato na naman ang ating mga lider pulitiko. Maliban pa sa katotohanang ang sugal ay isang bisyo at ang bisyo ay hindi maaaring ikarangal ninuman. Ang moralidad ay mas pangunahin kaysa sa pulitika. Ang pagiging morally upright ay ang first and foremost na dapat na taglay ng isang tao,.. lalung-lalo na ng isang lider ng lalawigan.

Tanong pa : Sa bagong permit ba ng STL mula sa PCSO ay malinaw na nakalagay kung ilang bola ang maari nilang gawin sa loob ng isang araw? Kung isa isang araw lang ang pinahihintulutan, malinaw na ang ikalawang bola ay illegal!

Hanggang ngayon, kung gaano ang pananabik ko nung bago ilunsad ang STL symposium na makita si “OVC”, ay sabik na rin akong makitang kumikilos ang pamahalaang lokal na mawala ang STL dito. Gayundin ang political figures na wala ngayon sa spotlight. Pero parang mabibigo ‘ata ako. O bibiguin yata nila ako. Pero sabi nga noong ka-klase ko sa hayskul na parating nababasted ng kanyang bawat babaeng niligawan, “... ang pagka-dala ng mga bigo ay mas nakamamatay kaysa sa kanilang kabiguan.” Tuloy ang laban ng mga broken hearted na tulad namin!

Naku,... muntik ko nang makalimutan, si “OVC” nga pala ay si Archbishop Oscar V. Cruz, DD, ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan na isang kilalang anti-gambling advocate, kritiko ng pamahalaang GMA, eksperto sa Canon Law at dating CBCP President. Pero human as he is,.. mayroon din siyang ilang mga actions and pronouncements (lalung-lalo na yaong tungkol sa GMA administration) na hindi katanggap-tanggap sa ilan o karamihan sa atin.

Dagdag pa, si OVC nga rin pala, sa pamamagitan ng kanyang itinatag na samahang tinawag na Krusadang Bayan Laban sa Jueteng, ay ginawaran ng mataas na “Parangal Para sa Manananggal” si JTV during his term as governor,- kasama ang ilang alkalde na kaalyado ng dating gobernador, dahil sa pag-papatigil sa jueteng sa Occidental Mindoro ilang taon na ang nakalilipas.

Friday, March 28, 2008

Hindi Mapalagay

Ipalagay natin na may ganitong kuwento dito sa Occidental Mindoro kahit wala (?):

“Mayroon isang pulitiko na nuno ng yaman. Ang kanyang negosyo ay kaliwa’t kanan. May legal na at umano ay may illegal pa. Walang sinumang may tapang na ibuko siya bilang drug at gambling lord pero ito ang totoo. Katotohanang malabong lumitaw kung legal na pagpapatunay lamang ang aasahan mo. Kanya ang batas sa bayang iyon. Sangkot din siya sa katiwalian at korupsiyon bagama’t ibinasura lahat ang mga kasong inihain laban sa kanya. Tuwing halalan ay garapalan siyang gumagawa ng pandaraya,.. pamimili ng boto, pananakot, at iba pa,- sa tulong ng kanyang mga alipores, kaya wala siyang katalu-talo. Gaano man siya magpakitang-tao, alam ng lahat na siya ay isang public sinner at siyempre pa,.. hindi niya ito inaamin!”

Pero noong Linggo ay nagkaroon ng isang Thanksgiving Mass sa Simbahan na inisponsor ng ating palamarang pulitiko at siyempre, tumatanggap siya ng Banal na Komunyon.

Ipalagay natin na ito ang ating challenge (ala reality TV) :

Kunwari ay ikaw ang Minister of Holy Communion (paring nagpapa-komunyon), sa sitwasyong ito, alin dito ang iyong magiging katwiran?:

Una: “BIBIGYAN KO SIYA ng komunyon. Tungkulin ko ito pero hindi ang busisiin pa ang kanyang ginagawa bilang public servant. Bahala na siya sa Diyos at problema na niya kung siya ay patuloy na magkakasala o kung siya ay wala sa State of Sanctifying Grace sa pagtanggap niya nito. Hindi ba dapat lang na lalo siyang tumanggap ng komunyon kasi ito ay paraan ng pakikiisa niya sa Panginoon? Para sa lahat naman talaga ang komunyon, ‘di ba?,..banal man o makasalanan. Bakit ako makikialam sa kanyang buhay-pulitikal,.. e di para na rin akong pulitiko o kakampi ng kanyang mga kalaban sa pulitika? Lampas na ito sa katungkulan ko bilang pastor. Sino naman ako para husgahan ang isang tao.”

