Friday, January 23, 2015

Wood Sawer


Nagsimula ang lahat sa Number 132 Capt. Cooper Street. Isang kalyeng nakalatag malapit sa gilid ng pampang ng ilog-Pandurucan. Samantala, sa Cádiz, Spain noong araw ring iyon ay isinilang si Elvira Lindo, isang kilalang Españolang journalist ngayon sa New York.

Nang ang kanyang nanay ay dalaga pang napadpad sa Kanlurang Mindoro, naging dispatsadora ito sa isang tindahan ng Intsik na asawa ng kanyang pinsang buo. Hindi lang ang pagbibilang “chit, ng, sa, si, go, lak, chit, pwe, kaw, tsap” ang kanyang natutunan. Marami pa. Sa bookshelf ng samu’t-sari at kakaibang aklat at magazine ay iniluwal ang isang duktor na may apelyidong Bethune na isang Canadian pero namuhay raw noon sa Tsina. May kakaibang tunog sa babae ang first name nito.

Naging suwail na mag-aaral sa sekondarya ang batang pinag-iistoryahan natin. Naging laman siya ng kalsada at batbat ng aktitud ng isang lumpen. Nakatapos nga ng high school ngunit namumutiktik sa pulang grado ang kanyang permanent record na ka-kulay ng katatanggal na sanitary napkin!

Sa tulak ng atubiling panahon noong siya ay nasa kolehiyo nang siya ay matutong magsulat ng scented pen sa stationery, pentel pen sa school desk at brutsa sa pader. Pero likas rin sa kanya ang magbasa, mula sa maliit na selyo hanggang pinagbalutan ng tinapa. Mula komiks hanggang Free Press, Catholic Digest hanggang Hustler. Sulat dito, basa doon. Basa dito, sulat doon. Dahil dito, naging totoong manunulat din siya sa wakas. Sa pang-hihimok  ng kanyang mga guro sa mga asignaturang literature ay sumali siya sa patnugutan ng kanilang pampaaralan pahayagan. Hindi napigilan ng aktibismo ang kanyang pag-akyat sa entablado para makapag-tapos ng Batsilyer sa Edukasyong Pangmataas na Paaralan at naging Manunulat ng Taon.

Hilig talaga niya ang pagsusulat gayong sa mga sinehan lang siya natutong mag-English at sa Liwayway naman ang tamang pananagalog. Mahina ang kanyang memorya kaya tulong din sa kanya ang pagsusulat. Hanggang sa nauso ang blogging. Marahil ay kabilang siya sa iilang blogger sa mundo na walang sariling laptop o desktop computer. Pwede nga namang manghiram lang.

Sabi ng paham sa titik at letra na si Mark Twain, kung ang manunulat daw ay hindi pa kumita sa kanyang unang tatlong taon, mas mainam pang siya’y maglagari na lang ng kahoy na panggatong (Tingnan ang larawan sa itaas).

Tanggihan man ng pamantayan at panlasa ng lipunan at kultura ang kanyang mga akda ay hindi siya titigil. Hanggat may gumagamit ng tungko na panluto, siya’y mag-aalok ng kahoy na panggatong na kanyang nilagari. Kahit man lang sa aporismong iluluwal kada umaga mula sa magdamag na pagbubuntis sa kanyang imahinasyon. Hanggang sa makapagsulit siya sa kanyang Dakilang Patnugot balang araw.

Kahit siya’y walang “K” na makilala man lang ng personal si Elvira Lindo ng El Pais na kasing edad na rin niya ngayon…





No comments:

Post a Comment