Friday, December 7, 2018

Beking Pari Ba ‘Ikamo?



Hindi naman talaga maitatatwa na mayroong mga beking pari sa Simbahang Katolika pero ano kayang pampatulog ang tinira ng pangulo na tila sa panaginip lang niya kinuha ang kanyang mga numero. Sa kanyang talumpati sa Presidential Awards for Filipino Individuals and Organizations Overseas (PAFIOO) na ginanap sa Rizal Hall sa Malacañan noong Miyerkules, Disyembre 5, 2018, sinabi niya na 90% ng mga pari sa Pilipinas ay bakla.

Pustahan tayo, ikaw na nagbabasa ng ng sulating ito ngayon ay may kilalang baklang pari, ‘di ba? Ilan sila, dalawa, tatlo, sampu o higit pa? Hayag man o hindi sila ay mga gay o homosexual.

Totoo na sinabi ni Pope Francis na, “Ang mga baklang pari ay dapat maging celibate at kung hindi ay umalis na sila sa pagka-pari”. Ang marami ay ipinapalagay itong pagsasabi ng, “Kung bakla ka huwag kang mag-pari o hindi ka dapat na pari.”  Sa ganitong konteksto at sa nagdudumilat na katotohanan na marami talagang baklang pari sa Pilipinas (o sa buong mundo), madaling pagbintangan na ipokrito nga ang Simbahang Katolika. Ngunit kung ganito ang interpretasyon natin sa sinabi ni Pope Francis, mag-iiba na ang ating paninigin dito: “Ang mga baklang pari na hindi kayang mabuhay sa  celibate life ay hindi maaring mag-pari.”  Malinaw na ang diin ni Pope Francis ay sa celibacy at hindi sa sexual orientation ng isang pari o ng kandidato sa pagiging pari.

Bakla ka man o hindi, maliwanag lang na sa panahong ito ngayon, kung talagang gusto mong maging pari at magpatuloy sa pagiging pari ay dapat na namumuhay ka bilang isang celibate. Walang ka-kulakadidang at hindi nangha-hada ng sakristan. At siyempre pa, kung beki ka man, hindi ka dapat naka-lipstick, o naka-stiletto at naka make-up habang ginagampanan mo ang iyong administrative, pastoral at ministerial duties. Lalong hindi papayagan ng Simbahan na ang mga pari imbes na mag-suot ng sutana ay magsuot ng abito kagaya ng sa mga madre. Hindi pa pwede ang cross-dressing (no pun intended) na ganito. Hindi pa ito tanggap ng Simbahan. Hindi pa ngayon. Kaya meanwhile, habang habang hindi pa tegi ang mga matatanda at konserbatibong kardinal sa Roma and elsewhere, closet queen muna ang mga paring may “pinakatatagong lihim” (parang CST lang ang peg 'no?).

Mabagal nga lang kumilos ang Simbahan sa pagbabago ng kanyang mga doktrina pero malamang na may ginagawa na ito para dito. Super bagal nga lang kaya naman imbyerna ang mga kritiko nito lalo na sa usapin ng pagbibigay ng hustisya at pagpaparusa sa mga paring sangkot sa sex scandal ng mga kleriko. Kabilang ang pag-o-ordena ng mga kababaihan.  

Samakatuwid, hinahamon lamang ni Pope Francis ang pari and other consecrated people na tupdin ang kanilang vows of celibacy. Hindi sila pwedeng mabuhay sa double life, wika nga. Hindi komo bakla sila ay pinalalayas na at inaalisan na sila ng pagka-pari o hindi na sila agad pahihintulutang pumasok sa seminaryo. Hindi po ganoon. Dadaan sila sa mga psychological tests upang matiyak na kaya nilang pumasok sa celibate life at sumunod sa mga patakaran ng seminaryo.

Maganda rin at gumawa ng gawa-gawang datos ang pangulo at nawa ay magising din ang Simbahan upang suriin ang kanyang sarili. Hamon ito upang magnilay ang mga Obispo at mga namumuno sa Simbahan. Panahon na para sa CBCP na magpagawa ng isang impartial survey o study to determine what percent of our bishops and priests ang mga beki. Gayundin ang kaparehong survey o pag-aaral na nagmag-de-determine sa reaksyon ng mga mananampalataya hinggil sa pagkakaroon nila ng mga baklang pari o obispo. Gagawa ng mga paraan para sa obhetibong resulta nito na hindi naman ilalagay sa alanganin ang pagkatao at dignidad ng mga kakapanayamin. Isama rin ang mga Pamayanang Kristiyano at mga religious organizations para kunan ng mga datos.

Hindi pa katanggap-tanggap sa panahon ngayon na ang mga pari, matapos halimbawa ang isang concelebrated mass ay sabay-sabay na mag-iiritan at magde-deklara na, “Mga kafatid, kami po ay mga vaklush!”  Hindi pa handa ang Simbahan sa mga paglaladlad na ganito. Nasa larvae stage pa lang yata ang paru-parong mula sa langit para sa mga beking pari. Hindi kagaya nung paru-paro ni Rustom Padilla na nagpakita bago ibunyag niya  noon sa PBB house na siya nga ay beki. Hindi dapat na talikuran ng Simbahan ang katotohanang ito at dapat kaagad na gumawa ng konkretong hakbang ukol dito. Dapat itong masusing pagnilayan, pagpasyahan at isakatuparan ng Inang Simbahan.

Ang baklang pari ba ay hindi na magiging tapat na lingkod ng Diyos? Masasama ba ang mga baklang pari? Dito pumapasok ang “Who am I to judge” ni Pope Francis. Sino tayo na para lamang alipustahin ang isang institusyon ay hinuhusgahan natin ang mga taong naka-paloob dito na ang batayan lamang ay ang kanyang gender at hindi ang kanyang pananampalataya, gawi, salita, prinsipyo at buong pagkatao?

Tungkulin din nga lahat ng pari, kabilang ang beking pari, ang tumulong sa kaligtasan ng ating kaluluwa ngunit ang kaluluwa ng tao ay palaging kaisa ng kaniyang katawan sa buhay na ito. Ang kaligtasan ng kaluluwa ay palaging konektado sa kaligtasan at kaginhawaan ng katawan. Upang mangyari ang kaligtasang pangkaluluwa, kailangan tumulong at magsalita ang mga pari, kasama na rito ang mga baklang pari, tungkol sa kaligtasang pangkatawan. Nagtatanggol siya at nagtataguyod dapat ng karapatang pantao at lumalaban sa mga lumalabag dito. At saan mabisang itataguyod ang kaligtasang pang-katawan maliban sa larangan ng buhay-lipunan? Sa gawaing ito, ang pakikisangkot sa mga isyung panlipunan, kagaya ng federalismo o war on drugs, na may direktang epekto sa buhay at katawan ng tao ay isang pagpili na hindi maaaring kalimutan o talikdan ng mga naniniwala kay, at tagasunod ni Kristo. Pari man siya o hindi, gay ka man o heterosexual. Magiging ligaw na kawan tayo kung wala sila. At mukhang ito ang gustong mangyari ng tao sa Malakanyang at ng 16 million.

Mr. President, lampake ako kahit na lahat ng pari ay bakla!

----------

(Photo: Wikimedia Commons, iStock/Composite: America)


No comments:

Post a Comment