Ikalawa: “HINDI KO SIYA BIBIGYAN. Responsibilidad ko bilang Minister of Holy Communion na magpasya kung sino-sino ang aking mga paku-komunyunin at tiyakin ang pagiging karapat-dapat (worthiness) ng tatanggap (recepient) ng Pinaka-dakila at Sagradong Katawan at Dugo ni Kristo. Kapag nagbigay kasi ako ng komunyon sa taong hindi karapat-dapat sa aking paghusga, lalong maglulubog ito sa mga sitwasyong kontra kabanalan, hindi lamang sa kanya na tumanggap nito kundi maging sa Banal na Eukaristiya at sa mismong Katawan at Dugo ni Kristo. Bakit ko ibibigay sa aso ang isang bagay na banal? (Mt. 7:6)”

Sa sitwasyong ito, uulitin ko,.. alin sa dalawa ang iyong magiging katwiran? Ako? Hindi ko alam. Pang pari at pang obispo (o moral theologian) na ‘yan. HINDI NA NAMIN ALAM ANG SAGOT D’YAN!

Pero ganito ang mga tanong ng ordinary citizens and taxpayers na tulad ko:

· Alin sa dalawang ito ang nag-e-educate? Ang nagtuturo kung ano ang tunay at dapat na maging gawi ng mga pulitiko? Ng pagiging banal ng pulitika?
· Alin dito ang katwirang magagamit ng ating masamang pulitiko upang iwasan at 'di paglimian ang kanyang mga kasalanan?
· Hindi kaya isipin ng tao (lalung-lalo ng kanyang mga biktima) na binabasbasan (kinakatigan) pa ng Simbahan ang kabalbalan (kasalanan) ng pulitikong ito?
· Alin sa dalawang ito ang kahit papaano’y magtitiyak na hindi na siya mas lalo pang makapamiminsala sa mas nakararami? Sa mga mas malalaking iskandalo at anomalya?

Sa mga katanungang ito rin kami HINDI MAPALAGAY bilang layko!

Tuesday, March 25, 2008

Pareho Lang Sila

PAREHO na tiniyak kamakailan nang mortal na magkaaway at prominenteng political figure sa lalawigan ng Kanlurang Mindoro,- na sina Jose T. Villarosa (JTV) at Ricardo “Ding “ Quintos, na handa silang magpatawad sa mga taong nagkasala sa kanila bagama’t hindi nila tinukoy ang (o kung ito ay..) pagpapatawad sa isa’t-isa. PAREHO na sa mga labi nila noong Semana Santa namutawi,- sa pamamagitan ng national at local media,… ang kataga ng PAGPAPATAWAD.

PAREHO ngunit masaklap isipin, bagama’t legal na karapatan naman ito ng bawat isa sa kanila, pag-iisipan daw ni Quintos kung ihahabla niya ang ilang mahistrado ng Court of Appeals (CA) hinggil sa pagbaliktad ng appellate court sa kasong murder kontra kay JTV at ilan pang sentensyado sa pagpatay sa kanyang mga anak na sina Michael at Paul. Gayundin ang posibilidad ng pag-dedemanda ni JTV kay Judge Teresa Yadao ng QCRTC sa lisyang hatol nito (ayon sa CA) sanhi ng pagkakapiit ng dalawang ulit ni JTV. Hindi natin alam kung mauuwi o hindi ang legal na usaping ito sa PAGPAPATAWAD. In the first place, hindi naman yata tayo intresado dito. Masakit isiping mas intresado yata tayo hindi sa pagkakasundo ng dalawang panig kundi sa kanilang patuloy na “gantihan”!

PAREHO na alam tiyak ng magagaling na lalakeng ito kung ano ang tunay na kahulugan ng PAGPAPATAWAD. Na ito ay tinatawag na final form of love. Ang taong hindi raw nagpapatawad ay isang buhong na winawasak ang tulay na tangi niyang daraanan patungo sa Diyos. Pero papaano mo nga naman patatawarin ang isang taong ayaw umamin sa kasalanan? O ‘yung taong humingi nga ng “sorry” ay ayaw naming sabihin kung “I’m sorry” for what? Siguro ay sasabihin ninyo sa akin: “Ikaw kaya ang lumagay sa sitwasyon ko? Tingnan ko lang!”.

