Pagkatapos ng EDSA
Sa panahon ng EDSA People Power Revolution noong 1986, itinalaga ni dating Pangulong Corazon C. Aquino si Godofredo Mintu na isang negosyante bilang pansamantalang alkalde ng Sablayan, Occidental Mindoro sa gitna ng deklarasyon ng revolutionary government ni Gng. Aquino. Ang pagpili kay Mayor Mintu ang bunga ng kanyang pagiging kasapi ng United Democratic Opposition o UNIDO na opisyal na partido pulitikal noon ni Aquino. Rekomendado si Mintu ni Peter O. Medalla Jr na mataas ang katungkulan noon sa UNIDO dahil malapit ito sa naging ka-tandem ng kapuwa niya Batangenyong si Vice-President Salvador “Doy” Laurel.
Nang humupa na ang pampulitikang tensyon sa buong bansa at nakapagbalangkas na ng bagong Saligang Batas, kailangan nang magdaos ng regular na eleksyon sa bawat lokalidad at sinuspinde na ng Malakanyang ang lahat ng mga itinalaga nitong OIC sa iba’t-ibang antas ng pamahalaang lokal.
Matapos na magpasya si OIC Mayor Godofredo B. Mintu na tumakbo sa regular na halalan bilang alkalde ng Sablayan, Occidental Mindoro sa gaganaping eleksyon noong ika-19 ng Enero 1988, itinalaga ni Kalihim Luis T. Santos ng Department of Local Government bilang OIC Mayor si Lorenzo “Lory” Ordenes na noon ay administrative officer ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakatalaga sa Sablayan. Bago kasi pumasok si Ordenes sa DENR ay nasubukan na rin niyang maging appointed councilor ng Sablayan nang ideklara ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Martial Law noong 1972.
Maliban dito, si Lory Ordenes ay naging municipal administrator din sa panahon ni Mayor Pedro Gonzales at dahil sa karanasang iyon kaya siya marahil ay napiling maging alkalde ng bayan that time. Pero hindi niya iyong tinanggap dahil kung tatanggapin niya ang pagiging OIC Mayor, kailangan niyang mag-resign sa DENR na ayon sa kanya ay hindi niya ginawa.
Lumabas ang kautusan ng Department of Local Government noong ika-1 ng Disyembre 1987 at ang lokal na halalan naman ay sa ika-18 ng Enero 1988 na mahigit na dalawang buwan lang ang pagitan. Dahil sa praktikal na kadahilanan at sariling pagpapasya, hindi naging alkalde ng Sablayan si Lorenzo “Lory” Ordenes, anak ng yumaong Mayor Leoncio Ordenes na nagsilbi simula 1960 hanggang 1963.
Itinalaga din noon ni Kalihim Luis T. Santos bilang OIC Vice-Mayor Mr. Nicolas “Nick” Alfaro na tumanggap naman sa nabanggit na pansamantalang posisyon na kanyang makakasama sa paggampan ng gawain ang kauna-unahang babaeng pansamantalang alkalde ng bayan.
Unang Babae
Dito nagsimula ang pag-assume ni Gng. Milagros Legaspi Gonzales-Cipriano na maging kauna-unahang babae at ika-16 ng alkalde ng Sablayan. Sa bisa ng Republic Act No. 6636 na nag-a-amend sa EO 270 ni Gng. Aquino. Sabi sa Section 1 ng RA 6636 in part, “All local officials, whether elected, acting or officer-in-charge who file or have filed their certificates of candidacy shall be deemed automatically resigned from their positions effective December 1, 1987, any provision of the law to the contrary notwithstanding. If the governor or the city or municipal mayor or the officer-in-charge of that office is a candidate and unless the Secretary of Local Government designates another person, the following local officials shall act as officer-in-charge of the position vacated in a concurrent capacity in the order herein below provided:
“a) Chief, Senior and Local Government Officers for provinces, cities and municipalities, respectively;
“b) Provincial/City/Municipality Administrator;
“c) Provincial/City/Municipal Health Officer. “
At sa kaso ng Sablayan noon, ang umaktong maging OIC mayor ay si Gng. Milagros Cipriano nga na siya noong Acting Local Government Officer (LGO)-III ng Sablayan. Sa matuling salita, alisunod dito, ang lahat ng mga lokal na opisyal noon, maging, halal, pansamantala o itinalagang manunumpang pinuno ay automatic resign sa kanilang katungkulan sa panahon ng kanilang paghahain ng Certificate of Candidacy para sa whatever local position in the government noon na hindi lalampas sa 45 days bago ang January 18, 1988 elections.
