Sa
ika-7 ng Setyembre raw ngayong taon ipapalabas na sa mga sinehan ng SM dito
sa Pilipinas ang indie film na
pinamagatang “Lihis” na tumatalakay sa dalawang lalaking kasapi ng New People’s
Army (NPA) na umibig sa isa’t-isa. Hindi ko alam pero kung sa Rusya ay may
pelikulang ganitong tema ng homosekswalidad kahit ito’y umiinog sa komunistang
rebolusyon, baka hindi ito maipapalabas. Oo, ang “Lihis” daw ay tungkol sa
pag-iibigan ng dalawang lalaking nakikipaglaban sa kalayaan hindi lamang sa rehimeng
Marcos kundi sa kanilang sinisikil na pagmamahalan.
Pinagbibidahan
ito nina Jake Cuenca at Joem Bascon na ayon sa trailer na napanood ko kahapon sa Facebook, may love scene pa ang dalawa. Isasabak ang
pelikula sa Sineng Pambansa All Masters Series FilmFestival ng Film Development
Council of the Philippines o FDCP na idinirehe ng premyadong direktor na si
Joel Lamangan at isinulat naman ng
premyado ring si Ricky Lee. Ayon sa balita, nauna pang naisulat ito
ni Lee kaysa sa Hollywood film na may ganito ring tema, ang “Brokeback
Mountain” (2005) ng isa sa mga Asyanong direktor na kinilala sa Estados Unidos
na si Ang Lee. Para sa kabatiran ng mga
kinikilig sa mga lalaking guwapo at matitipuno, mayroon pang love scene dito (sa ilog ‘ata yun) sina
Jake at Joem. Bida rin sa “Lihis” sina Lovi Poe at Isabelle Daza at ang nanay
niyang si Gloria Diaz. Si Isabelle Daza nga pala ay masugid na taga-sulong ng gender equality ayon sa link na ito. Kung ako ay makaluluwas, papanoorin ko ito sa wide screen dahil nakaririnig na rin ako ng ganitong kuwento na
naganap sa loob ng rebolusyunaryong kilusan noong 1980s na taboo pang
pag-usapan sa hanay ng mga aktibista noon.
Bilang
masugid na tagasubaybay ng pandaigdigang kaganapan sa pulitika ay tinatanong ko
ang sarili: "Kung gawa sa Rusya ang ganitong tema ng pelikula, ipalabas kaya ito
sa mga sinehan?" Kamakilan lamang kasi ay nilagdaan ni Pangulong Vladimir Putin
ang Anti Gay Law sa kanyang bansa. Ayon kay Putin, ang layunin ng batas ay, “to promote traditional Russian values over
western liberalism and tolerance.” Matatandaan na noong 1995, sa Campostela
Valley, ay naganap ang kauna-unahang “kasal” ng dalawang lalaking miyembro ng
NPA na may basbas ng Communist Party of the Philippines o CPP. Simula noon, pinahihintulutan na sa kanilang kilusan ang same sex marriage. Samakatuwid, maging sa paksang
homosekswalidad, hindi magkapareho ang stand
dito ng mga pangkatin at partidong komunista sa buong mundo. May tunggalian sa
pagitan nila sa usapin ng gender at sexuality
kagaya rin ng pag-iiba-iba ng kani-kanilang interpretasyon at
pagsasa-praktika sa mga kaisipang Marxismo, Leninismo at Maoismo kaya sila-sila mismo ay nagtutuligsaan.