PAREHO na ang PAGPAPATAWAD ay hamon (challenge) at handog (gift). Maliban sa katotohanang ito ay isang tinatawag na gospel imperative (cf Mt. 6:14-15; Lk. 6:36-37; Mt. 5:23) na dapat nating sundin at tupdin. Hindi madali ang magpatawad kung kaya ito ay isang hamon. At para ito ay magawa, kailangan natin dito ang panahon (time) at tulong (help) mula sa ibang tao. Sa isang banda, ito ay isang handog sapagkat mahalagang bagay ito na ating ibabahagi sa iba. Sabi nga ni Reinhold Niebur, “Forgiveness is the end point of human life”. Walang katuturan ang buhay kung wala nito. Ito ang mga puntos na dapat yakapin ng bawat biktima ng inhustisya, ng pagmamalabis ng ibang tao, o ng persekusyon, halimbawa.

PAREHO na kung kaya nating patawarin ang ibang tao, patawarin din natin ang ating sarili. Handog at hamon din natin ito sa ating pagkatao. Ang PAGPAPATAWAD ay tunay na natatanging bagay na hiningi natin sa Diyos para sa kapwa. Sana ay maging totoo sa pagpapatawad na ito hindi lamang sina JTV at Quintos ngunit pati na rin ang kani-kanilang mga alipores. Sa mga tagasunod sa kapwa nila tagasunod (bulag man o mulat, bayaran man o gratis!)

PAREHO mo ako sa pananaw na ayaw nating maging kapareho lamang tayo ng ating kaaway. Sa PAGPAPATAWAD lamang tayo nagiging mas marangal kaysa sa ating kaaway, kagalit at katunggali. Kung hindi tayo magpapatawad, magiging mas masahol pa tayo sa taong ating kinamumuhian. Wala na tayong pinagkaiba sa taong masama. Kaya masasabi natin na ganito: “Dapat ay ANGAT tayo sa ating kaaway!” Dapat ay hindi natin sila kapareho.

PAREHO ang naging pagbigkas nina JTV at Quintos na kapwa sila naging biktima ng inhustisya. Si JTV, halos dalawang taon na nakulong sa kasalanang hindi niya ginawa at wala umano siyang direktang kinalaman. Si Quintos naman ay namatayan ng dalawang anak sa pamamaraang madugo at marahas. Parehong masakit na kapalaran ng dalawang magagaling na lalakeng hindi maipagkakailang kapwa naghangad at nagkaroon kapangyarihang pulitikal sa lalawigan.

PAREHO lang sila!

---------
(Putok na ang balita na si JTV ay uuwi sa araw ng Biyernes (Marso 28, 2008) at balita ko magkakaroon ng Misang Pasasalamat sa Katedral ni San Jose. Inaasahang ito ay dadaluhan ng kanyang mga taga-suporta at kaibigan. Magkakaroon din daw ng full media coverage.)

Wednesday, March 19, 2008

Kontrobersyal!

Kahapon ay Martes Santo, at sa diwa ng Semana Santa ay balikan natin ang pangyayari sa buhay ni Hesus sa huling Martes na ito ng Kanyang buhay. Ito ay tinatawag ng mga teologo na “Day of Controversy” sapagkat dito sinukat ng kanyang mga kaaway ang kanyang pagiging Anak ng Diyos. Dito siya inulan ng mga tanong katulad ng ukol sa authority, kung marapat magbabayad ng buwis (sa Cesar) at kung ano ang pinakamahalagang kautusan,.. at iba pang kontrobersya.

Speaking of controversy, mukhang kontrobersyal din ang ginawang pag-baliktad kahapon ng 5th Division ng Court of Appeals o CA sa naunang hatol ni Judge Teresa Yadao ng Quezon City Regional Trial Court sa dating Gobernador at Congressman, na nanalo ring Kapitan sa Brgy. Bubog, San Jose, Occidental Mindoro na si Jose Tapales-Villarosa na lalong kilala sa tawag na JTV. Si JTV ay asawa ni Deputy Speaker Ma. Amelita “Girlie” Villarosa.

Ayon sa CA, hindi sapat ang ebidensiya upang idiin at hatulan si JTV sa kasong pagpatay sa magkapatid na Michael at Paul Quintos noong 1997. Maliban kay Villarosa, pinawalang-sala rin ang tatlong iba pang naunang nahatulan na sina Gelito Bautista, Mario Tobias at Ruben Balaguer. Habang sinusugan naman ng CA ang guilty verdict sa tatlong pang co-accused ng dating gobernador.

