21st Century Occidental Mindoro.
Hindi ba malaking kalokohan na dahil lamang sa isang typo error ay magkakaroon na ng Power shutdown ang buong Occidental Mindoro?
Noong ika-23 ng Nobyembre 2022 ay sumulat ang Occidental Mindoro Consalidated Power Corporation (OMCPC), ang nag-iisang power provider sa lalawigan, sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at ipinapaalam na ang kanilang stock ng fuel ay hanggang Ika-25 lamang ng Nobyembre kaya magkakaroon ng pangkalahatang power shutdown.
Matatandaan na nag-file ng Motion for Clarification ang OMCPC sa ERC noong ika-29 ng Hulyo, 2022 hinggil sa typigraphical error sa fuel efficiency cap ng ERC Order ukol sa Provisional Authority ng MAPSA at Sablayan PSA. Ayon sa OMCPC, ang guaranteed fuel consumption rate ay 0.2800 liters/kWh dapat at hindi PhP 0.2800/kWh. Sa may typo error copy nawala lamang ang salitang “liters”.
Hindi ba't ang problema sa fuel ay problema na ng power supplier at HINDI ng electric cooperative, lalo na naman ng naming mga konsumidor? Kung palpak ang power purchase strategy nyo, bakit kami ang magsa-suffer?
Flashback tayo sa 17th Century England.
Noong 1631, sina Robert Barker at Martin Lucas ng England ay naglimbag ng King James Bible na naglalaman ng 783, 137 na mga salita na kinakitaan ng ISA lamang typo error. Dahil dito, sina Barker at Lucas ay pinagbayad ng £300 (milyong dolyar na ito ngayon.) ang kompanya at kinansela pa ang lisensya nito. Bakit? Kasi, ang nai-print sa ika-7 Commandment ay “Thou shalt commit adultery.” Nagpiyesta marahil ang mga mapang-apid na Kristiyano noon.
Ngayon, 11 sipi na lamang ang natitira at dahil sa tinawag itong Wicked Bible, karamihan sa mga ito ay sinunog na. Sa may typo error copy, nawala ang salitang “not”.
Wala pang inilalabas na anuman ang ERC (Energy Regulatory Committee) para itama ang print error na ito. Sabi ng OMCPC, kahit umano halos pilitin na nila, hindi pa rin sila binabayaran ng NPC (National Power Corporation). Muli, pag-aalarma na naman nila, kung hindi makakapag labas ng order ang ERC patungkol dito at hindi makakapag bayad ng subsidiya ang NPC, mapipilitan silang mag shutdown ng kanilang planta sa darating na Biyernes, ganap na 8:00 ng umaga.
Ang hindi ko maintindihan, ano ang batayan ng OMCPC na magpasya mag-isa na ihinto ang delivery ng contracted power sa OMECO na dahil lamang sa typo error sa pagtutukoy ng subsidiya sa UCME? Kung na-reverse nga ng ERC ang penalty na ginawad nila sa OMECO sa maling desisyon nila noon, sa simpleng typo error pa kaya? Big deal nga ba ito kagaya ng "Thou shall commit adultery" sa KJV bible noon? O sinexed up lang para ma-sure ang pagkamal ng subsidiya?
Sa ERC naman po, parang awa na ninyo, baguhin na ninyo ang typo error na yan para wala nang chechebureche. Yan kasing palagiang banta ng total shut down na yan ay kinarer na na parang kampilan ni Democles sa itaas ng aming leeg. Plesse po.
Kani-kanina lang, bilang kagyat na reaksyon sa pagbabanta ng shut down ng OMCPC, sumulat si Occidental Mindoro Rep. Leody “Odie” Tarriela kay Atty. Monalisa C. Dimalanta, chair ng ERC na agad linawin at itama nito ang numero sa kompyutasyon sa pagbabayad ng subsidiya. Kapuri-puri ang agarang aksyon na nito ng kongresista. Una, dahil sa pagpapakita ng bilis ng aksyon at kagagapan niya sa isyu, at ikalawa, sa paglalatag nito ng halimbawa na katukin ang tanggapang dapat na katukin. Maliban sa bansa, basta na lamang uupakan ang OMECO tuwing may brown out at kung wala naman ay mas tahimik pa sa Western Gront ni Erich Maria Remarque, sabi nga.
Lohika lang mga kapatid. Parehong applicants ang OMCPC at OMECO sa Power Supply Agreement (PSA) sa ERC pero bakit palagi na lang “inaambaan” ng OMCPC ng pamatay na “total shutdown” tayong mga MCO at ang EC? Tuwing magkakamali na lang ang ERC, tayo ang napagbubuntunan ng OMCPC. At kapag walang kuryente, onli OMECO tuloy ang nasisisi. Sa gitna ng mga kabulukan sa industriya ng kuryente sa bansa, mas lalong nararapat nating suhayan ang bandila ng kooperatiba, laban sa buhawi ng mga interes na nais lumukob dito. Igiit ang drastikong repormasyon sa mga 'di makataong pambansang patakaran sa industriya, at panawagang kalusin ang mga kurap sa mga ahensya ng power.
Banta nila: Iyo’t-iyon din. May typo error man o wala, iyo't-iyon din ang layon at kahulugan ng lahat: pera.
Bugbog sarado na naman ang paboritong pynching bag ng bayan nito.
(Note: The typographical error in the title and some words in this this article is intentional and designed to keep the interest of the readers going.)