Sunday, August 17, 2014

Ang Salitang “Diyos” sa Vision Statement ng DepEd


Una, ibig kong ibahagi sa inyo kung ano ang vision statement ng Bayan ng  Sablayan : “Sablayan: Sentro ng ekonomiya at pulitika, mapayapa at ligtas na pamayanan, may saganang likas na yaman at mamamayang nananalig sa Dakilang Lumikha.” Pansininin ang huling apat na salita dito.

Ikalawa, ibig kong ibalita sa inyo na kamakailan lang, ayon sa isinulat ni Rei Lemuel Crizaldo ng NationWatch, inalis na ‘di umano ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd (na pinamumunuan ni Bro. Armin Luistro, na isang mala-diyakono ‘yata), ang mga salitang “God-loving” sa kanila ring vision statement. Ipinapalagay sa ulat na bunsod umano ito ng pagigiit ng ilang grupo ng ateistang Pinoy na ito ay tanggalin dahil labag daw ito sa prinsipyo sa ating Saligang Batas na “Separation of Church and the State”, at kung anu-ano pang mga argumento’t punong kaisipan mula sa ilang kanluraning bansa.

Ang grupo ng mga ateistang ito sa totoo lang ay hindi naman talaga sagarang maituturing na ateista. Sila ay maaari lang galit sa mga kleriko at relihiyon, o mga dismayadong mananampalataya na hindi tanggap ang marami o lahat ng doktrina at dogma ng alinmang relehiyon at pananampalataya na dapat namang igalang at kilalanin ang pananaw nilang ito. Kabilang na yaong pinagsasabong imbes na pagtibayin ang kumplementasyon ng siyensya at pananampalataya o ang kilalanin ang ambag nito sa isa't-isa. Datapwa't aminin din natin na marami rin sa kanila ang mas makatao at matuwid kaysa sa atin. At ang atin ding hindi maka-Kristiyanong mga gawi, ang ating mga maling patakaran at kaisipan at gawi ng ilang lider ng Simbahan ay lalo pang nagpapahigpit sa pagkapit nila sa kawalan ng paniniwalang ito sa Maykapal.

Umalma sa pagbabagong ito ang maraming mga taga-kagawaran at pati na rin ang ilang relihiyoso, Katoliko man o Protestante, denominasyon at sekta. Lalo na sa mga social networking sites lalo na sa kanilang fan page sa Facebook bagama’t hanggang isinusulat ito ay wala pang opisyal na pahayag dito ang DepEd. Kung totoo nga ito, may dahilan tayong mabahala dahil baka nga naman dumating ng panahon ang isunod nila ay ang baklasin din sa ating Preamble  ang salitang “Almighty God”, ipagbawal ang mga relihiyosong simbolo at simbolismo sa mga tanggapan ng gobyerno, na ang pinaka-malapit ay ang pagpapa-alis na rin sa salitang “Maka-Diyos” na isa sa mga core values ng DepEd.

Bagama’t nababahala ay hindi dapat tayo sagarang maging affected o mangamba sa balitang ito. Maliit na bagay lang ito kung ako ang tatanungin. Igalang na lang natin ang pananaw na ito gayundin ang nasabing hakbang ng pamunuan ng kagawaran. Wala namang gaanong epekto ito sa mayoryang Kristiyanong Pilipino, hangga’t gumagawa sila ng mga bagay na ayon sa banal na disenyo at nasa ng Diyos, sa palagay ko lang. Alisin na nila ang lahat ng may salitang “Diyos” sa anumang mababasa mula sa gobyerno kung gusto nila. Bahala sila!

Pero bilang sundalo ni Kristo, dapat din nating ipagtanggol ang ating paniniwala sa pamamaraang itinuro ni Hesus sakaling hatakin nila tayo sa kanilang paniniwalang walang Diyos o alipustahin ang ating mga doktrina o kutyain ang anumang bagay na sa atin ay sagrado o banal.

Kung ang Facebook nga raw ay isang bansa sabi ni Ed Shefffer,- sa 400 milyon kataong naka-rehistro dito, ito na ang ika-tatlong pinaka-populated na bansa sa mundo. Hindi nga ba ito matatawag na prime missionary field o lugar at oportunidad kung saan tayo ay maaaring magpahayag o ipagtanggol ng lohikal o rasyunal ang ating mga pinaniniwalaan?

Hindi mababago ng balitang ito sa DepEd ang katotohanang hindi mababaklas ninuman ang Diyos sa ating pagkatao. At dito hindi magtatagumpay ang mga ateista. At ang katotohanang ito ang mas mahalaga lalo na kung isinasa-buhay natin ang ating pananampalataya.

Pero tiyak ko na walang papayag na taga-Sablayan (o kahit na aling bayan sa Kanlurang Mindoro kundi man sa buong Pilipinas) na tanggalin ninuman ang huling apat na salita sa vision statement nito. ..

----------
(Photo: Philippine Information Agency)




No comments:

Post a Comment