Monday, August 15, 2022

Si Carlo Maria Cipolla at ang Diskurso ng Katangahan

Saktong isandaang taon ngayon, isang historyador sa ekonomiya ang isinilang sa Pavia sa bansang Italya na may pangalang Carlo Maria Cipolla na noong 1976 ay iniakda niya ang isang maintrigang aklat na pinamagatang "The Basic Laws of Human Stupidity". Alay ko ang sanaysay na ito sa aking mga kaibigan sa akademiya at mga guro sa okasyon ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.

Si Cipolla ay ipinanganak noong ika-15 ng Agosto, 1922 kaya sentenaryo ng kanyang kapanganakan ngayong araw. Maligayang face-to-face din sa inyo, mga kaibigan kong guro.

Sa sulatin, hinati ni Cipolla ang ‘sangkatauhan sa apat na kategorya: Matalino (Intelligent), Tulisan (Bandit), Sawimpalad (Helpless) at Tanga (Stupid). (Akin ang malayang salin sa Filipino.).

Ayon sa may-akda, may Limang Batas ang Katangahan (Muli, malayang salin ko ito) at ito ang mga sumusunod: 

1.    Hindi maiiwasang minamaliit natin ang dami ng mga tanga sa ating paligid.

Sa ating barangay halimbawa, alam natin na may mga taong tanga pero dahil sa kanilang maayos na katatayuan sa buhay ay ipinapalagay natin na hindi sila tanga. Para sa atin, ang mga may mataas na pinag-aralan, ang mga mayayaman nating kapit-bahay ay hindi mga tanga dahil nga nagtapos sila sa Princeton halimbawa,  maraming kotse, may mansyon at limpak-limpak na salapi. Dahil dito, ipinapalagay natin na hindi sila mga tanga. Ang mga sindikatong hindi masakote ng mga parak ay hindi tanga, gayundin ang mga pulis na yumaman pangongotong. Ang mga kapitalistang sakim na lalong yumayaman ay hindi mga tanga dahil nga kaya nilang pagsamantalahan ang mga uring obrero. Para sa marami sa atin, ang mayaman at matagumpay na tao ay hindi tanga.

Pero sa tunay na buhay, may mga bilyonaryo’t sikat din namang tanga. Yung iba nga mga propesor pa at dalubhasa pa o may doktorado, at may mga kilalang pulitiko pa nga. Talakayin natin ito kaya heto ang ikalawa…

2.   Ang patunay na tanga ang isang tao ay walang kinalaman sa iba pa niyang mga katatayuan o karakter.

Ipinapalagay ni Cipolla na ang katangahan ay isang bagay na nanatiling kanya-kanya sa lahat ng grupo ng tao. Nasaang antas ng buhay man o pagka-bansa, kasarian, pinag-aralan, relihiyon, kulay ng balat, edad, idolohiya at paniniwala. Ang normal na tao ay maaaring maging tanga sa isang partikular na okasyon o pagkakataon ngunit hindi sa lahat ng oras. Ang tanga ay tanga nang ipinanganak at tanga na ring mamamatay. Kahit ang isang populistang presidente ng isang bansa, gaano man siya ka-makapangyarihan, pwede rin siyang maging tanga habambuhay.

3.   Ang taong tanga ay ipinapahamak ang ibang tao kahit wala siyang pakinabang na lalo pang nagbubulid sa kanya sa kapahamakan.

May kakilala ka ba sa Facebook na post nang post at share nang share ng mga tsismis o problema ng may problema kahit wala naman silang napapala sa paggawa ng ganoon? Yung nag-share ng tsismis na matapos malamang may masama pala itong implikasyon sa kanya o sa taong pinapalagay niyang si Sawimpalad ay dinelete agad? Hindi ba katangahan yun?

Kagaya nang sabi ko kanina, maliban kay Tanga, may tatlong tao pang nabubuhay sa mundong ito, ayon sa sumulat. Una ay si Matalino na sa lahat ng kanyang ginagawa, mabuti man o masama, ay nakikinabang ang kanyang kapwa at siya rin mismo ay may pakinabang. Sunod kay Matalino ay si Tulisan na nagiging mayaman at makapangyarihan dahil sa ibang tao. At ang huli, si Sawimpalad, ang palagiang inaabuso at walang nagtatanggol lalo na ni Tulisan.

