Monday, February 22, 2010

Patintero sa EDSA


Nakapagtataka. Noong 1986 sa EDSA, milyong Pilipino ang humugos sa kalsada para magdasal pero bakit hanggang ngayon ay lugmok pa rin sa kahirapan ang ating bayan? Bakit wala pa ring direksyon ang ating buhay-lipunan? Hindi ba dininig ang mga panalanging iyon?

Noong tayo ay bata pa, walang nang sasaya pa sa paglalaro ng patintero sa liwanag ng buwan. At dahil diyan, ito ang una kong personal na dasal na natutunan, kung ito man ay maituturing na isang sinasambit na panalangin : “P’wera tabis, sulod dayon!”

Dasal nga ba ang mga naising katulad nito? Kagaya halimbawa ng mga katagang ito ng mga sugarol sa Las Vegas bago nila ihagis ang dice sa kuyom sa palad : “ Give me a five, to keep me alive!” Oo, hindi ito kabilang sa mga dasal na itunuro sa amin noon ni Ateng Cordia, ang guro namin sa Katekesis (na Religion pa noon ang tawag namin) sa Mababang Paaralang ng Bubog. Pero talaga, para sa akin noon, ang aking bawat “P’wera tabis, sulod dayon” ay isang hiling, isang petisyon, isang panalangin.

Medyo chubby kasi tayo noong tayo ay bata pa at dahil dito ay may kabagalan tayong kumilos. Alam ko na sa aking bawat pagtatangka na pumasok sa loob ng alinman sa apat na parisukat na mga guhit sa lupa,- ang arena sa larong patintero, mas lamang na ako ay matataya dahil nga sa aking pagiging mataba, mabagal o pisikal na kahinaan. Bagama’t alam ko ang kahinaan kong ito, walang sinuman sa aking mga kalaro ang makapipigil sa aking pagsali sa larong patintero.

Sabihin na ninyo hindi tunay na dasal ang aking “P’wera tabis, sulod dayon”, pero alam ko na sa kabila ng aking pisikal na kahinaang ito, may isang puwersang hindi nakikita na tutulong sa akin, sa aking bawat hiling, sa bawat panahon kanyang nanaisin. Basta ang alam ko noon, nagtatakda ako ng isang komplementaryong ugnayan sa isang kung ano na nakakaalam ng lahat ng bagay. Alam ko na bago pa man ako matutong maglaro ng patintero, bago pa man ako pumasok sa klase ni Ateng Cordia, bago pa man ako unang magsimba sa misa ng Amerkanong pari na namimigay ng skimmed milk bago mag-uwian, una nang sinabi ng aking mga magulang na may tinatawag na Diyos na takbuhan natin sa lahat ng bagay. Ayon kay Nanay, ang panalangin ay hindi lamang ginagawa upang makamtan ang ninanais, makamit ang resulta ng bawat kahilingan. Mabuti kung tutugunin niya ang iyong mga kahilingan at kung hindi naman ay binibigyan ka niya ng sapat na panahon upang muling suriin ang iyong sarili, sabi ko nga kanina,- kilalanin ang ating mga kahinaan. At malay natin, hindi pala siya ang solusyon kundi tayo mismo!

Pero ang pagdarasal daw ay hindi lamang pakikipag-usap o pakikipagtalastasan. Ito rin ay panawagan sa isang pansariling pagbabago. Tayo ay nananalangin upang tayo ay maging isang bagong tao, naiibang tao at isang hindi basta-bastang tao. Isang alagad na kumikilala at umuunawa sa kanyang mga plano at kapasyahan, pagbigyan man niya tayo o hindi sa ating mga kahilingan sa ating bawat panalangin. Kung ang pagdarasal ay para sa pagbabago ng ating pagkatao, mula sa mga pansariling kahilingan ay dapat na umiigpaw ito sa lipunan. Sapagkat ang isang hindi basta-bastang tao ay nananalangin at kumikilos hindi lamang para sa pansariling kaligtasan kundi maging sa kaligtasan ng kapwa at ng lipunang kanyang ginagalawan. Kumbaga sa anyong tubig, kung ang mga personal at pampamayanang mga panalangin ay mga ilog at lawa o may pakinabang na tulad ng mga ilog at lawa, dapat ang lahat ng mga ito ay mauuwi sa dagat,- dagat na nagpapahayag ng kanyang pag-ibig at dagat na nagtatatag ng kanyang kaharian. Kung ang diwa ng EDSA sa isang panig ay isa lamang pabalat-bungang pagbabago na ginawang tuntungan ng ilan sa pagsasamantala sa pulitika, ito rin sa hinaharap ay inaasahang maging diwa na magtutulak sa atin sa pagtatatag ng isang lipunang mapayapa at makatarungan. Ito rin ang diwang magtutulak sa ating huwag iboto ang mga sakim sa kapangyarihan sa eleksiyong lokal. Saang barangay man sila nagmula.

Tayo rin ay nananalangin upang maging isang bagong bansa, naiibang bansa at hindi basta-bastang bansa bagama't hindi perpekto. Kagaya sa larong patintero (at maging sa unang EDSA), tumutugon siya hindi lamang sa paraang kagyat, radikal, mapaghimala o dramatiko,- sa mga penomenal na lundag, ilag, iwas, preno at takbo o mapangkumbinsing panalo, kundi tahimik na katulad ng isang dalisay na panalangin, sa unti-unti, dahan-dahan, simple at madalas na hindi napapansing mga hakbang. Saan o kailan man ito ginawa.

Katulad ng mga unang hakbang ng isang musmos sa andador na gawa sa yantok Mindoro…

--------
(Photo from Anngaleon.blogspot.com)

No comments:

Post a Comment