May isang kaibigan na nagpaalala sa akin na ika-33 anibersaryo raw ng DZVT sa Miyerkules, Marso 6, 2024, kaya sinubukan kong magnilay at magbalik-tanaw. Sa kanya ko lang nalaman na nag-eere na pala itong muli. Kamakailan ko lang ito nalaman.
Limitado ang sulating ito sa mga panahong naroroon lamang ako, ayon lamang sa aking naaalala at nais na isiwalat.
Ngayon ko lang napagtanto, and it’s the irony of all ironies, una palang napakinggan sa ere ang DZVT sa loob na observance ng Fire Prevention Month at ngayong taon ay nasa loob rin ng Kuwaresma.
Pero hindi maikakaila na malayo at masalimuot ang sinuong ng himpilan ng radyo. Mula sa kanyang mga abo, kumbaga, kagaya ng mito ng ibong phoenix, muling nabuhay at suma-himpapawid ang radyo totoo. Sa Lumang Tipan, ang abo ay isang panlabas na pagpapahayag ng ating pangangailangang magsisi at magsimulang muli.
Ang Salita ay Naging Tinig, Alingawngaw
Nang maitalaga bilang kauna-unahang Obispo ng Kanlurang Mindoro si Lubhang Kagalang-galang Vicente Credo-Manuel, SVD, DD na ipinanganak at lumaki sa nasabi ring lalawigan sa bagong likha ring Simbahang Lokal, layon na niyang magtatag ng isang himpilan ng radyo upang maisabuhay ang pananaw nito na maging, “Isang Pamayanang Kristiyano na Sama-samang Sumasamba, Naglilingkod at Nagpapatotoo kay Kristo.” Ang Pamayanang Kristiyano sa pinaikling katawagan ay PAKRIS.
Sa pamamagitan ni Papa Juan Pablo II, nilikha sa pagiging Bikaryato Apostoliko ng San Jose ang dating Parokya ni San Jose, ang Manggagawa, noong ika-27 ng Enero, 1983. Makalipas lamang ang pitong taon, isinilang ang kauna-unahang Katolikong himpilan ng radyo sa buong isla ng Mindoro at pangalawa lamang sa lalawigan. Ika-6 ng Marso, 1991 nang basbasan at pinasinayaan ng Arsobispo ng Cebu, Lkgg. Ricardo Cardinal Vidal, DD, at nagsimula itong mag-broadcast sa Labangan Poblacion, San Jose, Occidental Mindoro. Ang DZVT ay tinawag na “Tinig ng Pamayanang Kristiyano sa Occidental Mindoro.”
Ang mga letrang “VT” sa call sign ng DZVT ay mula sa motto ng Obispo na sa wikang Latin na “In Verbo Tuo” (Sa Iyong Salita). Nang lumaon, naging kasapi ng Catholic Media Network (CMN) ang himpilan.
Propetikong Misyon
Sa pangunguna ni Obispo Manuel at ng mga naunang namahala nito, sa panig ng pagpu-programa gayundin sa teknikal na aspeto, nagsa-himpapawid sila ng mga programang nagtatampok ng mga Programang Pastoral ng Bikaryato tulad ng sa mga katekista, mga katutubo, mga lay minister, human development, kilusang kabuhayan, mga Pamayanang Kristiyano (BEC) at iba pa.
Una sa lahat, direkta sa Katedral ni San Jose, nagsasahimpapawid din ito ng pagdiriwang ng Banal na Misa tuwing araw ng Linggo lalo na sa umaga, at mga live broadcasts sa mga espesyal na okasyong pan-Simbahan kabilang ang mga vicarial assemblies at iba pa, lalung-lalo na kung may mga bisitang puno ng Partikular na Simbahan.
Para sa akin, isinabuhay ng Obispo na ang panlipunang pakikisangkot ay isang propetikong misyon ng Simbahan.
