Sa Kabilang Buhay.
Nang mabalikan
siya ng ulirat ay nasa isang mahabang pila na siya ng mga sari-saring tao na
hindi niya kilalala. Lahat ng mga nakapila bagama’t nakakakilos ay walang imik
at walang anumang tunog na malilikha. Palibhasa nga ay mga kaluluwa na sila.
Sa dulo ng
linya ng upuan ay ang nakaputing roba na balbasing matanda na hinihimas-himas
ang kanyang tandang na alaga. Naka-upo ang matanda sa trono na nasa mataas na
pedestal at sa kanyang paanan, sa gawing gitna, ay isang entablado na may dalawang
lamesang kinauupuan ng isang demonyo at isang anghel na parehong nakatuon sa
kanilang malalaking itim na aklat. Anghel ang mag-e-eskort papuntang kanang
pintuan at demonyo naman sa kaliwa.
Patay na nga
siya! Sa katotohang ito ay kinilabutan bigla si Edong. Isa na siya ngayong
kaluluwang naghihintay kung sa Langit o Impyerno tuluyang hahantong. Sinapo
niya ang kanyang umurong na kaliwang kamay at sinubukang ipadyak ang paa.
Inutil na ang mga ito. Kinapa niya ang likod ng kanyang bungo. Biyak ito.
Kani-kanina lang sa lupa.
Si Danny Trejo daw ng Hollywood ang kamukha niyang
artista. Sa lindig at tikas, sa porma at mga tattoo sa katawan. Pati sa
motorsiklo ay ginaya niya ang Machete film series actor. Idolo niya ito noon
pa. Ang kanyang Rusi ay binihisan niya na parang Harley Davidson. Itinaas ang
manibela ng lampas-balikat at ang tambutso ay inalisan ng muffler. Kaya malayo
pa lang si Edong sa kanilang bahay ay dinig na ni Tisay na parating na ang
asawa.
Si Edong ay may air-condition and refrigeration
shop na sa isang sulok nito ay kanilang silid at banggera na siya ring lutuan. Madilim
ang shop kaya binuksan ni Edong ang ilaw nang siya ay dumating. Ipinagbawal na
kasi ni Duterte ang tumoma sa labas kapag lampas na ng alas-diyes ng gabi kaya umuwi
na lang siya na bitin sa alak.
Napansin niyang bahagyang bukas ang isang freezer
na kayayari lang niya kaninang bago siya umalis. Ang freezer na ito ay kay
Pareng Ben niya na may kapandakan ngunit isang bigating frozen meat dealer sa
kanilang lugar. Bagama’t sa tingin ni Pareng Ben niya ay wala ng pag-asa pa na
ito ay makumpuni, ewan niya na kahit may pambili naman ito ng bago ay
ipina-repair pa rin ito sa kanya. Kailangang paandarin ni Edong ang freezer hanggang
umaga para ma-testing kung papalya pa ito o hindi na. Isinara niya ito at isinaksak
sa kuryente, kumuha ng Red Horse 500ml sa ref at naupo sa tabi ng freezer at
ipinatong dito ang kanyang lumang Caterpillar working boots na hindi na niya nakuhang
hubarin pa sa kanyang mga paa. Binuksan niya ang TV at nanood ng Bandila.
Tinungga ang extra strong beer, direkta mula sa bote.
Kahit na kabilin-bilinan ng kanyang doktor na
huwag siyang kakain ng matatabang karne dahil sa kanyang alta-presyon at dahil
nga na-double by pass na siya, hindi niya naman ito maiwasan. Kasi naman ay
parati silang may libreng rasyon ng karneng baboy galing sa kanyang Pareng Ben.
Takaw na takaw siya sa gumagalaw-galaw pang taba ng baboy sa pinggan na pinatuyuan
sa asin saka nilamutakan ng hinog na kamatis.
Pabulyaw niyang tinawag si Tisay para maglabas ng
pulutan. Malikot ang mata ng asawa na tila atubili habang papalapit ito na may
dalang plato ng chicharong bulaklak na kakapainit lang. Maraming minuto ng
tagay at lantak. Bigla ay nakaramdam si Edong ng hilo at nahirapang huminga.
Namanhid ang buo niyang katawan at parang binibiyak sa sakit ang kanyang ulo. Bigla
na lang siyang bumulagta sa sementadong sahig. “Krak!,” tunog ng kanyang ulong
humampas sa sahig na semento.
Sa Kabilang
Buhay (Uli).
Takang-taka
ang maskuladong demonyong bumuhat sa kaluluwang ipapasok na sa Impiyerno. Hindi
nila mawari kung bakit ang isang kaluluwa na hindi naman galing sa Alaska o
Antarctic, kundi sa erya ng mga iskwater sa Tondo ay mamamatay sa hypothermia na
pati ang kaluluwa ay nag-yeyelo pa. Nakilala ni Edong ang kaluluwa ng lalaki sa
unahan, “Si Pareng Ben iyon! Si Pareng Ben nga!,” hiyaw niya.
At hindi nga siya
nagkamali…
No comments:
Post a Comment