Tuesday, March 19, 2013

Si Hagedorn sa San Jose



Dumalaw sa San Jose noong Biyernes, ika-15 ng Marso, 2013, ang Alkalde ng Lunsod ng Puerto Princesa sa Palawan na kasalukuyang tumatakbo sa pagka-senador na si Edward S. Hagedorn. Si Mayor Hagedorn ay kilalang kampeon ng kalikasan.

Ito ang kanyang ikalawang pagbisita sa naturang bayan. Balita ko, halos sampung taon na ang nakalilipas, naging panauhing pandangal namin sa siya sa aming Reunion ng Batch ’78 ng San Jose National Highschool (SJNHS). Hindi ako umattend noon. Mabuti na lang. Hindi ko na ikukuwento kung bakit.

Direkta mula sa paliparan, inumpisahan ni Hagedorn ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng pakikipag-daupang palad sa mga manininda at mamimili sa Pamilihang Bayan ng San Jose kung saan siya ay pinagkaguluhan na parang artista. Gumawi din siya sa Brgy. Caminawit kung saan ay kinapulong niya ang samahan ng mga kababaihan doon na karamihan sa mga kasapi ay kabilang sa mga mangingisdang taga-Kanlurang Mindoro ngunit lumalaot sa Palawan. Ayon sa ulat, namahagi ng pinansiyal na ayuda ang nag-iisang kandidato para sa senado mula sa rehiyon MIMAROPA sa mga pamilyang nabanggit. Syempre pa, pinalibutan siya ng mga lokal na pulitikong nagkasa sa mga paghahanda para sa campaign sortie niya rito. Halos lahat  sa kanila ay mula sa Liberal Party (LP) ngunit tahasang nagpahayag ng kanilang suporta sa nasabing independent senatorial candidate. Nakalimutan ko, hindi nga pala bawal sa Pilipinong pulitiko ang sumuporta sa mga hindi niya ka-partido basta hindi maapektuhan ang sarili niyang kampanya. Maliwanag na may mga laglagan ding nangyayari.  Pero kung pasok sa kanila si Hagedorn, sino sa Team P-Noy ang kanilang ilalaglag? Nagtatanong lang po.

Isinagawa rin ang isang palatuntunan sa Occidental Mindoro State College (OMSC) Labangan Campus Gymnasium at panayam sa isang lokal na radyo na hindi ko man banggitin pa ay mahuhulaan na ninyo kung saan. Sa harap ng mga mag-aaral, mga organisadong grupo sa lalawigan at ilang lider pulitiko, inilatag ni Hagedorn ay kanyang mga adbokasiya at plataporma. Una, isusulong daw niya ang panukalang pagpapalawig ng termino ng mga pinunong lokal sapagkat ayon sa kanya, napaka-igsi ng tatlong taon sa panunugkulan ng isang halal na pinuno.

Aniya, kadalasan ay kinukulang sa panahon ang mga lokal na lider para sa mga proyekto at programa. Sa pagkakaroon kaagad ng halalan matapos ang lamang ang tatlong taon ay pagsasayang lamang ng salapi ng bayan na maaari umanong ilaan sa mga serbisyo at pagawain. Binanggit din niya na ang maikling panahong ito ang lalo pang nagpapatindi ng lumalalim na tunggalian ng mga lokal na pulitiko sa bansa. Ngunit sa kabila nito, dapat rin umanong magkaroon ng batas na siyang kukontrol sa mga abusadong lider kagaya ng pagpapabilis sa mga prosesong nagtatadhana ng pagpapatalsik sa mga ito, kagaya ng proseso ng recall na sinusuhayan naman ng Local Government Code. Hindi ako palo sa term extension at wala akong tiwala sa mga safety-safety nets o control mechanisms na ‘yan na mga pambansang mambabatas na may mga kamag-anak sa posisyong lokal ang siyang inaasahang magpapatibay. Hindi kaya lalangawin lang na parang tumpok ng nabubulok na dilis sa palengke ang gagawing mga inisyatiba para dito?

Tututukan din niya, ayon sa kanyang talumpati, ang edukasyon at kabuhayan. Ibinida ni Hagedorn ang pagpapatayo nila ng sabay-sabay ng 500 mga silid-aralan sa kanyang lunsod bilang alkalde at ang pagbibigay ng kabuhayan sa pamamagitan ng pag-uugnay ng pamahalaan at mga samahang masa sa pangunahing industriya ng sustinableng turismo sa Puerto Princesa.

Ang boto nga ba para kay Hagedorn ay boto para sa kalikasan? Oo raw. Naniniwala ako na isa sa pumpon o bunton ng mga batas sa bansa na parang mga nabubulok nang tumpok ng dilis sa palengke na hindi nai-implementa ay ang mga batas pangkalikasan. Mayroon na nga tayong tinatawag na Writ of Kalikasan pero bakit kagaya ng House Bill 3413, wala yatang mambabatas na balak seryosohin ito sa pamamagitan ng pag-aproba ng mga enabling law? Kilalang maka-kalikasan si Hagedorn kung kaya naman sa panayam sa radyo ay tinalakay niya ang kanyang posisyon kontra sa pagmimina at iba pang mga extractive industries bagama’t hidi niya lantarang tinukoy ang tungkol sa amba ng Mindoro Nickel Project (MNP) sa ating lalawigan.

Simple lang ang aking pahimakas. Kilalang kampeon ng kalikasan si Hagedorn. Sana gayundin ang kanyang mga pinakamalapit na ugnay sa Occidental Mindoro. Sana ay ma-ampyasan man lang sila ng paninidigan niyang ito kontra sa mga agresibong industriya laban sa kalikasan…

--------
(Photo: www.lexpress.fr)

2 comments:

  1. We'll see if he will win. hahaha #ProudPalawenian

    ReplyDelete
  2. Thanks Julian for the comment. I care not if Hagedorn makes it or not to the senate as long as he would continue his noble cause for the environment even in other areas of public service. Thanks for dropping by.

    ReplyDelete