Tuesday, December 4, 2018

Tumatagos sa Lahat ang Karapatang Pantao




Masaya po ako dahil kahit pala ang isang parokyal na blogger katulad ko ay maitatampok din sa isang unibersal na tema ng human rights o karapatang pantao. Masaya dahil kahit na ang karamihan sa aking paksang tinatalakay ay naka-sentro sa Mindoro at Kanlurang Mindoro, ang isla at lalawigang aking pinang-galingan, sa loob ng lampas isang dekada kong pag-ba-blog, ang unang kumilala sa aking mga sulatin ay ang isang grupong “from beyond” Mindoro pa, ang HR ONLINE PH at hindi ang mga institusyon sa aking lalawigan.

Maraming-maraming salamat po sa tumulong sa okasyong ito ng 8th Human Rights Pinduteros Award at sa mga online voters na tumuguyod sa aking nominasyon bilang best Human Rights Blogsite.

Pero kung tutuusin, ang usapin ng karapatang pantao ay hindi natin maaaring ikahon sa isang dimensyon lamang ng buhay lipunan o sa isang gawain lamang tulad ng pagba-blog. Ito ay dapat tumagos sa pagsasakatuparan ng ating piniling propesyon at sa ating everyday life, so to speak.

Ang pagtataguyod, pagtatanggol at pagsasabuhay ng karapatang pantao ay ang palagian nating mithiin bilang guro (kagaya ng aking may-bahay na naririto ngayon kasama ko), duktor, manunulat, brodkaster, abogado, negosyante, pulitiko, magsasaka, mangingisda o sa anumang larangan ng buhay tayo nabibilang. Katulad ng ating pananampalataya, ito ay gabay natin sa ating bawat gawain sa opisina, sa kalsada, sa pagawaan, sa laot at maging sa bukid. 

Sapagkat ang karapatang pantao ay tumatagos sa lahat ng larangan ng buhay.

Kaya lahat ng Pilipino na wala dito ngayon, o yaong mga hindi pa isinisilang, o yung mga bumoto sa akin online ay pawang mga potential human rights advocate.

Inaasahan tayong magtataguyod sa dangal ng tao at maging responsible sa ating kapwa sa lahat ng oras. Sa anumang uri ng lupa tayo tumubo, lumago at namunga,- sa Mindoro man, or beyond.

Salamat sa lahat ng mga pinagpipitagang tagapag-taguyod, taga-pagtanggol at tagapag-patupad ng karapatang pantao sa bansa na naririto ngayon lalo na sa mga kapwa ko nominee.

Hayan sila ….
Batiin natin sila ….
Palakpakan natin ang isa’t-isa…

Nais kong espesyal na pasalamatan ang isa sa aking naging inspirasyon sa gawaing pang-karapatang pantao at malaki ang naging ambag sa paghubog ng aking pananaw hinggil dito. Kagaya ng mga propeta noon, hindi rin lubos na kinilala sa kanyang sariling lugar. Isang magiting na alagad ng Diyos at tanod-karapatan na kahit hindi ko pisikal na nakasama at hindi rin niya ako personal na kilala, ngunit ang mga kaisipan ay malalim na tumimo at humubog sa akin, kabilang ang iba pang human rights pioneers ng bansa na hindi na natin pisikal na kapiling ngayon.

Ang aking tinutukoy ay si Sr. Mariani Dimaranan na tulad ko na ipinanganak din sa Occidental Mindoro, sa Isla ng Lubang, madre na unang namuno Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), institusyon na aking kinapalooban din noon. Si Sr. Mariani na nagpamalay sa atin na may dangal ng tao sa bokasyon. Nagturo sa atin na kaya may karapatang pantao ay dahil tayo ay nilikhang kawagis ng Diyos. 

Saglit po nating gunitain ang kanyang mga ambag at ala-ala.

