“Perlas ng Silangan” ang pinaka-kilalang bansag sa Pilipinas.
“P-Noy” naman ang bansag sa ating kasalukuyang pangulo ng bansa. Ang bansag ay ang katawagan, sagisag, palayaw (ngunit kung minsan, may mga taong dinudugtungan ng bansag ang palayaw) sa isang tao, lugar o bansa. Ito ay mga pangalan o salitang naglalarawan, pandiwa man o pang-uri, na kadalasang idinudugtong sa pangalan o palayaw ng isang tao. Tao lamang ang ating tutumbukin sa sulating ito at hindi ang sa mga lugar o bansa. Pero hindi bansag o pagbabansag sa lahat ng tao ang nais kong ibahagi. Isasaisang-tabi natin kung bakit ang bansag kay Ernesto Guevarra ng Cuba at Argentina ay
“Che” at
“Agapito Bagumbayan” naman si Andres Bonifacio. Sa palagay ko, walang sinumang makakabasa ng
blog entry na ito na tunay nakaharap at nakausap ang dalawang rebolusyunaryong aking nabanggit. Ang bansag sa taong ating tatalakayin ay tungkol sa mga tunay na tao na sa anumang paraan ay naging bahagi ng ating buhay-pamayanan. Maaaring sila ay mga kaibigan natin, kamag-aral, kamag-anak o mga kakilala man lang.
Hindi lamang ang mga taong binigyan ng bansag ang dapat tuunan ng pansin kundi kung papaano nagkakabansag ang isang tao at kung ano ang layunin ng sinumang nagbansag sa kanya. Una, ang pagbabansag ay ginagawa sa isang tao hindi lamang upang atin silang matandaan o matukoy kundi kadalasan ay may kakambal din itong katuwaan o katatawanan. Ang bansag at pagbabansag, kagaya ng karapatang pantao, ay unibersal. Wala itong pinipiling lahi, paniniwala, idolohiya, relihiyon, kredo, kasarian, tayo sa lipunan, edad at iba pang pagkakaiba ng tao. Ang bansag, kagaya ng mga balita sa pahayagan, ay nagdudulot din ng galak at inis sa mga pinatutungkulan at pinagmumulan ng bansag. Ang alam ko lang, ang pagbabansag ay bahagi ng kapwa pagiging masayahin at malungkuting buhay ng mga Pilipino.
Ikinakabit natin ang bansag sa mga taong may magkaparehong pangalan sa ating mga ginagalawang pook at lugar upang sila ay maiba sa isa’t-isa. Karaniwan ay ikinakabit ito sa pangalan ng kanilang nanay, tatay o asawa. Halimbawa,
“Nestor ni Berang” at
“Nestor ni Naty”. “Omar ni Ely” (asawa) at
“Omar ni Resty” (tatay). Kagaya ng "
Rico Punong Singer" at "
Rico Puno ng DILG".
Isang uri din ng pagbabansag ang pagdudugtong ng lugar na sinilangan, kung saan siya lumaki o nakatira. Halimbawa sa Oriental Mindoro ay may
“Macario Bulalacao”,
“Marco Mansalay” at
“Mar Roxas” (biro lang po, Tita Koring!). Pwede ring mabansagan ang isang tao sa pamamagitan ng mga salitang may kaugnayan sa kanyang trabaho katulad ng
“Goriong Kartero” at
“Paco Tubo” na isang tubero. O kaya naman ay mula sa mga bagay na prominenteng siya ay naroon. Kagaya ng isang komentarista sa radio at pahayagan na may programa at kolum na ang pamagat ay
“Pwera Usog” kaya siya ay binasagang
“Jimmy Usog”. Bansag na ginamit din niya sa kanyang pagtakbo sa pulitika. Ang mga bansag nga pala, ibig ko lang ipaalala, ay magagamit din nila sa darating na Oktubre 1 hanggang 5. Tinatawag rin nga pala sa bansag ang mga ordinaryong botante para sa kanilang personal na pagkaka-ugnay.
May mga sangkap din ang bansag at pagbabansag ng tila may tunog na pang-uuyam o pang-iinsulto sa itsura at manerismo ng isang tao. Kaya naman naririyan sin
“Boy Pilig” at
“Tacio Bakpak” (na isang kuba). Isama mo pa si
“Peryong Bingot” at
“Maria Puting Kilay”.
May mga bansag din na may mga kuwento ng mga pangyayari at kaganapan ng kapalpakan at katatawanan ang nasa likod. Sa amin, may isang maninisid ng isda na sa gitna ng kanilang kainuman ay napansing may bakas ng kagat sa leeg. Nang tanungin siya ng kanyang mga ka-toma kung ano ang nakasugat dito, sinabi niya na kinagat daw siya ng pakul (isang uri ng isdang bato). Pero ang totoo pala, nang minsang mag-away sila ni Misis, kinagat siya nito. Mula noon, siya ay naging si
“Totoy Pakul”!
Sabi ko kanina, ang bansag at pagbabansag ay walang pinipiling edad. Noong tayo ay nasa elementarya pa lang, ay binabansagan at nagbabansag na tayo ng mga salitang katunog lang ng ating mga pangalan o palayaw kahit na wala itong ga-katiting na kaugnayan sa atin katulad ng
“Lhot Balut” at
“Jhong Mahjong”. Pero mayroon din naming halaw sa isang katawa-tawang pangyayari sa loob ng iskul. Halimbawa dito si
“Karinang Bugrit”. Isang araw sa loob ng klase, habang ang kanyang mga ka-klase ay naka-tayo na para mag-reses, si Karina ay nanatiling naka-upo, magkadais ang mga hita at pinagpapawisan ng malapot. Bigla na lamang nagtakbuhan ang iba pang mga bata papalabas ng silid at hawak ang mga ilong!
Itong si Karina ay may kamag-aral na Jaime ang pangalan. May kapilyuhan ang batang lalake at isang araw, ewan kung anong kagaguhan ang pumasok sa kanyang kukote, nilagyan niya ng thumbtacks ang upuan ni Ma’am. Dahil nga pilyo asar sa kanya ang lahat at siya ay inginuso ng mga ito. Ang parusa sa kanya ay maghapon siyang pinalinis ng kubeta ng prinsipal. Mula noon, tinawag na siyang
“Jaime Inidoro”.
Pero sa atin, hindi layunin ng bansag at pagbabansag ang makasakit ng kalooban o pagtawanan ang mga kapintasan at kapalpakan ng mga tinutukoy na tao. Kundi sa pagpapakita ng lambing kundi man pagmamahal at pagsinta, pagiging tunay na kaibigan at kakilala at pagiging malapit sa isa’t-isa. Halimbawa, matapos ang tatlong dekada, sa kanilang
alumni homecoming, nagkita sa wakas sina Jaime at Karina. Sabi ni Jaime kay Karina, “
Oy, Bugrit, lkumusta ka na?” Sagot naman ng ale, “
Mabuti naman Inidoro. Salamat kahit bagay tayo ay hindi tayo ang nagkatuluyan!”
Ang bansag, lalo na ang pagbabansag ng mga kilalang tao sa kanyang sarili ay isa ring paraan upang mapagtakpan ang maraming kahinaan na hindi o ayaw niyang baguhin. Kaya si Pepe na isang lalaking ubod ng pangit hindi lang ang anyo pero pati ang ugali ay gustung-gustong tawaging
“Pepe Pogi” ng kanyang mga tauhan. Kagaya ng komedyanteng si
"Don Pepot" na mula sa Pepot ay nilagyan niya ng
"Don". Sa isang panayam sa kanya noon, sinabi niya ang dahilan nito. Sa kanya umanong dekada ng pag-aartista ay hindi siya yumaman kaya niya idinagdag ang salitang
"Don" at kahit man lang daw sa pangalan ay yumaman siya.
Bago tayo magtapos, mabuting sabihin na ang bansag sa bansang ito ay bunga ng pakikipag-ugnayan at pakikipag-kaibigan, pagpapahalaga at pagtanggap. Isa ito sa iilang mga bagay na kusang ibinibigay at kusa rin nating tinatanggap. Isa pa, ang bansag ay maaaring manatili o maglaho depende sa mga tao at lugar na kanyang kaulayaw at ginagalawan sa kasalukuyan.
Ang mahalaga ay ang pagkakaroon nating lahat ng kamalayan na hindi lang sa bansag nakikilala ang tunay na pagkatao ng isang tao kundi sa ating karakter, legasiya, reputasyon at dangal na nakakabit sa ating palayaw at pangalan…
-------
(Paunawa: Bago nga pala ako maakusahan ng
Sotto-copying, ang mga pangunahing punto dito ay halaw ko sa sulating "A.K.A" na sinulat ni Marco J. Guerrero, na lumabas sa pang-Hunyong edisyon (pp. 42-43)noong 1997 ng
Blue Collar Magazine.)
----------
(Photo : IPAO File)