Thursday, August 8, 2013

Si Chito, Si Neri at Tayo


Pinag-piyestahan ng maraming Pinoy ang kamakailan lang ay sumabog na sex video ng lead vocalist ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda at ang syota niyang may mala-anghel na mukha at dating finalist ng “Star Circle Quest” na si Neri Naig. Sa mga social networking site, sabi ng ilang tagahanga ng banda na sa dami ng isyu na dapat ukil-kilin ng media kagaya ng pork barrel ng mga kongresista, ang mga pagsabog sa Mindanao at ibang pang usapin, ay ang pinaka-intimate at pribadong sandali pa nina Chito at Neri ang gustong sawsawan.

May mga nagsabi pa na walang masama sa ginawa nina Chito at Neri, ang pagbi-bidyo at pag-dyudyug-dyugan kahit hindi pa sila kasal. Tanggap na naman daw ng lipunang Pilipino ang pre-marital sex ngayon. Ang sabi nila, biktima lamang sina Chito at Neri at ang dapat na sisihin ay hindi ang mag-dyowa kundi ang ‘tangnang akyat-bahay na umano’y dumekwat ng hard drive ng kompyuter ni Chito at ang putsang (mga) taong nag-post nito sa Facebook.

Hindi ako tagahanga ni Chito Miranda o ng Parokya, at lalo namang hindi ko kilala si Neri Naig (sa totoo lang nakilala ko lang siya dahil sa balitang ito!) wala naman talaga akong pakialam sa kanilang dalawa. Hindi ko naman sila kamag-anak. Matatanda na sila at marahil ay inaasahan naman ng kani-kanilang mga magulang na aabot sila sa ganitong kalalim na relasyon dahil sa hindi na nga sila bata. Ang hindi nila inaasahan ay dahil sa pag-rekord at pagkalat ng nasabing bidyo ay magkaka-lamat ang dalisay na pagmamahalan ng dalawang celebrity. Ayaw kong kuwestiyunin kung ano ang dakilang halimbawa na kanilang maituturo sa mga kabataang kanilang tagahanga sa kanilang ginawa. Wala ako sa posisyon na gawin ito. Inamin na naman ni Chito na siya nga ito at hindi niya ito itinanggi o itinatwa.

Ang pag-amin ay isang kahanga-hangang bagay. Makakaahon naman diyan sina Chito at Neri, magkasama man o magkahiwalay tulad nina Hayden Kho at Katrina Halili noon. Tiyak yun. Ang mga karanasang hindi maganda tulad nito ay hindi lamang “nakukuha sa paligo” kundi dapat na nagtuturo rin sa atin.  

Bakit nga ba may mga taong gustong i-bidyo ang kanilang dyug-dyugan? Misteryoso talaga ang kagawiang ito at ilabas na natin dito sina Chito at Neri. Huwag tayong maging specific sa kaso. I-generalize na natin ang usapin. Ano raw ang masama dito samantalang ginagawa naman ito ng maraming artista sa Hollywood ngayon at ilang artista sa Pilipinas? May mutual consent man o wala. Kapag ginagawa ng marami, sa palagay ng kalakhan sa atin, ito ay tama at nagiging katanggap-tanggap lalo na kapag mga sikat na tao, lalung-lalo na ang mga artista, ang gumagawa nito. Maganda nga naman na ang pinaka-mahalagang panahon na pinagsasaluhan ninyo ng pinaka-mahalagang tao sa iyong buhay ay dapat lamang i-capture. 

Katwiran din marahil ng iba kaya sila nagbi-bidyo ng dyugdyugan ng kanilang loved ones ay para nga naman magkaroon kung saka-sakali ng handy evidence just in case na itatwa ng isa sa kanila ang kanilang relasyon o ang nangyari sa kanila. At maaari rin na ang materyal ay gawing instrumento ng paghihiganti sakaling isa sa kanila ang magtaksil o maging daan upang matakot nilang pagtaksilan ang isa’t-isa. O siguro, ang pakikipag-talik o seks, para sa marami sa atin ay wala nang malalim na moral at etikal na kahulugan. Ang iyong kakayahang sekswal nga naman, kung lalake ka, ay pwede mong ipagmayabang sa iyong tropa (syempre kailangan mo ang ebidensya!) upang kanilang mapagtibay ang iyong pagiging “tunay na lalake” at marahil ito ay  makakapag-pahaba ng hair ng mga babaeng naka-bingwit ng isang sikat at bigating lalake na hinahabul-habol ng mga kolehiyala!

Ang seks ay ang pinaka-intimate  sa lahat ng human acts.  Ito ay ekspresyon ng dalawang umiibig sa (hangga’t kakayanin ay) pinaka-tahimik na paraan. Ang pagtatalik ng dalawang nagmamahalan ay hindi dapat ihiwalay sa konteksto ng una, pag-ibig at ikalawa, tunay na buhay. Kung ito ay maisasa-publiko, ito ay malaking banta kundi man insulto, sa human decency, wika nga. Lahat ay maaaring buntunan ng sisi. Ang gumawa, ang nagpalaganap at nagpiyesta sa panunood nito, ang mga nainggit at na-inis, mga nagpantasya, pati na ang mga katulad kong pilit na binubuhay ang usaping dapat na kinalilimutan na!

Pero ito ang aral na ayaw kong kalimutan : Bilang mas matanda, kaalinsabay ng paghahabilin na ang seks ay banal at mabuti, mabibigyang babala ko ang lahat ng kabataang aking makakasalubong sa aking paglalakbay sa buhay na ang seks ay maaring magamit ng hindi tama. Sisikapin ko ring ilayo ang mga aking mga anak sa mga licentious habit na namamayani sa kontemporaryong kultura.  

At ipapaalala ko rin ang teknikal na paraan upang maiwasan ito sa panahong sila ay may asawa na: Huwag itong i-store sa kompyuter. Gumamit ng USB flash drive na may integrated program para mai-lock ito na may password.

At ingatan ito kagaya ng pag-iingat sa mga mumunting bagay na nagpapatibay at nagpapagunita ng inyong dakilang pag-iibigan…

---------
Photo: Letsplay2ne1.wordpress

1 comment:

  1. maraming personal na dahilan kung bakit vinivideo ng ilan ang kanilang pagtatalik. ano man yon ay irespeto na lang natin, lahat ng tao ay merong sariling pantasya sa buhay, mumunting kilos, salita o gawa na nakaka kiliti ng pag iisip o kalamnan, di yan pwedeng itatwa. mga may asawa man ay nananaginip ng kung ano anong mga pantasya dala ng propaganda, balita, pelikula. ilang beses na ba nating naka talik ang mga bidang babae sa pelikula, pantasya lamang sa atin, sa iba ginagawa na para merong madudukot kung napag iisa at na aalala ang katalik. Kung ito man ay na agaw o ninakaw, di na dapat itanong kung bakit meron nito. ginawa ito ng may dahilan at ito ay ninakaw kung kaya nalathala. . . sabi nga ng lolo ko eh. . . "kunan mo nga ako ng retrato para meron akong . . . REMEMBER. . . ha ha

    ReplyDelete