(Pause for a while)

Human Rights Education Program o HREP regional coordinator ako noon ng TFDP-Southern Tagalog. That was 1990 at si Sr. Cres Lucero ang chairperson noon ng TFD. Lumubog ako sa gawain sa mahabang panahon while Sr. Cres led the institution in conducting massive human rights and peace education and training in a rights-centered approach and capacitate the paralegals with documentation and monitoring skills. Wala yata si Sr. Cres dito, pero sana pahabain pa niya ang kanyang buhay dahil marami pa siyang itatamang historical inconsistencies ni Juan Ponce-Enrile. Biro lang po.

This award is also dedicated to her and the present men and women from TFDP, notably my longtime comrades Brenda Reyes and Jerbert Briola, the project coordinator of this event. Further, since I am now a government employee, I also share this award to a fellow former TFDP worker na ipinagpapatuloy itagos ang karapatang pantao sa serbisyo publiko bilang mga lingkod bayan. Si SB Walter “Bong” Marquez ng Bayan ng Sablayan sa Occidental Mindoro na nagpatunay na kahit na ang taong-gobyerno ay pwede at dapat maging tagapagtaguyod ng karapatang pantao. 

Gayundin sa taong unang humimok sa akin noong 2008 na ituloy ko lang ang pagba-blog na kahit ang mga bloggers ay walang editors at proofreaders ay may automatic grammar corrector naman daw ang computer, si Joma Cordova.

Sabi ko kanina, tayong lahat ay potensyal na human rights advocate. Halimbawa, mula sa presidente hanggang sa mga guro, hanggang sa guwardiya, hanggang sa janitor ng isang tanggapan, lahat tayo ay marapat na nagtataguyod, nagtatanggol at nagsasabuhay ng karapatang pantao ng ating kapwa.

Ang masaklap, kung lahat tao maging yaong mga hindi pa isinisilang ay potensyal na human rights advocate, lahat ay potensyal ding human rights violator. (Isama na natin yung mga bomoto sa akin online!) Maaaring hindi natin namamalayan na tayo ay lumalabag na, sumasagka at walang pakialam sa dangal at karapatan ng iba: ka-trabaho, ka-pamilya at kababayan o maging sa mga social media friends natin na i-unfriend na natin at in-unfollow!

Probinsiyano po ako kaya hindi ko ganap na gagap at dama ang buong kaganapan sa bansa (NatSit) ngayon pero hayaan po ninyong bigkasin ko ang isang tula sa aking blog entry noong ika-26 ng Hulyo, 2016 na pinamagatan kong “Alisin Mo Ang Lahat” sa kalagitnaan noon ng EJKs para lagumin ang mga kaganapan ngayon:

Alisin mo ang karapatang mabuhay
Lahat ng karapatang pantao’y wala nang saysay;
Alisin mo ang karapatang dinggin sa husgado
Sa lahat ng batas ay wala nang sisino;
Alisin mo ang pangamba sa patayang ito
Lahat ng patayan sa iyo na’y panuto;

Isa pa, when human right is retailed, na mukhang ito ang ipinamamayaning kaisipan ng gobyerno ngayon, the essence of human being is degraded wholesale.

Sa panahong ito na ang aksyon tungo sa pagtatanggol ng karapatang pantao ay itinuturing na karima-rimarim, habang ang paglabag dito ay ipinapalagay na kapunya-punyagi, marapat lamang na paigtingin natin ang ating hanay, patagusin lalo natin ang karapatang pantao sa lahat ng larangan. Tayo’y maging pinduteros para dito sa maraming paraan pero humuhugot sa iisang dahilan: ang itaguyod ang dangal ng tao.

Muli, maraming salamat at magandang gabi at mabuhay ang mga tagapag-tanggol ng karapatang pantao!

------

(Talumpati ng Pagtanggap sana sa 8th Human Rights Pinduteros Awards Night noong ika-27 ng Nobyembre, 2018 sa Prime Hotel sa Lunsod Quezon.)

No comments:

Post a Comment