Friday, February 9, 2018

Ancajas-Sultan, Villa-Sencio : Pinoy Kontra Pinoy



Ancajas-Sultan, Pinoy Vs Pinoy 2

Malaki ang posibilidad na matapos ang 93 taon ay magkakaharap ang dalawang Pinoy para sa pandaidigang korona sa boksing sa katauhan nina Jerwin “PrettyBoy” Ancajas (29-1-1) at Jonas “Zorro” Sultan (14-3) para sa IBF super flyweight championship. Si Sultan kasi ang mandatory challenger ni Ancajas ayon sa itinatatakda ng pederasyon. Bagama’t sinasabing mas angat sa laban si Ancajas sa sagupaang ito, hindi rin naman maitatatwa ang hilera ng mga kampiyong sunod-sunod na tinuhog ng espada ni Zorro, kumbaga. Sila ay sina John Riel Casimero (Philippines), Sonny Boy Jaro (Philippines), Makazole Tete (South Africa), Romel Oliveros (Philippines) at Tatsuya Ikemizu (Japan).

Hesitant na tinanggap ni ALA Promotions President Michael P. Aldeguer, manager ni Sultan, ang napipintong Pinoy Kontra Pinoy 2. Ang suntukang Ancajas-Sultan ay maaring maging undercard sa laban nina Terence Crawford (32-0, 23 KOs) bilang challenger kontra sa reigning WBO welterweight champion na si Jeff Horn (18-0-1, 12 KOs). Maaaring maganap ito sa Madison Square Garden sa New York sa Abril 21. Nauna nang inihayag ng Las Vegas matchmaker mula sa kampo ni Ancajas na si Sean Gibbons ang malaking posibilidad ng Pinoy Kontra Pinoy 2 sa world championship.

Malamang sa hindi, ang labanang Ancajas-Sultan kung matutuloy (alam naman ninyo kung gaano ka-tentative ang mga bagay-bagay sa boksing bilang isports at bilang negosyo), sana naman ay huwag maging kasing low intensity ito ng unang Pinoy Kontra Pinoy nina Pancho Villa at Clever Sencio na ginanap sa Maynila noong ika-2 ng Mayo, 1925.

Actually, hindi na naman talaga imposible ang Pinoy Kontra Pinoy para sa world championship dahil sa dami ng mga kampiyon at contender sa mga mababang weight classes at sa pag-usbong ng sandamukal na boxing bodies sa planeta ngayon. Sa ganang akin, sa paglaon ay magbubukas ito sa mga bagong pangalan nating kababayan na sasabak sa world championships. Noong 2012 nga naging mandatory challenger kay WBO/WBA flyweight champion Brian Viloria si Milan Melindo pero nilakdawan siya ni Viloria, hinarap ang isang Mexicano na umagaw sa kanya ng korona. 

Sa labang Pancho Villa versus Clever Sencio na nagtapos sa unanimous decision pabor sa una, ayon sa aklat na “The Terror of Terre Haute: Bud Taylor and the 1920s” (pp 146; Dog Ear Publishing; 2008) ni John D. Wright, mas naging clever si Villa kaysa kay Sencio. Ginamitan ito ng mala-seruhanong taktika ng una, wika nga. Si Villa ang itinuturing ng mga eksperto na pinakamagaling na Pinoy boxer sa kasaysayan (Oo, mas magaling pa siya kay Manny Pacquiao dahil walang naka-knock out sa kanya noong kanyang kapanahunan). Sayaw, jab, tigil, timing, sugod at upak ang ginawa ni Villa sa bara-barang si Sencio. Estratehiyang hindi malayo sa ginawa ni Ancajas kay Gonzalez.

Pancho muna bago Pacman

Si Pancho Villa, Francisco Guilledo sa tunay na buhay, ay alamat hindi lamang sa larangan ng isports kundi simbolo rin ng pag-igpaw sa racial discrimination sa US noong kanyang panahon. Siya ang kauna-unahang Asyano na naging world flyweight champion noong 1923 at sinasabi ng maraming boxing experts sa mundo na greatest flyweight boxer in history of the game. Sa kabuuang 103 fights sa kanyang career, walang sinuman ang nakapag-patulog sa kanya sa ibabaw ng lona. Ipinanganak siya sa Negros Occidental noong Agosto 1, 1901 at natapos ang kanyang karera sa boksing nang siya ay biglang namatay sa murang edad na 23 mula sa komplikasyon sa pagpapabunot ng ngipin.

Ayon sa ilang nailathalang account, ilang araw daw bago ang iskedyul ng labanang Pancho Villa- Jimmy McLamin para sa isang non-title bout na naka-iskedyul Hulyo 4, 1925 sa San Francisco, namaga raw ang ngipin ni Villa at umaga bago ang gabi ng match, nagpabunot umano ito. Kaya noong oras ng labanan, isang kamay lang gamit niyang panuntok habang ang isang kamay ay tabon ang kanyang mukha na masakit at namamaga. Siyempre natalo ito sa laban. Ito ang kahuli-hulihang laban ng Pinoy boxing great noong wala pang internet, ESPN, HBO, Cleto Reyes Glove, Top Rank, Pay Per View at Manny Pacquiao. Panahong mismis pa lang ang pera sa panalo sa professional boxing pero bulto ang karangalan.