Nasa ating buong pagkatao daw ang katangian ng apat na taong ito na parang Parent-Adult-Child ng sikolohistang si Eric Berne sa teorya niya sa kanyang transactional analysis model na itinuro sa atin noon sa kolehiyo. Matagal ko nang nabasa si Berne, pero nito ko pa lang nabasa si Cipolla at napaka-interesting ng kanyang libro.

Kung minsan daw, tayo ay may pagkakataon na si Matalino, may mga tsansa rin minsan na tayo ay si Tulisan, maaari rin namang kung minsan tayo ay si Sawimpalad.

Halimbawa: Kung ang isang puta sa Gitna ay sakitin na sa kakatrabaho pero hindi binibigyan ng makatarungang sweldo ni Mamasang, ang putang iyon ay si Sawimpalad dahil siya ay inaabuso at pinagsasamantalahan. Sa sitwasyong ito, si Mamasang ay si Tulisan dahil siya ang nang-aabuso. Ngunit kung binibigyan naman ni Mamasang ng tamang parte ng kita ang puta at naging tapat siya at nakukuha naman ng puta na makapagpagamot at lubusang makinabang sa kanyang pinagputahan, si Mamasang ay nagiging si Matalino.

Ang totoong sukatan ng talino ay ang pagiging mabuti sa kapwa at hindi lamang sa tinapos sa paaralan o galing sa klase o sa pagresolba sa mga problema sa matematika o sa pagsasalita ng English. Hindi ito nauunawaan ni Tanga dahil tanga nga siya.

Ano ang kaibahan nina Matalino, Tulisan at Sawimpalad kay Tanga? Well, alam ni Matalino na siya ay matalino sa ilang larangan at hindi sa lahat ng bagay at pagkakataon. Alam rin ni Tulisan na siya ay tulisan kung minsan (o kahit palagi). Batid ni Sawimpalad na sawimpalad talaga siya sa isang yugto ng kanyang miserableng buhay. Pero si Tanga, kailanman ay hindi niya alam na siya ay tanga dahil tanga siya sa lahat ng oras!

Sabi ni Cipolla, ito ang dahilan kung bakit si Tanga o ang katangahan ang pinakamapanganib sa lahat.

Ang masaklap, hindi sapat ang katalinuhan ni Matalino para intindihin o unawain ang katangahan ni Tanga. Mas madaling unawain ni Matalino si Tulisan. Ang gawi at kilos kasi ni Tulisan ay may lohika at layon, gaano man ito kasama, rasyunal ito. Nakikinabang si Tulisan sa kanyang pagkatulisan. At dahil nga may lohika, rasyunal at may layon ang kilos ni Tulisan, pwede nating pag-aralan ang gawi niya para malabanan natin ang krimen. (Kaya ito ang dahilan kung bakit marahil may kursong Criminology. Para mapag-aaralan natin ang krimen upang masawata ito o mabawasan.)

Pero sa mga tanga (o kay Tanga), wala tayong laban. Dahil nga walang layon, irasyunal at ilohikal ang kanyang mga ginagawa, hindi natin kayang i-predict o pag-aralan ang kanyang mga gawi at kilos. (At ito rin marahil ang dahilan kung bakit walang kursong Stupidity. Pero bakit kaya kahit magkagayon ay maraming “cum laude” sa katangahan?)

Malaking delubyo ang makihalubilo sa mga tanga, on-line man o off-line, in-person man o virtual, may Covid man o new normal na. Kaya ka nilang mang-harass at mang-bully kahit walang dahilan, kahit wala naman silang mapapala dito, kahit wala silang planadong hakbang para gawin ito sa mga hindi inaasahang pagkakataon at lugar. Hindi kayang hulaan o rasyunal na matiyak kung kailan, saan, bakit at kung papaano nila tayo aatakehin o babanatan. Kaya wala tayong kalaban-laban kay Tanga. Para lang tayong mga langaw na kakawag-kawag sa sapot ng gagamba kapag nagkataon.

