Thursday, June 18, 2020

Subi




Sa Sungka na isang tradisyunal na larong Pilipino ay may tinatawag na “subi”.

Ang kauna-unahang diskripsyon ng Sungka ay sa isang diksiyunaryong Cebuano na isinulat noong 1692 ng isang Heswitang prayle na si Father José Sanchez. Doon ay sinabi niya na may nilalaro ang mga katutubo na kung tawagin ay Kunggit. Ito raw ay paglalaro ng dalawang tao (kadalasan ay mga babae) ng mga maliliit na sigay sa isang tabla na hugis bangkang kahoy na may mga butas.

Ewan ko kung sa panahon ngayon ng kuwarentina ay may naglalaro pa nito. Sa panahon ng mga makabagong gadyet, wala ng puwang ang mga larong ganito sa ating lipunan ngayon, may pandemya man o wala.

Pero parang isang Sungka sa ilalim ng itim na kumot na walang nakakakita kung papaano “nilalaro” ng mga kinauukulan ang mga nalikom na pondo mula sa mga donasyon ng pribadong organisasyon para kalabanin ang veerus na ito at sasabihing wala tayong pera. Ito ay sa kabila na wala namang tahasang ulat sa kalalagayang pananalapi ng mga programang kontra COVID-19.

Mismong ang World Health Organization (WHO) ang nagsabing ang Pilipinas ay nakatanggap na ng at least $130.4 million na halaga ng financial aid — o lampas P6.5 billion — laan para sa mga programang kontra COVID-19 ng gobyerno.

Sabi pa ng WHO sa kanyang 39th situation report sa paglaban ng Pilipinas sa pandemya, ang mga donasyon ay galing sa private sector, nongovernment organizations, and other international groups. Maliban dito, sinabi din sa ulat na ang Pamahalaang Duterte ay naka-kuha ng $1.1 billion loan mula sa World Bank at $1.5 billion mula sa Asian Development Bank (ADB) — na may suma-tutal na $2.6 billion, o P129.9 bilyon.

Pero ang Sungka ay nagbusod din ng mga superstitious belief sa atin kagaya ng iba pang katutubong laruan. May mga manghuhula at mga albularyo sa maraming dako ng bansa sa kanayunan ang gumagamit pa rin ng sungkaan sa kanilang panghuhula at paggagamot. May paniniwala din na dapat itong laruin sa labas ng bahay dahil kung sa loob, masusunog daw ang inyong bahay. Sa laro, may ginagamit din kasing terminong “sunog” na kung saan ay makakain ang lahat ng iyong naipong pitsa. Sa ilang lugar, ang matatalo sa laro ay tinatawag na “bangkay” o “patay”.

Sabi ng nanay ko noon, malas daw laruin ang Sungka dahil kapag natalo sa laro, kahit sa totoong buhay ay mauubusan ka ng mga ari-arian. Maghihirap ka, malamang sa hindi. Pero hindi yan ang dahil kung bakit hindi ako naglalaro ng Sungka. Ang totoong dahilan ay ang sakit ko. May dyscalculia ako noon hanggang ngayon!

Huwag na kayong magtatanong kung nasaan na ang mga pondo kontra pandemya. Huwag na kayong maghintay ng pinansiyal na pag-uulat. Pagod na pagod na sila, hindi na nila kayang gawin iyon sa malmang pagod. Kawawa naman sila.

Henga pala, ipinapalagay na ang Sungka ay totoong dito sa Pilipinas nagsimula kahit malaki ang pagkaka-pareho nito sa larong Congkak ng Indonesia.

O, baka naman nasungka na ang pondo kontra COVID-19. Sa Sungka kasi, matatapos lang ang laban kung said o urot na ang lahat ng sigay sa butas. 

Ang mas maraming maisusubi sa kanyang “balay”, kagaya rin sa halalan, ay siyang siguradong magwawagi.

----



No comments:

Post a Comment