Sa aming panayam sa “Pintig ng Bayan” sa radio DZVT kanina kay G. Ricardo Quintos, ama nina Paul at Michael, hindi umano siya naniniwala na tunay ngang pinaboran ng CA si Villarosa hanggat hindi siya nakakabasa ng resolusyon ng nabanggit na hukuman. Pero ang utos ng pagpapalaya ay pumutok kaagad at nakumpirma kanina ring umaga sa mga pambansang news agency. Kinapanayam si JTV sa Makati Medical Center kung saan siya ay naka-confine dahil sa umano ay kanser sa baga.

Abangan na lang natin ang susunod pang mga inaasahang magiging kontrobersyal ring reaksyon dito ng mga Mindorenyo. Tatapusin lang marahil nila ang Mahal na Araw.

Tuesday, March 18, 2008

Sa Mata ng Maya

Kung susulyapan mula sa mata ng Ibong Maya sa himpapawid ang ekonomiya ng Kanlurang Mindoro ay ganito ang itsura:

Tinatayang aabot sa 80% ng ating populasyon ang umaasa sa pagsasaka at kasunod ng Nueva Ecija, pangalawa ito sa rice producing provinces sa Luzon. Ang dami ng ani tuwing cropping season ang siyang nagdidikta ng presyo ng bentahan sa mga sentrong pamilihan. Sa kabuuan, ang ating ekonomiya ay nananatiling rice-based.

May dalawang pamunuan (tanggapan) ng National Food Authority (NFA) sa lalawigan. Isang nakabase sa San Jose at isa sa Mamburao. Magkagayunman, 75% ng kabuuang ani ng taga-Kanlurang Mindoro ay nabibili ng mga rice trader (pinabulaanan ng panlalawigang tanggapan ng NFA ang datos na ito pero pinaninindigan naman na totoo ito ng mga grupong magsasaka!).

Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga farm input katulad ng abono, pestisidyo, gasolina’t krudo (para sa makinang patubig), tumataas din ang presyo ng produksiyon. Sa isang pag-aaral noong 1997 hanggang 2003, ang production cost ay tumaas ng 47% bawat ektarya samantalang ang kinikita ay nanatili. May mga ulat ding bumababa na ang produksiyon natin ng palay dahil hindi na kayang ibigay ng mga magsasaka ang lahat ng kinakailangang inputs sa sakahan.

Isa pang structural problem ay ang kakulangan ng irigasyon. Hindi lamang kawalan ng irrigation canal , kundi dahil sa ang mga river system ng probinsiya ay wala nang sapat na volume ng tubig para mag-supply sa pangangailangan ng mga magsasaka. Problema ring malaki ang serbisyong dapat sana ay ibinibigay ng National Irrigation Administration o NIA kagaya ng pagmi-maintain ng lumang kanal at pag-papagawa ng daluyan ng tubig patungo sa ating sakahan, gayung regular naman ang paniningil nila ng upa sa mga magsasaka.

Maliban sa palay, produkto rin ng lalawigan ang mais, sibuyas, bawang, tabako at mga gulay. Kabilang din sa produksiyon ng Kanlurang Mindoro ang bangus, asin, alimango at sugpo. Tinatayang nagmumula sa ating probinsiya ang 40% ng table salt sa bansa. Pero sa kabila nito ay subukan mong maki-pamuhay kundi man ay pumasyal sa mga mag-aasin sa San Jose at Magsaysay at madarama mo kung gaano ka-miserable ang kanilang buhay. Madarama mo ang pambabarat ng mga may-ari ng asinan (na kanilang amo) sa presyo ng asin na sila rin (salt farm owners) ang bumibili at nagtatakda ng presyo.

Mula sa mga magsasaka, bumaling naman tayo sa sitwasyon ng mga mangingisda ng Kanlurang Mindoro.

Kakaunti na rin ang nahuhuling isda sa ating karagatan. Tinatayang ang average na huling isda ay 2 kilo na lamang noong 2007, mula sa 20 kilo bawat araw tatlumpong taon ang nakalilipas. Kung wala kang bangkang de-motor na magdadala sa iyo sa laot ay hindi ka na mgkakaroon ng magandang huli. Alam ito ng mga mangingisda sa baybaying barangay ng lalawigan, kagaya ng Adela (sa Rizal), Bubog at San Agustin (sa San Jose), Concepcion (sa Calintaan), Ligaya ( sa Sablayan), at iba pa.