Hindi natin maipagtatanggol ang ating sarili sa harap ni Tanga at sa kanyang katangahan. Mas mabuting dedmahin na lang siya kung tayo ay kanyang inaatake, pero hindi dapat na ...

4.   Ang mga hindi tanga ay minamaliit ang kakayanan ng mga tanga na makapagpapahamak ng kapwa.

Dahil sa minamaliit natin ang kakayahan ng mga tanga na tayo ay ipahamak, hindi natin sila iniiwasan. Kinakaibigan pa natin si Tanga (Yung iba nga pinapakasalan pa o ginagawa kumpare o kumare). Tuwang-tuwa pa nga tayong kasama siya dahil sikat siya (Oo, mas sikat si Tanga kaysa kay Matalino). Kahit may bababala sa kasabihang “same birds flock together” enjoy na enjoy pa rin tayo sa kanilang piling, minamaliit natin ang kanilang kakayahan makapanakit o makapagpahamak sa atin. Nakikipag-halakhakan pa rin tayo sa kanila, nakikipagtagayan at ang pinakamasakit, nadadala hanggang sa umaayon na tayo sa kanilang katangahan.

Sino ba ang mga pinakamapanganib na tao? Ang mga kriminal ba? Ang mga terorista? Ang mga riding in tandem? Ang mga police scalawags ba? Ang mga sindikato? Si Tulisan ba? Hindi!

5.   Si Tanga, higit kay Tulisan, ang pinakamapanganib na tao sa balat ng lupa.

May magagawa tayo para labanan ang Communist insurgency kaya nga may NTF-ELCAC tayo o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, pero wala tayong NTF-ELSAC o National Task Force to End Local Stupidity Arising from Awed Conscience.

Pero ano ang magagawa ng estado para supilin ang katangahan? Ang isang bansa ay kayang wasakin ng katangahan ng kanyang mga mamamayan na masasalamin sa pakikisangkot sa lipunan tulad ng halalahan at iba pang diskursong bayan. Ang katangahan ng mga mahilig na manood ng sine ay madaling matulisan ng mga tulisan ding prodyuser at direktor ng pelikula (na maaaring mula rin sa pamilyang tulisan).

Ang masaklap, sa Pilipinas ay patuloy ang pagdami ng mga tulisan at tanga sa lahat ng panig at larangan sa ating lipunan. Ito ang pinaka-deadly combination sa ating buhay-bansa, sa aking palagay.

Sa ganang akin, ang sukatan ng pagiging matalino ay ang pagiging makatao. Hindi rin katangahan maging makatao dahil sa huli, kapwa tao rin natin ang makakasalamuha natin at maghahatid sa atin sa tagumpay. Samakatuwid, ang pagiging matalino ang daan ng tao para maging dakila.

Pero walang matalinong tao ang hindi marunong tumulong sa mga sawimpalad. Gayundin naman, walang dakilang tao ang hindi tumutulong sa kapwa niyang inaapi at pinagsasamantalahan. Walang dakilang tao tagamasid lang sa panunulisan sa iba. Ang katalinuhan ang dapat na nagtutulak at nagtuturo sa atin na kilalanin at kalingain ang kapwa.       

Ang tanging paraan upang malabanan si Tanga at si Tulisan ay kumilos ng sabay si Matalino at si Sawimpalad na linisin at apulahin nang may katalinuhan at tapang ang mga katangahang ikinakalat ni Tanga at mga panunulisan ni Tulisan. Magagawa ito nina Matalino at Sawimpalad sa pamamagitan ng mga mapagpalayang panlipunang pagkilos at aktibong pakikilahok sa mga prosesong demokratiko at pagka-mamamayan.

Ito ang aking diskursong pansarili sa Katangahan matapos kong mabasa si Cipolla.

Isandaang taon gulang na sana ngayong araw si Carlo Maria Cipolla na namatay noong ika-5 ng Setyembre, 2000.

Riposa in pace per il tuo compleanno, Signore.

-------

(Photo: Libriantech.online)

No comments:

Post a Comment