Wednesday, August 7, 2019

Ang Gilas at si Digong



Kung si Pangulong Digong ay walang tiwala na kayang talunin ng Gilas Pilipinas ang Italy sa 2019 FIBA World Cup sa kanyang paboritong bisitahing bansa, mas may tiwala naman sa koponan ng Pilipinas si Coach Rajko Toroman ng Serbia. Kulang daw tayo sa height kontra sa Italy kaya  sa China na lang daw tayo pumusta (kumampi?) Sabi ni Digong: “We will lose dito sa Italian, ang lalaki kaya niyang mga gagong ‘yan.” Walang ka-gilas-gilas na statement ito. Duwarog na pahayag na dinaan lang sa pagmumura (sa paggamit ng “gago”).

Sabi nga ni Coach Jason Webb ng Magnolia Hotshots sa PBA, "I also have no plans of cheering for a country stealing our land from us." Told you, napaghahalo talaga ang sports at politika.

Noon pa man, ang kay Coach Toroman ay mas kariringgan ng totoong motibasyon kundi man  pag-asa: “I think that the chance is against Italy than against Serbia. For me, the Philippines can make surprises. And whenever you play, you have a chance to win.” Sa tantiya ni Toroman, mas may tsansa pa raw and Gilas sa Italy kaysa sa team niya (Serbia).

Nagpapakatotoo lang daw si Digong sabi ng isang DDS sa internet. Kagaya kung gaano nila binigyan katwiran ang pagmumura at dyokis ng pangulo na nagpapaka-totoo lang daw. Ang kanyang kagaspangan sa mga pormal na okasyon at ang kanyang pagiging sexist ay pagiging totoo lang daw. Eniwey, nagpapaka-totoo rin naman siguro sa kanyang lakas ng loob at tiwala sa kanyang koponan si Andray Blatche nang sabihin niya na, “Our goal is to come in and win that game right there and take the momentum going on to the next two.” Sa pahayag na ito ng pangulo na sa China na lang kumampi, siyempre, palakpakan ang mga nasa harap niyang kasapi ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry kamakailan. Sabi ng pangulo ay manonood siya sa laro ng Gilas at makakasama raw niya ang Vice-President ng China.

Palusot naman ng iba, baka daw gusto lamang bigyan ng motivation ni Digong ang Gilas. Kailan pa naging motivational speaker si Digong? Motivation din ba yung, “Shoot them in the vagina” at iba pang atas?

Henga pala, sa opening round, sasagupain ng Gilas ang Italy sa August 31, Serbia sa September 2 at Angola sa September 4. Si Duterte ay pupunta sa China para makipag-pulong kay Chinese President Xi Jinping, para manood ng FIBA games at pasinayaan ang isang school building doon na itinayo sa pagpaparangal sa kanyang inang si Soledad.

Hindi ako umaasa na ipaaalala ni Pangulong Digong kay Pangulong Xi kung papaano tinalo minsan ng Pilipinas and China sa larong basketbol maraming dekada na ang nakalipas. Kung papaanong mula sa pagiging literal na bansot sa basketball ay literally at figuratively naging basketball giant sa Asia ang mga Tsino. Bumangon lang sila bilang bansa. Malaki kasi ang tiwala ng kanilang mga pinuno sa kanilang mga mamamayan. 

Pero kwidaw tayo, noong unang lumahok sa international competition sa basketbol ang Pilipinas ay nilalampaso natin ang China. 1913 noon nang ang mga basketbolistang Pinoy ay nagkampiyon sa kauna-unahang Far Eastern Games na Olympic version ng Asya noon. Olats ang Japan at China sa Philippines noon. Lampaso parati ang China sa Pilipinas noon, lalo na noong 1923 nang ang isang Luis “Lou” Salvador (Tatay ni “Mamatay Kayong lahat” Philip Salvador) ay umiskor ng 116 points para makopo ang kampiyonato.

Huwag na tayong maghangad muli ng basketball dominance sa mundo pero ang sports ay paraan din ng pagpapamalas ng tatak natin bilang mga mandirigma para sa pagiging makabayan, sa palakasan at kasarinlan. Matalo manalo.

Sa tiwala at suporta ng mga nasa poder ay utay-utay na mananaig tayo sa China huwag lang tayong susuko sa kanila sa anumang bagay na ating pinagtatalunan.  

Sa basketbol, sa maraming bagay….

--------

Sources:
Photo: Rappler











No comments:

Post a Comment