Ang itinuturong dahilan ng pagkaunti ng nahuhuling isda ay ang overfishing. Sinasabing mula noong 1965 ay nariyan na’t bumabandera ang mga malalaking mangingisda malapit sa South China Sea. Isang sitwasyon na noon pa man ay dume-dehado na sa ating maliliit na mamamalakaya. Karagdagan pa dito ang paggamit ng mga paraang mapang-wasak,- ang pakaras, trawl at paputok (na umano’y ginagawa ng mga illegalista mula sa ibang probinsiya). Patuloy rin ang pagkasira ng mga bakawan at bahurang tirahan ng isda at iba pang lamang-dagat.

Kahapon nga, palibhasa Semana Santa ngayon,... wala ka nang mabiling isda sa palengke. Sa mahal kasi ng presyo nito ngayon, iniluluwas na lang ang mga huli sa Navotas at Malabon dahil mas malaki ang kikitain kapag doon nila ito ibabagsak. Yung mga tersera klase na lang ang iniwan sa atin,.. kakaunti pa!

Hindi ba naka-babahala ang ganitong sitwasyong pang-ekonomiya? Marapat lang na pagtuunan ito ng pansin ng mga “Agila” na binigyang- kapangyarihan nating mga Maya noong isang taon!

----------------
(Ang datos ay halaw sa modyul ng isang Political Education Project na tinawag na “Eleksyong Pinoy” na inilunsad ng Social Services Commission (SSC) ng Bikaryato Apostoliko ng San Jose noong Marso, 2007.-NAN)

Monday, March 17, 2008

Pang Isports Pa....

Tuwing nakikita ng aking tatlong taong gulang na anak na si Pipay sa telebisyon ang basketbolistang si Pau Gasol (ng Memphis Grizzlies dati na Los Angeles Lakers na ngayon) sa NBA, kakalabitin niya ako at sasabihing, “Tay, syut si Jesus, o”.

Alam n’yo naman ang mga bata, lahat yata ng lalakeng mestiso, medyo mahaba ang buhok at may makapal na balbas ay napagkakamalang si Hesus.

Pero teka, may sinasabi nga ba ang Bibliya tungkol sa mga atleta? O ang ating Simbahan sa isports sa pangkalahatan? Siyempre naman, dahil sa lahat ng dimensyon ng buhay ng tao,- pang-kaluluwa man yan o pang-katawan, ang Simbahan ang nagsisilbing Ina at Guro.

Noong sports writer pa lang ako sa “The Image” sa Occidental Mindoro National College (OMNC), hindi ako agad makumbinsi na maaaring iugnay ang isports sa espiritwalidad ng tao hanggang sa mabasa ko ang tulang isinulat ni Grantland Rice na pinamagatang “Alumnus Football”.

Ang alam ko lang noon, ang palakasang (isports) nabanggit lang sa Bibliya ay yung wrestling sa pagitan ni Jacob at ng Diyos. Kung may Cable TV na siguro noon ay nag-agawan sa pag-cover nito ng ESPN at EWTN. Pinaghalo kasi itong religious at sporting event!

Pwera biro, alam n’yo ba na ang Simbahang Katolika ay may tinatawag na Vatican’s Office of Sports na itinatag ni Papa Juan Pablo II? At noong ika-27 ng Mayo 1982 ay tila ganito ang naging buod ng kanyang talumpati sa International Olympic Committee:

Marangal ang tingin at punong-puno ng pagtangkilik ang Simbahan sa isports sapagkat itinuturing nito (Simbahan) na ang ating katawan kumbaga ay “obra maestra” ng paglikha. Kung ang isports ay isinasagawa sa tamang pamamaraan,- walang kinikilingan, ‘di namamayani ang dayaan, tapat at bukal ng kapatiran, itinatampok at itinataas nito ang dangal ng tao, na hindi naman dapat nauuwi sa bulag na paghanga at pagsamba. Ang isports ay isang makapangyarihang elemento ng moral at panlipunang pagkakatuto.


Nauna rito, si Pope Pius XII ay nagpalabas din noong Hulyo 29, 1945 ng isang sulatin na pinamagatang “Sports at the Service of the Spirit” na nagsasabing ang mahusay na pangangatawan at kaisipan ay daluyan ng paghahanap ng katotohanan, … daan ng pagsunod at paglilingkod sa ating Manlilikha.