Nakasalig sa RA 6636, kaagad na lumusong sa katungkulan si Gng. Cipriano na may basbas ng kanyang mga opisyal sa pang-rehiyon nilang tanggapan at kaagad siyang nagpalabas ng liham sirkular sa mga department heads ng munisipyo, mga nakatagalang pulis at sundalo sa bayan, sa COMELEC at practically sa lahat ng mga government offices doon. Sa paglagda sa circular letter ng mga opisyal, pormal na kinilala si Cipriano na siyang OIC Mayor at agad na nga itong gumampan sa tungkulin upang magpatuloy ang daloy ng serbisyo ng pamahalaang lokal at sa ugnayan nito sa pamahalaang pambansa at hindi maipit ang bayan at mga residente sa bangayan ng mga nagbabangaang mga kakandidato at mga pulitiko noon at sa gitna ng umiigting na digmaan sa pagitan ng mga alagad ng batas, mga rebeldeng NPA at mga criminal element.
Sa Resolusyon Blg. 2012-GGM077 na iniakda noon ni Kgg. Roberto G. Dimayacyac noong ika-10 ng Setyembre 2012 na pinangalawahan ni SB Manuel P. Tadeo, binigyang diin sa kalatas na “Ang pagkakaroon ng itinalagang manunuparang pinuno sa Tanggapan ng Punong Bayan sa katauhan ni Gng. Milagros Cipriano ng (sic) panahong iyon ay pinalagay na sadyang mahalaga para maiwasan ang pagkakaantala ng mahahalagang gawain at tungkulin ng nasabing tanggapan.” Sa pamamagitan ng isang liham sirkular, inihayag ni OIC Mayor Cipriano na sinimulan na niya ang paggampan sa tungkulin noong ika-17 ng Nobyembre 1987.
Panahon ng Krimen at Dahas
Ano naman ang mga signposts ng panunungkulan ni OIC Mayor Cipriano sa loob ng maikling panahon?
Tiniyak ni OIC Mayor Cipriano na magiging tahimik at hindi magulo ang darating na halalan sa pamamagitan ng tahasan at lubusang pagsunod sa noon ay mga umiiral na pambansang batas at mga kautusan. Inaatasan niya si P/SGT Beato T. Punzalan na noon ay Station Commander ng Integrated National Police Command dito sa Sablayan at nakipag-ugnayan nang maigting kay Election Registrar Norma V. Ordenes ng COMELEC-Sablayan, lalong-lalo na sa mga atas tungkol sa Firearms Ban at Use of Body Guards ng mga politiko. Inatasan niya si Station Commander Beato Punzalan na maigting na makipag-ugnayan noon sa Philippine Constabulary.
Mariin din ang naging atas
ni OIC Mayor Cipriano sa INP na ipatigil ang mga illegal na sugal na naglipana
noon sa Municipal Plaza lalo na ang larong roleta na talamak noon dito. Upang
hindi maipit sa crossfire ang mga dayuhang manininda noon sa plaza dahil
sa kinakabahang muling pagsalakay ng NPA, pinakiusapan niya ang mga dayuhang
negosyanteng ito na kaagad na umalis sa tulong ni PFC Alfonso Paz at binigyan niya ang mga ito ng kaukulang
halaga na mula sa kanyang sariling bulsa para hindi na madamay ang mga ito sa
engkwentro kung saka-sakali. Hindi nga nagkabula ang hula ni Cipriano dahil
ilang araw lang ay nilusob na nga ng mga NPA ang detachment ng
Philippine Constabulary sa downtown Sablayan (na ngayon ay ang lugar na malapit sa kinaroroonan ng Land Bank of the Philippines).
Nagpakita siya ng kakaibang tapang sa gitna ng mga karahasan at kaguluhan na noon ay namamayani sa bayang ito. Ipinakita niya na kahit siya ay babae, kaya niyang manindigan laban sa mga masasamang elemento na gumagawa ng mga labag sa batas.
Bago pa man naitalagang OIC mayor si Cipriano ay nagkaroon ng isang labanan sa pagitan ng mga rebeldeng New
People’s Army (NPA) at mga kapulisan ng Sablayan. Noong ika-16 ng Setyembre,
1987 bandang alas dos ng hapon ng pinagtangkaang pasukin ng humigit-kumulang sa
30 mga NPA ang istasyon ng pulisya at gusaling pambayan na pinamumunuan ng isang “Ka Dexter”.
