Monday, August 23, 2021

Tayutay

Bago man lang matapos ang buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika, maganda rin sigurong pagnilayan natin ang isang bahaging ito ng balarila.

Malimit nating marinig ito ngayon: “Si (pangalan ng pulitiko) ay wala namang nagawa sa tagal ng kanyang panunungkulan.” Ang pangungusap na ito ay isang Tayutay at hindi literal ang dapat na interpretasyon. 

Ang Tayutay ay isang salita o grupo ng mga salita na kadalasang ginagamit upang maipahayag ang isang emosyon sa paraang hindi karaniwan upang makabuo ng mas malalim na kahulugan kaya ka-hunghangan na ito ay berbatim o letra por letra na patulan o intindihin.

Isa sa mga uri ng Tayutay ay ang tinatawag na Hiperbole o Pagmamalabis na ginagamitan ng eksaherasyon. Halimbawa ng Hiperbole ay ito: “Narinig sa buong Occidental Mindoro ang kanyang mga kasinungalingan.” At ito pa ang isang halimbawa: “Sa tagal niya sa pulitika, lawit na ang kanyang dila sa pagtatalumpati.”

Sa madaling salita, ang Tayutay ay salita o isang pahayag na ginagamit upang bigyan diin ang isang kaisipan o damdamin. Damdaming mula sa lahat ng tao, kabilang na dito ang mga botante na matagal nang dismayado dahil sa hindi umaayon sa kanilang mga inaasahan ang ginagawa ng nanunungkulang mga lider, pulitiko man o hindi, halimbawa. Ang mahalaga ay hindi ang paraan ng kanilang sinasabi (o pagtuturing na literal ang salitang “wala”) kundi ang mabigyang diin ang saloobin ng nagsasalita at ang karapatan niyang magpahayag at kalayaan niya sa ekspresyon.

Ang wika, kagaya ng batid na natin noon pa man, maliban sa instrumento ito ng pagpapahayag ng saloobin at pananaw ng isang tao, makapangyarihang sandata rin ito upang warakin (pahiram po, Kalihim Francisco Duque) ang kanyang kapwa o mga karibal sa paniniwala. Kabilang na ang maging magmukhang inaapi at kaawa-awa.

Ayon kay Dr. Pamela Constantino, isang Tayag, este, tanyag, na lingwista at propesor sa UP, mas madalas gamitin ang Pambansang Wika sa mga usaping pulitikal gaya ng pangangampanya tuwing eleksyon at talumpati nila sa mahahalagang okasyon. Sa mga ganitong sitwasyon, mas kinakailangan ng mga pulitiko na maunawaan ng masang Pilipino ang kanilang mga sinasabi.

“Nasa wika ang mga konsepto o kaisipan na bumubuo sa lawak ng gawaing pulitikal kaya naman ginagamit ito para magkaroon ng political control,” ani Constantino. Aba’y tumpak, ‘di ba?

Balikan natin ang ating paksa hinggil sa Tayutay ngayong magtatapos na ang Buwan ng Wika 2021.

Isa sa mga uri ng Tayutay ay ang tinatawag na Simile/Pagtutulad. Halimbawa: Ang paghahangad niyang manatili sa posisyon ay parang walang katapusang araw at gabi.

Meron ding tinatawag na Metapora/Pagwawangis. Halimbawa: Talaba silang nakadikit sa nabubulok na bakawan.” 

Ang Paglipat-wika naman ay paggamit ng pang-uri upang ipaglalarawan ang mga bagay. Halimbawa: “Ang pabago-bagong mukha niya ay nakikita ko na taon-taon sa kalendaryo, dalagita pa ako hanggang ngayong ako ay may mga apo na.”

Ilan lamang po iyan sa mga uri ng Tayutay at mga halimbawa. Paki-Google na lang po ang iba pang ibig ninyong malaman tungkol sa Tayutay.

Sa pagtatapos, taglay ng wika ang kakayahang baguhin ang paniniwala ng isang indibidwal. Sa pakikipag-ugnayan gamit ang wika, maraming bagay ang maaaring magbago.

Maging sa pananaw ng tao sa pulitika at sa mga pulitiko.

 

----------

Reperensiya:

 

https://varsitarian.net/filipino/20081117/pulitika_ng_wika_wika_ng_pulitika

 

 

 

No comments:

Post a Comment