Saturday, August 9, 2014

Ang Paglalakad sa Ibabaw ng Tubig at iba pang Kuwento


Marahil ay alam ninyo na may insekto na tinatawag na Water Strider o Gerridae at dahil sa kakayanan nitong lumakad sa ibabaw ng tubig ay tinatawag din itong Jesus Bug.

Pero bago yan, kung ako lang ay makagagawa ng isang Pinoy musical film kagaya nang Jesus Christ Superstar ng tukayo kong si Norman Jewison, ang awiting “Iisang Bangka Tayo” ng The Dawn palagay ko ang angkop na kanta na kakantahin ng gaganap na Hesus sa tagpo sa ating ebanghelyo ngayon (Mateo 14:22-33) na  naka-tuon sa dalawang pangyayari: tungkol sa paglalakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig at ang apirmasyon ng mga alagad na siya nga ay Diyos.

Ang mga pari at mananampalataya ba sa ating Simbahang lokal sa layunin at diwa ay nasa iisang bangka pa rin at hindi watak-watak sa pag-timon at pag-sagwan? O baka naman nasa gitna pa rin ng unos ang sitwasyon ng pagpapalaganap ng bokasyon ng pagpapari sa ating mga kabataang taal na taga-Kanlurang Mindoro. Huwag sana, pero baka naman kagaya ng naranasan ng mga alagad ay nabubuhay pa rin tayo sa kawalang-tiwala sa ating kakayahan. Baka naman nasa gitna pa rin ng unos ang ating bangka sa konteksto ng sitwasyon na aking kababanggit lang.

Simula noong unang panahon ng Kristiyanismo, ang bangka ay isa ng signipikanteng simbolo ng Simbahan. Katunayan, ang mga sinaunang pook-sambahan ay naka-disenyo na mistulang bangka at si Kristo ang ipinapakitang kapitan at timonero. Noong taong 2012-2013 ang logo ng Taon ng Pananampalatay o Year of Faith ay kakikitaan din, bukod sa krus, ng karikaturang hugis bangka.

Sa aking pagninilay bilang binyagan ay may paralelismo ang ating karanasan bilang Simbahang Naglalakbay sa eksena sa ating ebanghelyo ngayong Linggo : Umaasa tayo na huhupa ng tuluyan ang bagyong ito. Sapagkat habang walang inisyatiba ang mga namumuno sa atin na muling mamamalakaya ng mga kabataang upang maging paring diyosesano o buhayin muli ang ating seminaryo, patagal nang patagal ang panahong hihintayin natin para sa kaganapan nito. Kapag nagpatali tayo sa unos ay hinding-hindi susulong ang ministeryo ng bokasyon dito sa atin. Alam ito ng bawat matinong timonero at peskador kahit siya ay hindi gaanong matalino. Natatakot ba tayo gayong ang ating Banal na Timonero at Peskador ay paulit-ulit tayong binibilinan na, “Huwag kayong matakot!”?

Kung tayo ay nasa bangka pa ng takot at pagdududa, umahon na lang kaya tayo at lumakad sa ibabaw ng tubig, ituwid ang mga kahinaan na may pagtitiwala’t pananalig, kagaya ng paanyaya ni Hesus kay Pedro at sa paglaon ay i-affirm ang ating paniniwala na si Hesus nga ay Diyos? Kaya, halinang lumakad sa ibabaw ng tubig na naka-pokus sa layunin o kinabukasan at hindi sa kasalukuyang masaklap na kaganapan. O itungo ang ulo sa nagngangalit na alon sa ating paanan.

Sa pag-post ko nito, kagaya ng klasikong pelikula ni Norman Jewison, tiyak na aani rin ito ng kritisismo mula sa malawak na kawan ng elitistang Katoliko dito sa atin. At muli ay may mga mangungutya na hindi naman  pari o teologo at ni hindi nga alumnus ng  Catholic school ang Norman Novio na iyan para maging credible sa ganyang mga biblikal na pagninilay kaya hayun, dedma lang sila. Isa lang ang sa akin; Halos 20 taon din akong gumaod sa iisang bangka kalakbay ang mga Pamayanang Kristiyano at natuto sa kanila hanggang sa ako’y mapilitang lumabas at bagama’t noong una ay lubog ang moral, patuloy pa rin akong umaasa na ako'y unti-unting makalulutang o kaya ay makalalangoy kundi man matapang na makalalakad sa ibabaw ng tubig katulad ng Jesus Bug !

O kaya'y patunayan sa aking bawat “homilog” (Homily-like blog) ang tinuran ni tukayong Norman Jewison na, “I think you get better as you get older.”…

-----------
(Photo : mylifeguardwalksonwater.wordpress.com)




No comments:

Post a Comment