Thursday, June 9, 2011

Che at Rizal


Una ay ang pag-amin na ang isang picture profile dito sa Facebook (na kilala ninyo tiyak kung sino) ang nagtulak sa aking isulat ito. Kabilang ang kuwento ng isang kaibigan na halos mamatay daw siya sa katatawa nang makita niya ang isang kakilala niyang CAFGU na naka-suot ng t-shirt na may mukha ni Che Guevara sa harapan. Alam kaya ng mamang may baril na ito kung kaninong mukha ang tila ibina-bandila niya? Hindi ba niya alam na martir at idolo si Che ng mga Sosyalista (Komunista) kagaya ng CPP-NPA-NDF? O baka naman hindi lang ang ating lonely para-military. Baka pati ang mga kabataang nagsusuot ng anumang kagamitan,- bag, sando, pitaka, sombrero, at iba pa, na may mukha ni Che ay hindi siya kilala. Isa lang ang tiyak ko, ang Che na ating nakikita ngayon sa mga kagamitang iyon ay HINDI ang Che sa tunay na buhay.

Mula kay Ernesto “Che” Guevara, sa susunod na Linggo nga pala, Hunyo 19, ay magarbong ipagdiriwang ng bansa ang ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal kaya hayaan ninyong iugnay ko kay Che ang ating pambansang bayani sa sulating ito. Ito ang ikalawang bagay na nagtulak sa akin.

Wala rin itong ipinagkaiba sa mga kumakalat na larawan ni Jose Rizal sa internet, mga babasahin at maging sa mga kagamitan ating binibili at isinusuot. Akala marahil natin, sa pagsusuot lamang nang mga ito ay maaari na rin nating maipakita na tayo ay kanyang mga taga-sunod, na naniniwala tayo sa kanya, na tayo ay makabayan na. Kahit suotan natin siya ng Ray-Ban at pagdamitin ng parang hip-hop upang maka-angkop at mapag-balingan ng atensyon ng ating mga kabataan at ng modernong panahon. Hindi ganap o tunay na Rizal ang ating makikita at masasalamin.

Ano ba ang parehong meron si Che at si Rizal? Sa palagay ko, kung nabubuhay lamang sila ay hindi rin nila magugustuhan ang mga pagtatampok nang labis at nahahaluan na nang labis na exposure na sagad sa komersyalismo at overly showbiz ang kanilang pagkatao. Ang pagdakila at pagkilala sa dalawa ay hindi lamang sa pagsali sa mga concert at rakrakang ibinabandila ang kanilang larawan, talambuhay, pangarap at adhikain. Ang higit na mahalagang diwa nito ay ang batid nating sina Rizal at Che ay PINATAY ng mga kaaway ng kalayaan, katarungan, kapayapaan at pag-ibig sa bayan at paniniwala. Dumaan sila sa lupit ng mga kampon ng kasakiman, pagmamalabis at panunupil. Kapwa sila kaaway ng pamahalaan, ng gobyerno.

Ang tunay o “essensiyal” na Rizal at Che na dapat na ibahagi sa atin ng mga kinauukulan at ng kasaysayan ay ito : gumawa ka nang isang bagay para sa iyong bansa at sa ‘sangkatauhan na maglalagay sa iyong buhay sa alanganin at pagbuwisan nito kung kinakailangan.

Ang mga tunay na kabayanihan ay pagsuong sa panganib para sa makatao o/at maka-Diyos na layunin. Hindi tayo maaring maging bayani kung ang gusto lang nating gawin ay yaong mga bagay na hindi natin itinataya ang ating buhay. Hindi lahat tayo ay maaring maging bayani sapagkat kakaunti at pili lamang ang maaaring dumating sa ganitong katayuan. Sabi nga ng iba, aksidente rin daw madalas ang pagiging bayani kagaya sa pelikulang “Hero” ni Dustin Hoffman. Huwag rin tayong magkakamali na ang “pagiging bayani” at “pagiging mabuting mamamayan” ay iisa. Halimbawa, ang pag sunod sa batas trapiko, para sa akin, ay pagiging mabuting mamamayan at hindi kabayanihan. Maging ang pagtatapon ng basura sa tamang lugar. Walang extra ordinary doon para sa isang law-abiding citizen. Bagama't aaminin ko na mahalagang sangkap ang huli sa pagsasakatuparan ng una.

Pero ano ang nangyari sa ala-ala ni Che? Si Che na simbolo sa marami ng kalayaan at rebolusyon ay ginawang instant pop icon of fashion and marketing na, maaring mali ako, labag sa kanyang paniniwala at personal conviction. Bunga nito, tunay na naka-pasok na ang kapitalismo maging sa kaliit-liitang himaymay ng tunay na imahe ni Che Guevara. At kay Rizal ay wala na tayong dapat ipagtaka. Si Che ay isang rebolusyunaryo samantalang repormista naman si Rizal na bukas sa ideya ng kapitalismo. Hindi ba't inayawan ni Rizal ang alok na pamunuan niya ang rebolusyon?

Siyanga pala, bagama’t hindi pareho ng pamamaraan at idolohiya, sina Che at Rizal ay parehong duktor ng medisina. Na kapwa manggagamot at seruhano rin pala ng sakit ng lipunan….

-----
(Photos : GoogleImages)

No comments:

Post a Comment