Muli
ay tumutok tayo sa usapin ng sekswalidad. Tingnan na lang natin ang bansang
Nepal na ipinapalagay na pinaka-abanteng kilusang Maoista sa mundo, tahasan din
nitong inaatake ang homoseksuwalidad na umano’y produkto ng kapitalismo. Sinabi
noon ni Dev Gurung, isang Nepalese communist
leader ng buong diin: "Under
Soviet rule and when China was still very much a communist state, there were no
homosexuals in the Soviet Union or China. Now [that] they are moving towards
capitalism, homosexuals may have arisen there as well. So homosexuality is a
product of capitalism. Under socialism this kind of problem does not
exist." Maliwanag na sagarang homophobic
ang statement na ito. Pero sa totoo lang, hindi lang ang mga
anila’y reaksyunaryo at liberal na burgesya kundi kahit ang mga komunista ay
may mahabang kasaysayan ng homophobia. At
ito ay namamayani pa rin sa buong daigdig ngayon regardless of ideological lines, wika nga. Si Norman Markowitz ay
may malawak na isinulat tungkol sa komunismo at homoseksuwalidad na mababasa
natin dito. Bahala na kayo kung paniniwalaan ninyo itong aking tukayo sa kanyang kritisismo sa naging aksyong ito ng Rusya at Nepal.
Dito
sa atin, sa mga institusyong “macho” halimbawa
tulad ng sa militar at pulis, at kahit na ang mga grupong muslim ay hindi tanggap ang homosexuality bilang pang-organisasyong o
panrelihiyong polisiya at doktrina. Hindi ka tatanggapin sa Philippine Military
Academy (PMA) kapag ikaw at isang ladlad na bakla. Kaya marahil
tumabo sa takilya ang “Praybeyt Benjamin” ni Vice Ganda dahil sa pagbasag nito sa ganitong mga kaisipan at polisiya sa pamamaraan ng katatawanan sa puting telon. Maging sa mga seminaryo ay
bawal din ang mga ladlad kaya ang resulta, may mga sundalo at pari na mga
“paminta” o mga closet queen, sabi
nga nila. Mga nilalang na may sinisikil na karapatan at damdamin sa sumusulong
na kasaysayan ng lipunan. Pero batay sa napanood kong trailer ng “Lihis”, isa lang
ang napansin ko. Ang isang bakla ay maari ring maging tunay na lalake sa kilos,
sa prinsipyo at hindi lamang nagtitilamsikan ang daliri at umiindayog ang
balakang. Gayundin naman, ang mga amasona sa tunay na buhay ay kabaliktaran ng
napapanood natin sa mga sine na parating mukhang tomboy, malalaki ang masel,
brusko magsalita at iba pa. Hindi ba pwedeng maging amasona ang mga magaganda
at mayuyumi? Kung kilala ninyo si Nelia Sancho at si Maita Gomez ay tiyak na
sasabihin ninyong pwede. Stereotyping ba ang tawag doon?
Sa
aking palagay ay medyo bukas na naman ang isipan ng mga Pinoy sa pagiging
tomboy o bakla ng isang tao. Sabi nga ni Daniel Padilla sa interbyu ng TV
Patrol sa kanya noong isang gabi, “Wala
akong problema sa mga bading. Huwag lang nila akong momolestiyahin.” In
general, walang gaanong kyiber sa same
sex union ang mga Pinoy. Pero ironically,
wala rin tayong tiyaga na pag-usapan ang karapatan ng mga lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) at humahaba pang
listahan!
Sana
lang ang matanim sa isip ng mga manonood ay hindi lamang tema ng
homosekswalidad kundi ang kahalagahan ng pakikipaglaban para sa panlipunan at
pandamdaming pagpapalaya. Tiyak ko na ang pelikulang ito ay mag-iiwan ng marka
sa ating isipan sa ating gagawing pagsusuri sa mga usaping kaugnay nito sa ating
lipunan sa hinaharap, kaya atin na itong panoorin.
-------
(Photo : Interaksyon.com)
Binasa ko po ng buo ang Blog nyo... pero kahit di ko pa man ito nbabasa ay napanood ko ang teaser ng pilikula at pareho po tau ng naging reaksyon gusto ko mapanood ng bou ang pilikula dahil sa may nais po akong malaman. maaring pilikula lamang ito pero sumasalamin sa katotohanan..
ReplyDeleteSalamat po sa pagbisita sa Minding Mindoro.
ReplyDeleteNorman batch ...idol na kita :)
ReplyDelete