Sa
lente ng siyensiyang pampulitika, hindi interchangeable ang salitang “kalayaan”
at “kasarinlan”. Ang una ay literally means “freedom,” habang ang “kasarinlan”
is a more appropriate translation for “independence.” Sa alinmang diksiyonaryo,
ang katumbas ng salitang Ingles na “independence” ay “kalayaan, kasarinlan, pagsasarili,
independensiya.” Pero sabi ko nga, hindi ito ang saktong kahulugan kung
political science ang pag-uusapan.
Kahit
hindi na bansa, kahit ang indibidwal na lider-pulitiko, kapag sa pundilyo
lamang ng mas nakatataas sa kanya iniaamot at iniaasa ang sariling pamumuno,
ang kanyang nasasakupan ay hindi magiging magiging malaya kailanman. Ang isang
bansa (o lider) na susunod-sunod lang at bubuntot-buntot sa kanyang padrino at
hindi makapag-isa ay lider na mas masahol pa sa salabay na walang gulugod!
Kasarinlan
at hindi kalayaan ang nakamit natin noong Hunyo 12, 1898 bagama’t kahit kailan
ay hindi pa naman tayo naging ganap na malaya at nagsasarili bilang bansa sapul noon.
Ipalagay na, kahit na ang nakamit natin noong Hulyo 4, 1964 ay kasarinlan din
at hindi kalayaan. Noong 1898, nagkaroon tayo ng kalayaang gumawa ng ating
sariling batas at ihalal ang ating mga pinuno, ngunit naging tunay malaya na
nga ba ang mga Pilipino matapos ang 120 taon? Hindi ba ang mga patakarang
pampulitika at pang-ekonomiya na ipinatutupad sa atin ng ibang bansa ay kolonyal
pa rin?
Nagkakaisa
ang mga diksiyonaryo na ang katumbas ng salitang Ingles na independence ay “kalayaan,
kasarinlan, pagsasarili, independensiya.” Maging sa mga poster at slogan ngayong
KALAYAAN 2018 mula sa mga sangay ng pambansang pamahalaan ay iisa ang kahulugan nito, mas
wasto na ating gamitin ang katangang “kasarinlan” na siyang layon natin
upang makawala sa kolonyalismo at pailalim na panghihimasok ng ibang bansa.
Mapa-US man yan o Japan, lalo na ang Tsina. Sa kasarinlan, kalayaan sa
panghihimasok at pananakop ng ibang bansa ang ating pinag-uusapan.
Ang
dokumentong Espanyol na binasa sa Cavite Viejo noong Hunyo 12, 1898, ay
pinamagatang Acta de la Proclamación de la Independencia del Pueblo Filipino. Officially
translated ito sa ating wika na may pamagat na “Katitikan ng Pagpapahayag ng
Pagsasarili ng Bayang Filipino.” Sinasabi sa “Katitikan” na ang “mga
naninirahan sa mga Islas Pilipinas” ay “malaya at nagsasarili [libres e independientes] at may
karapatang maging malaya at nagsasarili.” At naniniwala naman tayo na tayo ay
totoong nagsasarili na nagsimula daw kay Aguinaldo hanggang kay Duterte. Ang
soberenya ay nananatiling nasa papel lang ‘ata.
Idinagdagdag
pa ng “Katitikan” na “sila ay dapat
lumaya sa pagsunod sa Korona ng Espanya; na ang lahat ng pampulitikang ugnay sa
pagitan ng dalawa ay ganap na pinuputol at pinawawalang-bisa at dapat na
maputol at mapawalang-bisa; at tulad ng alinmang malaya at nagsasariling
Estado, mayroon silang ganap na kapangyarihan na magdeklara ng pakikidigma,
makipagkasundo sa kapayapaan, magsagawa ng mga kasunduang pangkalakalan, pumasok
sa mga alyansa, pangasiwaan ang kalakalan, at magpatupad ng lahat ng gawain at
bagay na tungkuling ipatupad ng mga nagsasariling estado.” Ganito sila sa Espanya noon, papaano naman
tayo sa Tsina ngayon?
Sa
isang usapin na lang tayo pumaling. Ang pambu-bully kamakailan ng mga Chinese
Coast Guard sa ating mga mangingisda sa ating teritoryo sa Scarborough Shoal sa
West Philippine. Maliban pa ito sa ka-traydurang pagtatayo nila ng mga
pasilidad sa ating mga nasasakupang isla. Sa kabila nito, kani-kanina lang sa Kawit, sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan, mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kaututang-dila ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua. Hindi ba ito pinaka-nakaririmarim na tagpo sa makabuluhang araw na ito?
Hindi
kaya sinadya ng mga nauna sa atin na i-interchange ang “kalayaan” at
“kasarinlan” para iligaw tayo sa katotohanan na hindi pa tayo nagsasarili. At
isa pa, dahil sa ang salitang “kalayaan” ay ‘sing lawak ng galaxy at subject sa iba’t-ibang depinisyon, teorya,
karanasan at pananaw na depende sa ating mga pinaniniwalaan, inihalili nila ito
salitang “kasarinlan” na mas kongkreto at tuwirang tumutukoy sa pananakop at
pakiki-alam ng isang bansa sa kapwa niya bansa. Bagay na gusto nilang i-tone
down upang tayo marahil ay patuloy na mabuhay sa ilalim ng pundilyo ng ibang
bansa hanggang sa wakas ng panahon. Well, produkto lamang ito ng aking kalayaan
sa pag-iisip.
Ang
mamuno sa ilalim ng pundilyo ng ibang bansa (o tao man) ay pananatiling
alingawngaw at anino na lamang ng iba. Tayo ay mananatiling pala-asa, walang
angas, pala-suko at atubiling bansa.
Gabayan
nawa tayo ng kaluluwa ng ating mga bayaning nagpakamatay at pumatay para sa ating
kasarinlan. Mabuhay ang totoong kasarinlan ng Pilipinas!
-----
Photo:
DFA
No comments:
Post a Comment