Friday, February 28, 2020

Mga Lahing Mandirigma



Dating sikat na boksingero pala yung patpating lalaking pagala-gala noon sa lumang palengke ng San Jose. Hayskul pa lang ako noon, mga dulong taon ng Dekada 70. Sa biglang-tingin, mapagkakamalan mo siyang bangag kung iyong makakasalubong. Paika-ika siyang lumakad at kakaiba ang mabilis na kilos ang kanyang ulo at mga kamay.

Nasa pinakamataong lugar siya noon sa bayan pero wala man lang pumapansin sa kanya. Nang maging apisyunado lang ako sa boksing saka ko nalaman na maraming mga mandirigma sa ring, noon at hanggang ngayon ang bitbit ang kanyang apelyido. Dugo niya ang nananalaytay kina Renato (Ric Jr.), Melvin, Ronnie, Arvin at Giemel na pawang mga professional former at still active boxers ngayon. Wala na rin halos matagpuan na istorya sa internet na tungkol sa mamang aking tinutukoy.

Nang malaman ko na lamang na maraming boksingero ang nagka- Parkinson’s disease ay saka ko pa lamang naipalagay na iyon ang kanyang kondisyong medikal. Noong nakikita ko pala siya sa palengke, siya ay nagtatrabaho sa slaughter house noon sa tabi ng Public Market ng San Jose. Kinuha siya noon ni Mayor Juan G. Santos na magtrabaho doon sa kabila ng kanyang Parkinson’s bilang municipal casual employee.

Bakas mo sa kanyang mukha, sa kilay, sa pisngi, sa mga mata ang mga ala-ala ng hutok ng suntok. Saliwa na siya kung tumingin at utal na kung magsalita. Wala na ang kanyang dating gilas, wala na ang dating giting, wala na ang kanyang kabataan. Hindi na siya ang dating matapang na Pilipinong nakipagbasagan ng mukha sa maraming lugar sa mundo at sa iba’t-bang lahing ipinapalagay na mas pinagpala kaysa sa mga Pilipino.

Siya si Endirikito “Ric” Magramo, ipinanganak sa Romblon, lumaki sa Roxas, Oriental Mindoro at napadpad nga dito sa San Jose, Occidental Mindoro at dito na rin binawian ng buhay noon. Si Ric Magramo ay dating Philippine flyweight champion na nag-umpisang magboksing noong late 50s. Dati, kapag national champion ka, pwede ka ng lumaban sa mga reigning world champion. Panahon noon na wala pang gaanong pera sa pagbuboksing, wala pa ring pay-per-view. 

Hindi man ninyo naitatanong, si Ric Magramo ay tiyuhin ni Sablayan Mayor Walter “Bong” Marquez. Ang tatay ni Ric at ang nanay ng tatay ni Mayor Bong na si Serafin ay magkapatid. Noong sa San Jose nakatira ang yumaong boksingero, malimit itong dumalaw sa bahay ng kanyang Tiyo Estoy (Magramo) sa Receiving, Sta. Lucia, Sablayan. “Dito siya nagpapahinga at nagpapagaling sa kanyang mga sakit-sakit noon,” pagbabalik-tanaw ni Mayor Bong. Si Mayor Bong noong bata pa ay minsan ding nahilig sa pagbu-boksing.

Dalawang ulit na naging national champion si Ric Magramo, una ay nang talunin niya si Baby Lorona at ang huli ay nang manalo siya kay Erbito Salavarria. Dalawang ulit niyang tinalo sa kanilang tatlong laban si Bernabe Villacampo at straight two losses naman ang inabot ng kilabot na si Al Diaz sa kanya.  Sina Salavarria at Villacampo nang lumaon ay kapwa naging mga world champion.

Ang panahon ni Ric Magramo ay panahon kung kailan ang local boxing ay namamayagpag pa. Sa katunayan, ang labanang Magramo Vs. Lorona para sa Philippine flyweight title noong 1963 sa Araneta Coliseum bilang tinatawag na companion main event sa laban ng mga world rated featherweights noon na sina Johnny Jamito laban kay Hiroshi Kobayashi na naging pandaigdigang kampiyon din.

Bigo si Ric Magramo na makuha ang Oriental title, dalawang talo at isang tabla ang inabot niya sa noon ay long reigning Japanese champion Tsuyoshi Nakamura at ang lahat ng laban na iyon ay ginanap sa Japan. Noon na tuluyang nagsara ang lahat ng pinto sa matandang Magramo. Kung tutuusin, kung hindi dahil kay Magramo, hindi aangat at magiging world champion sa kalaunan sina Salavarria at Villacampa.

Bitbit ang bandilang Pinoy, lumaban si Magramo sa mga bansang Thailand, Japan at UK at nakatagisan ang mga world champions gaya nina Hiroyuki Ebihara, Walter McGowan and Bengkrerk Chartvanchai.

“Apat na ulit nagkapanagupa si Ric Magramo at si Erbito Salavarria, na dati kong trainer,” sabi sa akin minsan ni Diomedes “Joe” Francisco. Natatandaan pa ni Francisco na noong aktibo pa siya sa boksing, kapag may papalapit na laban, pupuntahan siya ni Magramo para aluking mag-sparring. Anak ni Joe Francisco si Drian "Gintong Kamao" Francisco na dating WBA Interim Superflyweight champion na ngayon ay instructor sa Evolve MMA at naka-base sa Singapore.

May isa pang anak na boxer si Joe, si Loyd. First professional fight nito ay noong Setyembre 29, 2007, na tinalo niya si Jose Ocampo sa Ynares Plaza sa Binangonan, Rizal. Bago mag-retire sa boxing at naging pulis, tinalo ni Lloyd si Roger Galicia sa Lipa City via TKO. Si Lloyd ay may rekord na 12 professional fights, 10 wins (6 KO) at 2 losses.

Nagretiro sa boksing si Magramo noong Mayo 1970 na may record na 35 panalo, 15 (KO), 17 talo (2 by KO) at 2  draws.

Aspiring boxer pa lang si Joe ay retired na si Ric. Noong 1977 si Joe Francisco na isinilang sa Brgy. Batasan, San Jose, Occidental Mindoro ang tinawag noong, “Philippine’s new boxing sensation” ng ilang sports analysts. Nag-retire sa boxing si Joe noong 1981 na may 26 fights; 23 wins; 1 draw; 2 losses.

Kagaya ni Magramo, hindi rin nakatikim ng world o orient pacific championship title si Francisco pero siya ay naging #1 Philippine Junior Featherweight contender at #3 in the OPBF or the Orient Pacific Boxing Federation noon. 

Sa kabila ng kanyang gawain sa slaughter house, naging abala si Ric Magramo sa pagtuturo ng boksing sa mga kabataan kabilang nga si Joe Francisco. Siya ang pangunahing boxing trainer noon sa Loring Gamboa Boxing Stable and Promotion sa Brgy. San Roque sa San Jose na nang lumaon ay nagsara na rin, kasabay ng huling pagtunog ng kampana sa kuwento ni Ric Magramo, ang isa sa mga magigiting ngunit limot na madirigma sa ibabaw ng kwadradong lona.

--------

Reference:

Photo: Diomedes “Joe” Francisco (L) and Erbito Salavarria (R) during their younger years (CTTO)

No comments:

Post a Comment