Saturday, April 13, 2019

Palaspas at Pulitika





Ang pagwawagayway ng palaspas ay isang pampulitikang protesta noong panahon ni Hesus. Ang palaspas ay simbolo ng tagumpay ng pakikidigma at hindi lamang pantaboy ng aswang o kaya ay para may masunog tayo para sa Miyerkules ng Abo sa isang taon, kagaya ng alam natin ngayon dito sa Pilipinas.

Sinakop noon ng mga Romano ang mga Hudyo. Inalipin sila, pinahirapan, inabuso at inalipusta. Brutalidad ang naranasan ng mga mamamayang Hudyo sa kamay ng mga mananakop. Ang palaspas ay simbolo ng tagumpay ng madirigma. Ang pagwawagayway ng palaspas din ay isang paghamon, isang protesta o banta ng insureksyon noong panahong iyon. Sabi nga ni Bo Sanders sa kanyang sulatin noong 2013 sa Tripfuller.com na may titulong Palm Sunday is the Most Political Sunday, “Laying down palm branches ahead of a man riding a donkey was an act of defiance and an aggressive political statement.”  Sa Pilipinas, ang kaisipan at historikal na katotohanang ito ay hindi gaanong napag-ukulan ng pansin at pagninilay. Dangan kasi naman, tayo man ay bansang sinakop din ng mga Kastila na siyang nagdala sa atin ng Kristiyanismo.

Papaano natin aasahan na ipamulat nila sa atin na ang orihinal na Linggo ng Palapas ay maituturing na isang kilos-bayan o aksyong pulitikal. Dagdag pa ni Sanders, “Palm Sunday might be the most flagrant example of ignorance and misappropriation. Palm Sunday is call for revolution against the powers of oppression, the systems and institutions that occupy foreign lands and repress its citizens with unjust practices and economic policies.” Sinong pari kaya ang mangangahas na iugnay ang tunay na diwa ng Linggo ng Palaspas sa mga aksyong panlipunan?

Pero hindi ko sinasabi na dapat gumamit tayo ng mga bagay na labag sa batas para tayo makalaya. Pang-aabuso, pananakot at panlilinlang ang gamit ng pamahalaang Romano noon para mapanatili ang kanilang paghahari. Ang pulitika ng matandang Roma ay nakatuntong nang labis sa otoridad at kapangyarihan.

Iba ang pulitika ni Hesus sa Pulitika ng Roma. Opo, si Hesus ay hindi pang-espiritwal lang. May pulitika sa Kanya, maniwala man kayo o hindi.

Halos lahat ng antas ng kanyang buhay, simula sa pagsilang Niya sa sabsaban hanggang sa pagkamatay Niya sa krus ay may pampulitikang kaugnayan at kahalagahan noon at ngayon. Ipinanganak Siya sa malayong lugar dahil sa kailangang silang masensus para mabuwisan at ipinako Siya sa krus, na parusa noon sa mga kumakalaban sa gobyerno. Ang pagbabayad ng buwis at pagsasalita, pag-aalsa kagaya nang ginawa Niya sa templo ay pawang mga pampulitikang gawain. Ang pulitika ay nasa sentro ng buhay ng Salitang Nagkatawang Tao.

Ang mga turo Niya tungkol sa pagdatal ng Kaharian ng Diyos ay maituturing na isang adyendang pulitikal. Ang Diyos ang totoong hari at ang kanyang kaharian ang siyang lulupig sa mga kaharian o mga terminong pulitikal  na gawa lamang ng tao.

Ayon kay Isaac Morehouse sa kanyang blog post noong Agosto 10, 2009 na Palm Sunday and Politics, “Physical freedom is a worthy goal. Defending oneself from violence and oppression is not immoral. But as a Christian, to use government to enforce the morality you believe in through law, backed up by the agents of the state, is to contradict Christ Himself.”  Ganyan ang sitwasyon ng lipunan ni Hesus noon. Ganyang din ang sitwasyon ng lipunan natin ngayon. Sinong tagasunod ni Kristo ang mananahimik sa mga pagpatay sa tungki mismo ng kanyang ilong? Sinong Kristiyano ang hindi kikibo kung ang kanyang Diyos mismo ay minumura? Sinong Kristiyano ang hindi magagalit sa panibagong pananakop ng mga dayuhan sa ating bansa kagaya nang naranasan noon ng mga Hudyo sa mga Romano noong unang Linggo ng Palaspas?

Sa pulitika ni Hesus ay una ang paglilingkod kaysa sa anumang kapangyarihan. Ang pulitika ni Hesus ay may kababaang-loob, may paggalang sa paniniwala ng iba, hindi makasarili, nagbibigay ng pagkakataon sa iba pang ibig mag-lingkod. Hindi kumukuyapit sa pwesto. May totoong pagmamahal kahit hindi paulit-ulit na bigkasin.

Ang masaklap, hindi pulitika ni Hesus ang ating salalayan sa pagboto at pagwawagayway ng pampulitikang palaspas kundi pulitikang Romano. Pulitikang Romano na ang mga hari ay kapit-tuko sa kapangyarihan, marahas, mapanlinlang o kaya naman ay abusado.

Ang mga taong palaspas, malamang sa hindi, sa halalan ang ibuboto ay mga makabagong Hestas!

---------
Sources :

Photo: Imagenesmi.com







No comments:

Post a Comment