Sa
Sungka na isang tradisyunal na larong Pilipino ay may tinatawag na “subi”.
Ang
kauna-unahang diskripsyon ng Sungka ay sa isang diksiyunaryong Cebuano na
isinulat noong 1692 ng isang Heswitang prayle na si Father José Sanchez. Doon
ay sinabi niya na may nilalaro ang mga katutubo na kung tawagin ay Kunggit. Ito
raw ay paglalaro ng dalawang tao (kadalasan ay mga babae) ng mga maliliit na
sigay sa isang tabla na hugis bangkang kahoy na may mga butas.
Ewan
ko kung sa panahon ngayon ng kuwarentina ay may naglalaro pa nito. Sa panahon
ng mga makabagong gadyet, wala ng puwang ang mga larong ganito sa ating lipunan
ngayon, may pandemya man o wala.
Pero
parang isang Sungka sa ilalim ng itim na kumot na walang nakakakita kung
papaano “nilalaro” ng mga kinauukulan ang mga nalikom na pondo mula sa mga
donasyon ng pribadong organisasyon para kalabanin ang veerus na ito at
sasabihing wala tayong pera. Ito ay sa kabila na wala namang tahasang ulat sa kalalagayang pananalapi ng mga programang kontra COVID-19.
Mismong
ang World Health Organization (WHO) ang nagsabing ang Pilipinas ay nakatanggap
na ng at least $130.4 million na halaga ng financial aid — o lampas P6.5
billion — laan para sa mga programang kontra COVID-19 ng gobyerno.
Sabi
pa ng WHO sa kanyang 39th situation report sa paglaban ng Pilipinas
sa pandemya, ang mga donasyon ay galing sa private sector, nongovernment
organizations, and other international groups. Maliban dito, sinabi din sa ulat
na ang Pamahalaang Duterte ay naka-kuha ng $1.1 billion loan mula sa World Bank
at $1.5 billion mula sa Asian Development Bank (ADB) — na may suma-tutal na
$2.6 billion, o P129.9 bilyon.
Pero
ang Sungka ay nagbusod din ng mga superstitious belief sa atin kagaya ng iba
pang katutubong laruan. May mga manghuhula at mga albularyo sa maraming dako ng
bansa sa kanayunan ang gumagamit pa rin ng sungkaan sa kanilang panghuhula at
paggagamot. May paniniwala din na dapat itong laruin sa labas ng bahay dahil
kung sa loob, masusunog daw ang inyong bahay. Sa laro, may ginagamit din kasing
terminong “sunog” na kung saan ay makakain ang lahat ng iyong naipong pitsa. Sa
ilang lugar, ang matatalo sa laro ay tinatawag na “bangkay” o “patay”.
Sabi
ng nanay ko noon, malas daw laruin ang Sungka dahil kapag natalo sa laro, kahit
sa totoong buhay ay mauubusan ka ng mga ari-arian. Maghihirap ka, malamang sa
hindi. Pero hindi yan ang dahil kung bakit hindi ako naglalaro ng Sungka. Ang
totoong dahilan ay ang sakit ko. May dyscalculia ako noon hanggang ngayon!
Huwag
na kayong magtatanong kung nasaan na ang mga pondo kontra pandemya. Huwag na
kayong maghintay ng pinansiyal na pag-uulat. Pagod na pagod na sila, hindi na
nila kayang gawin iyon sa malmang pagod. Kawawa naman sila.
Henga
pala, ipinapalagay na ang Sungka ay totoong dito sa Pilipinas nagsimula kahit
malaki ang pagkaka-pareho nito sa larong Congkak ng Indonesia.
O,
baka naman nasungka na ang pondo kontra COVID-19. Sa Sungka kasi, matatapos lang ang
laban kung said o urot na ang lahat ng sigay sa butas.
Ang mas maraming maisusubi sa
kanyang “balay”, kagaya rin sa halalan, ay siyang siguradong magwawagi.
----
Reference : https://mancala.fandom.com/wiki/Sungka