Sunday, September 8, 2019

Araw ni Maria Ngayon





“Papaano naging national holiday ang isang selebrasyon na para lamang sa mga Katoliko?,” tanong ito ni Archbishop Emeritus Fernando Capalla ayon sa isang panayam sa UCANews. Sinabi rin ng dating arsobispo ng Davao na sa ganitong mga pagtatakda, napupulitika ang isang panrelihiyong gawain. Nasaan dito ang sinasabi ng iba na may Separation of Church and the State? Pero “welcome and commendable” naman daw ang mga deklarasyon na ganito na nagtatalaga na gawing holiday ang ilang Marian celebration. Sa katotohanan, kahit sa ibang bansa gaya ng Mexico, Puerto Rico at iba pa ay may mga Marian national holiday observance din.

Simula ngayong araw ngayon ring taon, special working holiday na sa buong bansa ang kapanganakan ng Birheng Maria o ang Feast of the Nativity of the Blessed Virgin. Nilagdaan ng pangulo noong ika-8 ng Agosto, 2019 ang RA 11370 na nagtatakda ng nasabing pambansang selebrasyon.

Nag-ugat ito sa isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan na akda ni First District of  Ilocos Norte Congressman Rodolfo Fariñas. Ito na ang ikalawang kautusan na gawing pista opisyal ang isang araw na pagpaparangal kay Maria. Una ay noong taong 2017, pinagtibay ang RA 10966 na si Fariñas rin ang awtor na nagtatakda na holiday din ang Disyembre 8, Pista ng Imaculada Concepcion. Samakatuwid, dalawang batas na ang nilalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para opisyal na kilalanin ng estado ang kabanalan ni Maria. Una ay ang Immaculate Conception at ito ngang Nativity of Mary.

Malakas ang debosyon ng mga Pinoy kay Maria at sa katotohanan, naniniwala kaming mga Katoliko na si Maria ay patronesa ng bansa. Ito rin ang paniniwala ni Congressman Fariñas na umano ay isang Marian devotee. Pero ang ironic dito, ang mambabatas na nagtulak ng dalawang batas na ito ay inakusahan na nambubugbog ng asawa. Bagamat hindi napatunayan sa hukuman, maraming mga personalities sa showbiz at political circles na wife batter nga daw ito. Malayong-malayo ito kay Jose na kabiyak ni Maria.

Si Congressman Fariñas ay kasal sa dating modelo at artistang si Maria (pansinin ito) Teresa Carlson ng Zambales at ina ng walo niyang mga anak. Nagpatiwakal si Carlson noong 2004. Ang kaso ng pagkamatay ni Carlson ay isa sa mga naging panulukang kaso o kadahilanan kung bakit naisa-batas ang RA 9262 or the Anti-Violence Against Women and Children Act. Itinanggi ni Fariñas na biktima ng domestic violence ang kanyang asawa. Itinaggi niya na ang kanyang pambubugbog ang dahilan ng suicide ng magandang dating komedyante sa pelikula.

Papaigting ang kagutumang dama ngayon ng mga magsasaka. Ito ay sanhi ng Rice Tariffication Law na nararanasan ngayo ng nasabing sektor. Kagutuman sa kanayunan na parang panlipunang bulkan na maaring sumabog anumang sandali simula ngayon. Isang socio-political situation na halos walang pinag-iba sa sitwasyon ng pamumuno ng mapaniil na si Herodes nang ang sanggol na si Maria ay ipaglihi at isilang.

Tiyak ko na mas magiging masaya si Maria kung sa kanyang kaarawan at nang siya ay ipaglihi ay kasabay na maaksyunan ng gobyerno ang krisis sa bigas kaysa sa itakda na national holiday ang araw na ito. Kapag ang pamahalaan ay nanindigan laban sa panghihimasok ng World Trade Organization (WTO) sa bansa at kung ititigil ang deregulasyon at pribatisasyon ng National Food Authority of NFA. Kasabay ng pagtutuon sa suportang serbisyo sa mga magsasaka tulad ng libreng irigasyon, binhi at ilan pang mga pangunahing pangangailangan sa pagtatanim. Kasama rin ang pagbili ng gobyerno sa inaning palay ng mga magsasaka sa tamang presyo nang sa gayo’y maiwasan ang pagsasamantala sa kanila ng malalaking rice traders na siyang kumokontrol at nagtatakda sa suplay at presyo ng bigas na pinapasan ng kapwa magsasaka at mamimili.

Ito ang isa sa mga katulad na sitwasyong sa kanyang paglaki ay kamumulatan ng bagong silang na si Maria. Ang sanggol na sa kanyang paglaki ay aawitin ang kanyang Magnificat sa ganitong mga salita, “Mapadadakila ninyo kahit ang pinakaaba, mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha. Maihahanay ninyo sila sa mga maharlika, mabibigyan ng karangalan kahit na ang dustang-dusta.” Huwag na nating pansinin kung totoong ito nga ang araw ng pagsilang ni Maria. Alalahanin na lang natin na ang bawat pagsilang ng tao ay dapat nagpapabago sa mundo at sa lipunang kanyang ginagalawan. Ang bawat katungkulang ating tinatamasa ay dapat nagpapabago sa ga lumang kalakaran. Ito ang isasamo natin sa araw na ito sa banal na Ina ni Hesus. Ito ang mas makabuluhang sangkap ng ating pananalangin, pagsamba at pamamanata sa araw na ito.

Mas magandang pa-birthday ito sa kanya ng gobyerno sa papalapit nating pagsalubong sa ika-500 anibersaryo ng pagdatal ng Kristiyanismo sa bansa sa taong 2021 na sakop pa rin ng termino ng kasalukuyang pangulo, kahit sabi niya hindi dapat itong ipagdiwang.

Ave Maria!

-----------

No comments:

Post a Comment