Sa
isang baliw na lipunan, ang mga tahimik na naghihirap na mamamayang nagnanais ng
tinapay ay binigyan ng bato. Ang umaasam ng isda ay inaabutan ng ahas at ang
mga munting bata na humihingi ng itlog ay binibigyan ng alakdan. Ganyan ang
panahon natin ngayon at ganyan din noong panahon ni Titus Brandsma sa
ilalim ng pamamahala ni Adolf Hitler at ng Nazi noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig.
Si
Titus Brandsma ay isang pari at martir na ang Feast Day ay ipinagdiriwang ng
mga Katoliko ngayon, ika-27 ng Hulyo. Si Blessed Titus ay isinilang sa Bolsward
(The Netherland) noong 1881, naging pari noong 1905 at ginawaran ng parusang
kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection noong Hulyo 26, 1942 sa isang
piitan ng mga sundalong Aleman sa Dachau, Germany.
Noong
panahon ng pamumuno ni Adolf Hitler, lahat ng sasabihin nito ay utos. Kapag sinabing
ipasara ang ganitong establisemyento dahil sa hindi ito umaayon sa kanyang
ninanais, kahit maraming mga nangangailangan ang tatamaan ay ipinapasara ito ng
kanyang mga sunod-sunurang sundalong alipores. May parusang kamatayan noon, oo nga pala.
Napabilang
sa Order of Camelite ang batang pari at nang lumaon ay masidhing bumatikos sa idolohiya ng Nazi at naging maingay na kritiko nito. Tinuligsa niya ang
pagmamalabis ng rehimen bago pa man magka-giyera ngunit kanya rin naman
ipinanalangin ang mga tumurtyor sa kanya nang siya ay makulong sa concentration
camp. Noong siya ay tanungin kung bakit nagagawa pa niya ito (ipagdasal sila), sinabi niya, “Matutuwa
ang Diyos na kahit saglit at hindi buong isang araw ay maipapanalangin natin ang mga nagkasala ay nagmalabis sa atin.” Kagaya rin marahil ng panalanging iginagawad nina Father Flaviano
Villanueva, Father Albert Alejo, Father Robert Reyes, Bishop Honesto Ongtioco, Bishop
Teodoro Bacani Jr, Bishop Pablo Virgilio David, at Bishop Socrates Villegas kay
Pangulong Rodrigo Duterte, Justice Secretary Menardo Guevarra at kay Lieutenant
Colonel Arnold Thomas Ibay ng CIDG.
Kung
si Blessed Titus ay Pilipinong Katolikong mabubuhay lamang sa bansa ngayon,
tiyak akong muli ay gagawa din siya ng kabanalan. Kabanalang sa mata ng mga
panatiko ay pang-gugulo, pamumulitika, pag-aalsa laban sa gobyerno. Malamang mapagbibintangan din siyang "Dilawan" o Komunista ng mga mala-kulto kung sumamba sa tao na mga Katolikong kagaya niya, nang mga
kapatid niya mismo sa pananampalataya.
Si
Blessed Titus ay isang propesyunal na mamamahayag. Noong panahon niya ay
naglipana din ang fake news mula sa makinaryang pampropaganda ni Hitler. Kagaya
ng mga nababasa natin ngayon na hindi mula sa mainstream media at hindi gawa ng
mga totoong journalists ngunit mas higit pa sa mga mga talata sa Bibliya
tungkol sa kung papaano manalangin, nila ito kung paniwalaan. Mas kapani-paniwala pa sa bisa ng dasal na “Ama Namin” kung ituring nila ang mga ito kung minsan.
Kahit
ang mga Katolikong imprenta ay tinuligsa rin ni Blessed Titus dahil sa paglilimbag ng mga
ito ng mga propaganda at fake news ng Nazi. Hindi niya maunawaan kung bakit
natatawag pa ng isang Katoliko na Katoliko ang kanyang sarili habang tuwang-tuwa,
palakpak na palakpak ito sa mga pagpatay
at pagsisinungaling na nagaganap sa tungki ng kanyang ilong.
Ang
panahon ni Blessed Titus noon ay panahon din natin ngayon. Sa ating pagwawalang
bahala para kalingain ang kapwa ay ginagamitan natin ng palusot. Kung may
kaibigan tayong nasa gipit na kalalagayan, humihingi ng tinapay, kung may kapatid tayong
nangangailangan ng hustisya dahil
pinatay na lang basta, sinasabi natin na wala tayong tulong na maibibigay
kasi, “Sarado na ang ating pintuan at natutulog na ang ating mga anak.” Mga
palusot na sa katunayan ay pag-iwas para tumulong dahil alam naman natin na
alam ng taong nangangailangan na madali naman buksan ang pinto at ang mga bata
ay mahimbing kung matulog. Papaano ka maituturing na kaibigan o kapanalig ng
mga taong ganito?
Si
Blessed Titus Brandsma ay isa sa mga banal na pwede nating gawing inspirasyon
sa ating atubiling panahon ngayon. Batid niya kung ano ang kaibhan at layon ng
mga bagay-bagay kaya hindi siya malilinlang.
Alam
niya na ang ahas ay hindi isda at ang nakabalumbong alakdan kahit hugis itlog ay hindi itlog, na ang kasinungalingan ay hindi katotohanan, na ang una ay nakamamatay at ang pangalawa ay nagbibigay buhay…
-----------
(Reference
: https://en.wikipedia.org/wiki/Titus_Brandsma
Photo:
Order of Carmelite)