Friday, August 30, 2019

Italy Kontra Pilipinas, Noon at Ngayon





Malay natin.

Bilog ang bola.

Bukas ay mapapasabak na ang koponan ng Gilas Pilipinas para sa 2019 FIBA Basketball World Cup at Italy ang una nating kalaban. Sabi ni Pangulong Digong, “We will lose dito sa Italian, ang lalaki kaya niyang mga gagong ‘yan.”  Sabi niya, sa China na lang tayo kumampi na siyang bansang  pagdarausan ng mga laro. Ewan ko kung manonood ang presidente kasama si Michael Yang at si Jackie Chan.

Parati ba tayong lampaso sa Italy sa kasaysayan ng pandaigdigang pabusluan? Hindi naman. Bago sila naging higanteng koponan sa larangang ito may kung ilang ulit na silang tinalo ng koponang Pinoy.

Maniwala man kayo o hindi, dalawang beses binigti ng Pilipinas ang Italy noong taong 1985. Hiyang-hiya daw noon ang mga Italyano. Una ay nang talunin ng San Miguel Philippines ang Banco de Roma sa iskor na 98-79 sa Girona, Spain. Umiskor ng 33 puntos ang pambato nating si Samboy Lim na harap-harapang kumamada sa kabila ng presensya ng mga NBA imports ng Italy na sina Leo Rautins at Leroy Combs.

Noong taon ding iyon sa Jones Cup sa Taipei, tinalo uli ng Pilipinas ang Italy sa talang 96-75 na ang mga naging top scorer noon ay sina Allan Caidic (28 puntos) at Hector Calma (19 puntos). Ang yumaong si Ron Jacobs noon naging taga-panuto ng ating koponan.

Pero unang nakasagupa ng Pilipinas ang Italy noong 1936 sa Berlin Olympics. Sa liksi ng ating mga manlalarong pinangunahan nina Ambrosio Padilla, Charlie Borck at Jacinto Ciria Cruz sa final tally na 32-14. Panlima tayo noon, pampito ang Italy.

Pero kung susumahin, sa lampas dosenang pagkakataon na nakaharap ng Pilipinas ang Italy sa basketbol, ito lamang ang mga pagkakataong pinalad tayong manalo.

Pinakakrusiyal ang unang laban natin sa Italy. Pero ano ang dapat gawin ng Gilas? Sabi ni Filipino basketball historian Jay P. Mercado, mga tirada sa labas ang makapapatay sa kalaban. Yun bang mga attempt na kahit 'sing layo ng Iling hanggang Caminawit ay maisusyut pa. Kailangan din daw na mag-dominate ni Andray Blatche ang kanilang mga higante at pumatas ang mga Italyano ng maraming foul. Huwag mapabayaang tumira sa labas ng bahaghari sina Danilo Gallinari at Marco Belinelli ng kalabang bansa. Mahihirapan silang posasan si Blatche at kung puputok ang ating downtown shots, me laban-laban tayo.

Kapag naging kampante sila sa atin, silat sila. Kapag minaliit nila tayo, giba sila. Lalo na kapag hindi lang puso kundi utak ang pinagana ng Gilas, tagilid sila.

Ayon naman kay Wira Pori, Sec-Gen ng Brunei Basketball, “Hustle and energy on both ends of the court and the willingness to make the extra pass are also critical in tipping the scales in Gilas’s favor.” Harinawa.

Kung sakali, kung sakali lang na matalo natin ang Italy, sana ay manatili ang ating kisig at paghahangad na makapasok nang tuluyan sa torneyong nabanggit.

Bilog ang bola.

May mga inaasam na napopornada pa.

Malay natin.

Parang mas may tsansa pa nga tayong manalo sa Italya sa basketbol kaysa sa umasang igalang ng China ang Arbitration Case na ating napanalunan noon.

----------
Photo: PhilStar

References:


No comments:

Post a Comment