Tuesday, July 12, 2022

Kami ng Taong Itim

Barely 6 months after the local elections in 2010 and two days after I was retrenched as coordinator of the Social Services Commission of the Apostolic Vicariate of San Jose that I served for more than 25 years, nasipat kong papalapit sa aming barong-barong sa San Jose ang isang lalakeng nakasakay sa isang kulay dilaw na Suzuki scrambler na pupugak-pugak. Maiitim yung lalaki na hindi gaanong matangkad at hindi ko agad nakilala. Nasa harapan ko na siya nang ma-sino ko.

Matagal ko nang kilala ang taong sinasabi ko. Hindi pa malapad ang kanyang mukha ay kasama-kasama na namin siya at si Ka Ed, na wala pa sa pambayang pulitika noon, sa Kaagapay-PO-NGO network na pawang itinatag at kinaaaniban namin. Aktibismo para sa panlipunan pagbabago at pagtatanggol sa kalikasan ang sumipok sa aming mga ugnayan at relasyon, propesyunal man o personal. Inaanak ko sa binyag ang anak niya at inaanak niya sa kasal ang anak ko.

Umupo ang maiitim na lalaki sa tabi ko at ibinukas na niya ang kanyang pakay sa pagbisita. Pinapunta daw siya ni Mayor Ed Gadiano na boss niya. Siya ang Executive Assistant ng bagong halal na mayor noon na gobernador na ngayon. Inalok niya na pangunahan ko raw ang itatatag na tanggapan para sa mga Mangyan ng Sablayan. Hindi lamang dahil may tiwala at paghanga ako sa mayor kundi ganoon din sa maitim na lalaki na kanyang emisaryo na di pa noon gaanong kalakihan ang tiyan tulad ngayon.

Higit sa lahat, papaano ko hihindian ang iniaalok niya gayong matatanggal na ako sa trabaho. Mahirap ang walang trabaho. Sa madaling sabi, tinanggap ko ang alok. May communication allowance daw ako para naman hindi ko gaanong ma-miss ang pamilya ko. Pero hindi ako naniniwala sa Taong Itim na ang Mayor Ed ang totoong pumilit na kunin ako. Alam kong siya ang pangunahing salarin sa pagkakapasok ko dito sa munisipyo ng Sablayan. Papaanong magkakagayon kung hindi naman kami gaanong close ni Mayor Ed noon at kami ng taong ito ang mas magkasangga. Sa lansangan at iba pang larangan. To cut the long story short, onse anyos na akong empleyado ng LGU na ito.

Kung siya ang assistant noon ni Vice-Mayor Ed, ako naman ang coordinator ng Justice Peace and Integrity of Creation Apostolate ni Bishop Tony Palang. Bago iyon, pareho kaming nakaranas ng mga pamamaslang sa mga magsasaka. Pareho kaming nagdukomento ng mga paglabag sa karapatang pantao, pareho kaming nagtaguyod sa kapakanan ng mga bilanggong pulitikal sa Timog Katagalugan, sa magkahiwalay na pagkakataon pero sa ilalim ng institusyong parehong humubog at pumanday sa amin. 

Mas marami kaming pinagsamahan kaysa kay Gov. Ed. Kala nga ng iba noong nanalo si Mayor Ed at naging governor noong 2019 ay magpapalipat ako sa kapitolyo. Sa tibay at tatag ng aming personal at propesyonal na relasyon, bakit ako hihiwalay sa Taong Itim? Hanggang tuluyang malagas na nga ang mga dahon ng kalendaryo at lagdaan niya noong ika-1 ng Hulyo 2022 ang SO-1, Series of 2022 na opusyal na nagtatalaga sa inyong lingkod bilang OIC-Municipal Administrator.

Kung si Bong Marquez ay “Mayor Lang”, si Norman Novio po ay “Admin Din”. Ang ibig sabihin, hindi una sa aking misyon at pagkatao ang pagiging OIC-Municipal Administrator. Una po sa aking pag-iral ang pagiging kaibigan at ka-maggagawa ninyo kaysa sa pagiging Admin.

Lingkod Bayan po ako una sa lahat na nagkataon lang na Admin din. “Din” dahil dahil dagdag lang po yan, titulo lang po yan, bahagi lang po iyan at hindi yan ang kabuuan ko. Ang kabuuan nating lahat ay una, pagiging tao, pagiging Pilipino, at sa aking kaso, pagiging Kristiyanong Katoliko. Una ang mga ito kaysa sa anumang titulo sa unahan at/o hulihan ng ating mga pangalan.

May kalalabas pong scientific study na nabasa ko sa YouTube kanina. Hindi na lang daw mga kalabaw, baka at baboy ang may FMD ngayon. (Ewan ko kung alam na ito nina Kuya Bojie Factor at Dra. Meldie Soriano.) Pati daw po sa tao, lalo na sa panahon ngayon na katatapos lang ng halalan ay epidemya na raw ang FMD sa bansa. Hindi po Foot and Mouth Disease ang sinasabi kong FMD kundi yung pandemya na nararanasan sa maraming munisipyo lalo na ngayong katatapos ng eleksyon. Ito raw ang tinatawag na (F) Feeling, (M) Mayor, at (D) Din. Feeling Mayor Din.

Sana po ay samahan ninyo ako sa pananalangin at pagsubaybay na nawa sa aking panahon ng pagiging administrator ay hindi ako magkasakit ng FMD. Mahirap po ang magka-FMD dahil magkakaroon ng ka ng sakit sa BIBIG at sa PAA. SALITA nang salita ng walang direksyon at kawawaan at LAKAD nang lakad na walang nararating at pasunod-sunod lang sa agos kahit mali.

Seriously, sa aking mga ka-manggagawa at kapwa kasama sa serbisyo sibil, rendahan po ninyo ako at paki-gabayan, lalo na sa mga head of offices na hindi matatawaran ang karanasan o kaalaman, talino at galing. Sana po ay walang pagkakataong lalampas ako sa atas at katungkulang kaaatang lang sa aking balikat. Sana rin po ay maunawaan natin kapwa na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya kong magampanan ang inaasahan ninyo sa akin. 

Tulay lang po ninyo ako sa alkalde. May mga bagay po na tanging siya lamang ang makapagpapasya, masusunod at aakto. Hindi po ako kahalili ng alkalde, kinatawan lang niya ako sa ilang piling pagkakataon ngunit katuwang sa bawat oras.

Sa ating bagong Gatpuno, Alkalde, Mayor Walter B. Marquez, maraming salamat sa pagtitiwala. Sa mga namiminuno sa mga tanggapan, sa mga uring manggagawa ng Pamahalaang Lokal, maraming salamat sa inyong panimulang suporta at sa mga susunod pa.

Kasihan nawa tayo ng Diyos, ang Banal at Pinaka-makatarungang Lingkod-Bayan sa bagong administrasyon ng Taong Itim.

Magandang araw ng Lunes po sa lahat!

-----

(Talumpati sa okasyon ng Pagtatalaga bilang Pansamantalang Tagapamahala ng Bayan ng Sablayan na ginanap sa Seremonya ng Pagtataas ng Watawat sa Municipal Compound noong ika-4 ng Hulyo, 2022)

No comments:

Post a Comment