Tumagal ng halos trenta minutos ang palitan ng putok ngunit hindi nagawang pasukin ng mga rebelde ang gusali dahil sa kabayanihang ipinakita ng tatlong magigiting na mga pulis na hanggang sa huling sandali ay ipinagtanggol ang kanilang hanay. Sila ay sina PFC Bienvenido Pacifico, Patrolman Revadilo Dapito at Patrolman Avelino Tendido. Tarantang umatras ang mga armadong komunista na hindi natuloy ang balak na pasukin ang istasyon at ang munisipyo.
Noong ika-24 ng Disyembre 1987, sumulat si OIC Mayor Mila Cipriano kay Col. Evaristo G. Cariño, Regional Commander ng Regional Command ng Philippine Constabulary (PC) na naka-base sa Camp Guillermo Nakar sa Lucena City upang irekomenda ang promosyon ng tatlong mga magigiting na alagad ng batas para ma-promote. Sabi ni Cipriano sa kanyang liham, “It is my deep honor and great pride therefore, to strongly recommend PFC Beinvenido D. Pacifico, Patrolmen Revadilo P. Dapito and Avelino G. Tendido for a spot and/or meritorious promotions to the next higher grade for a job well done.”
Sa panahon ng panunungkulan ni Cipriano bilang alkalde dinukot ang ingat-yaman ng Sablayan na si Lito Atienza na noon ay tatakbong mayor at lima pa niyang mga kasama. Ginimbal din ng marahas na pagsalakay ng mga pinaghihinalaang mga NPA ang Philippine Constabulary detachment kasabay ang patuloy na mga insidente ng patayan sa mga barangay, may kinalaman man o wala sa lumalakas na pagkilos noon ng mga rebelde o ng mga masasamang-loob.
Bago pa man ma-assign sa Sablayan si Cipriano ay magulo na noon ang bayan. Noon ay pinatay ang barangay captain ng Burgos na si Eusebio Lampa ng mga kalalakihang de-baril. Kuwento pa ni Cipriano, may mga panahong sa harapan ng munisipyo ay nakalatag ang mga taong nasawi sa enkuwentro sa pagitan ng mga armadong grupo at mga sundalo ng pamahalaan.
Upang maging handa ang mga pamayanan sa anumang krisis, gawa man ng tao o ng kalikasan, na tatama noon sa bayan ng Sablayan na madalas maranasan noon, naisipan OIC Mayor Capistrano na itatag noong ika-11 ng Enero 1988 ang isang Crisis Consultative Committee na binubuo nina Judge Gaspar T. Bercasio, OIC Vice-Mayor Mr. Nicolas Alfaro, Mrs. Florazel Frogoso, Mrs. Mila Villena, Mrs. Norma V. Ordenes, Father Luis Halasz, SVD, Mr. Jose Abeleda Jr., Rev. Daniel Bandong, Capt. Teodoro Azucena, Sgt. Beato Punzalan at Mr. Delfin Tria Jr. Si RTC Judge Gaspar Bercasio ang itinalaga niyang chairman ng Crisis Consultative Committee na tutugon sa mga panahon ng, ayon sa kanyang atas, “emergency or unforeseen event that may lead in a crisis of serious enough proportions to require group deliberation and decision.” Hindi naman kaila sa atin na noon, ang Sablayan ang sentro ng mga patayan at iba pang madudugong kaganapan sa lalawigan kaya nilikha ni Mayor Cipriano ang komiteng ito na talaga namang tumulong sa kanya para tugunan ang lumalalang problemang ito sa peace and order. Hindi pa kasama dito ang mga kalamidad tulad ng bagyo at mga pagbaha na madalas ding maganap doon.
Hindi natinag si Mila Cipriano sa sitwasyong ito at noong ngang ika-7 ng Pebrero ng sumunod na taon, isinalin ni Cipriano kay Mayor Mintu bilang bagong halal na alkade ang kapangyarihan at simula noon ay ganap nang pumailanlang sa kanyang bagong karera si Mayor Mintu at matapos ang ilang buwan ay umalis na rin si Cipriano sa Sablayan.
Limitado man ang kapangyarihang iginagawad ng batas sa mga lokal na opisyal na officers in-charge o OIC, hindi maitatatwa na dapat ay mapahalagahan at maisama rin sa kasaysayan ng bayang ito at makilala ang mga ginawa nito sa bayan at sa mga mamamayan noon. Ngunit may mga talaan na hindi siya isinama sa listahan ng mga nagdaang alkalde sa hindi malamang mga kadahilanan. Hindi naman dahil marahil sa kanilang pagiging OIC "lang" o pagiging babae "lang".