Ang isang Kristiyano ay hindi dapat maging utak-talunan at para hindi ito mangyari ay dapat maging displinado tayo. Ang Kristiyano ay hindi boksingerong umaasa lamang sa tsamba. Sa wika nga ay below par performance. Sanayin natin ang ating sarili sa patuloy na sakripisyo at ensayo. Sa ganitong paraan lamang tayo magiging karapat-dapat na “Atleta ni Kristo”. Lunes Santo man o sa lahat ng araw sa buhay mo.

Sabi nga ni Pau Gasol sa isang interview noong maging MVP siya,- kahit nabalian ng tuhod at manalo ang kanyang Team Spain sa FIBA World Championship sa Japan noong 2006, na pinanood din namin ni Pipay sa Basketball TV, “There are no short cuts to victory.”

Wednesday, March 12, 2008

"Trip" to Baguio

Sa panaginip, gusto ko sanang sumalubong kahapon sa pagdating ng barko sa piyer ng Caminawit at iladlad ang streamer na may nakasulat na, “WELCOME BACK ...”. Para ito sa mga opisyales na um-attend sa Seminar on Barangay Governance sa Baguio City noong isang linggo.

Ang “promotor” (read: nag-organize) ng seminar na ito ay ang panlalawigang tanggapan ng Department of the Interior and Local Government o DILG. Two hundred eighty (280) participants ang dumalo mula sa iba’t-ibang barangay sa 11 municipalities ng Kanlurang Mindoro. Ayon sa isang insider sa Association of Barangay Councils o ABC sa San Jose, hindi bababa sa P15,000 kada tao ang ginastos ng bawat barangay sa official travel na ito sa tinaguriang Summer Capital of the Philippines. Kaya kung ating susumahin, tumataginting na almost 4.2 million pesos ang kabuuang ginastos dito. Halagang mas malaki sana ang maitutulong kung mauuwi sa basic services ng isang mahirap na barangay.

Sa konsepto ng training/seminar, ang expected participants dito ay yaong mga first time elected officials pero hindi ito nasunod. Kahit ‘yung second and third- termers ay namasya...este, dumalo rin at nagbigay ng P5,500 per head food and accommodation fee sa Sky Rise Hotel sa downtown ng nasabing lungsod. Mabuti naman at kahit papaano ay nakalimutan nila ang reyalidad na sa kani-kanilang barangay ay laganap ang malnutrisyon, talamak ang mga illegal na droga, pamumutol ng kahoy at pangingisda at iba pang panlipunang sitwasyong naglalarawan sa malalang kahirapan sa kanayunan.

Sa kabila nito, saludo naman ang mga participants sa husay ng tagapagsalita na si Atty. Genaro Jose Moreno, Jr. ng DILG National Office bagama’t kakaunti lamang umanong hand-outs ang naipamigay ng secretariat.

Sabi ng ilang mga kasali dito : “Inggit lang kayo na mga hindi nakasama!”,.. “E, anong masama doon? May pondo naman exclusively intended para riyan”,... “Masyado naman kayong kill joy. Ang mga travel na ganyan ay incentive para sa mga barangay officials..”

Walang masama at marami naman talagang natututunan sa ganitong mga pag-aaral pero depende rin yan sa mga participants kung ano ang kanilang tunay na layunin sa pag-attend. Ang matuto at isabuhay ang mga napag-aralan sa aktuwal na pamumuno o ang lantaran lamang na pamamasyal? Kung sa bagay, pwede nga namang pag-isahin ang paglalaro at pag-aaral. Sabi nga, "All work and no play makes Kap a dull boy!"

Pero ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kinakailangan pa na sa malayong lugar ito isagawa. Wala bang ibang pamamaraan upang hindi ito maging ganito ka-gastos? Hindi ba pwedeng dito na lang ito gawin sa isang bayan sa atin? Mga tanong ko lang iyan bilang taxpayer.

Sa likod nga pala sana ng streamer ko na may naka-sulat na “WELCOME BACK..” ay may karugtong at naka-tatak na, "...TO REALITY!”

Monday, March 10, 2008

Ang Basketbol sa Amin

Hindi kumpleto ang summer vacation ng mga estudyante at ang piyestang bayan kung walang basketbol,- kung walang pa-liga o San Jose Summer Basketball League (SJSBL). At kung mayroon man, parang apoy na kumakalat ang kuwentuhan sa pagbubukas o opening nito. Kasing init ng liyab itong tinatangkilik ng madla.