Nagtampok din ito ng mga tugtugin at awiting sekular na ayon sa mga doktrinang Katoliko at hindi salungat pero ayon sa mga katuruan nito maging pagbabasa ng mga teksto mula sa bibliya at mga pagninilay. Kabilang na ang mga kalalabas ng Palibot-Liham ng mga nakatataas, lalung-lalo na mula sa Kapulungan ng mga Obispo sa Pilipinas (CBCP) at iba pang mga dokumento at sulatin mula sa Simbahan. Kinagiliwan ng mga tagapakinig ang patimpalak na tinawag na “Awitan sa Pamayanan”. Ito ay umabot na isinagawa maging sa kalapit na bayan ng Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro at maging sa Coron at Concepcion sa Palawan. Ngunit mayor na inilulunsad ito sa mga Pamayanang Kristiyano sa ibang mga barangay sa lalawigan na sila mismo ang nagtataguyod at mula sa kanila ang sumasaling kalahok at rekurso.
Sa mga unang taon ng Radio Ministry ng AVSJ, tunay na naging mouthpiece (o tinig) ng mga mananampalaya, lalung-lalo na ng mga batayang sektor ang DZVT. Naging daluyan ito ng mga impormasyon at kaalaman, katekismo, pa-anunsiyong pastoral ng mga BEC at ng mga Pastoral Offices mismo. Naging alingawngaw ang marubdob na pagtututol nito sa mga panlipunang isyu noong 1990’s kagaya nang pagtuligsa nito sa talamak na jueteng, illegal logging, korupsyon, mga paglabag sa karapatang tao kapwa ng mga sundalo at rebelde, at pagtataguyod ng pantribu at kultural na kagalingan ng mga Mangyan.
Sa panahon ni Bishop Manuel, nakita, nadama at naging saksi ang mga Pamayanang Kristiyano kung papaano ginampanan ng DZVT ang propetikong papel ng Simbahan.
Naging daluyan din ito, hindi lamang sa mga espiritwal na pangangailangan ng mga mananampalataya, kundi maging ng mga aktibo ngunit hindi marahas na kilos-bayan laban sa mga tinatawag na social evils na nabanggit sa itaas. Katulad ng kilos-masa laban sa pagtatayo ng Petron Bulk Plant sa Aroma Beach sa San Jose, na magdudulot ng pang-kalikasang kasiraan at peligro sa makasaysayan at pamosong baybayin ng bayan.
Mga naging tagapamahala ng himpilan ang mga layko na sina Perry Fernandez, Rudy Candelario, at Perlito Villador at mga diyosisang pari na sina Padre Ruben Villanueva, Ronilo Omanio at Giovanni Gatdula.
Ang mga naging anchor ng Pintig ng Bayan bago kami nina Daisy Del Valle Leano at Rey San Jose ay sina Rod Agas at Fr. Jun Villanueva.
Sa aking pagkakabatid, lahat ng mga istasyong kasapi ng Catholic Media Network (CMN) ay batid na sa bawat Katolikong brodkaster, and lahat ng mga pangayayari sa araw-araw, wika nga, ay God’s agenda for action. Hindi lamang sa salita nakikilala ang tunay propeta (basahin: saksi) kundi sa kanyang aksyon o pagkilos.
Sa pahina ng 307 ng kanyang aklat na “Communicating in Community: An Introduction to Social Communication” tumapakang isinulat na Fr.Franz-Josef Ailers, SVD : “Prophetic communication serves truth and challenge falsehood. Prophetic communication stimulates critical awareness of the reality constructed by the media and helps people to distinguish truth from falsehood, discern the subjectivity of the journalist, and disassociate that which is ephemeral and trivial from that which is lasting and valuable. Often it is necessary to develop alternative communication so that prophetic words and deeds can be realized.”
Hanggang Kalaliman
Taong 2000 nang bumaba sa katungkulan si Obispo Manuel. Hinalilihan siya bilang Apostolikong Tagapangasiwa ni Obispo Antonio Pepito-Palang, SVD, DD. Noong ika-26 ng Hunyo, 2000 hanggang sa tuluyan na siyang ordenan at italaga bilang ikalawang Punong Pastol ng Bikaryato noong Mayo 31, 2002.
Sinubaybayan at ibinalita ng DZVT ang kaso ng walang awang panggagahasa at pagpatay sa isang second year highschool student na si Elizabeth Albacino, 16, sa Sitio B-1, Barangay Central, San Jose, Occidental Mindoro. Ang mga suspek ay pinalalaya umanong mga bilanggo sa Magbay Provincial Jail. Naganap ang krimen noong Agosto 14, 2003.