Maging sa Sablayan Museum ay walang larawang makikitang kumikilala sa dalawang babaeng naging OIC mayor ng bayan na si Gng. Milagros Cipriano at Dr. Susana Mangahas Diaz na number one councilor na naitalaga ring OIC mayor ng Sablayan noong 1998 dahil nag-file din noon ang kanyang certificate of candidacy si Mayor Mintu para sa posisyong vice-governor ng lalawigan kaya nabakante ang mayoralty position noon. Nanalo at naging vice-governor si Mayor Mintu noong taong iyon.
Noon at Ngayon
Bago naging kawani ng Department of Local Government and Community Development o DLGCD na nang lumaon ay naging Department of Local Government (DLG) na ngayon ay Department of the Interior and Local Government (DILG), taong 1970 nang siya ay nagturo sa San Jose National High School (SJNHS) na ngayon ay Occidental Mindoro State College na o OMSC. Nagsimula siyang magtrabaho sa DLGCD noong Oktubre 1974 at nagretiro sa edad ng 65 noong ika-28 ng Pebrero, 2014, na kanyang kaarawan. Naging Barangay Development Coordinator siya ng DLGCD sa San Jose, Occidental Mindoro, na-assign sa iba’t-ibang bayan ng Kanlurang Mindoro hanggang siya ay maging MLGOO ng bayan ng Magsaysay nailipat siya sa panlalawigang tanggapan sa Mamburao hanggang siya ay magretiro noong ngang 2014.
Tatlumpu’t-siyam na taong siyang nagtrabaho sa nasabing kagawaran.
Si Mila Cipriano na 72
anyos na ngayon ay ipinanganak sa Tibiao, Antique at nagtapos ng Bachelor of
Science in Mathematics Major in English sa Central Philippine University (CPU)
College of Social Science sa Iloilo City with 21 units in Education.
Nabalo siya sa edad na 25 ngunit naitaguyod niya nang maayos ang dalawa niyang
anak na lalake na ngayon ay may sari-sarili ng pamilya.
Sa kasalukuyan, siya ang dating pangulo ng Senior Citizens Association of Bagong Sikat (San Jose, Occidental Mindoro) at Federation Treasurer ng Senior Citizens Association. Aktibo din siyang Rotary Club- San Jose Tamaraw at siyang immediate past president nito sa panahon ni District Governor Liza Vicencio- Elorde.
Ngayon, bahagi ng kanyang adbokasiya ay ang pagpapalaganap ng mga katuruan ni John Calub na awtor ng aklat na The Abundance Factor at founder ng John Calub Training International (isang training and executive coaching company) and Success Mall (isang blockchain-powered e-commerce website para sa personal development).
Mataas na Pagkilala
Ika-22 ng Marso, 2021 kasabay ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan ay ginawaran ng Sablayan si Gng. Milagros Cipriano ng Highest Legislative Leadership Award na iniakda ni Vice-Mayor Walter “Bong” B. Marquez ng Bayan ng Sablayan na inisponsor ng mga konsehal na sina Salve U. de Vera, Mark Anthony O. Legaspi at Roberto C. Lim. Ang parangal ay pumaloob sa ika-84 na regular na sesyon ng Sangguniang Bayan. Ginanap ito sa Batasang Pambayan (Legislative Building) sa Barangay Buenavista, Sablayan.
Sa kanyang paunang salita, ibinahagi ni VM Bong ang mga mahahalagang pangyayari sa Sablayan noong termino ni Mayor Cipriano. Sa kanyang acceptance message, pinasalamatan niya ang buong Sanggunian at sinabing matatalino ang mga taga-Sablayan at maraming mga mamamayan ang tumulong sa kanya noon kaya niya naitawid nang maayos at matahimik ang kanyang pansamantalalang tungkulin bilang pansamantala ring alkalde sa bayang kanyang minahal at pinaglingkuran bilang meyor at bilang local government officer.
Maliban sa plake, tumanggap din ng bouquet at token of appreciation si Milagros Legaspi Gonzales-Cipriano, ang kauna-unahang babae at ika-16 na alkalde ng bayan ng Sablayan.
Naniniwala ang awtor at mga isponsor nito at ang buong Sangguniang Bayan na kahit pansamantala lang at sa limitadong kapasidad lang gumampan ng pagiging officers in charge ang mga babaeng alkalde na nabanggit, dapat na isama rin sila at kilalanin at matampok sa lokal na kasaysayan ng bayan na kahit papaano ay kanila rin namang napagsilbihan.