Kagaya ng ibang lalawigan dito man sa atin ang basketbol ay mas masahol pa sa relihiyon. Bakit ‘ka n’yo? Aba e,.. walang bayan at barangay dito sa Pilipinas na walang basketball court. Kahit nga sa Mangyan (upland) communities ay mayroon nito. Mas maraming palaruan ng basketbol sa bansa kaysa sa mga kapilya at simbahan. Hindi ba’t sa mga “mananampalataya” ng “relihiyong” ito na naimbento ni Jaimes Naismith, “santo” halos ang turing kina James Yap at Asi Taulava, habang tila “propeta” naman sina Kobe Bryant at LeBron James?

Balita ko, 1964 pa nagsimula ang tradisyong ito dito sa amin. Inumpisahan daw ito ni Tirso Abeleda sa siyang alkalde noon ng aming bayan. Sabi rin nila, noong sementeryo pa ang lugar na kinatatayuan ngayon ng Mayor Juan G. Santos Memorial Gymnasium (yes, noong 40s to 50s sementeryo lugar na ‘yan!) ay sa harap ng munisipyo pa ang palaruan hanggang sa ito ay maging plaza at itinayo ang dati’y wala pang bubong na gymnasium sa kasalukuyan nitong puwesto.

Halos imposible nang masugsog natin ang kasaysayan ng tradisyong ito dahil sa kakapusan namin sa pang-kasaysayang datos at reperensiya. O baka naman sa kakapusan namin sa mga taong seseryoso pag-sasaliksik ukol dito. Basta ang alam ko, noong ako ay nanlilimahid pang bata na gagala-gala sa tulay ng Pandurucan ay kinabaliwan ko na ang San Jose Summer Basketball League. Ang mga koponan kagaya ng Loyzaga Lumber Mill at National Food Authority (NFA) na bersyon namin ng Crispa at Toyota sa PBA; ang mga “import” tulad nina Fred Demetrio (ng ER Squibb sa PBA dati), Chito Plaza (ng Cosmos Bottlers sa MICAA dati) at marami pang iba. May mga “import” pa nga na piniling makapag-asawa at manirahan sa amin kagaya nina Boying Lizardo at Jojo Mangahas, to name a few, wika nga.

Konting trivia lang : alam n’yo ba na bago sumikat sa PBA ang UST star player na si Pido Jarencio ay naglaro ito sa SJSBL sa team ng PC-INP? Si Nelson Asaytono ay naglaro noong late 80s sa Provincial Capitol Tamaraws sa SJSBL bago siya maging varsity player ng National University Bulldogs hanggang sa PBA? Sampol lang ‘yan. Marami pa. At ito ang mas matindi: ang tinaguriang greatest Filipino basketeer of all time at Olympian na si Carlos “Caloy” Loyzaga ay dito sa amin ipinanganak.

Pero ang aming mainit na pagtanggap sa SJSBL ay unti-unti tumamlay nitong mga huling taon. May mga pagkakataon pa ngang may fiesta at summer sa amin na walang liga. Sinisisi ng iba ang pagkakaroon ng Cable TV sa amin kung bakit nawalan na ng gana sa SJSB ang aming mga kababayan. Pero bakit sa mga baryo ay patok pa rin ang basketbol kahit may TV? Sabi ko naman ay kulang lang sa packaging and promotion at mga seryosong tao na gagampan dito. At una sa lahat ay ang pagiging kontento na lang sa kung ano ang naririyan na. Ang kawalan ng inobasyon at pagbabago... o pagiging kuntento na siyang mortal na kaaway ng pagiging excellent.

Lugi raw,... maanomalya raw,... may problema raw (ang mga reperi pati ang mga organizer),..letsetera. Palagay naman ng iba, instrumento lang daw ito sa pulitika. At komo instrumentong pang-eleksyon lang, walang na sumiseryoso sa tunay na pagpapa-unlad ng isports sa amin lalo na sa lokal na basketbol. “Okey lang dahil kahit aandap-andap, at least ay buhay pa ang tradisyong ito”, sabi ng ibang fanatic. Kasi nga, hindi na ito kasing alab nang dati. Nawalan na nga ito ng init.