Sa panahon ni Obispo Palang, tumuon at naging malalim ang panlipunang pakikisangkot ng DZVT lalo na sa mahipit na pakikipag-ugnayan nito sa Commission on Elections (COMELEC), PPCRV, NAMFREL at iba pa tuwing panahon ng halalan sa mga aktibidad gaya ng voters’ and political education, media quick-count at candidates’ fora.
Teka, naalala ko rin nga pala, sa pagtalakay namin ng walang humpay sa tungkol sa problema noon sa kuryente at gusot sa loob ng OMECO, ako kabilang ang dalawa kong co-hosts sa Pintig ng Bayan ay inireklamo sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) noong November 7, 2008. Pero wala rin kinahinatnan ang reklamo dahil alam namin na hindi naman kami lumalampas etiketa ng pamamahayag sa pagbabalita namin ng katotohanan.
Naging tampok din ang mga diyalogo sa pagitan ng mga opisyal ng sundalo at Mangyan sa usapin ng kapayapaan at kaunlaran. Matapos ang karumal-dumal na pagpatay sa isang pamilyang Mangyan ng mga sundalo sa tinawag noong “Talayob Massacre” sa bayan ng Magsaysay, sa pakikipag-ugnayan sa Parokya ng Mabuting Pastol, Mangyan Mission ng AVSJ, at ng Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro o PASAKAMI, naisa-madla ang pangyayari hanggang sa umabot ito sa mga kinauukulang tanggapan ng pambansang pamahalaan at nalagdaan at mapinalisa ng ng Kasunduan ng Kasundaluhan at mga Mangyan para sa kapayapaan.
Ang malagim na pangyayari ay naganap noong Hulyo 21, 2003 sa Sitio Talayob, sa Barangay Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro. Pinapurihan ng Sulong Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law or Sulong (CARHRIHL) Network ang DZVT sa naging papel nito sa paglulunsad at pagpapatibay ng nasabing Peace Covenant.
Patuloy na naging tambuli ng pananampalataya ang DZVT sa mga pagkilos laban sa pagmimina. Mismong si Obispo Palang, kasama ang kanyang mga pari, mga madre at lider ng PARKIS ang nanguna sa halos 5,000 kalahok sa rally laban sa Mindoro Nickel Project noong Mayo 27, 2009 na lumundo sa pamamagitan ng mga edukasyong mulat-malay na ini-ere halos araw-araw noon sa DZVT na hindi ko na maalala.
Ang motto naman ni Obispo Palang ay “Duc in Altum” o “Ihulog sa Kalaliman.” Sa kanyang panunungkulan, ipinailalim sa Diocesan Human Development Commission/Social Action Center (DHDC-SAC) ang DZVT hanggang mula sa Seminary Compound ay inilipat sa AVSJLM Warehouse Compound sa Labangan ang broadcast studio nito mula sa Chancery Building sa Seminary Compound.
Maliban sa patok na Dial 1369 ni Vic Barrios, isang song and live dedication program, may mga family oriented din at magazine type programs na kinagisnan namin noon.
Ang dati nitong tagline na “Ang Tinig ng Pamayanang Kristiyano sa Occidental Mindoro” ay naging “Radyo Totoo sa Kanlurang Mindoro”.
Misteryosong Apoy
Oktubre 26, 2011 nang ang pagsasa-himpapawid ng pahintuin ng isang misteryosong sunog. Maliban sa sunog sa himpilan at transmitter ng radyo, may sunog ding naganap sa Records Section sa Chancery Building sa Seminaryo, mga tatlong kilometro ang layo sa isa’t-isa.
Nunit bago ito, noong Oktubre 21 nang nasabi ring taon ay pinagtangkaan nang sunugin pero naapula ng mga kapit-bahayan ang apoy. Kaaagad na ipinaalam sa mga kinauukulan ang pagtatangka ngunit walang naging desisyon dito ang mga nabanggit.
