Sa
isang bahagi ng aking buhay ako ay nagkaroon din ng buntot. Hindi lang ako.
Kayo rin na bumabasa ng blog entry na ito, minsan ay nagkaroon ka rin ng buntot
(sa likod). Babae ka man o lalake.
Tanong
ko sa sarili nang mapanood ko ang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong Sabado, ika-9 ng Pebrero sa GMA-7, bakit
pumapatok pa ang hoax na ito na noon
pang 1900s nagsimula. Una, dapat ay malinawan natin na ang pangunahing ugat
ng ganitong mga kuwento ng katarantaduhan patungkol sa mga Mangyan, o sa lahat
ng mga indigenous peoples (IPs) o katutubo sa buong mundo, ay ang tila likas
nating discriminatory attitude towards them at hindi natin pagiging
culturally-sensitive. Kasama na ang paggalang sa kanilang mga karapatan, lalo
na ang pagpapahalaga sa kanilang kultura. Hindi ko po sinasabing guilty dito
ang nasabing TV show. In fact, mabuti naman at binigyan ng pagkakataon ang mga
Alangan Mangyan na mailinaw na ito ay isang mito at likhang-isip lamang at
gawa-gawaan ng mga sundalong Kano. Very informative, no doubt, ang KMJS.
Sa
nasabing episode ng KMJS ay sinimulan sa pagtatampok sa isang 35-anyos na taga-India
at nakatira sa Alipurdar na dahil sa kanyang 14 na pulgadang “buntot” ay
sinamba at pinaniniwalaan na reincarnation umano siya ng kanilang diyos ng mga
unggoy na si Hanuman. Siya ay si Chandre Oraon at lumabas ang balita noong
nakaraang linggo lamang na mababasa natin DITO. Bago pa umutlaw ang pagkakaroon
ng buntot ni Oraon, lumabas rin ang isang urban legend noong 1977 na ito
umanong si Evonne Faye Goolagong, na isang babaeng tennis star mula sa Australia
na umano ay may buntot din. Dangan kasi namang itong si Goolagong (sa tunog pa
lang ng apelyido) ay galing sa pamilyang Australian Aboriginal mula sa tribong
kung tawagin doon ay Wiradjuri. Ang kakatwang kuwento na ito ni Goolagong,
marahil, ay mula sa kantiyaw ng mga tagahanga ng mga nasapawan niya noon sa
nasabing laro na dominated ng mga hindi katutubo. Malakas pa kasi sa kanilang
bansa noon ang diskriminasyon sa mga aboriginals.
Dito
sa Pilipinas, matapos ang Spanish-American War, ang Estados Unidos ay nagpadala
ng mga sundalo sa mga kagubatan ng Pilipinas upang magsiyasat sa mga
likas-yamang isinuko sa kanila ng Espanya. Lumabas ang ulat sa Amerika na ang
mga sundalong Kano ay nakasalubong umano ng isang Igorot na may buntot. Kinunan
nila ito ng larawan at ginawan ng kung anu-anong kuwentong paniwalaan-dili.
Ginawa pa ngang postcard ang kinuhang larawan na ipinagbili pa mismo ng mga
Pilipinong taga-patag sa mga turistang Kano noon. Mismong tayong mga taga-patag
ang unang nag-exploit nito para pagkakitaan. Doon unang pumutok sa buong mundo
na ang mga katutubo natin ay may buntot. Kunsabagay, hanggang ngayon naman ay
maami pa ring NGO na anila ay makatao at maka-Diyos ngunit pinagkikitaan
lang ang mga katutubo.
Maraming
mga mamamayan sa mundo, lalo na ang mga Kano, sa kuwento hanggang sa ito ay
patulan ng United States National Museum na nagsagawa nga ng isang opisyal na
imbestigasyon ukol dito. Sa lathalaing TheStraight Dope ni Cecil Adams na lumabas noong July 15, 1977 ay ganito niya
ito ipinaliwanag matapos itong idineklarang peke : “Anthropologists speculated that the original confusion may have
resulted from imperfect observation of Igorot rituals: one tribal dance
required animal costumes, which were made, of course, complete with tails.”
At nang lumabas ang kuwento tungkol sa buntot ni Chandre Oraon na taga-India na
isa ring katutubo, kamakailan, muling nabuhay ang kuwentong bayang ito na may
buntot nga ang mga katutubo sa Pilipinas.
Sa
totoo lang, lahat tayo, tulad ng sinabi ko sa itaas, babae man o lalake, ay
nagkaroon ng buntot. Ang lahat ng mga human embryo ay mayroong buntot na ang
sukat ay about one-sixth of the size of the embryo itself. At habang ang embryo
ay na-de-develop bilang isang fetus, ang ating buntot ay na-a-absorb ng patuloy
na paglaki ng ating katawan. Dagdag pa ni Adams sa kanyang ginawang research: “Occasionally, a child is born with a
"soft tail," described by one embryologist as containing "no
vertebrae, but blood vessels, muscles, and nerves, of the same consistency …” Kitam.
Maaaring ganoon nga ang totoong kuwento sa likod ng buntot ni Oraon.
Pero
tiyak ko na ang pinagmulan ng kuwento ng mga “buntot” nina Goolagong at mga
Mangyan at ng iba pang mga katutubo, aboriginals o indigenous peoples, ay may
mahabang kawag ng pang-uuyam o pagmamaliit sa likod ng diskriminasyon sa kultura sa ating mga
kapatid sa kabundukan….
------
(Photo: Barriodeoriente.com)