Noong ika-8 ng Marso ay pormal na binuksan ang SJSBL para sa taong 2008. Hindi man ito naging kasing-sigla nang dating ng mga opening kumpara noong 1980s, at least marami ring sumali dito. Ang paliga ngayong taon ay inisponsor ni Hon. Romulo “Muloy” Festin, ang aming meyor.

Pero bago ito, mga bandang alas dos ng madaling araw on that same date, nasunog ang isa sa mga sentrong komersyal malapit sa Pamilihang Bayan ng San Jose, sa kanto ng Bonifacio at Liboro Sts. Tinatayang halos kinse milyones ang halaga ng naabong mga ari-arian pero salamat na lang at walang namatay. Tinupok nito ang mga gusaling may barberya, panaderya, karinderya, tailoring, tindahan ng patuka sa manok at iba pa.

Ito ang mas “mainit” na pinag-uusapan hanggang ngayon at hindi ang pagbubukas ng San Jose Summer Basketball League 2008. Tsk,.. tsk,.. Fire Prevention Month pa naman ngayon!

Monday, March 3, 2008

Disisyete na ang DZVT

Sa ika-6 ng Marso ay Anibersaryo ng DZVT na tinatawag ding “Tinig ng Pamayanang Kristiyano..” at ang inyo pong lingkod, para sa mga hindi pa nakababatid ay isa sa tatlong regular na program hosts ng “Pintig ng Bayan”, ang longest running talk show sa lalawigan ng Kanlurang Mindoro.

Pero ako nga ba ay brodkaster? Parang hindi, e. Unang-una kasi, hindi naman ako kumuha ng anumang kurso na may kinalaman sa mass communication. AB-Sociology ang kinuha ko sa Divine Word College-San Jose at ang natapos ko ay Bachelor in Secondary Education sa OMNC. Ikalawa, hindi ako akreditado ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas o KBP. Expired na amg lisensya ko noon pa ‘atang 2002. Ikatlo, ang aking boses (sabi nila) ay hindi pang-radyo (pero ang mukha ko raw, pang-TV!! Joke!..). Ikaapat, ako ay aksidental na brodkaster lang sapagkat hindi naman talaga ito ang inaplayan kong trabaho. Naatasan lamang akong gampanan ito bilang bahagi ng gawain ko bilang worker ng panlipunang apostolado ng Simbahang lokal.

Sa totoo lang, mas kampante ako sa pagsusulat kaysa sa pagsasalita sa radyo. Ewan ko kung bakit gayung wala naman akong pwedeng ipagmalaking kuwento, nobela o anumang obra. Sa dulo ng prusisyon, isa lang ang tiyak: tayo ay manggagawa lamang na sumusunod sa anumang atas ng mga nakatataas sa atin at nagsisikap na matuto’t lumago sa alinmang “arena” tayo isabak. Siguro ay dahil nung bata pa ako ay hindi talaga ako nagiliw sa pakikinig ng radyo bagkus ang pagbabasa ng komiks at Liwayway ang aking libangan.

Pero sa ating may katagalan na ring pagmamasid at “pagsawsaw” sa gawain ng radyo at broadcasting sa ating probinsiya, sa aking palagay, ang isa sa nag-liligaw sa mga mamamayan ng Kanlurang Mindoro sa katotohanan at pagiging atrasado ng ating kaisipan ay hindi lamang ang mga lokal na pulitiko kundi ang kanilang mga propagandistang brodkaster. Bagama’t may bahagi tayong lahat dito, sila ang nagpapalala sa sitwasyon. Sitwasyong ginagatungan ng mga istasyon ng radyo na mekanismo ng mga pulitiko sa kanilang mithiing pansarili at mga brodkaster na tila may pampulitikal na etiketa na sa kani-kanilang noo. Tabi-tabi po!

Sa aking palagay pa (na maaaring mali), ang aandap-andap na sitwasyon ng malayang pamamahayag sa lalawigan ay pinalalala ng katotohanang ito. Suriin natin ito kaaalinsabay ng pagsusuri ninyo (ng madla,.kayo na aming mga taga-pakinig) sa karakter, katangian at gawi naming mga lokal na brodkaster. Magandang paksa ito sa susunod na posting. I-reserba muna natin ‘to.

Pero over and above ng isyung ito, tanong ko sa sarili: “Brodkaster na nga ba ako?”. Oo, dahil narito pa ako. Wala na akong ligtas. Hindi lang iyon, naging bahagi pa ako ng ika-17 Anibersaryo ng “Radyo Totoo” sa Mindoro!