Saturday, December 15, 2012

Mindoro Landing, 68 Taon Na



Bilang isang karaniwang mag-aaral ng ating kasaysayang lokal, sa kabila na ako ay hindi isang historyador sa istriktong kahulugan ng salita, saludo ako sa ginawang paggunita ng Pamahalaang Lokal ng San Jose sa pangunguna ni Alkalde Jose T. Villarosa sa ika-68 taon ng Mindoro Landing. Ang okasyon ay ginanap sa pamamagitan ng isang parada simula sa Brgy. Bubog  tungo sa marker nito sa Aroma Beach ng nasabing bayan kahapon, ika-15 ng Disyembre 2012.

Bilang isang karaniwang mag-aaral ng ating kasaysayang lokal, feel ko na malaking bagay ang pagiging kasangga ni JTV at ng LGU sa selebrasyong ito sa mga haligi ng larangang nabanggit, na sina G. Rodolfo “Bisi” M. Acebes, Prof. Gil C. Manuel at G. Rudy A. Candelario. Ang Tatlong Mago ng Kasaysayan ng Pandurucan at Kanlurang Mindoro na malaki ang naging impluwensiya sa aking pagiging self-proclaimed social communicator. Sila ang mga top brass ng Mindoro Historical Society. Si Acebes ay malapit na kaibigan ng aming pamilya na dating editor ko rin sa Mindoro Guardian-San Jose Bureau noon. Ang pagiging mapanlikha sa panulat at ilang mga gabay bilang alagad ng sining at Simbahan ay kay Sir Gil ko naman natutunan. At si Kuya Rudy, sa kanya ko nakuha ang kahalagahan ng pananaliksik (sa pamamagitan ng simpleng kuwentuhan) sa mga tao sa  pamayanan at ng pagtatala at pagsusulat ng mga pangyayari bilang kasama ko sa Bikaryato sa matagal na panahon. Sa ganang akin, ang kanilang pag-asa ay mas marubdob pa kaysa sa mga tala at sulatin na angkin nila. Matagal-tagal na rin mula nang makausap ko ang mga ito, pero okey lang dahil sa akin, everything they do looks better at a distance.

Bilang isang karaniwang mag-aaral ng ating kasaysayang lokal, sa aking palagay ay payak ngunit siksik sa impormasyon ang naging paggunita dito. Kahit papaano ay nakamit natin ang mithiin na, sabi nga ni Sir Gil, dapat maging makahulugan at makabuluhan ito. Matagumpay ito sa pag-uugnay sa mga pangyayari at tao noon at ngayon. Sa pamamagitan ng mga patimpalak sa pagbigkas, pagsusulat ng islogan at poster-making contest, at mga kultural na representasyon pati na ang dokyumentari hinggil sa pagmamahalan nina Sgt. Reynaldo Curva at Magdalena Chan. “I hope this [the celebration] happens every year”, sabi ni Bobby, anak ni Atty. Curva. All I can say is “Ditto.” Binigyan din ng pagpupugay at pagkilala ni Congresswoman Ma. Amelita C. Villarosa ang natitirang 14 na beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang samahan ng mga beterano ay binigyan din ng pondong 50 thousand pesos ng mag-asawang Villarosa, maliban pa sa mga indibidwal na insentibo.

Bilang isang karaniwang mag-aaral ng ating kasaysayang lokal, sa aking tingin ang kanilang deliberasyon ng historical perspective at personal account hinggil sa December 15, Mindoro Landing ay pasado.  Detalyado at vivid ang pagsasalaysay ni Ka Bisi hinggil sa military maneuverings ng mga Hapon at Amerkanong sundalo. Nakapagpapanilay din ang pag-quote ni Ka Bise kay Sen. Jovito Salonga na, “Ang bansa ay sinasalamin sa mga taong kanyang dinadakila”. Si Mrs. Felicidad C. Gaudiel naman ay kaswal na kaswal ang pagkukuwento ng kanyang karanasan noong giyera noong siya ay 13 anyos pa lang. Lalo na ang pag-akyat niya sa puno ng Katuray para manood ng dogfight. Para lang siyang nakukuwento sa mga batang sina Honey, Choy at Gino sa bahay nila sa Palanghiran. At, kwidaw ka, si Lola Idad, may bonus pang pag-awit ng “You Are my Sunshine”!

Bilang isang karaniwang mag-aaral ng ating kasaysayang lokal, sinususugan ko ang dalawang panukala ng Mindoro Historical Society na ituro ng mga guro sa Kanlurang Mindoro ang ating Kasaysayang Lokal at ang pagpapatayo ng Wall of Remembrance na kakikitaan ng mga pangalan ng mga lokal na bayaning namatay para Inang Bayan. Isang malaking sugpong ito sa Noon at Ngayon ng San Jose, ang bayan kong sinilangan.

Bilang isang karaniwang mag-aaral ng ating kasaysayang lokal, masasabi ko na naging totoo ang mga tao sa ikod nito sa hindi palulublob sa tinta at dyobos ng pamumulitika ang makasaysayang araw na ito. Pwede naman pala yun. Sana isa ang kasaysayan natin na magbubuklod sa ating mga lider balang araw. Hindi man sa gawa ay sa diwa man lang.

Ngunit ako ay hindi lamang mag-aaral ng ating kasaysayang lokal. Dahil sa ako ay isang binyagan, kritiko rin ako ng ilang isyung bayan…

----------
(Photo: King's Academy . Com)



No comments:

Post a Comment