Tuesday, August 4, 2015

Mga Unang Hakbang sa Pag-iwas Maging Bobotante



Ang unang paraan nang pag-iwas maging bobotante ay ang pagbasa ng buo sa lathalaing ito. Biro lang.

Ang mga opinionated netizen ngayon at maging mga magkukolum na nasa mainstream media, kasama ang mga pambansa at lokal na pulitiko ay abala na pagtatampok sa mga ayaw at gusto nilang maging pangulo, na s’yempre  kanya-kanya sila ng katwiran at punto,- saliwa o tama, epal at gimik, palso at tumpak. Kapag may natisod na link na pabor o paninira sa isang posibleng presidentiable na gusto o ayaw nila, agad nila itong pinu-post. Sa sobra yatang excitement, nakalimutan natin na matagal pa ang ating lalakbayin at may mga bagay tayong dapat unahin upang tayo ay hindi maging bobotante.

Sampung buwan pa bago ang halalan at marami pang mangyayari sa usapin ng mga personalidad na lalahok kaya hindi pa ito panahon ng pilian. At imbes na pag-usapan kung sino, ang dapat na pagtuunan ngayon ay kung ano. Bakit ganito ka-excited ang marami sa atin sa higit na pagtutuon sa personahe/personalidad imbes na sa kaganapan?  Malinaw na sa kaisipang bobotante kasi, ang eleksyon ay isang kontes lamang na ang mas mahalaga ay ang resulta at hindi ang proseso. Isang bagay na hindi seryoso at laro lang sa kanila ang halalan. Masusuri natin ang sagot sa tanong na ito kung mauunawaan natin kung nasaang yugto na tayo ngayon sa mahabang proseso ng daan patungong Malakanyang, figuratively speaking, at isuhay dito ang mga kaisipang taglay ng mga ayaw maging bobotante. Mangyayari lamang ito kung gagawin nating tabula rasa pansamantala ang ating isip sa ating mga naunang biases sa mga napupusuan o mga kinamumuhian nating kakandidato.

Sa panahong ito hanggang sa opisyal na pagbubukas ng pagtanggap ng aplikasyon ng mga kakandidato ay dadaan sa ganitong proseso: Pagbubuklod-buklod at pagpapatatag ng mga partidong pulitikal at koalisyon, opisyal na pag-eendorso, proklamasyon ng kandidatura sa pamamagitan ng sunod-sunod na mga pulong at kumbesyon at iba pa. Sinisimulan nila at/o ipinagpapatuloy ang pamamasyal-masyal nang malimit sa mga malalayong bayan at lalawigan kasabay ng constant media projection na ang layon ay magpa-lobo ng suporta mula sa mga lugar at panig upang matiyak na gaganda ang kanilang mga numero sa mga survey. Kapag medyo plantsado na ang hanay at maganda-ganda ang resulta ng survey, ito ang hahatak sa mga mayayamang negosyante at king maker at patuloy na maghahanap ng potential funder para gasolinahan ang kanilang mga makinarya. Ang bunga ng mga ito ang salalayan ng kanilang pag-urong o pagsulong sa laban.

Bago sumapit ang buwan ng Oktubre onwards, dapat ay may nabuo nang lihim na usapan at kasunduan o compromises kapalit ng suportang kanilang ibibigay. Halimbawa, proteksyon sa negosyo, puwesto sa gabinete, at sa iba’t-ibang opisina ng pamahalaang pambansa, for instance, kapag ito ay nanalong pangulo.

Sa larangan ng halalan, hindi lamang pagboto at pagsuporta sa kandidato ang dapat gawin ng mga botante para hindi maging bobotante. Higit pa rito. Ang matalinong botante ay dapat magsuri ayon at sabay sa antasin at yugto ng panahon ng halalan. Pero papaano tayo magsusuri sa maagang yugtong ito ng eleksyon? Uulitin ko, higit sa pagpapahayag kung sino at bakit ang ating iboboto, mas higit na mahalaga ang ano. Ano ang katangian ng mga taong dumidikit-dikit ngayon sa kandidato? Ano sa palagay nating ang adyenda ng mga ito? Ano ang kanilang political record? Anong dahilan ng kanilang pagiging malapit sa isa’t-isa? Ano ang pagkaka-iba-iba at pagkakapareho ng kanilang mga prinsipyo o idolohiya at pagkatao? Ano ang mga nagawa sa bayan ng mga supporter na pabuntot-buntot sa kanila?  Ano ang mga pananaw nila sa mga maiinit ng isyung bayan? Ang mga sagot sa tanong na iyan ay pipiliin at titimbangin natin. Ang mga positibo at negatibo at sa kalaunan, mas mabibigyan natin ng timbang ang ating magiging pagpili sa pamamagitan ng mga taong nakapaligid o sumusuporta sa kanila at maging ang kanilang tract record kung ang mga ito ay politician din. Lagyan ng grade ang bawat isa sa kanila gamit na batayan ang mga sagot sa mga tanong na ito. Ipagpatuloy ang pagsagot sa mga tanong hanggang sa makapag-file sila ng Certificate of Candidacy sa Oktubre. 

Isa pa. Tayo ay maaaring lumikha ng listahan ng mga panlipunang pagbabago na nais nating mangyari sa bansa at mga adhikaing pambayan na sa tingin natin ay maaring gawin ng isang pangulo. Ilista lahat ng iyong maiisip. Suriin kung alin dito ang mga magkaka-ugnay at i-klaster (pagsama-samahin). Bawat klaster ay lagyan ng suliraning tinutugunan. Halimbawa: Kung sa klaster ang iyong adhikain ay binubuo ng mga sumusunod: Kaligtasan sa pagmimina, pagsugpo sa illegal logging, pagapatupad ng mga maka-kalikasang batas, atbpa. Isulat kung anong suliraning panlipunan ang tinutugunan nito. Sa ating halimbawa, ang suliraning tinutugunan dito ay PAGKAWASAK NG KALIKASAN. Sa lahat ng mga pangalan ng klaster o grupo, isa-isang tingnan kung ito ay UGAT o BUNGA. Ihanay ang mga klaster at pumili ng limang sa palagay ninyo ay mas prayoridad. Ang pinakamalahaga ang lagyan ng bilang na 1, at ang sumunod ay 2, and so forth and so on.

At kapag nakapanood ng mga pampublikong pahayag ng mga kakandidatong pangulo ay tingnan kung sa kanilang mga mensahe ay may sumasagot o tumatalakay sa mga bagay na nasa iyong listahan. Bigyan ng mataas na grado ang kakandidatong babanggit ng mga adhikain mo sa iyong listahan, ayon sa pagkaka-sunod-sunod o malapit-lapit dito at mababang marka naman sa wala man lang binabanggit tungkol sa mga ito. Kagaya ng una, gawin natin ito hanggang sa Oktubre, bago sila mag-file ng CoC. Ito ang isa sa mga gawin nating batayan sa eleksyon.

Kapag hindi natin iniuugnay ang eleksyon sa ating mga mithiin gamit ang talino, bobotante tayo forever. Hindi ako nagbibiro….

-------
(Photo: AFP)


No comments:

Post a Comment