Monday, August 22, 2011
Angkas
Sino ang hindi matutuwa kapag tayo ay nakakakita ng ministrong layko sa Eukaristiya na naka-sakay sa kanyang motorsiklo, angkas ang mga anak patungong kapilya ng kanilang pamayanan upang manguna sa liturhiya? Napapanahon nga ang salitang “angkas” sa paglalarawan ng pagkilos ng mga laykong ito ng ating Simbahang lokal dito sa Kanlurang Mindoro.
Noong Sabado, ika-20 ng Agosto ay naanyayahan ako ng mga Lay Minister of the Eucharist o LME ng Parokya ni San Jose, ang Manggagawa, sa Katedral sa kanilang regular na pulong upang magtalakay ng isang paksang may kinalaman sa Panlipunang Turo ng Simbahan sa konteksto ng mga panlipunang kaganapan ngayon sa bansa. Naging katuwang ko sa pagbabahagi ang isa ring lider-layko ng parokya sa katauhan ni Dra. Myrna G. Zapanta, MD na siyang tserperson ng Komite sa Pagsamba ng ating Konseho Pastoral o PPC. Ang okasyon na ito ng paghuhubog ay nagsilbing pakiki-“angkas” namin sa paglalakbay ng ating mga boluntaryo ngunit masisigasig at tapat na LME, datapwa’t katulad nating lahat na nagsisikap na maging seryosong ka-manlalakbay ng Simbahan at pananampalataya. Sa pagtupad ng misyon ni Kristo.
“Angkas”. Ito ang ating itatampok sa ikalawang sulatin sa blog na ito sa diwa ng Buwan ng Wika. At noong taong 2006, ang Diyosesis ng Catarman (Samar) at ang Sacred Heart Institute for Transformation (SHIFT) Foundation ay nagpa-limbag ng isang sangguniang manwal para sa kanilang pagdiriwang noon ng Taon ng Panlipunang Pakikisangkot at tinawag din nila itong “AngKaS” o “Ang Katekismong Samarnon”. Sa paunang salita ng manwal, ayon kay Sr. Lydia Collado, RSCJ na siyang Tagapamahala ng Programa ng SHIFT, “The Church is in the same situation, moving with its people. While the main core of its teaching, the Magesterium, remains basically unchanged, other elements of this doctrine, like its social teachings, adapt to the changing world…” Salamat sa paanyaya at higit sa lahat sa tiwala ng mga LME ng San Jose na sina Jess Dejesa, Sonny Tanteo, Manuel “Boy” Ramos, Emil Bihag, Pedong Pablo, Benedicto Syquio, Rey San Jose, Tirso Espiritu at iba pa na nakasama ko noong isang Sabado.
Sa wikang Filipino, ang depinisyon o kahulugan ng salitang “angkas” bilang pandiwa (verb) ay maaaring “sumakay sa sasakyan (panlupa man o pandagat) na may kasama upang maglakbay". O maaari rin namang ito ay “sumakay upang maging kasama sa pagbibiyahe o ka-lakbay”. O sa kolokyal, simpleng maki-”hitch-ride” o “maki-sakay” lang kumbaga. Bilang pangngalan (noun) ang “angkas” ay isang tao na gustong marating ang kanyang destinasyon at sumakay sa anumang sasakyan anuman ang kondisyon kahit may anumang balakid sa kalsada o daraanan. Maaari ring ang “angkas” ay isang taong may lubos na tiwala sa nagmamaneho at siyang nangunguna sa paglalakbay, samakatuwid, isa siyang seryosong kasama sa misyon at paglalayag. Ang “angkas” ay maaari ring tao na gumagalaw at kumikilos, lumilipat ng lugar na naglalayong maka-sumpong ng kahulugan ng buhay at upang mabuhay. Katulad nang marami nating mga OFW sa iba’t-ibang panig ng daigdig.
Masarap din pala ang paminsan-minsan ay nakiki-“angkas” lang sa gawain ng iba. Mahirap rin ang palagian ikaw na lang ang nagmamaneho ng sasakyan. Mas mabuti na ang ganito na tumutulong na lang sa pagsagwan sa mga maliliit na bangka at ihagis ang aking gulanit ngunit pinipilit na hayumahing lambat kahit man lang sa kababawan. Kaysa naman sa magpatianod na lamang sa laot ng kawalang-katwiran at pagwawalang-bahala lalo na ang sumagwan nang pasalungat, salisi at lihis.
Lalo na kung ang kapitan at mga punong mamamalakaya ay masyadong abala sa ibang bagay na ‘di naman talaga mai-kakaila na nakahuhuli rin naman nang maraming tao…
-------
(Photo from : Motorcycles Asia.Net)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment