Friday, January 18, 2013

Edukasyon at Pilosopiya



Ang buong akala ko noong bago ko damputin ang isang munting aklat sa loob ng aming opisina na may pamagat na “The Gift of Presidency” ay tungkol ito kay Gloria Macapagal-Arroyo o kaya ay kay Joseph Estrada o maaring kay Benigno S. Aquino III. Nahimasmasan lang ako nang makita ko ang logo ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa back cover nito. Lalo akong naintriga kaya binaliktad ko ang aklat at doon mo makikita ang cover design naglalarawan ng isang bakanteng presidential chair at sa ibabaw ng upuan ay may nakadapong puting kalapati na may kagat-kagat na dahon ng olibo. Sa bandang ibaba sa gawing kanan ay makikita ang pangalan ng may-akda, isang Virgilio A. Rivas. Si Rivas pala ayon sa aking nabasa ay kasalukuyang direktor ng Institute of Social History at ng Research Institute for Politics ng nabanggit na pamantasan.

At nang mapagtanto ko na ito ay hindi pala tungkol kay GMA, kay Erap, o kay P-Noy ay lalo akong naging intresado kaya agad kong inayos ang aking antipara at pinalakad ang mga daliri sa mga unang pahina nito sabi nga, to satisfy my curiosity. Hindi ninyo naitatanong, kahit madalas ay hindi ko maunawaan at hirap talaga akong intindihin, nakahiligan ko na ang magbasa ng mga aklat tungkol sa pilosopiya mula nang iuwi ng aking panganay ang laksan niyang mga aklat dito nang lumabas siya sa seminaryo noong isang taon. Siya ang nagpapaliwanag sa akin sa mga bagay na ‘di ko malirip ukol sa dati niyang kurso. Guro nga rin pala ng Pilosopiya sa PUP ang awtor, bago ko makalimutan. Ang aklat ay inilambag noong 2010 ng Office of the Vice President for Research, Extension, and Development at Institute for Social History and Research Institute for Economics and Politics ng PUP sa Sta. Mesa.

“Mapanlikhang pag-uugnay at paglalahad sa pamamagitan ng mga personal na karanasang salalayan  ang mga dimensiyong pulitikal, panlipunan at pilosopikal.” Sa mga katagang ito ko nilalagom ang prosa ni Rivas. Binubuo ng pitong kabanata ang kulay maroon na aklat. Bagamat sentro ng bawat paksa ang presidensiya ni Dr. Dante G. Guevarra sa PUP noon, hindi ito maituturing na isang tahasang bayograpi. Sangkap nito ang mga palitang pananaw ng may-akda at ni Dr. Guevarra at pagbabanggit ng mga iba pang personahe, kagaya ng komedyanteng si Tado, at ilang mga anekdota at talang pang-kasaysayan na siksik, liglig at umaapaw sa dagdag kaalamang anything under the sun, wika nga. Malaking ambag ang aklat hindi lamang sa mga estudyante o alumnus ng PUP kundi pati na rin sa iba pang ibig tumuklas ng kasaysayan ng pag-unlad ng isang paaralang  nagtataguyod ng prinsipyo ng pampublikong edukasyon sa bansa. Kabilang na ang mga tulad kong intresado sa ‘di pormal na pag-aaral ng pulitika, lipunan, lalung-lalo na ang pilosopiya, na gradweyt lamang sa isang kolehiyong promdi at wala sa hanay ng akedemiya.

Bagama’t ga-patak lang ng hamog ng aklat sa pilosopiya kumpara sa dagat ng mga nailimbag na tungkol dito ang tanging nabasa ko, maihahanay ko sa kategorya ng “Sophie’s World” ni  Jostein Gaarder ang “The Gift of Presidency” ni Rivas. Ito ay dahil sa pamamaraan ng parehong may-akda na nagpapagaan sa paglalahad at paghahabi para sa mga karaniwang mamamayan ay intellectually heavy na paksang nabanggit. Sa aking palagay, kung ang mga aklat na katulad nito ang pagka-bahig ay maisasalin sa wikang malapit sa puso ng masa, sa wikang Filipino, magiging higit itong makatutulong sa layuning palaganapin ang kaalaman sa pilosopiya ng mga Pilipino. Hindi ba’t ang nobela ni Gaarder na orihinal na nasusulat sa wikang Norwegian ay naisalin 53 iba’t-ibang mga lenguwahe sa mundo? Ang problema, matumal ang produksyon ng mga sulating ganito (o kumukuha ng kursong ito) na tuma-target sa mga karaniwang mamamayang labas sa akedemiya na tulad ko. Gamit ang mga  popular na midyum tulad nito. Sa pamamagitan ng mga akdang ganito ay unti-unti tayong iigpaw sa negatibong konotasyon ng kulturang Pinoy sa salitang “pilosopo” at “pamimilosopo”. Hanggat hindi natutong “mamilosopo” ang masa sa istriktong kahulugan ng salitang ito, mahihirapan tayong umunlad bilang isang bansa.

Sa Epilog ng aklat ay ikinintal ni Rivas na ang PUP ay “bastion of social justice” sa pamamagitan ng paunang paglalatag na mga philosophical foundation of giving na ayon sa kanya, ang unibersidad ay may buhay na kultura nito. Ang PUP, sa matuling sabi ay isang kanlugan ng katarungang panlipunan. Ito ay kung paniniwalaan natin si Rivas.

Sa mga hindi nakababatid, dito po sa Sablayan ay may kampus na ng PUP na matatagpuan Brgy. Buenavista na may lawak ng 3.3 ektarya. Ito ang kauna-unahang unibersidad sa lalawigan at malaking bahagdan ng mga mag-aaral dito ay mga anak ng masa. Mga mangingisda, magsasaka kabilang ang mga katutubong Mangyan. Batay sa Socio Economic Profile ng 265 na mga estudyante sa isang random survey na ginawa noong 2012, 67% ng mga pamilya ng mga mag-aaral ay kumikita lamang ng mababa pa sa P 7,000 kada buwan. Kabilang sila sa masang nagnanais na makakamit ng kalidad at murang edukasyon ang kanilang mga anak. Masang sumasalig sa edukasyong abot-kaya bilang kanilang tanging pag-asa upang maka-ahon.

Sa aking tingin, kapwa ang edukasyon at pilosopiya ay may tungkuling tulungan ang tao na masagot ng maayos at makabuluhan ang mga pangunahing suliranin ng buhay…

--------
(Photo : Let's Adventure to Mindoro! Blogspot)

No comments:

Post a Comment