Monday, July 13, 2020

Double Entendre: Ang Bomba, si Pikoy at si Boy Sullivan



Sa panahon na tinatawag na Bomba Films noong time ni Marcos, karaniwan na ang mga double entendre sa mga titulo ng sine. Ilan lang sa halimbawa ay ang mga pelikula noong 1970 hanggang 1971 na pinagbidahan ni Rosanna Ortiz gaya ng "Patigasan", "Saging ni Pacing" (na later ang pinalitan ng "Ang Magsasaging ni Pacing"), "Batuta ni Drakula"  (na isang horror-sexy film with Eddie Garcia), "Bukid ay Basa" (1971) na ang tawag dati ng movie scribe na si Nestor U. Torre ay “sexcessively suggestive” movie titles. Mga pelikulang sa Gem Theater malimit ipalabas.

Si Lito Anzures ay si Pikoy sa "Ang Alamat" ni Fernando Poe, Jr. Kanang-kamay siya ng mersenaryong si Adonis (Romy Diaz) na ni-recruit ni Don Joaquin (Nello Nayo) para maghasik ng lagim sa Rio Piedra upang mapagharian niya ang buong bayan na nabubuhay sa pagsasaka. Well, kagaya ng ibang sine ni FPJ, sa paghupa ng umaatikabong barilan natapos ang pelikula, gamit ang kanyang gintong kalibre 45 baril. Mala-Rambo ang istorya ng pelikula, kagaya ng ibang sine ni Da King.

Galit na galit si Don Joaquin sa eksena dahil hindi nila napatay si Igmidio (Pempe Padilla) na lider ng mga nag-aaklas na mamamayan at ito ay nakapagtago. Habang may kaniig na babae sa kanyang kandungan ay binigkas ni Pikoy:

“Ang tapang ng tao’y kadalasang walang silbi
Kapag ginagamit ng wala sa kukote
Ang maghimagsik sa aming ginawa
Iyong tungkulin sa balat ng lupa,
Ang lungga ng ahas ay dapat na hanapin
Pero bawat lungga ay dapat na salaksakin.”

Nang akmang papasukin ni Don Joaquin si Adonis sa silid habang ito ay may katalik ding babae ay bumulalas muli si Pikoy ng patula:

"Lahat ng gawai’y pwedeng abalahin
Ngunit importante inyong sasabihin
Pero kapag ang tandang ay gustong lumimlim
Ay huwag itong abalahin, pati ang inahin."

Nangako si Don Joaquin na kapag napatay nila si Diego (Fernando Poe, Jr) ay babayaran sila ng mas malaki. Si Pikoy na mas ganid sa laman kaysa sa salapi ay bumigkas ng:

“Totoong sa bawat kagat ng tinapay
Yaring aking dila’y talagang naglalaway
Pero kung pandesal ang sa aki’y ibibigay
Huwag naman Don Joaquin, ang gusto ko’y monay.”

Imagine, 10 years old pa lang ako nung una kong mapanood ang "Ang Alamat" sa Levi Rama pero nang panoorin ko lang ito uli kagabi sa YouTube, saka ko pa lang nalaman ang sexual undertones o double entendre ng mga tula dito ni Pikoy. Si Fred Navarro ang screenplay writer nito.

Mula pelikula, punta tayo sa musika. Bago pa man ang "Nilunok Kong Lahat" ni Selina Sevilla at "Jumbo Hotdog" ng Maskulados, isang Pinoy music legend ang sumulat at umawit ng mga kantang may double entendre tulad ng "Ang Mahiwagang Hiwa," "Itlog Ko at Mani Mo" at "O-Tin-Dera". Siya si Boy Sullivan na tambok, este tampok, sa kanyang "Haring Solomon (May Alagang Pagong)" album na lumabas noong 1972.

Si Boy Sullivan, Pedro G. Santos sa tunay na buhay, ay namatay sa edad na 83 noon lamang Hunyo 29, 2020. Siya ay taga-Hagonoy at bago niya isinulat ang mga kanta sa Haring Solomon, siya ay isa sa mga original members of The Big 3 Sullivans kasama si Mar Lopez at Apeng Daldal hanggang siya ay mag-solo. Siya ang kinilalang king of parody and naughty songs noong araw.

Hanggang ang double entendre ay isang literary device, walang makakapigil sa mga manunulat na isingit ito sa anumang likhang-sining na di naman sagarang erotiko.

-----



(Photo: Amazon.com)


No comments:

Post a Comment