Saturday, July 27, 2019

Si Titus Brandsma: Isang Pagninilay Panlipunan



Sa isang baliw na lipunan, ang mga tahimik na naghihirap na mamamayang nagnanais ng tinapay ay binigyan ng bato. Ang umaasam ng isda ay inaabutan ng ahas at ang mga munting bata na humihingi ng itlog ay binibigyan ng alakdan. Ganyan ang panahon natin ngayon at ganyan din noong panahon ni Titus Brandsma sa ilalim ng pamamahala ni Adolf Hitler at ng Nazi noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Si Titus Brandsma ay isang pari at martir na ang Feast Day ay ipinagdiriwang ng mga Katoliko ngayon, ika-27 ng Hulyo. Si Blessed Titus ay isinilang sa Bolsward (The Netherland) noong 1881, naging pari noong 1905 at ginawaran ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection noong Hulyo 26, 1942 sa isang piitan ng mga sundalong Aleman sa Dachau, Germany.

Noong panahon ng pamumuno ni Adolf Hitler, lahat ng sasabihin nito ay utos. Kapag sinabing ipasara ang ganitong establisemyento dahil sa hindi ito umaayon sa kanyang ninanais, kahit maraming mga nangangailangan ang tatamaan ay ipinapasara ito ng kanyang mga sunod-sunurang sundalong alipores. May parusang kamatayan noon, oo nga pala. 

Napabilang sa Order of Camelite ang batang pari at nang lumaon ay masidhing bumatikos sa idolohiya ng Nazi at naging maingay na kritiko nito. Tinuligsa niya ang pagmamalabis ng rehimen bago pa man magka-giyera ngunit kanya rin naman ipinanalangin ang mga tumurtyor sa kanya nang siya ay makulong sa concentration camp. Noong siya ay tanungin kung bakit nagagawa pa niya ito (ipagdasal sila), sinabi niya, “Matutuwa ang Diyos na kahit saglit at hindi buong isang araw ay maipapanalangin natin ang mga nagkasala ay nagmalabis sa atin.” Kagaya rin marahil ng panalanging iginagawad nina Father Flaviano Villanueva, Father Albert Alejo, Father Robert Reyes, Bishop Honesto Ongtioco, Bishop Teodoro Bacani Jr, Bishop Pablo Virgilio David, at Bishop Socrates Villegas kay Pangulong Rodrigo Duterte, Justice Secretary Menardo Guevarra at kay Lieutenant Colonel Arnold Thomas Ibay ng CIDG.

Kung si Blessed Titus ay Pilipinong Katolikong mabubuhay lamang sa bansa ngayon, tiyak akong muli ay gagawa din siya ng kabanalan. Kabanalang sa mata ng mga panatiko ay pang-gugulo, pamumulitika, pag-aalsa laban sa gobyerno. Malamang mapagbibintangan din siyang "Dilawan" o Komunista ng mga mala-kulto kung sumamba sa tao na mga Katolikong kagaya niya, nang mga kapatid niya mismo sa pananampalataya.

Si Blessed Titus ay isang propesyunal na mamamahayag. Noong panahon niya ay naglipana din ang fake news mula sa makinaryang pampropaganda ni Hitler. Kagaya ng mga nababasa natin ngayon na hindi mula sa mainstream media at hindi gawa ng mga totoong journalists ngunit mas higit pa sa mga mga talata sa Bibliya tungkol sa kung papaano manalangin, nila ito kung paniwalaan. Mas kapani-paniwala pa sa bisa ng dasal na “Ama Namin” kung ituring nila ang mga ito kung minsan.

Kahit ang mga Katolikong imprenta ay tinuligsa rin ni Blessed Titus dahil sa paglilimbag ng mga ito ng mga propaganda at fake news ng  Nazi. Hindi niya maunawaan kung bakit natatawag pa ng isang Katoliko na Katoliko ang kanyang sarili habang tuwang-tuwa, palakpak na palakpak ito sa mga pagpatay at pagsisinungaling na nagaganap sa tungki ng kanyang ilong.

Ang panahon ni Blessed Titus noon ay panahon din natin ngayon. Sa ating pagwawalang bahala para kalingain ang kapwa ay ginagamitan natin ng palusot. Kung may kaibigan tayong nasa gipit na kalalagayan,  humihingi ng tinapay, kung may kapatid tayong nangangailangan ng hustisya dahil pinatay na lang basta, sinasabi natin na wala tayong tulong na maibibigay kasi, “Sarado na ang ating pintuan at natutulog na ang ating mga anak.” Mga palusot na sa katunayan ay pag-iwas para tumulong dahil alam naman natin na alam ng taong nangangailangan na madali naman buksan ang pinto at ang mga bata ay mahimbing kung matulog. Papaano ka maituturing na kaibigan o kapanalig ng mga taong ganito?

Si Blessed Titus Brandsma ay isa sa mga banal na pwede nating gawing inspirasyon sa ating atubiling panahon ngayon. Batid niya kung ano ang kaibhan at layon ng mga bagay-bagay kaya hindi siya malilinlang. 

Alam niya na ang ahas ay hindi isda at ang nakabalumbong alakdan kahit hugis itlog ay hindi itlog, na ang kasinungalingan ay hindi katotohanan, na ang una ay nakamamatay at ang pangalawa ay nagbibigay buhay…

-----------

Photo: Order of Carmelite)


No comments:

Post a Comment