Tatlong araw matapos ang enkwentro kay McLamin, muli itong nagpabunot ng ngipin at natuklasang malala na ang impeksyon nito. Laban sa tagubilin ng dentista na siya ay magpahinga, nag-party ito kasama ang mga kaibigan. Lumala ang kondisyon ng kanyang impeksyon ay umabot na sa lalamunan hanggang hindi siya makahinga, na-comatose bago ma-operahan at namatay sa ospital noong Hulyo 14, 1925, 8,000 milya ang layo mula sa kanyang lupang tinubuan.

Sa Pilipinas, malakas ang paniniwala ng balo ni Pancho na si Gliceria Concepcion na ang kanyang asawa ay sinadyang lasunin  ng mga Kano na sindikato ng sugal ayon sa aklat na “From Pancho to Pacquiao: Philippine Boxing In and Out the Ring” (2013; Anvil Publishing, Inc.) nina Joaquin Jay Gonzalez III at Angelo Michael F. Merino. "Na-mafia", kung tagurian ng mga sports enthusiasts noong 70s. 

Clever Sencio, isa sa mga unang migranteng boksingero

Bangkay na rin nang umuwi sa Pilipinas si Clever Sencio (Innocencio Moldez sa tunay  na buhay) bago pa man niya maabot ang narating ni Pancho Villa sa boksing. Sa huli at ika-13 laban ni Sencio sa US sa loob lamang ng 8 buwan na pananatili niya doon, nakaharap niya ang kinatatakutang si Bud Taylor ng Indiana noong Abril 19, 1926.  Nakipag-bugbugan si Clever sa Kano na tinaguriang “The Blond Terror of Terre Haute”. Ang laban ang isa sa mga naunang naitalang madudugong laban sa ring sa kasaysayan ng Milwaukee na siyang venue ng laban. Natalo si Sencio sa umaatikabong suntukan na tumagal ng 15 rounds.

Nais sanang bumawi ni Clever Sencio ang naunang pagkatalo ni Pacho Villa sa kamay ni Bud Taylor. Ngunit hindi niya naipag-higanti ang pumanaw na kababayan na kanyang nakatunggali sa Maynila wala pang isang taon ang nakalipas.

Matapos ang laban, bugbog-saradong bumalik sa kanyang hotel si Sencio. Makaraan ang ilang oras, siya ay uminda ng tinding sakit ng ulo. Pinakalma siya ng kanyang trainer na si Walter Eckwart. Hanggang sa matapuan na lang nila siya sa silid ring iyon na dumudugo ang bibig at ilong at walang malay. Isinugod siya sa ospital ngunit ilang minuto lang ay namatay na ang boksingero sanhi ng cerebral hemorrage na nauna niyang natamo sa laban kay Taylor.

Magkahiwalay na tinalo ni Bud Taylor ng Amerika sa umaatikabong suntukan sina Pancho Villa at Clever Sencio ng Pilipinas sa bansang sumakop dito matapos ang mga Kastila.

Pagluluksa ng mga kababayan

Binigyan ng funeral service si Clever Sencio sa St. John’s Cathedral, at ayon pa rin sa tala ng manunulat na si Wright sa nabanggit na aklat. Si Fr. William E. Wright na namuno sa gawain ay maramdaming nagpahayag ng ganito: "He died a stranger in a strange land and in our hearts we think of those in a faraway land who will mourn for him. Only Monday night we saw him fight and put all that he had into that fight that he might win. Neither he nor you could realize that today his body would be resting in this casket, which cannot but impress upon us the shortness of this life."  Boksing ang nagpadpad sa tulad nina Pancho Villa at Clever Sencio sa malayong lupain at kamatayan lamang ang nagbalik sa kanila sa kanilang lupang tinubuan. Kagaya ng iba nating kababayan ngayon doon. 

Nang parehong mamatay sa ibayong dagat ang dalawang kayumangging mandirigma sa parisukat na ring noong magkasunod na taong iyon, nagluksa ang kanilang mga kababayan. Sila na mga migranteng manggagawa na karamihan ay kinontrata ng mga kontratistang Amerkano para magtrabaho sa mga pataniman ng prutas halimbawa sa California, Oregon at Washington. Naging simbolo sila ng pagkakaisa ng kanilang mga kalahi at ng pag-asa na maari silang maging kapatay o higitan pa ang mga puti sa mga larangang malapit sa puso ng mga Kano tulad ng boksing. Kabilang sina Diosdado "Speedy Dado" Posadas at Ceferino "Bolo Punch" Garcia sa mga namayagpag na Pinox boxers noon sa US.

Walang todong tunggaliang Pinoy Kontra Pinoy sa kampiyonato ng totoong buhay sa ibang bansa sa panahon nina Pancho Villa at Clever Sencio....



(Photo; PhilBoxing Photo)
========
References:






No comments:

Post a Comment