Nilamon ng apoy ang radio transmitter na donasyon dati pa ng Archdiocese of San Francisco at ilan pa ng donor. Nasa labas nang lalawigan noon ang mga kaparian para sa iba’t-ibang mga aktibidad nang mangyari ang sunog.
Hanggang sa kasalukuyan ay misteryong maituturing ang naganap na sunog.
Naging mitsa din ito ng hidwaan at hindi pagkakaunawaan hindi lamang sa hanay ng mga pari kundi maging sa mga Pamayananang Kristiyano noon. Aminin man nila o hindi.
Sa aking pagninilay ay nasagi ito sa aking isipan: Ang ministeryo ng mga pari na pinasimulan ni Kristo mismo ay tunay na dinalisay ng apoy, apoy ng pananampalataya at hindi ang apoy ng pamiminsala. Ang una ay apoy ng pagka-dalisay habang ang huli ay apoy ng pagkawasak, apoy na misteryosong umahon mula sa Impyerno. Ang apoy na gumupo sa istasyon ay ang huli.
Naganap na
Ilang taon din ako noong naging co-anchor ng maka-Kristiyano at sumusunod sa diwa ng social communication principles na public affairs program na “Pintig ng Bayan”.
Iyan ang mukha ng apostoladong pang-radyo na aking natatandaan ngayon. Sa loob nang 25 taon na inilagi ko sa Bikaryato bilang Social Advocacy Program Coordinator ng DHDC/SAC, at sa pagiging personalidad ng radyo ang nagturo sa akin sa doktrinang panlipunan ng Simbahang Katolika lalo na ang malasakit sa buong sambayanan, lalo na para sa mahihina't mahihirap, at paggalang sa layĆ ng tao, kasama rito ang karapatan sa pribadong pag-aari.
Pinuna ang mga tiwali, tinutulan ang mga mali at hindi makatao, makabayan, maka-kalikasan at maka-Diyos na patakaran at kalalagayan. Marami ang natigatig, mga pulitiko at negosyante, kabilang na ang ilang pari.
Tunay na matatag ang Simbahan laban sa banta mula sa labas nang kanyang bakuran ngunit mahina ito laban sa banta mula mismo sa kanyang sinapupunan.Nang magisnan ko na lamang ang aking sarili na nasa ibang gawain sa labas ng programang pastoral nito ay saka ko napagtantong tama ako.
Naganap na ang dapat maganap, masakit sa loob kong iniwan ang aking nakagisnang gawain na itinuring kong bokasyon, hanggang sa mapadpad ako sa laot ng serbisyo publiko at patuloy na naglalayag bilang lingkod-bayan hanggang ngayon.
Muling Nabuhay
Nabigla na lang ako kamakailan sa isang kaibigan na nagsabing isang araw nang muling nabuhay sa talapihitan ng aming radyo ang DZVT. Hindi ko na matandaan marahil ay dahil iba na ito ngayon. O dahil wala na ako doon. Baka naman nalimutan (o kinalimutan) ko na lang.
Itinuro sa amin noon na ang tunay layon ng anomang istasyon ng radyo, maging ito ay sekular o hindi, ay upang ipamandila ang katotohanan.
Kapag tayo ay inaaliw lang at napapako sa mga tribyal na bagay at umiiwas sa mga panlipunang isyung kinasasangkutan ng pamayanan at mga mananampalataya. Hangga’t hindi tayo tumutugon sa mga panaghoy, hinaing at pitig ng bayan, wala pa tayong sapat na dahilan upang magdiwang sa ating pag-iral.
Ipanalangin natin na ang DZVT ay patuloy na sumulong at maging tagapagsalita ng Simbahan sa pagpapahayag at pagkilos para sa pagbabandilyo sa mga kagyat na problema tungo sa kalutasan nito, at mga isyung panlipunan at pampulitika na naka-ayon sa Kanyang Salita at kalaliman ng ating pananampalataya. At maging Tinig ng Pamayanang Kristiyano na kapanalig nila laban sa mga kasamaan sa lipunang nagpapahirap sa kanila.
Sa diwang ito ay magpapatuloy bilang mahalagang dimensyon ng ang DZVT ng Simbahang Naglalakbay.
Pagbati sa lahat at sa mga kasalukuyang namumuno nito!
No comments:
Post a Comment